2

1525 Words
Kinagabihan, dumalaw sina Poncio at Aida sa kanila para doon maghapunan. Halos lingguhan kung mangapitbahay ang mag-asawa dahil hindi naman mahilig lumabas ang asawa niya. Mas gugustuhin pa nitong maglinis at magtanim kaysa sa mag-aksaya ng oras sa labas. Minsan nga niya itong biniro na parang may tinatakasan ito. Ayoko lang ng maraming tao, lagi nitong sagot. Siguro nga dahil hindi ito ang tipo ng taong unang magkukwento o magbubukas ng usapan. Mukhang sa kanya at kina Aida lang ito komportable. “Mare, turuan mo naman akong manahi ng kurtina.” Natutuwang hinawak-hawakan pa ni Aida ang kasasabit lang na bulaklaking tela sa bintana. “Dapat, dalasan mo ang pagparine para maambunan ka naman ng talento ni Jhe.” Napatingin siya sa kurtina. Ang galing nga ng asawa niya. Perpektong maybahay. Sinisiguradong masarap uwian ang tahanang binuo nilang dalawa. Maalwan, malinis. Hindi maubos-ubos ang paghanga niya rito. Umusbong ang tanong sa isip, kung saan siya unang nabighani sa asawa. Sa pisikal na katangian o ugali? “Pare, mukhang kakainin mo na naman ang misis mo.” Natatawa na lang siyang nilingon si Poncio. Magkatulong silang naglabas ng maliit na mesa at mga bangketo sa lilim ng puno sa bakuran. Mas pinili nilang mag-ihaw sa labas. Habang kumakain, kung saan-saan dumako ang usapan. Lahat masasaya. Kapag sina Poncio at Aida ang kasama, lagi siyang nadadala sa mga biro nito. Kaya siguro wala siyang naramdamang pagkabgot dito sa isla kasi masasayang kaibigan ang dalawa. “Ang sarap naman ng mga luto ng mga misis natin, Pre,” Mukhang nakakatakam nga ang mga pagkain. “Sobra. Parang mas masarap pa yata ito sa fillet mignon.” Fillet mignon. Napatda siya sa sinabi. Ano ba ang alam niya sa fillet mignon kung pangkaraniwang tao lang naman ang madadalas nilang ulam? Saan na naman ba niya napulot iyon? “Dagdagan ko pa ng kamatis ang plato mo?” Marahan lang siyang tumango. Wala naman sigurong nakarinig sa sinabi niya o kagaya niya rin ang mga kasalo walang alam sa nabanggit niya. Napatitig sa pagkain sa plato. Naglalaro na naman ang haka-haka sa isip pero binalewala niya at nakisali na rin sa masayang usapan. Matapos maghapunan, hinayaan na lang muna sila ng mga asawa nila na magkwentuhan habang magkatulong na nagliligpit ang mga ito. Nagbukas ng dalawang bote ng beer si Poncio. “Baka mapagalitan tayo ng mga misis natin.” Malutong ang naging tawa ni Poncio. “Takot ka talaga kay Jhe.” Hindi pa niya nakikitang nagagalit ang asawa, at ayaw niyang galitin ito. “Sige na. Hindi naman nakakalasing ang isang bote.” Atubili niyang tinanggap ang nakabukas ng bote. “Red Horse,” mahinang basa niya sa nakasulat sa bote. Pinagpingki ni Poncio ang mga bote nila. “Cheers!” Lumikha iyon ng tunog at ilang saglit pa ay tumutungga na ito. Siya, nanatiling nakatitig lang sa hawak. Ewan. Pero parang may nakikita siyang ibang bagay. Kamay na may hawak ding inumin. May likidong tila bumubula, may mga tawanan at pingkian… “Pare, hoy!” “H-ha?” “Parang gusto mo nang maging genie at pumasok sa bote.” Tipid siyang ngumiti at tumungga. Sa unang sayad ng inumin, inakala niyang mapapaubo o mapapangiwi siya pero swabe lang iyong dumaan sa kanyang lalamunan. Hindi raw siya umiinon pero bakit mukhang sanay na sanay ang kanyang sistema? Naubos niya ang halos kalahati nang walang anumang kakaibang pakiramdam. “Poncio?” “Pre.” “Hindi ko pa naranasang malasing pero bakit parang sanay na sanay ako sa alak?” Lumingon ito sa kanya at pabirong sinabi na, “Matibay lang ang sikmura mo.” Pabiro pang sinuntok ang matigas niyang tiyan. Muli ay kanya-kanya silang lagok ng beer. “Sino si Luka?” Nabitin sa ere ang bote na hawak ng kaibigan. “Hindi ko kilala,” diretsang sagot nito. “Tinanong mo ba si Jhe?” Umiling siya. Sa hindi malamang dahilan, nagdalawang-isip siyang magtanong sa asawa. Pakiramdam niya kasi, kapag nilaliman pa niya ang mga tanong, magugulo ang patag na buhay na meron siya. Para siyang napapagitnaa sa nag-uumpugang mga bato. “Baka narinig mo lang o nabasa.” “Baka nga siguro.” Tyempong pumatak ang ulan. Natapos ang usapan nang dali-dali silang pumanhik ng bahay. Habang ipinanhik ni Poncio ang mga gamit, nanatili siya sa beranda at pinagkasyang titigan ang madilim na langit. “Parang singdilim ka rin ng nakaraan ko.” Hindi sinasadyang napalingon siya sa kusina. Nakita niyang tila masinsinang nag-uusap ang tatlo. Maliit lang ang bahay nila pero ang hina ng mga tinig ng mga ito. Ayaw ba nitong marinig niya ang usapan? Napabuntong-hininga siya. Bumangon na naman ang mga kutob at hinala na ayaw na ayaw niyang nabubuo sa isip. Napansin siya ni Poncio. Kumaway kaagad ito at ngumiti ng malawak. Ah, baka masyado siyang nag-iisip. Nagpaalam na rin ang dalawa ilang saglit lang. Naiwan siya sa sala habang si Jhe ay tinapos ang anumang kalat sa kusina. Pinakaayaw nito sa lahat ay ang magising na may kahit isang hugasin na maiiwan kinagabihan. Sa bawat galaw nito, humuhulma ang hubog ng katawan sa maluwang na daster. Bumabakat ang magandang hubog ng pwetan. Hindi niya namalayang dahan-dahan na pala siyang napapahakbang palapit sa asawa. Nagulat pa ito nang basta na lang niya yakapin ito mula sa likuran. Inagaw niya mula sa kamay nito ang basahan na ipinampunas sa kamay at inilapag sa banggerahan. “Bukas na ‘yan. Matulog na tayo.” “Tatapusin ko na lang muna, pwede?” “Sige.” Bumitaw siya rito at nagkasya na lang na sumandal sa mesa. Kahit nababagot na at gusto na itong makatabi, nagtiyaga siya. “Last na lang.” Isasampay na sana ni Jhe ang nilbahang basahan nang bigla na lang itong sumuray at napahawak sa ulo. “Mahal!” Mabilis niya itong inalalayan. “Sabi naman kasi sa’yo na bukas na ‘yan, eh.” Inalalayan niya ang asawa na makapasok sa silid nila at mahiga. Kinumutan niya ito at tinabihan. “Anong gamot ba ang kukunin ko?” Nakahanda na sana siyang pumihit pabalik ngunit pinigilan ni Jhe ang kamay niya at dahan-dahan siyang hinila sa tabi nito. Patagilid silang nakahiga sa kama. “’Di ko kailangan ng gamot.” “Okay.” Binalot niya ito ng yakap habang nakaunan ito sa kanyang bisig at nakahiga silang paharap sa bintana. Nakalimutan niyang isarado ang bintana kaya may sinag pa rin na nagmumula sa solar lamp na nilagay niya sa labas ang bahagyang nagbibigay ng liwanag sa silid. “Mahal?” “Mm...” Naramdaman niya ang paghila nito sa kamay niya at inilagay sa ilalim ng pisngi nito. “Gusto mo ba?” Ang hina ng boses nito. Alam niya ang ibig nitong sabihin kaya nahihiya itong magtanong. “Anong gusto ang ibig mong sabihin?” “Mahal naman, eh…” Natatawa niyang pinaghahalikan ito sa punong taingaa. Doon ang kiliti ng asawa kaya para itong uod na nagpupumuglas. Pagkatapos ay hinigit pa itong palapit sa kanya. Kung pwede niya lang itong isuksok sa katawan niya. “Alam mong bitamina kita.” Hinagkan niya ang pisngi nito. “Pero hindi ko naman maatim na mas pagurin ka pa. Masyado ka nang nagpapagod dito sa bahay at sa pagtulong kay Aida.” Marami pa namang pagkakataon. Baka bukas o mamayang madaling araw. Baka hindi makatiis at mangalabit siya. Sa kanilang dalawa, siya ang mas agresibo. “Saan tayo unang nag-date?” Bigla na lang ay naitanong niya. “Sa isang gotohan.” “Paborito ko ba ang goto?’ “Ako. Ako ang mahilig.” Minsan itong nagluto ng goto, kumplimento niya lang na kinain. Sa totoo lang, wala siyang matawag na paborito. “Nakakain na ba ako ng fillet mignon?” "Hindi ko alam.” Napangiti siya. “Sa hirap kong ito, imposibleng nakapasok ako sa mga mamahaling kainan, ‘di ba? Baka hanggang sa labas lang ako. Baka dati akong security ng isang restoran.” Siya mismo ang natawa sa sinabi. Nakitawa si Jhe pero mababaw lang. Pagod nga talaga siguro. “Matulog ka na. Baka sumakit na naman ang ulo mo kapag pinilit mong alalalahanin lahat.” Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga at mas piniling huwag nang mag-usisa. Hanggang sa nakatulog na si Jhe sa mga bisig niya. Sinikap niya na ring maidlip pero talagang ayaw siyang dalawin ng antok. Naisip niyang magtungo sa tabing dagat pero baka magising ang asawa. Nilaro niya na lang ang mga daliri sa kamay nito at ilang sandaling napatitig sa mga daliri nilang nasusuotan ng mumurahing singsing. Hinalikan niya ang dulo ng mga daliri nito at nagtagal ang mga labi niya doon sa ituktok ng singsing. Ikaw pa rin ang katotohanang paniniwalaan ko. Napatingin siya sa nakadikit na kwadro sa dingding. Nasisinagan iyon ng liwanag mula sa labas. Silang dalawa iyon ni Jhe. Seryoso lang ang ekspresyon niya. Kabaligtaran sa matamis na ngiti sa mukha ng asawa. Muli niyang ibinalik ang paningin sa katabi. Ano man ang buhay at nakaraan niya lagpas na isla at dagat na nakapalibot sa kanila, wala na iyong halaga pa. “Basta kasama kita, buo na ang pagkatao ko.” Mag-asawa sila, 'yon ang mahalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD