Kulay puti na t-shirt na pinatungan ng abuhing polo at kupasing maong ang napili ni Jhe para sa kanya.
“Mas maganda pag nakabukas lang.”
Hinayaan ng asawa niya na nakabukas ang polo. Inabot nito sa kanya ang sapatos pagkatapos. Kulay puti rin. Sinuklay nito ng kamay ang may kahabaan niyang buhok. Nakangiti nitong sinipat ang mukha niya.
“Kailangan ko na bang mag-ahit?”
Medyo makapal na rin ang tumutubong balbas sa panga niya.
“Okay pa naman. Sige na, mauna ka na.”
Bumaba siya ng bahay na bitbit ang sapatos. Sa bangka na niya iyon isusuot. Nag-iisa lang iyon, pinakainiingat-ingatan niya.
Nilukot niya ang pantalon hanggang sa kalahati ng binti at tsinek kung sasapat ang bangka at baka maubusan sila ng gasolina sa laot. Mahigit kumulang isang oras din nilang lalakbayin ang patawid sa bayan.
Napangiti siya. Hindi pa alam ng asawa kung saan niya ito dadalhin.
Sorpresa niya ito.
Nakasandal siya sa nguso ng bangka habang nakalubog ang nakaekis na mga binti sa malinaw na tubig habang nilaro-laro sa kamay ang swiss knife. Nakita niya ang swiss knife na nalaglag mula sa aparador. Kanya raw ito sabi ni Jhe. Sa lahat ng bagay na nakikita niya, iyon ang maituturing niyang kanya.
Inikot-ikot niya iyon at isa-isang nilabas mula sa pagkakasuksok ang bawat bahagi. Isang parte ang tila naputol. Kumunot ang noo niya nang mapansing may nakaukit pala roon na sa tingin niya ay disenyo o letra.
“Bakit nakahanda ang bangka?”
Nag-angat siya ng tingin at napangiti nang makita ang asawa.
Ang ganda ng asawa niya. Gandang malinis at tila kay bango hindi pa man inaamoy.
Suot ni Jhe ang simpleng puting damit na umabot lang hanggang sa gitna ng mga binti na pinaresan ng manipis na cardigan. Maluwag lang ang pagkakatali ng buhok nito habang may ilang hiblang sumabog sa mukha. Simple at natural lang ang ayos nito, pero sapat na para mapatitig siya ng mas matagal kaysa sa dapat.
“Okay lang ba?”
Lagi itong nag-aalala kung sapat ba ang ayos kapag magkasama sila. Wala itong dahilan para mag-alangan pero parang laging may pangamba.
“Ang ganda-ganda mo.”
Inabot nito ang nakalahad niyang kamay para alalayan itong makasampa sa bangka. Pero sa halip na hayaang mabasa ng tubig ang sapin nito sa paa, binuhat niya ito at maingat na inilapag sa sasakyan.
“Salamat. Pero hindi mo pa sinasagot tanong ko.”
“Sa bayan tayo para maiba naman.”
Bahagya itong natigilan. Alam niyang ayaw na ayaw nito na nagpupunta sa matataong lugar.
“May pari naman daw ngayon sa kapilya.”
Napapansin niya sa asawa, lagi itong may pag-aalala. Laging alangan. Inabot niya ang kamay nito at pinisil.
“Para maiba naman.”
Naitulak na niya ang bamgka palayo sa dalampasigan. Nakasampa na siya sa bangka at agad niyang hinila ang starter rope ng makina. Umalingawngaw sa paligid ang malalim na ugong nito bago dahan-dahang umusad palayo ang bangka.
Napahawak si Jhe sa gilid nang bahagyang umalon, pero mabilis siyang nakaalalay para hindi ito matumba.
“Ayos ka lang?” tanong niya kahit hindi inaalis ang tingin sa dinadaanan nilang dagat.
Tumango si Jhe habang pinipigilan ang buhok na nilalaro ng hangin. Sumungaw sa nahantad na leeg nito ang markang ginawa niya kanina. Tahimik siyang napangiti. Bumabalik na naman kasi sa isip ang mainit na pinagsaluhan.
Napansin ng asawa kung saan nakatutok ang mga mata niya. Para itong napahiya na nilabian siya kasabay ng paghila ng cardigan para matakpan ang bahaging iyon.
Ang cute ng asawa niya. Ang sarap tudyuin.
Ilang minuto pa ay narating na nila ang Caramoran port kung saan niya pansamantalang iiwanan ang bangka. Pumara sila ng traysikel.
“Sa Poblacion, boss.”
Nagtatanong na ang mga titig ni Jhe.
“Sa simbahan ang punta natin.”
“Oo nga,” pabalewala niyang sagot na banayad pang pinisil ang baba ng babae.
Nanahimik si Jhe, maging hanggang sa makalulan sila sa van ni Alfie. Dati itong kasamahang mangingisda na ngayon ay nagtayo na ng tindahan sa Poblacion at Virac. Tutulak ng Virac ang lalaki at nakisabay na rin sila. Mas madali silang makakarating sa pupuntahan kesa sa sasakay ng minibus o jeep.
Alam niyang hindi komportable ang asawa pero nakiayon na lang. Lagi itong ganito. Kapag nasa bayan sila o sa mataong lugar, aligaga ito.
Kinabig niya si Jhe pasandal sa balikat niya at inutusang maidlip muna.
“Sayang din ang view.”
Sa simbahan ng Immaculate Concepcion sila nagpababa. Si Alfie mismo ang nagsuhestiyon na doon sila magsimba. Tama nga naman ito. Maganda ang simbahan at ang mismong paligid.
Kasisimula pa lang ng misa pero nakahanap pa sila ng mauupuan sa gawing likuran. English mass pero nakaya niyang sabayan.
“Mamaya na lang tayo. Ingles kasi,” bulong niya sa asawa.
“Ituloy na natin. Sayang ang oras.”
Nag-aalala siya na baka hindi niya maunawaan. Ang nakapagtataka, parang sanay ang dila niya. Kahit sa pagkanta ng Ama Namin sa ingles, madali lang sa kanya. Isa na namang palaisipan na nanunungkit ng sagot.
“Mahilig ba tayong mag-attend ng misa sa Ingles dati?”
Nasa labas na sila ng simbahan at magkahawak-kamay na naglalakad palabas ng simbahan. Napahinto ang asawa at napalingon sa kanya.
“May mga pagkakataon kasi na English mass na ang naaabutan natin noon sa Maynila.”
Napatangu-tango siya.
Nagpatuloy sila sa paglalakad na magkahawak-kamay. Pumara siya ng traysikel at nagpahatid sa pinakamalaking tindahan ng Virac. Papaliko sila sa isang kalye nang medyo bumagal ang daloy ng mga sasakyan. May isang bridal kasi na pinaliliko ng mga motorista sa isang establisyemento sa di-kalayuan.
Napako roon ang mga mata niya kahit nang makalagpas na sila roon.
Wala siyang memorya ng kasal nil ani Jhe at gusto niyang maalala ang nararamdaman ng isang ikinakasal.
Pagtingin niya kay Jhe, namagneto rin pala ang paningin nito sa lumiliit nang sasakyan. Paglingon nito sa kanya, nagsalubong ang mga titig nila. May pangingislap siyang nakita sa mga mata ng asawa. Pagkatapos ay wala itong ibang sinabi at kusang sumandal sa balikat niya.
Naiinggit kaya ito?
Isang araw, pakakasalan niya ito sa simbahan. Magsusuot ito ng magandang damit pangkasal.
Pangako ‘yon.
Pagdating sa mall, nag-agahan muna sila. Mabuti na lang at hindi pa gaanong matao sa food court. Nag-grocery sila pagkatapos. Mga pangunahing pangangailangan lang naman. Namili na rin sila ng gamot, at syempre, pampasalubong na rin.
Habang abala si Jhe sa pagpila sa bakeshop, nagpaalam siyang may bibilhin saglit.
“Hintayin mo lang ako dito. Huwag kang aalis.”
Sa lahat nang wala sila, cellphone ang hindi man lang nila naisipang bilhin.
Mabilisan siyang pumuslit sa naraanang booth kanina at binili ang bagay na pinakaunang dahilan sa pagpunta ng Virac.
“May titingnan lang akong tools doon,” ang sagot niya nang nagtanong ang asawa.
Kinuha niya ang mga supot na pinamili nito at nag-ayang umuwi. Kailangan nilang makabalik sa isla nang wala pang alas singko. Lampas alas kwatro nang makarating sila ng isla. Tamang ayos lang ng mga pinamili at muling lumabas ng bahay bitbit ang pinamili nilang tinapay sa bayan.
“Ate Jhenalyn!”
Parang normal na senaryo na na kuyugin ng mga paslit na naglalaro sa dalampasigan ang asawa niya. Isa-isa nitong inabutan ng tinapay ang mga batang naroroon. Masasabi niya, natural na malapit ito sa mga bata. Parang sanay na sanay sa mga bata. Malayo sa babaeng laging umiiwas sa maraming tao.
“Ate, karga mo po ko.”
Pumantay si Jhenalyn sa isang paslit na nakadipa na ang mga braso. Kinarga niya ito at isinayaw-sayaw.
Habang nakatitig sa dalawa at sa mga batang masayang kumakain habang napupuno ng kwento sa asawa, para namang nalulusaw ang puso niya. Kapag nakikita niya itong nakangiti habang karga-karga ang batang iyon, hindi niya maiwasang mamangha lalo sa asawa. Mas lumalalim ang paghanga at pagmamahal niya rito.
Mabuting babae ang pinakasalan ko, nasabi niya sa sarili.
Napahinto ito sa tila paghele sa bata nang matuklasang titig na titig siya. Mula sa nagtatanong na titig, unti-unting gumuhit ang matamis na ngiti nito nang wala siyang ibang ginawa kundi ang ngitian din ito at hayaang maramdaman nito kung gaano ito kaganda sa paningin niya.
“Gumawa na rin kasi kayo ng bata.”
Naputol ang matamis na ngitian at tinginan nang lumapit ang nanay ng bata at kinuha ang anak nito.
“Mlapit na ho.”
Siya na ang kusang sumagot at nagpaalam na sila sa mga ito.
May isang lugar pa silang pupuntahan.
Kinuha niya ang kamay ni Jhe at inakay ito patungo sa burol na kinaroroonan ng lumang parola. Mabilis lang nilang idinaan kina Poncio ang pasalubong at nagmamadali na niyang inakay si Jhe palayo.
“Saan tayo pupunta?”
“Parola.”
Gumuhit ang matamis na ngiti ng asawa. Iyon ang isa sa pinakagustong pagbabaran nito ng panahon, ang masasabi niyang pinakapaborito nitong lugar sa isla. Pareho nilang nagmamadaling tinahak ang daan sa gitna ng talahiban. May tatlumpung minutong paglalakad din bago nila narating ang burol kung saan ay tila nagmamalaking nakatayo ang lumang parola.
Mula sa itaas ng burol, tanaw nila ang Calabgio island sa hindi kalayuan, ang malinaw na dagat, ang kahel na kulay ng kalangitan.
“Ang ganda talaga rito, ‘no?”
Hindi matapos-tapos ang paghanga sa mukha ng asawa. Habang nakatingala ito sa istruktura, humahanga sa tayog at ganda, ang mga titig niya sa mukha nitong dahan-dahan nang hinahalikan ng nagbabagong kulay ng kalangitan ay doon lang nakapako.
Linggo ngayon pero mangilan-ngilan lang ang nakasabayan. Kumukuha ng larawan sa magandang tanawin. Umuwi rin ang mga ito makalipas ang ilang minuto.
“Pwede mamaya na muna tayo umuwi?”
Mas mabuti.
Umaayon sa plano ang sinabi nito. Naglakad si Jhe patungo sa mas malapit sa dulo at kuntentong tumitig sa unahan. Ang panghapong hangin ay isinayaw-sayaw na ang nakataling buhok ng asawa at ang laylayan ng sweater at damit nito.
Habang humahangang nakatitig dito mula sa likuran, dinukot niya naman sa bulsa ang bagay na kanina pa nakatago. Humakbang siya palapit sa kinatatayuan ni Jhe.
“Mahal?”
“Mm?”
Bahagya lang itong lumingon. Ang payapa nitong mukha ay napalitan ng kunot noo at pagtataka nang makita kung ano ang bagay na hawak niya ngayon.
Umawang ang bibig ni Jhe.
Tuluyan na itong paharap sa kanya. Palipat-lipat ang mga titig nito sa nakabukas na kaahon at sa mukha niya.
Naghahanap ito ng tamang sasabihin.
“Para saan ‘yan?”
Ngumiti siya. Kinuha ang hindi naman mamahaling pilak na singsing mula sa sisidlan at pagkatapos ay hinawakan ang kamay nito na nasusuotan ng lumang wedding ring nila.
“Hindi ko maalala ang araw ng kasal natin, kung ano ang pinangako ko…”
Dahan-dahan iyong isinuot sa daliri ng babae.
“Pero nangangako ako na mamahalin kita ng habangbuhay. Singlawak ng dagat na ‘yan,” turo niya sa karagatan sa likuran ng asawa, “at singtayog ng parola sa likuran ko ang pagmamahal ko sa’yo.”
Magkatabi na ngayon ang dalawang singsing sa palasingsingan nito. Kahit sa mas dumidilim na paligid, makikita pa rin ang kinang niyon. Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niyang namuo ang mga luha sa mga mata ni Jhe. Nagtaas-baba ang dibdib na para bang pinapanatag ang nagwawalang puso na kagaya niya.
Kung alam lang ng asawa kung paanong binabagyo ang dibdib niya sa sobrang kaba.
“Mahal kita.”
Doon tuluyang nalaglag ang mga luha ni Jhe. Yumakap ito sa kanya ng mahigpit habang humihikbi. Sa kanilang dalawa, ito ang mas madalas magsabi kung gaano siya nito kamahal. Ngayong sa kanya nanggaling, halos matigmak sa luha ang mga mat anito.
“Mahal na mahal din kita.”
Niyakap niya rin itong pabalik habang hinahaplos ang buhok nito.
Nanatili sila sa ganoong ayos nang wala nang iba pang sinasabi. Parang ang magkatugma na t***k ng mga puso nila ang nangusap para sa isa’t-isa. Hanggang sa nagsalita ito.
“Umuwi na tayo.”