V.

2195 Words
CHAPTER FIVE NAHIYA tuloy si Sanya sa sarili niya dahil sa pag-e-emote niya nitong nakaraang buwan. Paano niya nakalimutang sa umpisa pa lang, abalang tao na si Keith Clark? Kapakanan ng maraming tao talaga ang uunahin nito kaysa sa sarili nito, kaysa sa kanya. "Ang akala ko, pinasalubungan mo 'ko ng mga 'to bilang suhol," sabi niya nang mahimasmasan. Inayos niya ang laman ng kahon. Siguradong matutuwa ang mga kapatid niya mamaya kapag ipinakita niya sa mga ito ang bigay ni Keith Clark. "Bakit naman kita susuhulan?" Keith Clark crossed his legs. Sa mga pagkakataong gano'n, ang feminine nitong tingnan. Pero lalo lang napatunayan ni Sanya na hindi lang basta sapat ang mga nakikita ng mga mata para sabihing kilala mo na nga ang isang tao. Imbes na ma-turn off ay mas naging sexy pa nga ang tingin ni Sanya rito. "Vote-buying," sagot naman niya. Now it was Keith Clark's turn to laugh. "Nasa mukha ko ba ang bumibili ng boto?" "Wala pa sa ngayon," natawang pasakalye ni Sanya. Kinuha niya ang kutsara niya at inalis ang icing sa ibabaw ng chocolate cupcake sa plato niya. "Ayaw mo ng icing?" amused na tanong ni Keith Clark matapos niyang sumubo. Nakangiting umiling siya. "Mabilis kasi akong maumay sa icing, e," sagot ni Sanya. "Sayang naman 'yan. Akin na lang." "Eh?" manghang anas niya. "S-sigurado ka?" "Oo," nakangiting anito. "Ilagay mo sa plato ko." "Sige, sabi mo, e." Namamanghang inilipat nga niya ang icing mula sa pinggan niya at inilagay sa cupcake nito. "Salamat. Although naaawa ako sa mga itlog na ginawang icing, hindi ko talaga magawang matagalan ang pagkain nito." "Ikaw pa lang ang kilala kong may ayaw sa icing na sinabing ayaw sa icing." "'Di nga?" natawang tanong niya. "Hayan na," sabi niya nang umapaw na ang icing sa cupcake nito. "Thank you, cupcake," nakangiting sabi ni Keith Clark at nagsimulang kumain. "Ano?" Natawang napailing si Sanya. Tawagin ba naman siyang 'cupcake'? "Ang sarap ng pastries n'yo rito, cupcake." Lalo siyang natawa. "Inulit talaga?" Napansin niya ang kaunting icing na napunta sa gilid ng mga labi nito. Umangat ang kamay niya at walang salitang pinahid niya iyon gamit ng hinlalaki niya. Nang mapatingin siya sa mukha ni Keith Clark ay nakatitig na rin pala ito sa mukha niya. Nakaramdam na naman siya ng pagkailang. Hassle. Kailan ba ako masasanay? "Thank you, cupcake." Kunwari ay umirap siya. "Ewan ko sa'yo, icing," pakli niya nang bawiin ang kamay. "Wow, tinawag mo 'kong 'icing'," proud na sabi nito. "Feel na feel mo naman." "Tawagin mo nga ulit ako nang ganyan." "Bahala ka riyan, 'icing'. Ano ako? Uto-uto? Icing?" Ang lakas ng tawa ni Keith Clark dahil sa sagot niya. Napabuntong-hininga na lang siya. Ang babaw rin talaga ng kaligayahan nito. "Actually, meron akong gustong hinging pabor sa'yo," anito nang sumeryoso. "Ano naman 'yon?" she asked, a little anxious. "Birthday ko na this weekend. I'm turning thiry-six." "Oo nga pala, 'no?" gulat na anas niya. "Advance happy birthday! Hayan, nabati rin kita nang personal." He laughed. "Thank you. Punta kayong tatlo, ha." Gulat na napahawak si Sanya sa dibdib niya. "I-iniimbitahan mo kami? Talaga? Siguradong matutuwa 'yong mga kapatid ko na 'yon!" "Pwede rin ba kitang maging date sa birthday ko?" Saglit na natigilan si Sanya at namilog ang kanyang mga mata. "Sige na, cupcake. Makokompleto ang birthday ko kapag nando'n ka. Sana lang hindi ka busy." "P-pa'no naman kung busy pala ako?" "Ayos lang. Pwede naman kitang konsensiyahin." Napatakip siya sa bibig niya at napabungisngis. Sira-ulo. "Sige na. Kapag tinawag mo uli akong 'icing', ibig sabihin, pupunta ka at payag kang maging date ko." Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Sanya. Napalatak siya at ilang sandali pa ay nagkamot ng kilay. Keith Clark was obviously anticipating. Gusto na naman niyang matawa rito pero pinigilan niya ang sarili. Ni sa panaginip, hindi niya naisip na yayayain siya ng isang Keith Clark Escudero na maging date sa birthday nito! Anong swerte ba itong tumama sa kanya? "Busy kasi ako talaga, Icing, e." Nagliwanag naman ang mukha nito. "ITO pa lang ang mga napintahan mo na?" tanong ni Keith Clark nang dalhin uli niya ito sa display nila ng mga vase. "Iyan na lang ang mga natira. Nabili na kasi 'yong iba noong nakaraan, e. Inuuna ko pa iyong special orders kaya wala pa akong time magpinta ng ibang paso at banga," nakangiting sagot niya. Nakatingin siya sa mukha ni Keith Clark at nakita niya ang pagkamangha sa mukha nito. "Para sa isang talented na babae, masyado kang mahiyain," komento nito. Tumataba na naman ang puso ni Sanya. Napaka-sincere talaga ng taong ito kahit na pangalawang beses pa lang silang nagkakasama. "Wow, cherry blossom," manghang sambit nito nang ituro ang isang banga na merong painting ng mga sakura tree at nahuhulog na dahon. "Naalala ko si Mom," nakangiting sabi nito nang sulyapan siya. "Nag-aabala silang pumunta ni Dad sa Japan kapag spring para i-witness lang ang cherry blossom. Siguradong magugustuhan niya 'to. Magkano 'to, cupcake?" Kunwari ay umasim ang mukha ni Sanya. Ang akala niya ay lokohan lang nila ni Keith Clark ang tawagan ng 'icing' at 'cupcake'. Ang bilis naman nitong masanay? "Dahil magbi-birthday ka na, icing, gift ko na lang 'yan sa'yo." "Pinaghirapan mo 'to, bakit mo ibibigay nang libre?" "Regalo nga, hindi bigay. Magkaiba 'yon." Kinuha niya ang banga. "Ikakahon ko na, ha?" "Wow, you're so sweet. Thank you, cupcake," he said, smiling. "You're welcome, icing." "MAGPAALAM na kayo kay Senator," sabi niya sa mga kapatid nang ihatid na nila si Keith Clark sa kotse nito. "Bye, Senator, thank you uli sa invitation!" si Sannie. "Darating kami, promise." "Nag-usap na kami ni Sanya. Susunduin ko na lang kayong tatlo rito," nakangiting sabi naman ni Keith Clark. "Wow, ang lakas naman ni Ate sa'yo." Niyugyog ni Sannie ang balikat ni Sanya. "Naapakan ko ba ang buhok mo?" "Pasok na sa loob, baka mahamugan ka," pakli naman niya rito. "Kay Jared na lang ako sasabay, Senator," sabi naman ni Sonja. "'Lam n'yo na." "Congrats nga pala sa baby n'yo ni James, Sonja. Ipaglihi mo sa 'kin, ha? Para siguradong gwapo." Natawa naman sila sa hirit nito. "Thank you, Senator. Kapag hindi ako pinakasalan ni Jared, ikaw ang paglilihian ko. Ingat ka, papasok na kami ni Sannie, kayo nang bahala riyan. Malalaki na kayo." "Ate, ayoko pang pumasok," ingos ni Sannie. "Hindi naman kita pinapapasok dahil gusto mo. Pinapapasok kita dahil gusto ko. Dali na." Hinila pa ito ni Sonja sa braso. Umaangal pa si Sannie pero wala rin itong nagawa. "So," napatikhim na ani Keith Clark nang maiwan sila sa labas. "Chat tayo mamaya?" Hindi niya napigilan ang mapabungisngis. Nagpalitan na sila ng numero nito at in-add na siya ni Keith Clark sa Messenger. "Ang lakas maka-millennial n'on pero sige, gusto ko 'yon. Chat tayo." "Ayos," natawang tugon nito. "Chat you later, cupcake." "Ewan ko sa'yo, icing," natawang pakli niya. Nagulat pa siya nang bigla na lang yumuko si Keith Clark at kinintalan ng malutong na halik ang kanyang noo. Hindi nakakurap na napatitig siya rito. Ano 'yon? Parang biglang nabuhay ang bawat kalamnan sa katawan niya. "'Cute mo kasi, e," sabi pa nito at marahang kinurot ang magkabilang pisngi niya. "UY, MAGLUTO tayo nito, masarap 'to!" bulalas ni Sonja. "Sure ka? Hindi ka masusuka diyan?" tanong naman ni Sanya. Pinagkaguluhan lang naman ng mga kapatid niya ang pasalubong sa kanya ni Keith Clark kanina. "Hindi na. Wala na akong morning sickness, 'di ba? Saka mas gusto ko 'to kaysa sa bagoong na alamang." "Okay. Pero kaunti lang ang kainin mo. Hindi pwede ang sobrang maalat." "Okay." "Parang gusto kong laklakin 'tong coconut vinegar at chili sauce," sabi naman ni Sannie. "Makapagprito nga ng isda." "May boneless bangus pa diyan sa freezer, iyon na lang ang prituhin mo," ani Sanya. "Oo nga pala! Much better!" Lumapit naman si Sannie sa refrigerator. "Grabe namang magpasalubong si Senator, masyadong praktikal," sabi pa nito. "Worth it nga ang pagpapa-miss niya sa 'kin," pasakalye naman niya. Binuksan naman niya ang pickled mangos. Gusto niya ang maasim na amoy. Kumuha siya at tumikim. "Kaya naman pala bestseller, ang sarap." Kumuha naman si Sonja at tumikhim din. "Ang sarap nga!" "Teka nga lang." Isang idea ang naisip ni Sanya. Kinuha niya ang cellphone at kinuhanan ng picture ang nakabukas na pickled mangos. "Ise-send ko 'to kay Keith Clark. Sasabihin ko sa kanyang masarap." "Ayiee!" kantiyaw nina Sannie at Sonja. "B-bakit?" nag-init ang mukhang tanong ni Sanya. "Ituloy mo lang 'yan," sabi naman ni Sonja. Natawa na lang siya. Ang supportive nga talaga ng mga kapatid niya. KITKAT sent a photo. Kitkat set your nickname to 'Cupcake'. Kitkat set his nickname to 'Icing'. Napabalikwas ng bangon si Sanya nang sunod-sunod na pumasok ang notifications sa cellphone niya. She went to bed early. Wala siyang ganang magpinta nang mga sandaling iyon dahil masyado pang lutang ang pakiramdam niya. Nakita niya sa picture ang pamilyar na mukha ng isang nakangiting babae habang hawak sa kandungan nito ang bangang iniregalo niya kay Keith Clark kanina. Si Kristina Angeles-Escudero, ang dating celebrity na Mommy nito! Icing: Hey, cupcake. You just made my Mom happy. Natutop niya ang bibig at humagikhik. Ewan niya kung binobola lang siya nito pero kakaibang saya ang nararamdaman ni Sanya habang pinagmamasdan ang ngiti ng mommy nito. Cupcake: It's a tie. Hehehe. Ang ganda pa rin ng mommy mo. Wala siyang kupas. Icing: She wants to meet you. I told her you'll be my date for my birthday. She can't wait. =) Medyo nagseselos ako pero medyo lang naman. Nag-send siya ng tumatawang sticker at bumalik sa pagkakahiga. Hanggang sa mga sandaling iyon, parang nararamdaman pa rin niya ang mga labi ni Keith Clark sa noo niya. Ayaw nga niyang maghilamos sana kaso baka pamugaran naman ng tigidig ang mukha niya. Baka hindi na siya halikan ni Keith Clark sa susunod. Icing: I have an early appointment tomorrow. Pwede ba kitang makita bago ako matulog? Napasinghap na napatakip siya sa kanyang bibig. Bumangon siya ulit. Inayos-ayos niya ang kanyang buhok. Nakasuot siya ng maluwang na T-shirt at pajama. Ayos lang naman siguro ang hitsura niya? Patulog na rin naman siya. Pagdating talaga kay Keith Clark, nako-conscious siya. Napabuga siya ng hangin at nag-type ng reply rito. Cupcake: Sige. Okay lang. =) Kinalma niya ang dibdib. Napasinghap din siya nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Icing is calling you... Nagbilang muna siya hanggang tatlo bago sinagot ang tawag. Hindi na niya naitago ang ngiti niya nang makita ang mukha ni Keith Clark. Nasa kama na rin ito at... nakasando lang. Kitang-kita tuloy ang mga muscle nito sa balikat. O, hala... Pwede kaya siyang mag-request na magpakita ito ng half-body? Para naman ma-enjoy niya ang view. "Hi, cupcake." "Nasa'n ang Mommy mo?" "Nasa room na niya. Hey, We Bare Bears ba 'yang shirt mo? Cool." Napatingin siya sa suot na T-shirt at natawa. "Alam ko. Pero mas cute ako." "Say 'hi' to the bear bros." Ipinakita nito ang sarili nitong We Bare Bears plushie sa kama. Napabunghalit ng tawa si Sanya. "Meron din ako." Ipinakita rin niya ang mga plushie sa tabi niya. "Bakit nainggit ako bigla na katabi ka nila?" Lalo siyang natawa. Kung alam lang nitong nahiling niya na sana unan na lang din siya. "May sinabi si Rapunzel sa 'kin," sabi niya. "Ano?" tanong naman nito. "Palitan ko na raw siya sa tore." Ito naman ang natawa. "Bakit 'Kitkat' ang pangalan mo dito? 'Di ba sabi mo, 'KC' ang palayaw mo?" tanong pa niya. "Huwag kang maingay, ha," seryosong anito. "Kahit anong pilit ko na 'KC' ang itawag nina Mom sa 'kin, ako pa rin talaga si Kitkat." Nang bahagya itong sumimangot ay natawa siya. "Kasalanan ko bang bulol ako no'ng bata ako at hindi ko masabi nang maayos ang pangalan ko?" Natawa siya nang malakas. "Kawawa ka naman," natatawang sabi niya. "Oo nga." Nagsalubong ang kilay ni Keith Clark at nahirapan na siyang pigilan ang sarili. "Kitang-kita ko ngang naaawa ka sa 'kin." Tinakpan ni Sanya ng unan ang bibig niya pero imbes na tumigil sa pagtawa ay naluha lang siya. "Tama na, cupcake. Masyado na 'kong touched." "S-sorry." Tumikhim si Sanya at pinahid ang mga mata niya. "Cute naman ang 'Kitkat', a? Kaya ka siguro mahilig sa matatamis. 'No?" "At least, napatawa kita," napangiting ani Keith Clark. "Pasensiya ka na." Nag-peace sign pa siya rito. "Alam mo ba kung bakit 'Keith Clark' pangalan ko?" sa halip ay tanong nito. "Bakit?" curious namang tanong niya. "Kasi fan si Mom ng Superman. 'Kent Clark' dapat ang ipapangalan niya sa 'kin, binaliktad lang na Clark Kent. Pero sabi ni Dad, masyado raw obvious. Baka merong dumating na mga taga-Krypton at kunin ako. Kaya naging Keith Clark." Natawa na naman si Sanya. "Ang cute!" bulalas niya. "E, alam mo bang nagsisimula sa 'Maria' at nagtatapos sa 'Maria' ang pangalan naming magkakapatid?" "Oh?" manghang anito. "Maria Sanya Sta. Maria, Maria Sonja Sta. Maria, at Maria Santina Sta. Maria. Muntik nang maging 'Santisima' si Sannie. Kaya naging Tres Marias ang pangalan ng family business namin. Dali, tawa ka rin." Keith Clark put his knuckles on his mouth but that didn't stop him from laughing. Ang loko, tumawa nga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD