PAGKATAPOS i-abot ni Catherine ang lunch na naiwan ni Travis sa secretary nito ay agad din siyang umalis. Sa totoo lang ay gusto ni Catherine na siya mismo ang mag-abot niyon kay Travis, dahil gusto niya itong makita, gusto man lang niyang makita ito kahit na saglit lang dahil simula pa kagabi ay hindi na niya ito nakita. Pero kahit na gustong-gusto niya iyong gawin ay pinigilan na lang niya ang sarili dahil baka masira ang araw ni Travis kapag makita siya nito. Ayaw na ayaw pa naman nitong nakikita siya dahil galit ito sa kanya. Pakiramdam nito ay siya ang sumira sa masayang relasyon nito kay Lianne. Dapat kasama nito ang tunay na mahal nito pero dahil nga sa nangyari sa kanila ay natali ito sa kanya.
Ipinilig na lang naman ni Catherine ang ulo para maalis iyon sa isip niya. Sa tuwing naiisip kasi niya iyon ay pakiramdam niya ay sumisikip ang dibdib niya, pakiramdam niya ay may sumasakal doon.
Nagpatuloy na si Catherine sa paglalakad hanggang sa makasakay na siya ng kanyang sasakyan. At nang sandaling iyon ay patungo na siya sa pupuntahan.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na din si Catherine sa clinic ng OB-gyne niya. Nang maiparada ang kotse sa parking lot ay agad siyang bumaba doon. Pagkatapos ay humakbang na siya papasok sa loob ng nasabing clinic.
"Good morning, Ma'am," bati ng babaeng staff sa kanya pagkapasok niya sa loob.
"Morning," bati din ni Catherine. Pagkatapos niyon ay pinag-fill up siya nito ng form. Sinabi din nito na maupo muna siya dahil may inaasikaso pa ang doctor.
Naupo naman siya sa waiting area habang hinihintay niya na tawagin ang pangalan niya.
At mayamaya ay may lumabas na babaeng buntis sa kwarto, may nakaalalay nga ditong lalaki na sa tingin niya ay asawa nito. Pansin nga din niya ang ngiting nakapaskil sa labi ng dalawa, pansin din niya ang kislap sa mga mata ng mga ito ng makalabas ng kwarto.
Kinagat naman ni Catherine ang ibabang labi habang pinagmamasdan niya ang mga ito. Hindi din niya maiwasan ang makaramdam ng inggit ng sandaling iyon. Mabuti pa ang babae dahil may kasama ito, kasama nito ang asawa. Gusto nga din niyang kasama doon si Travis pero alam niyang isang malaking ilusyon lang iyon para sa kanya dahil alam niyang hinding-hindi siya nito sasamahan.
At mayamaya ay napatigil si Catherine sa pag-iisip ng tawagin ang pangalan niya. Tumayo na siya mula sa pagkakaupo niya at lumapit.
"Pasok na kayo, Ma'am," nakangiting wika nito sa kanya.
Isang ngiti din ang pinagkaloob niya bago siya pumasok sa loob.
"Good morning, doc," bati ni Catherine sa babae.
"Good morning, Misis," ganting bati din nito sa kanya. Napansin niya ang pagsulyap nito sa likod niya, mukhang may hinihintay ding pumasok. "Mag-isa ka lang?" tanong nito sa kanya. "Hindi mo kasama ang asawa mo?"
Binasa ni Catherine ang ibabang labi gamit ang kanyang dila. Pilit din niyang itinago ang sakit sa mga mata niya sa pamamagitan ng pag-ngiti.
"O-out of the country, doc," pagsisinungaling na lang ni Catherine sa doctor.
"Oh," sambit lang naman nito.
Sinabihan siya ng doctor na mahiga na siya sa kama na naroon. Sinunod naman niya ito. "Let's do the check-up," mayamaya ay wika nito pagkatapos nitong magtanong ng ilang impormasyon.
Itinaas nito ang blouse na suot niya hanggang sa dibdib. Pagkatapos ay may inilagay itong malamig na bagay sa tiyan niya. At sa sumunod na sandaling in-ultrasound na siya nito.
Titig na titig naman si Catherine sa monitor na naroon. "Kita mo ito?" wika nito sa kanya ng may tinuro sa monitor.
Tumango naman siya bilang sagot habang nakatitig siya doon. "This is your baby. And he or she's healthy," wika nito sa kanya. "And the baby heartbeat is fine as well," dagdag pa na wika nito.
Relief was written in her eyes at what she said. Marami pang sinabi ang doctor sa kanya tungkol sa pagbubuntis niya. At nang matapos ito ay nagsimula din siyang magtanong.
"Doc, normal lang ba sa akin ang morning sickness? Napapadalas kasi ang pagsuka at pagkahilo ko nitong makalipas na araw."
"It's normal dahil nasa first trimester ka ng pagbubuntis mo. Pero eventually ay mawawala din," wika nito. Nagpatuloy siya sa pagtatanong na sinasagot naman nito.
"Hmm...doc, pwedeng makahingi ako ng copy ng ultrasound ng baby ko?" wika niya nang matapos ang check-up niya.
"You don't have to asked me. Magbibigay talaga ako," wika nito sa kanya. Pagkatapos siya nitong resetahan ng mga vitamins ay inabot din nito sa kanya ang ultrasound ng baby niya. "Here. Ipakita mo sa asawa mo pagdating niya. Panigurado akong matutuwa iyon kapag nakita niya ang baby niyo."
How I wished, wika ni Catherine sa isipan niya. Isang ngiti lang ang isinagot niya sa doctor.
Nang matapos ang check-up at nakapagbayad ay umalis na siya sa clinic. Nagtungo naman siya sa pharmacy para bumili ng nireseta sa kanya, bumili din siya ng gatas niya.
Nang mabili lahat ng kailangan ay naisipan muna niyang magtungo sa isang restaurant para kumain. Nagugutom na din kasi siya. Hindi naman siya pwedeng magpalipas ng gutom dahil baka makasama pa iyon sa baby niya.
At sa halip na umuwi sa mansion ni Travis ay sa bahay siya nila umuwi. Nami-miss na din kasi niya ang kwarto niya doon. Out of country ang mga magulang kaya nagkulong na lang si Catherine sa kanyang kwarto.
At dahil tinatamad siyang magkikilos ay naisipan niyang matulog na lang. At ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang oras paggising niya.
Halos buong hapon siyang natulog. Mag-a-ala-sais na kasi ng gabi ng sandaling iyon.
Nang makita ang oras ay agad siyang bumaba ng kama. Inayos niya ang sarili. Pagkatapos niyon ay lumabas na siya ng kwarto. Hindi na nga din siya nakapagpaalam sa mga kasambahay dahil sa pagmamadali niyang umalis.
Kinakailangan na din kasi niyang bumalik sa mansion ni Travis. Ayaw kasi niyang mauna itong umuwi sa kanya kahit na alam naman niyang late lagi itong uumuwi ng mansion. Isang beses lang yata itong umuwi ng maaga at iyon pa iyong nadatnan nito si Brad.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na din si Catherine sa mansion. At napakagat siya ng ibabang labi nang makita niya ang itim na kotse nito na naka-park na doon.
Mukhang nakauwi na ito. At naunahan siya!
Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. Saglit muna siyang nanatili sa kotse hanggang sa napagpasyahan niyang bumaba. Kinuha din niya ang paperbag na naglalaman ng vitamins at ng gatas niya. Kinuha nga din niya ang sonogram ng baby niya na inilapag niya sa ibabaw ng dashboard.
Humakbang na siya papasok sa loob. Dire-diretso siya sa paglalakad hanggang sa...
"Saan ka nagpunta?" tanong ng malamig na boses na iyon.
Sa sobrang gulat na naramdaman ni Catherine ay nabitawan niya ang mga hawak. At sa halip na pulutin ay nag-angat siya ng tingin patungo sa gilid niya.
And standing right there was non other than, Travis. Napansin agad niya ang pagsasalubong ng mga kilay nito habang nakatingin sa kanya.
"T-travis," sambit niya sa pangalan nito. Lihim nga niyang pinagalitan ang sarili dahil sa pagkautal ng boses niya.
"Saan ka pumunta?" tanong muli nito.
Napalunok siya. "May pinuntahan lang ako saglit--
"Saglit?" he cut her off. "Sigurado kang saglit lang, Catherine?" She licked her lower lip. Tumaas nga din ang isang kamay niya para humawak sa tiyan niya. Napansin naman niya ang pagbaba ng tingin ni Travis sa hinawakan niya. May napansin siyang kakaiba na bumalatay sa mga mata nito pero sa minsang pagkurap ay nawala iyon dahil muling bumakas ang galit sa ekspresyon ng mga mata nito.
"Pulutin mo iyang kinalat mo. Ayoko ng marumi sa pamamahay ko," wika nito sa kanya sa malamig na boses.
"I'm sorry," wika niya. Pagkatapos niyon ay yumuko siya para pulutin ang nahulog na paper bag. At napatigil din siya sa pagpulot nang makita ang ultrasound niyang nahulog din sa sahig.
"Pulutin mo iyang kinalat mo. Ayoko ng marumi sa pamamahay ko," naalala ni Catherine na wika ni Travis sa kanya.
Kalat?
Sa tingin ba nito ay kalat ang baby niya? Ang baby nito?
Kinagat niya ang ibabang labi ng maramdaman niya ang pamamasa ng mga mata niya. Mabilis din niyang pinulot ang ultrasound ng baby niya at saka niya iyon pinagpagan kahit na wala namang dumi.
At nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niyang nakatitig si Travis sa hawak niya.