One hour earlier
Naiwan si Jessa mag-isa sa loob ng bahay habang ang kaniyang mga kasama ay naisipang maglibot-libot upang makapagtanong. Nananakit kasi ang kaniyang tiyan at hindi niya ito mapigilan. Matapos niya sa banyo ay naisipan niyang maglibot libot sa loob ng bahay. Hindi niya na rin naman masusundan ang mga kasama at wala rin signal upang matext niya ang mga ito. Wala siyang ibang mapaglibangan. Ngunit hindi niya inaasahan na may malaking bagay pa siyang matutuklasan. Isang lihim na sana ay hindi niya na nalaman pa.
Napansin niyang bukas ang pinto sa isang kwarto at tila may naririnig siyang boses mula roon. Hindi siya nagdalawang-isip na lapitan iyon. Ngunit dahan dahan lang siya sa paglalakad. Mas naririnig niya na ng maayos ang mga boses, pamilyar sa kaniya ito.
“Tahan na anak! Tahan na! Tahan na!”
Naalala niya ang sinabi ni Lyca sa kanila, totoo pala iyon. Iyon din ang mga salitang narinig ni Lyca, ngunit ayon sa kaniya, malumanay at mahina daw ang boses na iyon. Ibang iba sa naririnig niya ngayon. Tila may pighati, poot, at kasamaan.
Nang tuluyan na siyang makalapit sa bukas na pinto, nakita niya na kung sino ang naroon. Nagtago siya sa likod ng malaking vase upang hindi siya mahalata. Kitang kita niya ang ginagawa nito. Nagtataka siya at nahihintatakutan. Tumutulo na ang dugo sa sahig mula sa sugat na ginawa nito sa sarili. Iba na rin ang ayos ng buhok nito. Sa sandaling iyon, tila nababaliw si Ina.
“Ta***a,” sambit niya sa sarili.
Sa sobrang kaba ay napaatras si Jessa mula sa kinatatayuan, ngunit nalaglag ang libro na nakapatong sa gilid ng vase at kumalabog iyon tama lang upang marinig ni Ina. Napahinto ito sa ginagawa at lumingon sa pinanggalingan ng tunog. Dahan dahan niyang inangat ang mukha at nagkasalubong sila ng tingin ni Ina. Kinilabutan siya nang ngumiti ito nang malawak at unti-unting lumapit sa kaniya. Tila isang natural na aksyon, walang ibang naisip si Jessa kun’di ang lumayo sa lugar na iyon. Tumakbo siya ng mabilis.
“Run for life, Jessa,” mahinang paalala niya sa sarili.
Rinig niya na may sumusunod sa kaniya ngunit nahihirapan ito na abutan siya. Palinga-linga si Jessa sa paligid habang tumaktabo ngunit hindi niya alam kung saan banda siya tutungo. Nasa kabilang daan ang pinto at ang direksyon niya ay patungo sa kusina. Sa pagkataranta ay natalisod siya sa natapakan na basahan, basa ito at madulas. Natama ang kaniyang ulo sa sahig na gawa sa semento, nagdulot iyon ng pagkahilo. Nang dahil sa pagkakamaling iyon ay nakalapit si Ina at hinila ng mahigpit ang kaniyang buhok. Napasigaw siya sa sakit ngunit mabilis na tinakpan ni Ina ang kaniyang bibig. Sa ganoong ayos ay nagawa siya nito kaladkarin papasok sa silid. Halata na hirap si Ina sa pagkilos ngunit iniinda niya lamang ito. Noon lang nakapasok si Jessa sa loob ng kwarto ni Ina kaya pinagmasdan niya ang paligid nito. Madilim at tanging kandila lamang ang nagbibigay ng liwanag. Nakakatakot iyon. Marami pang nagkalat na libro sa sahig.
“Pahingi ng mata mo,” diretso kong sambit sa kaniya.
Nanlaki ang mata ni Jessa sa sinabi nito at naalala niya na nabanggit sa kanila na gusto ng anak nito ang mga may kulay ang mata. Sa sandaling iyon ay nakakabit pa rin ang contact lense niya. Manghang mangha si Ina na tinititigan iyon samantalang siya ay takot na takot.
“I-ikaw… B-baliw k-ka…” nanginginig ang boses niya at nauutal.
Hindi pinansin ni Ina ang sinabi niya. umuha ito ng panali sa ilalim ng kama at nilapit ang bangkuan. Sinusubukan ni Jessa na tumayo ngunit natutumba siya, masakit pa rin ang ulo niya mula sa pagkabagok kankna. Hindi siya muling nakapalag nang tinali ng mahigpit ang mga kamay at paa niya sa may bangko. Sinusubukan ni Jessa na magpumiglas ngunit mas malakas si Ina sa kaniya.
“B-bitawan mo ‘ko! B-bita—mmmph!”
Hindi natuloy ang sasabihin ni Jessa nang lagyan ni Ina ng busal ang bibig niya. Nagsimula siyang maluha. Ngumiti si Ina ng pagkatamis-tamis upang maibsan ang kaniyang takot. Ngunit kabaligtaran iyon.
Wala na siyang nagawa sa mga sunod nitong ginawa. Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi niya na maalala kung paano, basta ay nangyari na lang ang lahat. Nananalangin si Jessa sa kaniyang isip ngunit hindi siya dininig ng Diyos. Nawalan siya ng mata sa brutal na paraan. Nang mga sandaling iyon ay naiisip ni Jessa ang kaniyang buhay at hinaharap. Patuloy siya sa pag-iyak sapagkat wala siyang magawa.
“Tanginang pakshit na buhay ito.”
Inaamin niyang madalas sila magbiro ni Jericho ukol sa mga ganitong bagay ngunit hindi niya lubos maisip na magkakatotoo ito. Isa itong pangyayari sa buhay niya na sana ay hindi na nagkatotoo, sana panaginip lang. Sana ay nasa sasakyan pa rin siya at natutulog lamang, tapos paggising niya makikita ang mga kasama na sumasabay sa awitin at nagkukwentuhan.
“All my life is hell,” nanghihinang sambit niya sa sarili.
Oo, pangit ang mga naging karanasan niya. Malupit sa kaniya ang mundo, bata pa lamang siya. Ngunit kailan man ay hindi niya inisip na magpakamatay. Marami siyang gustong baguhin sa takbo ng buhay niya. Hindi siya kailan man sumuko.
Sa ganitong paraan niya nalaman ang lihim at hindi man lang niya nasabihan ang mga kasama. Iniisip niya ang kalagayan ng mga ito. Paano kaya siya makakaalis at makakaligtas? Kung hindi ba nanakit ang tiyan niya at nakasama siya sa kanila, hindi ito mangyayari sa kaniya? Kung hindi ba siya naglibot at nakita si ina, hindi siya nito mahuhuli? Kung hindi sila naligaw sa lugar na ito edi sana payapa at masaya sila ngayon. Ang dami niyang gustong sisihin.
Nanghihina na siya. Namamanhid na ang sakit na nararamdaman. Pakiramdam niya ay mawawalan siya ng malay. Ito na ba ang katapusan niya? Ganito na lang ba ito? Paano ang mga magulang niya? Paano ang pag-aaral niya? Hindi niya na ba maaabot ang mga pangarap? Sana ay mahanap pa siya ng mga kasama at sana ligtas ang mga ito.
“Siguro kung nasa loob kami ng isang palabas, hindi ako ang bida,” muling saad niya sa sarili bago nawalan ng ulirat.
-
One hour later
Sa ngayon ay hindi nila maunawaan kung bakit biglang nagsara ang pinto. Imposible naman na kusa itong magsara o isara ito mula sa labas. Sa kabila ng pagtataka, iniisip pa rin nila ang kalagayan ni Jessa, kung nasaan man ito ngayon at kung bakit siya nawala. Habang sinusubukang buksan ang pinto, nararamdaman nilang may taong papalapit sa kanila. Rinig na rinig ang mababagal na yapak. Sabay sabay nilang inanangat ang ulo para tignan kung saan iyon nanggagaling.
“Mga anak…” boses ni ina.
Sumalubong sa kanilang paningin ang babae na tila hindi na nila kilala. Iba na ang ayos at suot nito. Ang isa pang pumukaw sa atensiyon nila ay ang buhok nito na sa palagay nila ay kagugupit lamang. Hindi lang iyon, mas malinaw na nilang nakikita ang sugat na pilit nitong tinatakpan gamit ang hibla ng buhok. Bakas ang lalim na pagkakahiwa nito sa kaliwang mata niya. Ilan sa kanila ay ngayon lang ‘to napagtanto, isa na lang ang paningin niya? Hindi nila alam kung matatakot o maaawa. Ngunit isa lang ang sigurado, may mapait na nakaraan ang sanhi ng sugat na iyon.
“Halika na kayo’t kumain,” ang sabi nito.
Isang dipa lang ang layo ni Ina sa kanila, hindi nila alam kung lalapit o lalayo. Inaamin nilang nakaramdam sila ng takot sapagkat tila may kakaiba sa ngiti ni Ina. Nagyayaya lang naman itong kumain, ngunit bakit parang may kakaiba?
Alanganin silang sumunod dito, ngunit mabagal lamang ang kanilang paglakad. Kinakabahan si Lyca na tumingin sa mga kasama. Nagkakaintindihan sila sa mga titig. Nanginginig na itinuturo ni Maria ang likuran ni Ina, tila may nakitang hindi kanais-nais doon. At sabay sabay silang huminto.
“M-mata ba ‘yong hawak n-niya?” nauutal nitong bigkas.
Mahina, pero hindi nakatakas sa pandinig ni Ina. Napahinto siya sa paglalakad. At saka lamang napagtanto na hindi niya pa pala iyon binibitawan. Iniisip niya kung paano niya iyon itatago. Ngunit sa halip, isinubo niya na lamang ang mga ito at humarap sa mga kasama. Iyon nga lang, hindi niya ito malunok kaya hindi sinasadyang dumulas ito sa bibig niya at nailuwa. Nagpagulong gulong ito at huminto sa lugar kung saan nakatayo ang magkakaibigan. Hinayaan lamang ni Ina iyon, ngunit maging siya ay nagulat.
Nanlaki naman ang mga mata nila at nanatiling nakaawang ang bibig dahil sa hindi makapaniwala. Napalunok si Benny ng laway at nanginginig na hinawakan ang kamay ni Maria. Isa lang ang tumatakbo sa utak nilang lahat sa mga oras na ito, iyon ay ang tumakbo.
Mabilis pa sa segundong hinila ni Benny si Maria at tumakbo, sabay silang dalawa na umakyat paitaas. Hindi na nahintay ang ibang kasama. Naghanap sila ng kwarto na pagtataguan doon. Pinili nila ang pinakadulong pinto. Punong puno ang loob nito ng mga istatwa at rebulto hindi pamilyar sa kanila. Nagmamadali silang pumasok at maiging ni-lock ni Benny ang pinto.
“Oh my God! S-sila Je-Jericho!” histerikal nitong sabi at binabalak na buksan muli ang pinto upang balikan ang mga naiwan na kasama.
“Shh!” suway ni Benny at pilit siyang pinipigilan. “Walang mangyayaring masama sa kanila, magtiwala ka lang.”
Naluluhang tumitig si Maria kay Benny. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Ngunit ngayon, kailangan niyang kumalma. Hiling niya lang na hindi sila mahanap sa kanilang pinagtataguan at manatili silang lahat na ligtas.
Samantala, si Ina naman ay naiwang nakatayo doon. Nawala ang ngiti niya sa labi at sumama ang titig. Hinabol ang mga kabataang tumakbo patungo sa kusina. Diretso lamang ang takbo nila Joyce, Lyca at Jericho. Sa kusina sila napadpad. Nagpalinga-linga, tila lumiit ang bahay dahil wala na silang ibang matakbuhan. Nang mapansing hinahabol sila ni Ina ay mas lalong tumindi ang kabang nararamdaman nila.
Hindi napansin ni Lyca ang dugong nasa sahig. Nadapa siya sa malapot at maitim na bagay na iyon, na siyang dumikit sa buong katawan niya. Nang mapansin ni Joyce ang paghinto ni Lyca, lumapit siya rito at tinulungan. Nahihirapang tumayo at maglakad si Lyca dahil nadudulas pa rin ang mga paa niya. Samantalang si Jericho ay nagdirediretso hanggang marating ang isang maliit na bodega. Hinihintay niyang magtungo rin doon ang dalawa ngunit huli na ang lahat. Sa kasamaang palad, naabutan ni Ina si Lyca at Joyce.
Lumuluhang umaatras ang dalawa. Mahigpit na hinawakan ni Joyce ang kamay ni Lyca, ramdam niya ang takot nito. Ganoon din siya, pero dahil siya ang mas nakakatanda ay kailangan niyang magpakatatag.
Ano ba ang nangyayari? Hindi niya alam. Ang natatandaan niya, kagabi ay maayos pa naman ang lahat. Simula nang magising sila, mawala si Jessa, sumara ang pinto, at ang mga matang gumulong sa harap nila, nangyari na ang lahat. Ano pa bang sikreto ang kakailangan nilang malaman?
Dead end. Lumapat ang kanilang likuran sa malamig na lababo, tanda na wala na silang matatakasan. Napansin ni Joyce na malayo ang kinalalagyan ng kutsilyo at kung anong bagay na pwedeng gamiting pandepensa kung sakaling may gawing masama si Ina sa kanila. Seryoso sila nitong tinititigan, habang inaabot ang kawali sa gilid niya. Hanggang sa tuluyan na niya itong maabot.
“Tahan na, anak,” biglang sambit ni Ina. Nakatingin ito sa kawalan at tila may kausap na iba.
“Huwag ka na muling iiyak. Nasasaktan ako, anak. Pakiusap, tumahan ka sa pag-iyak,” patuloy nito.
Paulit-ulit nitong binabanggit ang mga kataga na tila tumutula. Monotone ang boses at walang pinapakitang ekspresyon ang mukha. Nagtataka silang dalawa sa mga ikinikilos nito, at hindi nila alam kung para kanino at para saan ba ang mga sinasabi nito.
“Tahan na, anak. Huwag ka na muling iiyak. Nasasaktan ako, anak. Pakiusap, tumahan ka sa pag-iyak,” pag-uulit nito.
Matapos sabihin iyon ay sumugod ito sa dalawang dalagita. Ginawa naman ang lahat ni Joyce upang pigilan ang mga kamay ni Ina at para hindi sila tamaan n’on. Ngunit dahil mas malakas si Ina, nagawa siya nitong itulak. Bumangga ang katawan ni Joyce sa lamesa dahilan para magulo ang mga upuan. Napadaing si Joyce dahil sa sakit ng pagkakatama niya rito.
Natataranta naman si Lyca at hindi alam ang gagawin. Tuliro siyang habang pinapanood ang dalawa, pinag-iisipan kung lalapit ba o tatakbo. Gusto niyang tulungan ang ate Joyce niya pero hindi niya alam kung papaano, hindi naman pwedeng iwanan niya ito. Wala na siyang nagawa nang tuluyang makalapit si Ina kay Joyce at pinukpok ang ulo nito. Nasaksihan niya ang pagpikit ni Joyce at kung paano dumaloy ang dugo mula sa kaniyang ulo.
“Ate Joyce!” bulalas niya.
Nanginginig ang tuhod niya at maka-ilang beses na nagmura sa isip. Mabilis siyang pumunta sa puwesto na kinalalagyan ng mga kutsilyo at mahigpit niyang hinawakan ang isa sa mga iyon. Humarap siya kay Ina at nakatitig lamang ito sa kaniya, naghihintay sa gagawin niyang hakbang. Napalunok siya nang dumako ang titig niya sa hawak nitong kawali na may bahid na ng dugo. Pagkatapos ay kay Joyce na walang malay sa sahig. Hiling niya na sana ay buhay pa ito. Pilit niyang nilalabanan ang takot at matapang na itinutok sa kaharap ang kutsilyong hawak, nanginginig man ang mga kamay.
“Huwag ka pong lalapit!” lakas loob niyang sabi.
“Sa tingin mo makikinig ako sayo?” sagot naman ito.
“Bakit niyo po ba ito ginagawa!” naiiyak niyang sambit.
Humahakbang papalapit si Ina at hinawakan rin nang mahigpit ang bagay na hawak niya. Nagkatinginan sila sa isa’t-isa. Bigla na lamang umiyak si Lyca at nabitawan ang kutsilyo. Hindi niya kaya. Hindi niya kayang manakit ng tao. Hindi niya kayang pumatay. Kahit saktan pa siya ni Ina ay hindi niya kayang gawin ang katulad ng ginawa nito kay Joyce.
“Bakit…” iyon lamang ang nasabi niya.
Sumisinghot na pinupunasan niya ang luha gamit ang kamay, ipinikit niya ng mariin ang mga mata. Handa na siya sa kung ano man ang gawin ni Ina sa kaniya. Binuwelo ni Ina ang kamay at hinampas ng malakas ang hawak sa mukha ni Lyca. Dumugo ang ilong nito at namaga ng sobra ang pisngi. Tulad ni Joyce ay nawalan rin siya ng malay at mabilis na bumagsak ang katawan nito sa sahig. Sumilay ang ngisi sa labi ni Ina.
Sa ilalim nang lalagyan ng mga kagamitang pangkusina ay may cabinet, kumuha siya ng lubid doon. Yumuko siya upang itali ang kamay ng dalawang dalaga, kumirot pa ang sugat niya ngunit hindi niya iyon ininda. Pagkatapos ay kinaladkad niya ang walang malay na katawan ng dalawa. Bumakas ang dugo sa sahig at kumalat sa buong kusina, ngunit hindi niya iyon alintana. Diretso lamang ang titig niya. Saka dinala ang mga ito sa kwarto ng kaniyang anak.
May nagsasabi sa utak niya na tuluyan niya nang patayin ang mga ito, ngunit hindi niya muna ginawa. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit may pumatak na butil ng luha sa kaniyang mata.