Kinabukasan, tinanghali ng gising si Hazelle dahil napagod siya sa dami ng kanyang ginawa. Bukod kasi sa naglinis siya sa banyo ng kuwarto ni Alex, naglinis din siya sa buong kuwarto nito. At siya pa ang nagsalansan ng mga gamit doon. "Ang suwerte naman pala ng kasambahay mo dito, Gabriel. Ayos lang kahit tanghaliin ng gising," sarkastikong wika ni Alex bago inirapan si Hazelle. Yumuko si Hazelle at saka dumiretso na sa lababo para maghugas ng pinggan. Hindi naman niya gustong tanghaliin ng gising pero dahil mapagod siya, napasarap ang kanyang tulog. "Hazelle, mamaya ka na maghugas. Mag-almusal ka na muna dito," wika ni Gabriel. "Hayaan mo na siya, Gabriel kung gusto niyang maghugas. Hindi ba't masipag ang inaanak mong iyan? Bakit pinipigilan mo siya sa trabaho niya? Hayaan mo siyang

