Chapter 23 Mierve's POV "Ate, hindi ka papasok?" tanong sa akin ni Mandy dahil ala sais na ay nakahiga pa rin ako. Dapat ganitong oras ay gising na ako at nagluluto ng almusal at baon. Pero wala akong ganang kumilos ngayon kahit nanghihinayang ako sa kikitain ko ngayong araw. Pipiliin ko na lang ang hindi pumasok kaysa ang pumasok ako na wala sa trabaho ang utak ko. "Absent muna ako ngayon, Mandy. Masama ang pakiramdam ko." Pagdadahilan ko. "Alam ba ni Kuya Drixx na hindi ka papasok?" tanong nito. Lihim na dumaloy ang luha ko ng banggitin nito si Drixx. Wala pa kasi itong alam sa nangyari sa amin ni Drixx ng nagdaang gabi. Mas mainam na hindi malaman nito at ni tatay dahil maaapektuhan din ang mga ito sa nangyari. "Hindi pa. Sasabihin ko na lang mamaya." Sabi ko na lamang.

