Chapter 3

1520 Words
Jet Kingsley POV Nakatayo ako ngayon sa harapan ng napakagandang hardin ng Home of Dreams. Parang kailan lang ay dito ako tumatakbo at naglalaro nung bata pa ako. Kasama ko rito noon ang mga naging kapatid ko at ngayo’y isa na kaming mga tanyag na international artists-- ang Bullet Boys. Ang bilis ng panahon, dati rati ay puno lamang kami ng mga pangarap habang nakahiga sa damuhang ito. Dito sa apat na sulok ng bahay ampunan na ito nabuo ang lahat ng aming mga minimithi sa buhay. Ngayon, masasabi kong natupad nang lahat ang mga pangarap namin na nabuo sa lugar na ito. “Si Kuya Jet!” sigaw ni Aimee Napalingon ako sa kanya at kasama nyang tumatakbo palapit sa akin ang iba pang mga bata, na katulad ng Bullet Boys ay iniwanan din ng kanilang mga magulang. Yumakap ang batang si Aimee sa aking binti. Napuno na rin ng tawanan at kasabikan ang ibang mga bata nang makita nila ako. Pinalibutan nila ako at nag-uunahan silang lahat na mayakap ako. “Oh isa-isa lang ang yakap sa Kuya Jet nyo. Lahat naman kayo ay pagbibigyan nya.” Lumitaw ang mga ngiti sa labi ko nang marinig ko ang tinig ni Sister Elena. Malaki na rin ang pinagbago ni Sister. Halos kulay puti na rin ang mga buhok nya na halatang inalay nya ang buong buhay nya dito sa bahay ampunan. Bumitaw sa akin ang mga bata nang marinig din ang boses ni Sister. Marahan akong nagtungo kay Sister Elena at binigyan ko sya ng isang napakasarap na yakap. Miss na miss ko na ang aking pangalawang ina na si Sister Elena. Sa kabila ng tagumpay at kasikatang nakakamtan ng Bullet Boys ay hindi pa rin ako nagsasawang balikan ang aking pinanggalingan. “Nasaan ang iba mong mga kapatid?” tanong nya sa akin “Hindi po nila alam na nagtungo ako dito. Bigla ko lang pong namiss ang mga bata—pati na rin kayo Sister.” Malambing kong wika Nasilayan ko ang kakaibang mga ngiti ni Sister sa akin. “May problema ba?” tanong nya Napayuko ako at napahawak sa aking batok. Alam ni Sister ang ugali ko kapag naglalambing ako ng ganito. Hindi ko natugunan ang mga tanong nya. “Kuya Jet, nasaan po ang doll na pangako mo sa akin?” biglang wika ni Aimee Kaagad kong binuhat si Aimee at pinupog ko sya ng halik. “Kuya, yung sa akin din po?” banggit naman ni Anna At lahat na ng bata ay muli akong dinumog at kinulit tungkol sa mga ipinangako kong mga laruan sa kanila. “Okay, ipapababa ko ang mga regalo ko para sa inyong lahat.” Sambit ko “Yehey!” Lahat sila ay halos malunod sa kaligayahan dahil sa nabanggit ko. Kaagad kong ipinautos na ibaba ang mga regalo na nasa kotse, sa aking driver at mga body guards. Ako mismo ang nag-abot ng bawat mga regalo sa kanila. Sobrang sarap sa pakiramdam na makita silang lahat na maligaya. Naalala ko nung mga panahong ako ang nasa kanilang pwesto, kakaibang ligaya talaga kapag may mga taong nagbibigay sa amin ng mga sapatos, damit at laruan. Kaya naman nang magkaroon kami ng sapat na pera ay hindi namin nakalimutan ang mga bata sa Home of Dreams. Alam kong lubos na kaligayahan talaga ang maidudulot nito sa kanila. “Jet, mukhang may problema ka? Parang hindi ikaw ang Jet na kilala ko na sobrang palabiro. May nais ka bang ibahagi sa akin? Katulad ng dati mong ginagawa sa tuwing nalulungkot ka dito sa bahay ampunan.” Sambit ni Sister Elena Kilala talaga ako ni Sister Elena. Alam na alam nya sa tuwing may dinadaing akong problema o kaya naman ay nalulungkot ako. Pagkatapos kong makipaglaro sa mga bata ay kaagad akong nagtungo sa opisina ni sister Elena. Naupo ako sa silyang nasa harapan ng kanyang mesa. Pinagmasdan ko ang paligid. Sariwa pa rin sa alaala ko nung mga panahong pinapagalitan kami ni Sister sa opisinang ito dahil sa aming kakulitan. Ang laki na rin ng pinagbago ng lugar na ito. Pero ang magandang alaala ay mananatali lang sa puso ko. Tumitig sa mga mata ko si Sister. “Napakasaya ko sa kung anuman ang narating nyo ngayon. Kayo ay hinahangaan hindi lamang sa bansang ito pero maging sa buong mundo. Ipinagmamalaki ko kayong lahat.” Wika ni Sister Pakiramdam ko ay namula ang mga pisngi ko sa mga sinabi nya. Ang sarap malaman na iyong taong sumuporta at humahanga sa amin noon, ay lagi pa rin kaming ipinagmamalaki hanggang ngayon. Sa tuwing mahihiya ako ay napapahawak ako sa aking batok. “Mayroon ka pa bang nais na makamit sa buhay, Jet? Anu pa ang mga bagay na nagpapalungkot sa iyo, gayong nasa inyo na ang lahat ng mga bagay na noon ay hindi nyo naman nakakamtan?” malalim na tanong ni Sister Elena Napabuntong hininga ako sa kanyang mga tinuran. Nasa akin na nga ngayon ang lahat ng bagay sa mundo ngunit tila may kulang pa rin sa buhay ko. Ang sakit sa dibdib na may isang bagay pa akong hindi nakakamit sa mundong ito. “Sister, tama po kayo na lahat ng bagay ay madali ko nang nakukuha ngayon. Nasa akin na nga ang lahat Sister. Kasikatan, yaman at pagmamahal ng mga tao sa buong mundo. Pero may isang bagay na hinding-hindi ko na yata makukuha kailanman. Ang hirap-hirap po.” Malungkot ang tinig ko Ipinagdikit ni Sister ang kanyang mga palad at pinakatitigan nya ako. “Makikinig ako Jet, sabihin mo sa akin ang isang bagay na sa palagay mo ay hindi mo kayang makuha sa ngayon.” Saad ni Sister Nahihiya man akong maglabas ng mga saloobin ay nilakasan ko na rin ang aking loob na magkwento kay Sister. “May—May isang babae po akong minamahal Sister. Matagal ko nang kinikimkim sa puso ko ang bagay na ito. Pero lalo lamang naging kumplikado simula nang makamit namin ang kasikatan ng Bullet Boys.” wika ko Bahagya akong pumikit nang aminin ko ito kay Sister. Bigla akong nahiya sa mga sinabi ko. Marahil ay tinatawanan nya ako ngayon dahil ang malaking problema ko lang pala at nagpapalungkot sa akin ay ang Pag-ibig? Nababaliw na talaga ako sa nararamdaman ko kaya naibahagi ko ito kay Sister Elena. "Bakit naman hindi mo sya makukuha? Baka hindi pa panahon? Sa sitwasyon mo ngayon, kailangan mong pumili sa pagitan ng iyong karera at ng Pag-ibig. Kung sa tingin mo na mas kailangan mong unahin ang iyong karera ay walang masama doon. Kung talagang para kayo sa isa't- isa, makakapaghintay ang totoong pag-ibig kung kailan tama at hinog na ang panahon para sa inyo." Wika ni Sister Hindi ako maintindihan ni Sister. Kailangan kong idetalye ang lahat sa kanya. "Sa tingin ko ay hindi nya ako gusto Sister. May iba syang mahal. Hindi nya nga ako pinapansin at kapatid lang ang turing nya sa akin. Kaya alam kong wala na talaga akong pag-asa." Sabi ko Nasaksihan ko ang malaking mga ngiti ni Sister sa kanyang mga labi. "Nabanggit mo na ba ang damdamin mo sa kanya? Sinabihan ka na ba nya na hindi ka nya gusto at may iba na syang mahal?" Tanong nya Sandali akong natahimik sa mga tanong nya. Ang totoo ay inililihim ko lang ang nararamdaman kong ito sa espesyal na babaeng nagpapatibok ng puso ko. Umiling ako ng ilang ulit sa kanya. "Hindi mo pa naman pala nasasabi ay tinuldukan mo na agad ang pag-asa mo sa kanya. Subukan mong ipaalam sa kanya ng mapanatag ka." Wika ni Sister. Naglapat ang mga labi ko sa mga sinabi nya. "Natatakot ako Sister, masyado syang mailap. At isa pa, kailangan kong unahin ang career namin. Marami kaming Soldiers na nagmamahal sa amin, at alam kong mawawasak ang mga puso nila sa oras na malaman nilang may nagmamay-ari na sa akin." Malungkot pa rin tinig ko Marahang hinawakan ni Sister ang mga kamay ko. "Kagaya nga ng sinabi ko kanina, mamili ka sa pagitan ng iyong karera at Pag-ibig. At kung anuman ang piliin mo ay dapat na tanggapin mo ito ng maluwag sa puso mo. Mahirap talaga pagsabayin ang dalawang yan. Kung anu ang sa tingin mong kailangan mong unahin ngayon, ay iyon ang piliin mo." Wika ni Sister Bahagyang gumaan ang loob ko sa mga sinabi nya. Tama si Sister, mahirap talagang pagsabayin ang career at ang pag-ibig. "Salamat sa payo nyo Sister. Hayaan nyo at susundin ko ang mga sinabi nyo." Sambit ko. Ang dapat kong gawin ay ang pumili lamang ng isa sa pagitan ng aking karera at ng pag-ibig. Ang dapat kong piliin ay iyong kaligayahan ng nakararami. Ayokong maging makasarili sa ngayon. At ang pinipili ko ay-- ang aking karera. Maraming Soldiers ang nagmamahal sa akin at ayokong masaktan ang kanilang mga puso. Di bale nang ako ang magsakripisyo at mabuting itago ko na lang ang pag-ibig kong ito sa babaeng nakabihag ng puso ko, huwag lang masaktan ang milyon-milyong Soldiers sa buong mundo. Ililihim ko ang aking tunay na nararamdaman kay Luna Addison na noon pa man ay binihag na ang puso ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD