Sa wakas, abot tanaw ko na ang Universe este ang Maynila pala. Sa haba ng lipad, este paglalayag pala, narating na rin namin ang paraiso.
"Tiya Sonita, ganito po ba ang Maynila?" tanong ko sa aking tiyahin at 'di mapatid ang aking ngiti.
"Oo, nasa Maynila na tayo, Garlic. Mag-ingat ka mamaya pagbaba natin ng barko, ha. Alam mo, sa lugar na ito maraming manloloko kaya watch your step," pa-English pa ni Tiya Sonita kaya napangiti ako.
"Opo Tiya, at the end of longer shipping we are landing in the delivery of Maynila," pa-English ko rin, hindi ko kailangang magpatalo sa aking tiyahin. "Makakaapak na ako ng Maynila. Siguradong magiging kampante ang buhay ko rito. Eksayted na talaga ako!"
Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa aking bag. Palinga-linga rin ako sa paligid. Nang makababa na kami ng barko ay hindi na ako mapakali. Andaming paparito at paparoong mga tao. Panay tagalog ang salita nila. Ambilis lumakad ni Tiya Sonita na para bang naghahabol ng pautang. Halos mapatid naman ang tsinelas kong kakaiba sa kasusunod sa kaniya. Akalain mong nakasama ko sina Itay at Ate sa Maynila este ang kanilang tsinelas pala. Ang isa ay kulay blue at ang sa kabila naman ay kulay pula. Tapos, pinarisan ko pa ng suot na t-shirt na puti at saka leggings na kulay dilaw. Kulang na lamang ay isasabit na ako sa flag pole. O, ‘di ba, kahit papaano ay makabayan din ako.
Marami kaming dinaanang kalye ni Tiya Sonita. May mga bahagi ring mababaho at maraming basurang nilalangaw at nagkakalat sa gilid.
"Tiya, akala ko po ba paraiso rito sa Maynila. Eh, ang baho naman ng mga kanal dito at saka kahit saan po ay may mga basurang aaligid-aligid," usisa ko sa kaniya habang nakatakip ang isa kong kamay sa matangos kong ilong.
"Oo tama ka, may mga bahagi talaga ang Maynila na marurumi. Alam mo namang mga matitigas ang mga ulo ng ilang tao rito sa Maynila, tapon nang tapon ng mga basura kahit saan. Some are not abiding citizens according to the president." Ang galing naman ng Tiya magsalita ng English, nose bleed akits.
"Wow, you super good in talking English po, Tiya ah. Ako naman ay laging seventy-five sa English subject ko noong elementary. Yaong teacher ko kasi, not explaining very well the subject and the bird in the sentence, that is why I know do not the right answer at lagi niya akong pinapagalitan," daldal ko din sa kaniya. "Pero kahit seventy-five, nakapasa naman ako at ang importante po, marunong akong mag-English."
Aba, hindi ako dapat patatalo sa aking tiyahin.
"Kaya pala seventy-five ka, eh…hindi bird iyon kundi subject and bear," pagtatama ni Tiya sa akin at napatango naman ako at napahanga.
“Bear pala iyon? Akalain mong malapit sa iniinom naming gatas na laging binibili noon ni Inay, Bear Brand.”
"Oo, bear 'yon at hindi bird."
"Magpinsan po ba ang bird at saka ang beat, Tiya?" Napangiti ako sa tanong ko.
"Ay hindi. Magkaribal yata sila." Napatawa pa siya sa kaniyang sagot.
"May bago po akong natutuhan sa 'yo, Tiya. Sana naging titser na rin kayo. Andami mo palang alam."
"Hay, hayaan mo na. Hindi na nakaabot, eh. Halika na, sumakay na tayo."
Sumakay na kami sa jeep at kahit hindi pa nakahinto ay kailangan palang umakyat kaagad dahil kung hindi, maiiwanan ka. Ang bilis-bilis ng mga kilos ng mga tao sa Maynila. Napapa-wow din ako sa mga kasama naming pasahero, ang babango-bango nila at saka ang kikinis ng mga balat at mukha. May mga kasama rin kami na halos may nakasabit sa kani-kanilang mga tainga at umaalon-alon pa ang kanilang mga ulo na nakikiindayog yata sa musika.
Nanliit ako sa hitsura ko, lalo na at tinapunan ako ng tingin na sa tantiya ko ay isang estudyante yata dahil naka-uniporme ng kulay puting blusa at dark blue na palda pero bakit ang iksi naman ng palda niya at naka-stockings pa. Ang pula-pula ng bibig at parang kakalagay lang ng estiwitis, ang nilalalagay ni Ate Aying sa kaniyang niluto para pumula. Ang pisngi naman ay parang sinampal nang ilang beses sa sobrang pula rin.
Napairap din siya nang makitang kakaiba ang tsinelas ko.
“Bubugahan ko kaya ito ng hangin baka maunang bababa ito. Kahapon pang hindi ako nakapag-toothbrush, eh. Mayayari ‘to.”
Ibinaling ko na ang aking paningin sa bintana ng jeep. Halos maluwa ang aking inosenteng mga mata nang madaanan namin ang nagtataasang gusali. Halos mapatid ang leeg ko sa kasusunod sa tayog ng mga gusali sa Maynila.
"Wow, Tiya ang laki po ng telebisyon dito sa Maynila at bakit nasa labas lang 'yan? Sayang naman dahil baka mabasa ng ulan, hayun po, oh, lumabas sa screen si Echo Rosales!" hindi ko na napigilang napabulalas kay Tiya Sonita.
Siniko niya ako at ipinatikom ang aking bibig.
"Hinaan mo nga ang boses mo, Garlic, buwag masyadong magpahalata," pabulong niyang sabi sa akin.
Nagsitinginan naman ang ilang pasahero sa kinauupuan ko. Siguradong alam na nilang galing ako ng probinsiya dahil sa pananalita ko.
Ang haba pa ng traffic. Dahil sa wala akong tulog sa barko ay namalayan kong unti-unting pumikit ang talukap ng aking mga mata. Nakatulog siguro ako nang bahagya at namalayan kong nagmumura na ang katabi ko.
"Hey, will you please sit properly?" narinig kong reklamo niya habang tinutulak ang maganda kong mukha.
“Huh?” sambit ko sa pagkagulat.
"Eeew, ang laway mo tumutulo pa," dagdag pa niya.
Para naman akong naalimpungatan. Kinibo-kibo ko ang aking bibig. Bakit ba kasi ang bilis tumulo ng laway ko. May gripo ba sa loob ng bibig ko?
"Umayos ka ng upo, Garlic," utos na ni Tiya Sonita sa akin at pinausod niya ako malapit sa kaniya.
Bahagya ko namang inipit ang dala kong bag dahil parang nasasagi na sa hita ng katabi ko dahil panay ang tulak niya ng bag ko. Ang hirap pala rito sa Maynila puro mga sosyal nga ang mga tao.
"Ay ambot amo na di gali iya ang Manila? Sus ang mga tawo daw may mga kaugalingon nga kalibutan. Daw si mga sin-o gid abi sila haw," mahina kong sabi sa Ilonggong salita.
Siniko ako ng Tiya dahil narinig niya ang aking sinabi.
"Itikom mo na lang 'yan ang bibig mo, Garlic. Masasanay ka rin dito pagdating ng araw."
Malapit sa isang oras ang biyahe naming sakay ng jeep. Halos umiinit na ang puwitan ko sa kauupo. Nakapapagod pala ang magbyhe rito sa Maynila at ang init-init pa. Nangangamoy suka at lutong bayabas na yata ako. Nag-iindayog din ang aking ulo dahil sa antok lalo na kapag mahaba ang tigil ng jeep dahil sa sobrang haba ng traffic. Pinipigilan kong hindi maidlip dahil baka tutulo na naman ang laway ko at sasabunutan na ako ng aking katabi.
"Para po, Mama!"
Pumara na rin sa wakas si Tiya Sonita. Nang bumaba kami, tumapat kami sa napakalaking bahay.
“Diyos miyo hindi na bahay ito, palasyo na yata ang nasa harapan namin.”
Napakaganda ng bahay sa kulay puting pintura at napapalibutan ng maningning na kristal. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng palasyo sa labas.
"Wow, ang laki-laki po ng bahay. Tiya, ang ganda-ganda, dito ka po ba nagtatatrabaho? Artista ba ang may-ari nito? Sa wakas, makapasok na ako sa mga ganitong bahay. Para na po ako nitong prinsesa, Tiya," sabi kong itiniklop pa ang aking palad sa tabi ng aking baba. Eksayted na talaga ako.
Napamangha talaga ako sa sobrang ganda. Kumaway pa ako nang tumapat ang mukha ko sa kristal na nasa gilid ng gate. Para kasi itong salamin. Kitang-kita ko ang maganda kong mukha. Inayos ko pa ang buhok ko dahil gusot-gusot na pala. Kahapon pang hindi ako nakapagsuklay.
"Hoy, Garlic, halika ka na. Ano pang tinunganga mo riyan? Akala ko ba ay sumusunod ka sa likuran ko!" sigaw ni Tiya Sonita kaya napalingon ako sa kaniya.
Naku ang layo na kaya niya sa akin.
"Tiya, bakit po nandiyan ka? Eh nandito lang ang gate ng malaking bahay na ito. Bakit hindi pa po tayo papasok?" dagli ko namang tanong sa kaniya habang yakap-yakap ko pa ang aking bag.
"Anong papasok? Hoy, hindi iyan ang tutuluyan nating bahay. Nandoon pa sa loob ng eskinitang iyon. Halika ka na nga!" tugon naman niya at binalikan pa ako dahil hindi na ako nakagalaw sa kinatatayuan ko.
"Po? Kung ganoon, hindi po pala ganito kalaking bahay ang papasukan natin?"
"Uy, hindi, no? Sumunod ka na lang sa akin."
"Akala ko pa naman dito ka nagtatrabaho, Tiya, tsansa ko na po sanang makapasok sa ganitong napakagandang bahay." Medyo napangiwi ako dahil sa disappointment.
Wow ha, disappointment. Ano nga ang meaning niyan? Tatanungin ko na lamang mamaya si Tiya Sonita kung ano ang ibig sabihin no’n. Matalino yata siya sa English subject samantalang ako ay pasawang-awang binigyan ng passing score ng butihin kong titser.
Naalala ko pa ang tanong noon ni Maam Montano sa akin, ang English teacher namin. ‘Garlic, give me an example of a sentence with the correct use of subject and bird’.
Mali pala si Maam sa pagkabigkas ng bear, kasi bird daw sabi niya. Kaso hindi naman ako nakasagot. Hindi ko talaga alam kung paano gumawa ng sentence.
Ang layo pa pala ng nilakaran namin ni Tiya Sonita. Ang baho pa ng mga kanal na nadadaanan namin. Parang squatter yata ito at mapakalat-kalat din ang ibang mga basura at makikita rin ang iba't ibang flying langaw sa nagtutumpukang basura.
Nakaka-ew naman ang dinadaanan namin.
"Tiya naman, ang baho naman ng mga kanal."
"Hayaan mo na, malapit na tayo."
Naloloka ako sa mga dinadaanan naming eskinita.
"Ang baho talaga. Hindi ba naglilinis ang mga tao rito, Tiya?" Hindi ko talaga mapigilan ang aking sarili.
"Garlic, nandito na tayo sa bahay. Pagpasensiyahan mo na ang little paradise kong inuupahan. Sa kabila naman ay may mga kaibigan ako riyan at mga mababait din naman sila," sabi sa akin ni Tiya Sonita at hindi na pinansin ang reklamo ko.
Napaawang ang bibig ko. "Oh may ghad, this is not paradise, this is parasite!" Napahampas ako sa aking noo.
"Anong parasite ang sinasabi mo, Garlic?" napaismid ang Tiya sa sinabi ko. Hindi niya yata na naintindihan, ang malalim kong sinabi.
"Parasite po, kasi andaming lamok dito, Tiya at baka magasgasan ang makinis kong balat at hindi na ako matanggap na bida sa pelikula," natawa kong turan sa kaniya at napahampas rin siya sa noo ko.
"Ikaw talaga, Garlic, natatawa ako sa lakas ng loob mo. Ewan ko sa iyo. Sige na, halika na sa loob ng parasite, este paradise.”
Pareho kaming natawa ni Tiya Sonita. Inilibot ko ang aking paningin sa loob at kahit ganito kaliit ang bahay na dinalhan niya sa akin, masaya pa rin ako dahil natupad ang hangarin kong makaapak sa tinatawag nilang, Maynila.
Isa na itong biyaya sa akin dahil natupad na ang pangarap kong makaapak ng Maynila sa kabila ng pagtutol nina Itay Bagweng at Ate Aying. This is place a butiful, wonderful and my kapalaran is swimming. Alam kong may magandang oportunidad na naghihintay sa akin kaya dapat kong paghandaan.
"Okay ka lang ba, Garlic? Narating mo na ang Maynila."
"Okay lang po, Tiya. Paradise na parasite po pala ang Maynila."
Napatawa naman ang tiyahin sa sinabi ko.
"Hayaan mo, kapag tumagal ka rito, talagang makikita mo ang totoong paraiso ng Maynila."
"Talaga po, Tiya?"
"Oo naman."
Napangiti ako sa sinabi ni Tiya Sonita. Kahit anong hirap, kakayanin ko dahil mararating ko na ang isang bahagi ng paraiso.
Maliit mga lang itong bahay na tinutuluyan ni Tiya Sonita pero mukhang malinis naman sa loob. Nag-iisa nga lang siya rito kaya alaga rin niya sa linis ang kaniyang paraiso. Kakasya rin kami rito kahit papaano.
Napasadlak ako ng upo sa kawayang upuan na may manipis na foam na nakapatong sa ibabaw. Napagod ako tuloy sa haba ng aming biyahe at nakaramdam ng uhaw at gutom.
"Feel at home, Garlic. Magpahinga ka muna riyan at maghahanda ako ng ating meryenda. Alam kong nagugutom ka na sa haba ng ating nilakbay bago marating ang paraisong 'to," nakangiting saad ni Tiya Sonita.
"Sige po, Tiya. Alam mo talagang gutom na gutom na ako."
Alam kong ito na ang unang yugto ng aking buhay sa lugar na 'to. Kailangang ihanda ko na rin ang aking sarili.
"Fight, Garlic! Kaya ko 'to!"