Kinabukasan ay nag-abot ang mag-asawa. Isa lang naman ang ibig sabihin noon: nag-away na naman sila. Katulad kahapon, bago makaalis si Sir Archie ay nag-abang ulit ako sa pintuan. Inabot ko ang paper bag na naglalaman ng kaniyang magiging almusal mamaya.
Tinanggap ni Sir Archie iyon pero napansin ko kaagad ang matagal niyang pagtitig. Nakababa sa paper bag ang kaniyang walang emosyong mga mata at unti-unting napatigil sa paglalakad. Siguro, kung may buhay lang ang mga pagkain ay nalaman na nila malamang ang lalim ng kung anong iniisip ni Sir Archie.
“Sir? Ano pong problema?” marahan kong tanong.
Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. “Hindi mo kailangang gawin ito, Clara.”
“Ang... alin po?”
“Ang ipaghanda ako ng baon araw-araw,” iling niya. “Sanay na akong sa opisina kumakain, Clara. Hindi mo kailangang abalahin ang sarili mo para lang ipaghanda ako. At... huwag mo sanang mamasamain iyon.”
Bahagyang lumaki ang mga mata ko. Palipat-lipat ang aking tingin sa mukha ni Sir Archie at sa hawak niyang paper bag. Pakiramdam ko ay parang umurong ang tiyan ko.
“E... Kaya ko lang naman po ginagawa iyan ay bilang pasasalamat ko dahil hindi ninyo ako sinesante...” Lumiit ang aking boses.
“Huwag mo nang intindihin iyon. Ayos na iyon, hindi ba?”
Dahan-dahan akong tumango. Ganoon din ang ginawa ni Sir Archie bago lumukob ang halos isang buong minutong katahimikan sa aming pagitan.
“Sige, Clara. Mauuna na ako. Huwag kang mag-aalala. Kakainin ko naman itong hinanda mo para sa akin ngayong araw,” aniya sabay pakita ng paper bag.
Tipid akong ngumiti. Tumangong muli si Sir Archie at sinipat ang nakagaraheng sasakyan. Akala ko nga ay tuluyan na siyang aalis pero isang buntong-hininga ang aking narinig mula sa kaniya.
“Alam mo, Clara, mabait kang bata. Responsable kang kapatid at anak. Nakita ko iyon sa’yo kaya kahit siguro nasisante ka ay sisiguraduhin kong mahahanapan kita ng iba pang magandang trabaho,” biglaang saad ni Sir Archie.
Hindi ako sigurado sa narinig kaya ilang beses akong napakurap. Ako ba ang kausap niya?
“Maswerte kaming mag-asawa dahil ikaw ang maiiwan dito sa bahay,” dagdag niya. “Pero hindi mo na kailangang ipagpasalamat pa iyon. You’re doing everything for your family, Clara. Ayaw mong masisante dahil sila ang iniisip mo. Kung sino man ang dapat na may pasalamatan dito, ikaw ‘yon.”
“Sir naman...” Uminit ang aking mga pisngi.
“Sana ay makatapos ka ng pag-aaral, Clara. Sana ay magtagumpay ka sa mga pangarap mo.”
Ilang segundong nakababa ng tingin sa akin si Sir Archie. Palipat-lipat lamang ang aking mga mata sa kaniyang mukha, seryosong-seryoso, kaya hindi ko inasahan ang isang marahang ngiting umusbong mismo sa aking mga labi. Napalitan ang panlalamig ng aking tiyan ng isang init na umabot hanggang sa aking puso.
Sa huli ay tinapik ni Sir Archie ang aking balikat at muling nagpaalam. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko nagawang kumaway dahil nanatili akong tulala.
Kalaunan ay bumalik din ako sa aking paglilinis. Hindi mawala-wala sa isip ko ang mga sinabi ni Sir Archie sa akin kanina. Ang sarap-sarap kasing pakinggan. Ang sarap marinig mula sa ibang tao na nakikita nila ang pagpupursigi mo. Lalo lang umepekto iyon dahil nanggaling pa sa boss ko.
Pero... kawawa naman iyong si Sir Archie. Hindi na nga siya pinagsisilbihan ng kaniyang asawa pagkatapos ay hindi pa kumakain ng almusal sa bahay.
Bukod sa gusto ko siyang pasalamatan dahil hindi niya ako sinesante, ang isa ko pang dahilan ay ang bagay na iyon. Inisip ko lang naman na kung hindi siya kayang mapaghandaan ng simpleng almusal ng kaniyang asawa, pwede naman siyang pabaunan ng isang kasambahay.
Pero siguro nga ay tama si Sir Archie. Mas maganda siguro kung sa opisina na lang siya kakain dahil paniguradong mas maraming pagkain doon. Ako lang naman itong gustong mag-abot dahil... sa napapansin kong nangyayari sa kanilang mag-asawa. Pakiramdam ko kasi, kapag tinitingnan ko si Sir Archie ay ang lungkot-lungkot niya.
Mukhang matagal na nga sila ni Madame Sofia base sa mga picture frame na aking kasalukuyang nililinis. Ibig sabihin ba noon, matagal na ring walang nag-aalaga sa kaniya?
Nilibot ko ang tingin sa buong bahay. Ang laki-laki nga pero wala namang ibang tao kung hindi ako, si Milly na nasa labas at si Manong Rene na lagi pang wala.
Kapag nag-aaway sina Sir Archie at Madame Sofia, mas kawawa si Sir Archie. Sa nakikita ko kasi, bukod sa walang nag-aalaga sa kaniya ay wala rin siyang kakampi. Ang lungkot pala ng buhay na ganoon. Mayaman nga pero parang salat naman sa kalinga.
Kaya hinahandaan ko ng breakfast si Sir Archie para sana makatulong pero... wala naman akong magagawa kung ayaw niya. Ayaw ko namang manghimasok.
“Huwag kang paloloko sa mga iyan, Clara. Probinsyana ka pa man din.” Umiling si Milly kahapunan nang mapuna ko ang estado ng relasyon ng mag-asawang Delgado.
“Anong ibig mong sabihin?” Napakurap ako.
“Hay naku, Clara! Pinagkukwento mo pa ako...” Napailing si Milly habang nagtutupi ng mga sinampay. “Iyang ama kasi ni Sir Archie ay kamamatay lang noong isang taon. Iyon ang hula kong nakaapekto sa pagsasama nila. Naging busy na, wala nang time para sa isa’t isa.”
“Hindi ba’t kapag namamatay ang isang magulang ng anak-mayaman ay lalo pang yayaman ang kaniyang mga anak? Kasi may maiiwan? Ganoon ba iyon?”
“Naiwan nga sa kaniya ang lahat. Mga problema!”
Bahagyang kumunot ang noo ko. Itinuloy ni Milly ang pagtutupi ng mga damit pero muling napatitig sa akin.
“Ganito kasi iyan, Clara. Lima ang magkakapatid na iyan. Naku, kung sana ay naabutan mo si Sir Rico, iyong panganay. Ang gwapo! Nasa America na sila ngayon kasama ng sariling pamilya. Si Miss Rana naman, iyong bunso at paborito, patay na rin dahil naaksidente. Watak-watak nga silang pamilya pero si Sir Archie ang natira dito. Bilib nga ako dahil kahit siya ang huling pinapaboran ni Don Apollo, siya pa rin ang sumalo ng lahat.”
“Don Apollo?” Tumagilid ang aking ulo.
“Oo! Hindi mo kilala?!” Ngumiwi si Milly.
Umiling ako kaya naman napairap siya.
“Saang probinsiya ka ba galing, Clara? Ano ka ba? Si Don Apollo lang naman ang pinakamayaman sa lahat. Ang pinakamatalino at pinakatanyag. Muntik pa ngang tumakbo bilang presidente ng Pilipinas! Pero ayun, namatay rin.”
Hindi ako masyadong nagtuon ng pansin doon. Ang mas inisip ko ay si Sir Archie. Sabi ni Milly ay hiwa-hiwalay na sila ng kaniyang pamilya. Tapos ay namatay pa ang ama at isang kapatid. Bali siya na lang ang naiwan dito upang asikasuhin ang lahat ng kanilang mga naiwan.
Sa tingin ko, kailangan niya ang kaniyang asawa. Kailangan niya ng suporta pero... wala e. Sa halip na sila ang nagtutulungan, sila pa ang nag-aaway.
“Kawawa naman si Sir Archie...” bulong ko.
“Oo rin. Mayaman nga pero ganoon naman ang nangyari. Tapos hindi pa sila okay ni Madame Sofia. Totoo nga ang sinasabi nilang... You don’t have it everything. Tama ba?”
“Kung ako lang ang asawa ni Sir Archie, aalagaan ko siya at mamahalin nang lubos.” Hindi ko napigilan ang sarili. Lumaki ang mga mata ni Milly na sinuklian ko ng isang malungkot na ngiti. “May mabuti siyang puso kaya dapat lang na isang mabuti at masaganang pagmamahal ang maibigay sa kaniya.”
At kung ako ang asawa niya, magiging magkakampi kami sa lahat ng bagay. Hinding-hindi ko siya hahayaan harapin ang mga bagay na mag-isa. Kung ako ang asawa niya... pero hindi e. Ngunit... hindi rin naman siguro ibig sabihin noon ay wala na akong magagawa? Kahit bilang kasambahay man lang.
Pagkatapos ng mga gawaing-bahay ay nagpahinga muna ako bago naligo. May ilang oras pa ako para sa sarili dahil maaga akong natapos. Gusto ko nga sanang magbasa-basa muna para sa unang araw ko sa klase ay handa na ako. Kaso ay hindi naman ako nakabili ng mga libro noong enrollment. Wala pa kasi akong sweldo e. Sa katapusan pa ako makakabili dahil doon pa lang ibibigay ang sahod.
Kinagabihan, hindi tuloy ako makatulog dahil wala namang masyadong ginawa kanina. Si Milly, ayon, parang tambutso ng trak kung humilik.
Ilang sandali pa ay naulinigan ko ang pagbukas ng gate. Sumunod naman ay ang ugong ng sasakyan. Hatinggabi na. Hula ko ay si Sir Archie iyon dahil siya ang laging talo sa paligsahan nilang mag-asawa na pagabihan kung umuwi. Mamayang alas-tres pa siguro ang dating ni Madame Sofia.
Napagpasiyahan kong bumangon muna. Sisilipin ko ang gate kung naikandado ba nang maayos at para na rin kung sakaling may ipag-uutos si Sir Archie. Sakto namang naabutan ko itong kapaparada lang ng kotse.
“Oh, Clara. Bakit gising ka pa?” aniya nang makababa.
“Magandang gabi po, Sir Archie. Hindi kasi ako makatulog e,” sagot ko. “Baka po may ipagagawa kayo o nagugutom kayo? Gusto ninyo ho bang kumain?”
“Hindi na. Gabi na rin. Ang mabuti pa ay matulog ka na, Clara.” Lumakad na ito patungo sa pintuan, patungo sa aking kinatatayuan.
Sa isang saglit ay pumasok sa isip ko na sa mga ganitong oras din naganap ang nangyari sa aming dalawa noong nakaraan. Tumaas ang mga balahibo ko sa alaalang iyon. Nakalapit na si Sir Archie kaya napalunok ako.
“Sir! A-Ako na po riyan...” Dinuro ko ang kaniyang dalang laptop at blazer.
“Sigurado ka?”
“O-Opo,” mabilis kong tango sabay kuha ng kaniyang mga inabot.
“Sige, salamat...”
Tumango ako at tumalikod kaagad dahil naramdaman ko na ang pag-iinit ng aking mga pisngi. Hindi nakakatulong na nasa likuran ko lamang si Sir Archie, paniguradong pagod na pagod galing sa trabaho tapos ay ganito pa ang mga iniisip ko.
Napailing ako sa sarili. Siya na rin ang nagsabi. Tapos na iyon. Walang malisya iyon. Kaya bakit ngayon ko pa talaga naalala?
Medyo nakahinga naman ako nang maluwag nang makapasok sa kaniyang study. Ang kaniya ay sa ground floor, ang kay Madame Sofia naman ay sa second floor. Kahit sa bagay na iyon ay hiwalay pa rin sila.
Inilapag ko sa desk ang laptop tapos ay sa labahan naman dumiretso para mailagay ang blazer. Sa totoo lang ay hindi iyon naman marumi e. Hindi rin amoy pawis. Amoy... Amoy Sir Archie lang. Mabango at medyo kinapitan ng amoy ng sasakyan.
Babalik na sana ako ng kwarto pero nakita ko naman siyang pababa sa hagdanan. Tinanggal lamang ni Sir Archie ang puting long sleeve kaya nakaputing T-shirt at slacks na. Pansin kong nakapaa lang din siya e ang lamig-lamig pa naman ng sahig sa sala.
Hindi ako nagdalawang-isip na tumungo sa pintuan kung nasaan ang lalagyanan ng mga pambahay na tsinelas. Kinuha ko iyong kay Sir Archie at maingat na inayos sa kaniyang bababaan.
“Sir, malamig ang tiles. Suotin ninyo po ang tsinelas ninyo...” marahan kong sabi.
“Salamat, Clara. Ikaw talaga...” Kahit hinihilot ni si Sir Archie ang sentido ay nagawa niya pa ring ngumiti.
Naiwan ako sa dulo ng mga hagdan nang kaniyang lampasan, nakatingin sa kaniyang matipunong likuran. Tama nga na sa study siya pupunta kahit pa madaling-araw na. Ganoon kasi si Sir Archie e. Kahit pagod na sa opisina, itutuloy pa rin ang trabaho sa bahay.
“Matulog ka na ha, Clara. It’s already late,” pahabol ni Sir Archie bago tuluyang pumasok sa study.
Hindi ako sumagot. Tumagal lamang ang titig ko sa sumaradong pinto.
Napabuntong-hininga na lang ako. Trabaho nang trabaho si Sir Archie mula umaga hanggang... umaga na rin dahil pasado alas-dose na. Sabi ni Milly ay siya na raw ang nag-asikaso ng kanilang business simula nang mamatay ang kaniyang ama. Ganoon ba talaga iyon kalaki para magpagod siya araw-araw?
O... baka naman katulad ko ring hindi makatulog? Ako, dahil walang magawa. At siya, dahil walang katabi.
Hindi na bale, naisip kong ipagtimpla muna siya nang kape bago ako tuluyang bumalik sa kwarto. Kung magtatrabaho pa siya ay baka makatulong iyon kahit papaano. Limang minuto lang ang kinailangan ko at kumakatok na ako sa kaniyang study.
“Sir? Si Clara po ito...” sabi ko sa siwang ng pinto.
“Clara? Akala ko ay matutulog ka na?” Bahagyang kumunot ang kaniyang noo.
Tipid akong umiling. Dahan-dahan kong tinulak ang pinto at ipinakita sa kaniya ang dala kong isang tasa ng kape.
“Sir, kape muna kayo. Mukhang hindi pa kayo aakyat e. Pampagising iyan.”
Tumaas ang kaniyang kilay, ang mga mata ay ibinagsak sa dala kong tasa. Sinenyas niya ang desk kaya tumungo ako upang ipatong iyon doon. Bahagyang napanguso si Sir Archie sa kape bago muling inangat ang tingin sa akin.
“Bakit po? May... ipagagawa ba kayong iba?” tanong ko.
“Wala, wala. Thanks for the coffee...” iling niya.
“Wala po iyon. Hindi rin kasi ako makatulog e. Pero babalik na rin ako sa kwarto para hindi ako tanghaliin ng gising bukas.”
Baka kasi magalit si Madame Sofia. Hindi ba ay sabi niya nga sa aking oobserbahan niya ako... pero kahit naman lagi siyang wala at hindi iyon nagagawa ay iniisip ko pa rin na ganoon nga, na parang nandito siya araw-araw at inoobserbahan ako.
“Parang mas maganda yata kung naging bata ang binabantayan mo...” Sumandal si Sir Archie sa upuan tapos ay inabot na ang tasa.
“Po? Bata? Bakit naman po?” Napangiti ako.
“Uh-huh... Maasikaso ka kasi. Parang alam mo na ang lahat ng kailangan.” Sumimsim si Sir Archie sa tasa kaya hindi ako sigurado kung nakangiti ba siya sa likod noon.
“E, Sir Archie, wala naman po tayong bata rito,” sagot ko.
Tumango-tango ito habang sumisimsim pa rin ng kape. Mukhang napagod talaga sa trabaho at baka kailangang kumain ng kanin. Pero sabi naman niya ay hindi na kaya kape na lang ang hinanda ko.
Habang pinagmamasdan siya ay tumatak sa isip ko ang aking huling sinabi.
“Sir? Bakit nga po pala... wala pa kayong anak ni Madame Sofia?” marahan kong tanong.
Napatigil si Sir Archie sa pagsimsim. Sinipat niya kaagad ang aking mga mata kaya medyo nakaramdam ako ng hiya. Naku, medyo sumobra yata ako?
Ibinaba ni Sir Archie ang tasa tapos ay umayos ng upo. Napakurap ako.
“Ayaw pa ng Mam Sofia mo e...” Bumaba ang kaniyang boses, ang tingin ay bumabagsak sa pinagsalikop na mga palad. “Pero kung ako ang tatanungin, syempre ay gusto ko. Sino ba namang may ayaw na mayroon ka nang uuwian sa araw-araw?” Tipid na napangisi si Sir Archie.
Hindi ako sumagot. Pinagmasdan ko lamang ang kaniyang pagseseryoso.
“Baka sakaling magkaroon ng buhay itong bahay kapag may bata nang nagpapaligaya sa amin,” aniya.
“Pero hindi ba po ay hindi naman tungkulin ng isang bata na ayusin ang problema ng kaniyang pamilya?” Hindi ko napigilan ang sarili. “At... ‘saka lang naman nawawala ang problema kung haharapin, Sir Archie.”
Napalunok ito at muli akong pinakatitigan. Binigyan ko lamang siya ng isang marahang ngiti. Kahit naman hindi niya ako tanungin ay sigurado akong alam na niyang napapansin ko ang nangyayari sa kanila ni Madame Sofia. Araw-gabi ba naman kung mag-away.
“Tama ka, Clara.” Umiwas ng tingin si Sir Archie. “I guess... I guess I’m just lonely.”
“Bukas, Sir, kapag nag-abot kayo ni Madame Sofia ay yayain mong mag-almusal,” marahan kong sabi. “Para hindi ka na lonely.”
“Kung ganoon lang iyon kadali, bakit hindi?”
“Susubukan mo lang naman e. Wala namang mawawala kasi asawa mo naman siya.” Ngumiti ako.
“Asawa?” Napangisi ito at sumandal sa upuan. Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. “Matagal na akong walang asawa, Clara.”