CHAPTER TWO
"TULUNGAN mo nga ako," sabi niya kay Sonja nang pumasok ito ng shop.
"Ano ang gagawin ko?" tanong naman ng kapatid niya. Mukhang maganda ang gising nito. Sinasabi na nga ba niya at nakipag-date kagabi ang bruha.
Tumayo siya sa harap ng computer at kinuha ang listahan.
"Ituloy mo 'tong ginagawa ko. I-check mo kung na-claim na ba ng mga customer ang order nila. Nandito ang mga resibo sa mesa."
"Okay."
Si Sonja ang pumalit sa pwesto niya. Nilapitan naman niya ang mga display nilang vase. Kailangan niyang i-check ang bilang nga mga natira para malaman niya ang bilang ng mga vase na o-order-in. Pinakamahal ang mga pasong malalaki pero ang mga iyon din ang pinakamabenta.
"Ate," mayamaya ay tawag ni Sonja sa kanya.
"Hmm?" hindi tumitinging tugon ni Sanya.
"Ano'ng gagawin mo sakaling makaharap mo si Senator Escudero?"
Mariing nagdikit ang mga labi ni Sanya pagkarinig sa pangalang iyon. Gusto niyang tumili pero mamaya na lang. Iko-contain na muna niya ang kilig sa puso niya.
"Tapos mo na ba 'yong pinapagawa ko sa'yo?" tanong niya sa seryosong tono.
"Heto na nga."
"Kung sakaling makakaharap ko si Senator Escudero..." Sanya sighed. "Mamahalin ko siya." Itinapat niya sa dibdib ang listahan.
Hindi napigilang mapabungisngis ni Sonja.
"May nakakatawa ro'n?" pakli naman ng niya.
"Wala. Naisip ko lang, kung si Senator Escudero lang ang ideal man para sa'yo, malamang na tatanda ka ngang dalaga."
"Hindi pa ba? E, sa lahat ng gusto ko sa isang lalaki, nasa kanya na, e."
"Suportahan kita diyan."
"Wow, salamat. How sweet," pakli naman uli niya.
"Oo nga."
"Naniniwala naman ako sa'yo. Pero kailan mo nga ipapakilala sa akin ang Mr. Yap mo?"
"Ay... Heto na. Na-receive na lahat ng customers ang mga in-order nilang mga paso. Ang galing mo talaga, Ate."
Asus.
BINUKSAN ni Sanya ang kaserola at sinalubong siya ng mabangong amoy ng macaroni soup. Nagluto si Sonja at nagpaalam na merong pupuntahang kaibigang may sakit. Na nakakapagtaka. Hindi naman ugali ni Sonja na ipagluto ang mga kaibigan kapag nagkakasakit ang mga ito. Saka sino lang ba ang kilala niyang kaibigan nito? Si Jeffree, iyong manager ng hotel, at mga kasamahang singer...
"Emergency raw. Asus. Nagkasakit siguro ang boyfriend n'on," nakataas ang kilay na pagkausap niya sa sarili. Natagpuan ni Sanya ang sariling sumasandok ng sopas. "Ano ba ang meron sa lalaking 'yon at ayaw niyang ipakilala? Hindi naman siya kabit."
Kung hindi lang talaga siya nagugutom. Inasikaso niya ang mga bayarin nila para sa buwang iyon pero wala man lang siyang katulong. Idagdag pa ang plano niyang make-over sa coffee shop. Kailangan niyang mag-isip ng bagong ipipinta sa mga dingding.
Nakapinta sa dingding ang Pixie Hollow pati na ang iba pang mga bida sa animated movie na The Pirate Fairy. Pinilit siya ni Sannie na iyon ang ipinta dahil naging boses ng kontrabidang pirata na si James ang Hollywood actor na si Tom Hiddlestone. Ang laki kasi ng pagnanasa ng kapatid niya ro'n.
"ATE, busy ka next week?" tanong ni Sonja sa kanya habang naghahanda siya ng hapunan nila.
"Oo. Nakalimutan mo na ba? Isang linggo tayong sarado next week. Papalitan ko ang painting sa dingding ng coffee shop. Ano ba ang magandang concept?" sagot niya.
"Iyong madali lang. Iyong hindi maii-stress ang beauty mo," sabi naman nito. "Iyong mga character sa We Bare Bears kaya? Hindi lang naman mga bata ang nanonood n'on, e."
Napangisi si Sanya. Favorite niya ang cartoon series na iyon. Pati nga ang mga kapatid niya ay nagustuhan na rin iyon. Hindi lang naman kasi pambata ang We Bare Bears. Ipinapakita nito ang reyalidad ng buhay sa 'cute' na paraan. Kapag pagod siya sa pagpipinta ay nanonood siya n'on para matanggal ang stress niya.
"Matagal ko nang gustong gawin 'yon, e. Mukhang magandang idea nga 'yan. Salamat. Maaasahan ka rin pala."
"Huwag mong kalimutan si Isaac, ha," sabi naman ni Sonja. Si Isaac ang human counterpart ng isa sa mga bida na si Ice Bear.
"Oo naman. Umupo ka na diyan. Kakain na tayo."
"Ate, open ka namang makipag-blind date, 'di ba?" tanong pa ni Sonja.
Gayon na lamang ang pagsasalubong ng mga kilay niya.
"Ano'ng tingin mo sa 'kin?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Blind date lang naman."
"Sa panahon ngayon, I don't think safe makipag-blind date."
"Ise-set kita ng blind date."
"Ano'ng sabi mo?" nanlaki ang mga matang tanong niya. Pinaglololoko lang ba siya ng kapatid niya? "Kasasabi ko lang na hindi safe ang tingin ko sa mga ganyan."
"Problema ba 'yon? E di... sa coffee shop kayo mag-blind date. Ang makaka-date mo ang papuntahin natin dito. Gusto mo, mag-chaperone pa ako. Basta ako ang bahala."
"Baliw!" angil niya.
"Ate, sa maniwala ka at sa hindi, ginagawan kita ng pabor," Sonja said matter-of-factly.
"At sino naman ang ipapa-blind date mo sa 'kin? Aber?" nakataas ang kilay na tanong niya.
"E di hindi na blind date 'yon kung kilala mo na ang makaka-date mo."
"Ipapahamak mo pa 'ko, e."
"Gagawin ko ba naman 'yon sa'yo?"
"Malay ko ba?" Naupo na siya.
"Wala ka bang tiwala sa taste ko, Ate?"
"'Yong totoo?" Tinitigan ito ni Sanya. "Meron naman kahit papaano."
Napangisi si Sonja.
"So pumapayag ka na? Dito lang sa shop. Ako nang bahala sa lahat. Merong tutulong sa 'kin. 'Oo' mo na lang ang kulang."
Iniikot ni Sanya ang mga mata.
"Kausapin mo na lang ulit ako bukas. Baka mas malinaw na ang isip ko. Ang dami kong ginawa ngayong araw na 'to 'tapos iniwan mo 'ko sa ere."
"May emergency nga ako kanina, 'di ba? Babawi ako sa'yo rito, Ate. Promise."
"Ewan ko sa'yo."
MUKHANG mabilis na matatapos ni Sanya ang ginagawa niyang pag-make over sa painting ng Tres Maria's coffee shop. Nag-usap uli sila ni Sonja at desidido talaga ang kapatid niya na i-set up siya ng blind date. Ilang beses na siyang tumanggi pero pumayag na raw ang makaka-blind date niya na dito sila sa coffee shop magda-date.
Pambihirang babae talaga ang kapatid niyang iyon! Siya naman ang makikiharap sa kung sino mang kolokoy na iyon pero siya itong walang choice! Ibinunton na lang niya ang stress niya sa pagpipinta sa loob ng ilang araw.
Mas dumoble ang stress niya nang araw na 'yon.
Mamayang gabi na ang blind date na 'yon! Mamayang gabi na!
"Ate, tama na 'yan. May date ka mamayang gabi. Dapat nagbu-beauty rest ka na."
Tiningnan niya ang napamaywang na si Sonja. Hindi niya namalayan ang pagdating nito.
"Patapos na nga ako, 'di ba? Kaunti na lang 'tong tatapusin ko sa palakol ni Yana," sagot naman niya.
"Ang cute," hindi napigilang komento ni Sonja.
Hinarap niya ang kapatid. "Sonja... sino ba kasi 'yong ipapa-date mo sa 'kin? Talaga bang hindi ako mapapahamak sa binabalak mo?" puno ng alinlangang tanong niya.
"Ate, hindi mo kailangang mag-alala. Sagot kita. Kung kailangan mo ng back up, isang tawag lang ako. Ginagawa ko 'to para sa love life mo."
Napalatak si Sanya at iningusan pa ito.
"Wala akong planong ma-in love hangga't hindi pa ako tapos sa kahibangan ko kay Keith Clark. Huwag kang masyadong umasa riyan."
Napangisi si Sonja na parang timang at mayamaya pa ay humagikhik na parang timang din.
"Okay ka lang?" nawiwerduhang tanong ni Sanya.
"Kapag na-meet mo na 'tong ka-date mo, makakalimutan mo na si Senador Escudero."
"Asa ka pa." Nag-iisa lang kaya si Keith Clark! Malakas pa siyang bumuntong-hininga. "Naii-stress talaga ako. Bakit pa kasi pumayag sa gusto mo, e. Mababaliw ako dahil sa'yo!"
"Ay, huwag gano'n. Importante ang first impression, Ate. Pwede mo namang tanggihan nang maayos ang ka-date mo kung sakaling hindi mo siya magustuhan. In a nice way, of course. Halika na, tantanan mo na 'yan at mag-beauty rest ka na. Ay, hindi. Nagluto pala ako. Kumain ka muna."
HINDI ako nagtataksil sa'yo, Senator. Gagawin ko lang 'to para tantanan ako ng kapatid ko... Ikaw lang talaga. Wala nang iba...
"Ate, kung ganyang nakangiwi ka, hindi talaga papantay 'tong make up mo," reklamo ni Sannie habang nilalagyan siya ng cheek tint.
Nakaupo siya sa harap ng salamin. Ito ang nagprisintang ayusan siya. Nasa coffee shop na si Sonja at sinisiguradong okay na ang lahat. Kinakabahan pa rin siya sa lagay na iyon pero nabawasan na.
Nakasuot siya ng kulay-skintone na dress at pinaresan niya ng kulay-beige na wedge sandals. Hindi ganoon kakapal ang inilagay na make up sa kanya ni Sannie dahil 'less is more' na raw ang uso ngayon. Dati pa namang gano'n ang paniniwala niya. Ewan ba niya sa mga tao ngayon.
Kulay-rose ang lipstick na inilagay nito sa kanya. Inayos lang nito nang kaunti ang kilay niya at tapos na ito. Handa na raw siya. Lihim siyang na-impress nang makita ang sariling repleksiyon sa salamin. May igaganda pa rin naman pala siya.
"Halika na, Ate! Baka parating na 'yong date mo!" napahagikhik na ani Sannie.
"'GANDA!" eksaheradang anas ni Sannie nang sa wakas ay pumasok na rin silang dalawa ng coffee shop. "Ano'ng say mo, Ate?" tanong pa nito kay Sonja.
"Mukha kang caramel, Ate," komento ni Sonja.
"Baliw," pakli naman ni Sanya.
"Kabog ka diyan. Kapag hindi pa na-in love si Sen—iyong ka-date mo sa'yo 'pag nakita ka niya, ewan ko na lang."
"Huwag kang kabahan, Ate," sabi pa ni Sannie.
"Hindi na nga. Okay na 'ko," sagot naman ni Sanya. Totoo naman iyon. Alam naman kasing nandiyan naman ang mga kapatid niya sakaling kailangan niya ng resbak kaya kumalma na rin siya.
Napalingon si Sonja sa labas ng coffee shop nang makita ang pagpasok sa parking area ng isang sasakyan. Her sister giggled in excitement. Ang ka-date na ba niya iyon?
"He's here."
Impit na tumili si Sannie habang si Sanya naman ay napangiwi. Mas excited ang mga kapatid niya kaysa sa kanya.
"Susunduin ko lang, ha?" Nagmamadaling lumabas ng shop si Sonja.
"NANDITO na siya!" masiglang anunsiyo ni Sonja. Hinawakan muna nito ang pinto para makapasok ang kung sinong lalaking may katangkaran at may bouquet na nakaharang sa mukha nito.
Sa totoo lang, palaisipan pa rin para kay Sanya kung saan napulot ni Sonja ang ka-date niya ngayong gabi at kung paano nito napapayag ang lalaki. Hindi kaya hirap din itong magka-girlfriend gaya niya?
"Hala siya," impit na tili ni Sannie.
Pigil ang ngiting siniko naman ito ni Sanya. Ang kaba niya ay napalitan ng excitement. Sinenyasan naman ni Sonja ang lalaki na ibaba na ang bouquet.
"Siya ba ang makaka-date ko?" tanong ng lalaking nakasuot ng dirty green cotton long sleeves, black pants and white rubber shoes.
Narinig ni Sanya ang pagsinghap ni Sannie sa kanyang tabi. Halatang nabigla rin ang kapatid niya. Malawak ang ngiti 'ka-date' niya pero si Sanya ay parang naestatwa nang tuluyan. Hindi niya maialis ang tingin sa lalaking kamukhang-kamukha ni Keith Clark!
Nilapitan naman ni Sonja si Sannie at hinila sa braso.
"Please get to know each other for a while. Babalik kami after fifteen minutes. Maghahanda lang kami ng food. Kaya n'yo na 'yan."
"Ate, si Senator Escudero..." hirit ni Sannie.
"Alam ko. At gutom na sila." Hindi niya alam kung ano ang ginawa ni Sonja at umaray si Sannie. She can't take her eyes off him! "Halika na, Bunsoy."
Senator Escudero...
Humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Nakangiti ito nang maluwang. Kung nakaka-tumbling lang ang puso, baka iyon na nga ang nangyari sa puso ni Sanya!
"I hope you like flowers," he smiled at her sheepishly. "Sanya, right? I'm Keith Clark. Pero dahil maganda ka naman, call me 'KC'. It's a pleasure to meet you."
Imbes na tanggapin ang mga bulaklak ay hinuli ni Sanya ang mukha ni Keith Clark. His face felt so smooth. Hindi siya makapaniwala. Hindi naman siya nananaginip, 'di ba? Pinisil niya ang magkabilang pisngi nito at idiniin pa nang husto kaya nanghaba ang mamula-mula nitong labi.
Ang gwapo nito. Sabi na, e. Mas tisoy ito sa malapitan, e!
"I-ikaw ba talaga si Keith Clark Escudero o kamukha mo lang siya?" tanong niya.
"Ako talaga si Keith Clark Escudero, ang pinakagwapong senador sa kasaysayan ng Republika ng Pilipinas." His hot minty breath fanned her face.
Saka lang napagtanto ni Sanya na napakalapit na ng mukha nilang dalawa. Napalunok siya.
"I-ikaw nga..."