Epilogue

1284 Words
EPILOGUE “HI!” ang masiglang bati ni Sannie nang salubungin sila nito pagkababa pa lang nila ng kotse. “Tita Sannie!” si Sanya. Agad na humagikhik si Keith Scott sa kandungan niya pagkarinig pa lang ng pangalan ng tita nito. “Kunin mo nga `tong cute mong pamangkin.” Si Sannie na mismo ang nagbukas ng pinto sa tabi niya at kinuha si Keith Scott. “Ang cute-cute naman ng grizzly bear ko!” nanggigigil na sabi ni Sannie at hinalikan sa pisngi ang pamangkin nito. Nakasuot ng bear costume si Keith Scott na kulay brown kaya tinawag ito ng kapatid niya na ‘grizzly bear’. “Teka lang, ha, bababa lang si Mama.” “Mama, sama!” ungot ni Keith Stan at akmang yayakap sa kanya. Maagap namang ipinaikot ni Keith Clark ang braso nito. “Oo, Baby, bababa lang si Mommy, wait lang,” anito. Nginitian naman ni Sanya ang asawa bago mabilis na bumaba. “Okay. Halika na, panda bear!” Ipinasok ni Sanya ang kalahati ng kanyang katawan sa loob ng sasakyan at maingat na kinuha si Keith Stan na naka-panda costume. “Oh. Hello, panda bear!” bati ni Sannie kay Keith Stan. Ang lapad naman ng ngiti ng huli. “Tata!” “Okay ka lang diyan, Icing?” tanong ni Sanya sa asawa. Nabuksan na pala ni Mang Domeng ang kabilang pinto ng kotse. “I’m fine, cupcake.” Maingat itong bumaba ng sasakyan habang nakahilig sa dibdib nito si Keith Cross na tulog. Naka-polar bear costume naman ito. “Thank you, Mang Domeng.” “You’re welcome, Bossing!” Wedding anniversary nina Sonja at Jared nang gabing iyon at naimbitahan silang mag-anak sa dinner. “Mang Domeng, alam n’yo na.” “Ako nang bahalang magdala sa pagkain, Bossing.” “`Yon, o!” Nag-high five pa ang mga ito. “Tara na, tamang-tama lang ang dating ninyo,” yaya na ni Sannie sa kanila. “Akala nga namin, late na kami,” ani Sanya nang papasok na sila sa loob ng bahay. “Nahirapan akong magpaligo dito sa dalawa. Buti pa `tong si Cross, cool lang.” “Ginalingan n’yo kasi, e. Ano? Kailan n’yo sila susundan?” tanong ni Sannie at natawa nang malakas. “Pambihira,” hindi napigilang anas ni Sanya. “Wala na `kong maiiere, Santina. Naubos na sa tatlong `to. Ayoko na, kontento na kami sa triplets na `to.” Tuwing binabalikan ni Sanya ang araw na nag-labor siya sa tatlo, ilang beses niyang sinabi sa sarili na ayaw na niya, last na niya `yon. Nasisisi pa nga niya nang wala sa oras ang asawa niya dahil masyado nitong ginalingan. Nakatatlo tuloy sila sa isang buntisan lang. Pero kapag nakikita naman niya ang mag-aama niya na masaya, nagiging sulit lahat ng pinagdaanan niya habang nanganganak. One year and two months pa lang ang tatlo. Ang gugwapo ng mga anak nila, manang-mana kay Keith Clark. Pero seryoso talaga siyang ayaw na niyang sundan ang kambal. Sa ngayon. Sabi naman ni Sonja, baka kaya naging triplets ang anak nila ay dahil sa sobrang pagkahilig niya sa tatlong oso. Hindi tumakbo ang asawa niya noong nakaraang eleksiyon dahil gusto nitong tutukan ang pagbuo nila ng sarili nilang pamilya. Ganunpaman ay tuloy pa rin ang pagtulong ni Keith Clark sa mga taong natulungan na nito dati. Pero sa susunod na eleksiyon, handa na itong tumakbo uli. Bumili ng coconut farm sa San Jacinto si Keith Clark noong nakaraang taon gamit ang sarili nilang pera at ng mga magulang nito. Malaki ang tiwala ni Mommy Kristina sa plano ni Keth Clark kaya hindi ito nagdalawang-isip. Proud naman si Sanya dahil sa natulungan niya ang asawa mula sa perang pinagbentahan ng mga painting niya. Basta pagdating sa future ng mga anak nila, wala silang hindi pinagkakasunduan. Dumaan lang ang mahigit isang taon at marami nang nakakilala sa mga gawa niya. Ang mga kliyente niya ay mga kilalang tao na rin—artista, negosyante, politiko, at kung sino pang malaki ang pagkahilig sa art. Sa katunayan, kapag may libre siyang oras ay nagpupunta sila ni Keith Clark sa isang foundation na kumukupkop ng mga batang inabandona at inabuso para magturo ng libreng art lesson. Pero dahil dumating na nga sa buhay nila ang triplets, naging hands-on mother siya. Hindi madali ang buhay may-pamilya. Pero salamat sa gwapo niyang asawa, kinakaya niya lahat. “MGA ANAK,” salubong ni Nanay Suzette sa kanila. “`Nay.” Humalik siya sa pisngi nito maging si Keith Stan. “Nanay!” tawag ng anak niya. “Oo, apo. Ako nga ito, wala nang iba. Ibaba n’yo na muna sila.” “Tata!” “Jameson, dahan-dahan lang!” Magkasunod na lumabas ng kusina sina Jamie at Jameson. Ang malikot na anak nina Sonja at Jared na ipinaglihi sa energy drink. “Jameson!” masayang tawag ni Sonja matapos ibaba si Keith Stan at hawakan ito sa kamay. “I-kiss mo nga si Tita.” Mabilis namang nilapitan ni Jameson si Keith Stan at hinalikan ito sa pisngi. Napangiwi si Keith Stan at pinahid ang pisngi habang si Jameson naman ay tawang-tawa. “Si Tita, hindi si Stan,” natawang sabi niya. Lumuhod siya sa sahig para magpantay sila nito. “Tata, mwah!” Tumunog na ang bibig nito bago pa man lumapat ang labi ng pamangkin sa pisngi niya. “Ewan ko sa`yo, bulol.” Si Jamie naman ang binalingan niya. “How’s school, Jamie?” nakangiting tanong niya. “Fine, Tita.” “Still on top?” “Luckily.” “Ang humble talaga ni Kuya.” Pabiro niyang ginulo ang buhok nito. Natawa lang si Jamie. “Kaya naman pala hindi na naman mapakali si Jameson. Nandito na naman ang mga pinsan niyang oso.” Magkasunod na lumabas ng sala sina Sonja at Jared. Nilingon ni Sanya ang dalawang anak. Nakaupo sa couch si Keith Clark at kandong-kandong si Keith Cross. Gising na ang anak nila pero hindi man lang kumikibo. Si Keith Scott naman ay sinusubukang maglakad sa pag-aalalay ni Sannie. “Bakit hindi mo binihisan ng koala costume si Jameson?” biro niya. “Diaper nga, hirap ako, e,” umasim ang mukhang sagot ni Sonja. “Kumusta? Hindi ba kayo nahirapan sa tatlong `yan?” tanong naman ni Jared sa kanila. “Kanina sa bahay, oo,” nakangiting sagot ni Sanya. “Mukhang masarap ang dala n’yong ulam. Kumain na tayo.” “SIYANGAPALA, Ate, nagpaplano kami ni Jared na kapag nag-umpisa na ang semestral break ni Jamie, pupunta kami sa Tagpuan. Maikling bakasyon lang. Mas masaya kung kasama kayo,” mayamaya ay sabi ni Sonja nang kumakain na sila. “Magandang idea `yan.” Nakangiting binalingan niya si Keith Clark. “Ano sa tingin mo?” “I agree. Mukhang kailangan nating lahat ng break,” sang-ayon naman nito. “Narinig mo `yon, Cross?” tanong nito sa batang nasa kandungan nito. “Pupunta tayo ng dagat. Gusto mo sa dagat?” “`Agat,” ulit ni Cross at pumalakpak. Natawa naman sila rito. “Balita ko, mas sikat pa sa social media `tong mga anak n’yo kaysa sa mga painting ni Sanya,” sabi ni Jared kay Keith Clark. Natawa na naman sila. Napailing naman si Keith Clark. “Oo, totoo `yon. Mas maraming likes ang pictures nilang tatlo kaysa sa mga gawa ng cupcake ko. Malapit ko na nga silang ibenta, e. Naghihintay lang ako ng pinakamataas na bid.” They all laughed. Siniko ito ni Sanya at lalong lumakas ang tawa ni Keith Clark. “Benta ka riyan!” pakli niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD