Chapter 8

2334 Words
Marami akong naikuwento kay Tiya Sonita sa pamamasyal namin ni Atoy. Dahil sa pagod ay nakatulog din ako nang maaga. Kinabukasan ay maaga na namang pumunta ng bahay si Atoy. "Magandang umaga po, Aling Sonita," bati niya kay Tiya. "Magandang umaga rin sa iyo, Atoy. Mangunguha ka ba ng basura ngayon?" "Saka na po, Aling Sonita. Susunduin ko muna ngayon si Garlic. Inirekomenda ko siya kay Inay para mag-apply sa mansion ng mga Javier." "Ay oo nga pala, ngayon pala aalis ang pamangkin ko. Halika magkape ka muna," aya ni Tiya sa kaniya. Rinig ko ang boses niya kaya lumabas na rin ako sa bedroom, sosyal...bedroom talaga! "Good morning, Atoy," bati ko rin sa kaniya. "Good morning, beautiful Garlic. Nakahilamos ka na ba?" tanong na naman niya sa akin. Agad kong kinapa ang aking dalawang mata baka kasi may mga muta na naman. "Bakit lagi kang nagtatanong kung nakahilamos na ako? Tatay ba kita?" "Wala lang, gusto ko lang makita kang nakahilamos para walang muta, wala ring tuyong laway," nakangiti pa niyang sabi. "Puwede bang mag-apply bilang tatay? Tatay ng anak mo..." "Hoy, Atoy umayos ka, ha!" "Biro lang 'yon. Hindi ka nga marunong maghilamos, eh." "It hurts...it's killing me softly with your words." "Ang galing talaga nitong pamangkin mo, Aling Sonita mag-English. Apply ka na lang kaya sa call center, Garlic." "Call center? Iyon bang may nanganganak at nagpapa-check up?" napaisip kong tanong sa kaniya. "Baka Health Center ang tinutukoy mo," sagot naman niya. "Call Center at Health Center ay pareho lang 'yon," giit ko naman. "Iba kaya 'yon." "Hay naku, o siya magkape na nga kayo para naman magkalaman itong brain cells ni Garlic," sabad naman ni Tiya Sonita na napatawa pa. "Aba, may nalalaman ka pang brain cells, Tiya, ah. Huwag kayong ano sa akin, ha. Kapag nakapag-asawa ako ng porener you will see me sitting in the chair of coronation," pakindat kong sabi kay Atoy na agad namang napailing ito. "Bakit coronation?" tanong naman ni Atoy. "Magiging reyna ako. Hindi ba kapag may mga fiesta may coronation dahil may reyna? Kaya coronation." "Ah...gets ko na. Hanep, ah." Napatango-tango pa si Atoy na napapangiti. Ang hina naman ng kukute ng mga kasamahan ko, hindi nila kaagad makukuha ang ibig kong iparating. "Diyan ka na muna, Atoy, ha. Maliligo muna ako at saka mag-aayos." Nagpaalam muna ako sa kaniya sabay kuha ng tuwalya na nakasabit sa likuran ng silya. "Sige, Garlic. Take your time." Pagkatapos kong maligo at mag-ayos ay kinuha ko na ang aking maliit na travelling bag na nilagyan ko ng aking ilang damit at mga gamit. "Ano kaya ang magiging kapalaran ko sa mansion? Mababait din ba ang makakasalamuha ko roon?" tanong ko sa aking sarili. Kahit may kaba akong naramdaman ay pilit kong kinakalma ang aking sarili. Kailangan kong makaapak sa isang napakalaking bahay. Pangarap ko talaga iyon. Sawa na ako sa puro kawayan o 'di kaya'y kahoy at lupa ang sahig na bahay. Sinuklay kong muli ang aking buhok. Tiningnan ko muna ang aking sarili sa maliit na salamin. "Good luck to your life in the mansion, Garlic. You experience the journey of rich family and no tatste in your life." Napangiti ako sa aking mga sinabi. Ewan ko kung tama ba ang mga iyon. Kailanga kong galingan ang pagsasalita ng English dahil siguradong mga sosyal ang makakasalamuha ko roon. Isinukbit ko na ang aking bag at lumabas na. "Handa ka na ba, Garlic?" tanong ni Atoy. "Oo naman. I am ready leaving in a jet plane." "Sus, sa jeep lang kayo sasakay ni Atoy papuntang mansion ng mga Javier at hindi jet plane," sabad naman ni Tiya Sonita. "Ang Tiya naman eh, sinisira mo ang script ko. Joy kill ka talaga." "Baka kill joy," sabad na naman ni Atoy. "Pareho lang 'yan. Binaligtad lang." "O siya, sige na nga. Aalis na tayo, Garlic. Tiyak na naghihintay na si Inay sa atin sa mansion," aya na ni Atoy at agad na kinuha ang aking bitbit na bag. "Tiya, alis muna ako, ha. Mag-iingat ka rito. Huwag kang mag-alala, I shall return," sabi ko sa kaniya at sabay yakap. "I can wait forever," sagot naman niya at hinagod pa ang aking likod. Napatawa naman si Atoy sa aming dalawa. "Para kayong history at music. Iba talaga kayong mag-tiya." "Atoy, pakisabi sa inay mo na huwag niyang pababayaan itong si Garlic, ha." "Maaasahan po ninyo, Aling Sonita. Mabait naman po si Inay at saka pupuntahan ko rin naman roon parati si Garlic." "Talaga, Atoy? Mabuti naman kung ganoon. Kinakabahan nga ako dahil baka hindi nila ako magustuhan." "Garlic, huwag kang tatanga-tanga roon. Mamahalin ang mga gamit sa loob ng kanilang mansion kaya ingatan mo ang mga kilos mo. Magtanong-tanong ka rin kung wala kang alam sa mga bagay sa loob ng mansion," muling paalala ni Tiya sa akin. "Tiya naman eh, paulit-ulit? Ikaw rin po, Tiya mag-ingat ka rin dito at saka kapag may day-off ako, tutulong pa rin ako sa pagtitinda sa palengke." "Oo...mabenta kasi mga diskarte mong bata ka pero huwag mo nang alalahanin iyon. Kaya ko naman at saka mag-focus ka sa trabaho mo roon at nang makapag-ipon ka para sa iyong sarili. Sige na, makakaalis na kayo." Medyo malungkot din ang boses ni Tiya. "Sige po alis na kami, Aling Sonita. Pupunta pa rin ako rito para magkolekta ng mga basura at makipagkuwentuhan din sa 'yo," wika na rin ni Atoy. "Ba-bye, Tiya. I love you. Umwahhh!" pahabol ko pa sa kaniya at nag-flying kiss pa. Napapailing na nakangiti pa siya habang hinatid niya kami ni Atoy ng tingin. Palabas na rin kami ng eskinita at naghahalo ang aking emosyon. Sa ilang buwan kong pananatili rito sa Maynila ay napamahal na ako sa aking tiyahin lalo na sa pagtulong ko sa kaniya sa palengke. Naging marami rin ang aming suki at kilala na ako halos ng mga kasama ni Tiya Sonita sa mga katabing tindahan. "Napakabiba talaga nitong si Garlic, maganda na, magaling pa sa diskarte." "Nakatatawa ka, Garlic nagbibigay ka kasiyahan dito sa palengke." "Aba, malakas benta ninyo ngayon, ah. Ang lupit kasi ng diskarte mo sa mga mamimili." "Sonita, papaligawan ko itong pamangkin mo sa anak kong si Totoy para naman may matutuhan kung paano maging madiskarte sa pamumuhay." Ilan lamang sa mga naririnig kong sinasabi ng mga kasama namin sa palengke. Naging malapit din ako sa kanila at handang tumulong kung may ipinapagawa sila sa akin na kayang-kaya ko naman. Minsan ay may bayad, minsan naman ay hindi ko na tinatanggap. "Halika na, Garlic, tatawid tayo sa kabilang daan, doon tayo sasakay papuntang subdivision," sabi ni Atoy na hinawakan na ang aking kamay para tumawid. Dagli naman at nakasakay na kami ng jeep. Nauna akong sumakay at sumunod naman si Atoy. Magkatabi kami ng upuan. Habang binabagtas ang ma-traffic na daan ay tila nakaramdam ako ng sobrang antok. Pahinto-hinto kasi ang takbo ng jeep. "Ang haba talaga ng traffic, Atoy ano?" baling ko sa kaniya. "Oo, halos araw-araw ay walang pagbabago ang trapiko," sagot naman niya. Ilang saglit pa ay nararamdaman kong nahuhulog na ang talukap ng aking mga mata at tuluyan na nga akong nakaidlip. Mayamaya ay may sumakay na isang lalaki at nakasuot ng itim na bonnet. Ilang milya na ang layo ng jeep ay hindi pa siya nakabayad ng kaniyang pamasahe. "Saan ka bababa?" tanong ng tsuper sa kaniya. Ngunit nananatiling tahimik ang lalaking bagong sakay kaya nakita kong tila nagagalit ang tsuper. "Magbayad ka na nga!" sabi na ng tsuper sa kaniya na nakatingin at makikita sa salamin. Hindi pa rin ito nagbayad at tila walang narinig. Isa-isa niya kaming tiningnan paibaba at paitaas. Hindi naman masyadong maaninag ang kaniyang mukha dahil sa takip nitong bonnet. Ilang saglit lang ay sumigaw siyang nakatingin lahat sa amin. "Itaas ang inyong kamay!" Nagulat kaming lahat sa kaniyang sinabi. Dali-dali rin akong nagtaas ng kamay dahil sa kabiglaanan. "Huwag kayong gagalaw dahil hold up ito!" muli niyang sigaw. "Ha?" sambulat ko pa. Ang ilang mga pasahero ay tila nagbubulong-bulungan pa, marahil sa sobrang takot. Ang tsuper naman ay pinaekis-ekis ang pagpapatakbo ng jeep. "Hoy, Kalbo!" sigaw ulit ng lalaki at ang tsuper nga ang tinutukoy niya dahil kalbo nga ito. "Huwag kang gagawa ng ikalilintik mo. Babarilin kita!" Natakot yata ang tsuper kaya minabuti na niya ang pag-drive pero panay pa ang sulyap niya sa salamin. Halos lahat kami ay natakot dahil nakatutok na ang baril sa aming lahat. Nangangatal din ang aking mga kalamnan. Napahawak din ako sa braso ni Atoy. Bigla na lamang sa akin nakatingin ang lalaki at sinundot niya ng baril ang tagiliran ko. "Hoy, babae!" "Po? A-ako po ba?" "Oo, ikaw, bakit lalaki ka ba?" "Bakla po ako, ay hindi pala B-bakit p-po, a-ano po ang kailangan ninyo sa akin?" nanginginig kong tanong sa kaniya. "Ang ganda mo, ah. Tsinita ka ba?" "Ay hindi po. Pinoy ako, Pinoy tayo!" sagot ko naman at napasigaw din. "Ah, ganoon, sige isigaw mo nang malakas 'HOLD UP'!" utos niya sa akin. Idiniin niyang lalo ang baril sa tagiliran ko. Para na akong maiihi sa sobrang takot dahil baka bigla itong puputok. "H-ha, a-ano po?" "Isigaw mo!" "A-ah...oo, sisigaw na po ako," hinantakutan kong sabi. Buong lakas akong sumigaw. "HOLD UP!!!" Sumagitsit ang jeep dahil sa malakas kong pagkakasigaw. "Ayyyy!!!" Halos nagbanggaan ang mga balikat naming mga pasahero at muntikan nang mauntog ang mga ulo namin. "Ano ba??" Naalimpungatan ako sa biglang sigaw sa loob ng jeep. "Hoy, Garlic, ano ka ba?" yugyog sa akin ni Atoy. Nakailang yugyog pa siya bago ako nahismasan. "O, bakit ano ba ang nangyari? Bakit tila biglang nagpreno ang jeep at ang lakas ng sagitsit?" maang kong tanong sa kaniya. Pinagtitinginan ako ng mga pasahero sa loob ng jeep at aba, lahat sila ay sa akin nakatingin. Ang talim ng pagkakatitig nila sa akin. Ano ba ang kasalanan ko sa kanila? "Hoy, Inday, mangho-hold up ka ba? Baka hindi ka na makababa ng buhay sa jeep na 'to," sabi ng driver na ako yata ang sinabihan niya dahil sa akin siya nakatingin. "Po? Bakit naman ako mangho-hold up?" maang kong tanong. "Ang lakas kasi ng sigaw mo ng 'hold up' kaya pati ako ay nagulat din," sabi naman ni Atoy. Doon ko naalala na nakaidlip ako at nananaginip tungkol sa lalaking pinasigaw ako ng hold up. Para akong matutunaw sa sobrang hiya sa aking nagawa. "Eh...sorry sa inyo, ha. Nananaginip kasi ako," nahiya ko na ring nasabi. "Walang hiya, nanaginip lang nadamay pa kami sa kabaliwan mo!" Matalim ang pagkatitig sa akin ng isang teenager na lalaki. "Nakapanggigil ang kabaliwan mo, Day!" sabi naman ng isang babae. "So disgusting!" Tinapunan naman ako ng tingin ng isang babaeng may hikaw sa ilong Isa-isa nang bumaba ang mga pasaherong may galit sa akin at naiwan kaming dalawa ni Atoy na nagkatinginan. "O, ano pa ang hinihintay ninyong dalawa? Baba na rin kayo. Hah, muntik na tayong makabangga dahil sa kasisigaw ng baliw mong kasama!" galit na sabi ng driver kay Atoy. "Halika na, Garlic." Napaismid naman ako at bumaba na rin kami ni Atoy. "Sus, akala mo kung sinong matino. Makasabing baliw...hay naku. Ano ba ang nangyari ba't ganoon pa ang panaginip ko? Akala ko kasi totoong na-hold up tayo, Atoy," himutok ko nang makababa na kami ng jeep. "Ibang klase ka talaga, Garlic. Pang pelikula nga talaga ang talent mo. O siya, sasakay tayo ulit ng jeep. Kung maaari, huwag kang matutulog ha, baka mananaginip ka na naman at ihahagis na tayo nang tuluyan ng driver palabas ng jeep," sabi rin ni Atoy at sumakay na nga kami sa dumaang jeep. Napakamot pa ko ng ulo. Napangiti na nga lang ako. Hindi ako makapaniwalang nakagawa ako ng eksena sa loob ng jeep. Nilalabanan ko talaga ang antok sa loob ng jeep dahil baka managinip na naman ako at ihahagis na talaga ako ng tsuper kapag makagawa na naman ng 'di sinasadyang eksena. "Isigaw sa buong mundo, Pinoy ako, Pinoy ako! Pango ang ilong mo Tumingin ka sa aking mga mata Isigaw mong hindi ako Amerikana! Pinoy ako! Pinoy ako! Matangos ang ilong ko, Singkit ang matang gaya ng Koreano, Samantalang ikaw ay dilat Mukha mong kasing-asim na pinakurat Wo ho! Pinoy ako! Pinoy ako!" Ang sama na naman ng tingin ng mga pasaherong kasama namin ni Atoy. Umaawit lang naman ako habang nasa loob ng jeep. Gumagalaw-galaw ang aking ulo at papikit-pikit ang aking mga mata. "Garlic, ano ba ang ginagawa mo, ha?" tanong ni Atoy sa akin na tinabig ang aking balikat. "Kumakanta. Obyus ba?" "Huwag mo namang masyadong lakasan, pinagtitinginan ka ng mga kasama nating pasahero," bulong niya sa akin. "Eh, hayaan mo na, baka kasi antukin ako at makaidlip na naman ako, eh. Kasalanan ko na naman mamaya kapag pinababa tayong lahat. At saka baka may makatuklas sa talent ko sa singing." "Ewan ko sa iyo, ibang level ka talaga." Napailing na lang si Atoy at agad akong inirapan. Patuloy ako sa pagkanta. Wala akong pakialam sa mga kasama naming pasahero. Inaaliw ko lang ang sarili ko baka kung makaidlip na naman ako dahil sa patuloy na pagdaloy ng trapiko. Napatakip pa ng mukha si Atoy. Tila siya na ang nahihiya sa ginagawa ko. "Tama na nga 'yan. Baka pababain na nga tayo rito nang tuluyan," tabig niya sa akin kaya napahinto na rin ako. "You stop me singing. You not like my boys?" pabulong kong tanong sa kaniya. "Anong boys?" balik-tanong din niya sa akin nang pabulong. "Ano ka ba, boys. Boses. Mag-aral ka nga nang mabuti sa English," saad ko rin sa kaniya. "Hanep, ah. Voice yata ang ibig mong sabihin, Garlic. Boys, mga lalaki iyon," pagtatama na naman niya sa akin. Tinakpan ko ang bibig niya dahil baka may makarinig sa aming dalawa. "Hinaan mo nga. Magkasintunog naman iyon kaya hindi na mahahalata. Ikaw talaga, maging supot ka na lang sa akin." "S-supot? Ano ang kinalaman ng supot?" "Support, ang ibig kong sabihin." "Ah, supportive siguro." Imbis na mainis, napailing at sabay tawa na lamang si Atoy sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD