“GOOD morning, Ma’am! Nandito pala kayo!”malapad ang ngiting bati ni Xyrus nang buksan nito ang gate.
“Nah! Hindi ako ito. Kaluluwa ko lang ito,” sarkastikong saad ni Ira saka inirapan ang guwardiya bago maingat na ipinasok ang kanyang e-bike.
Masisira pa yata lalo ang umaga niya. Hindi sana siya dapat nasa school ngayon. Pero sa kasamaang palad, nagkaproblema ang internet connection niya sa boarding house nila. May inaayos na linya ng internet malapit sa lugar nila kaya nadamay pati iyong connection niya. Ayun, nagbi-blink ng pula imbes na yellow iyong modem niya. Okay lang naman sana kung hindi niya kailangan kaso may online faculty meeting sila ngayong umaga. Bawal um-absent lalo na at mahalaga ang kanilang meeting agenda. Kaya no choice siya kung hindi pumasok ng eskuwelahan dahil malakas ang internet connection dito lalo na at wala namang gumagamit maliban sa mga naka-SWF.
Hindi nakaimik ang binata nang lagpasan niya ito. Dumiretso na siya sa library pagkababa niya ng bike. Ilang minuto na lang at magsisimula na ang kanilang meeting. Ngunit lalo siyang nadismaya nang maabutan na naka-lock ang pinto, hindi tulad kahapon na nakabukas na ito at malinis na rin.
Nakasimangot na ibinaba niya ang kanyang bag na naglalaman ng laptop. Tapos tumalikod siya para lang lalong mabuwisit. Tumama lang naman ang noo niya sa matigas na bagay. Napapikit siya sa biglaang impact. Ngunit nagmulat siya agad at napahilot sa kanyang noo.
Ganoon na lang ang inis niya nang makitang iyong guwardiya pala ang nabunggo niya. Tumama yata ang noo niya sa mismong dibdib nito.
“Siraulo ka ba! Ang liit kong tao, ako pa ang bubungguin mo!” singhal niya rito.
“Ma’am, sorry po. Nagulat din po ako dahil bigla na lang kayong humarap.”
Pinaningkitan ito ng mata ni Ira. “So, ako pa pala ngayon ang may kasalanan? Ang galing mo naman! Ako na nga itong nasaktan, tapos kasalanan ko pa. Buwisit ka! Bakit ka ba kasi nandito? Sinong nagsabi sa iyong lapitan mo ako?”
Hindi naman masyadong masakit iyong pagkakatama ng noo niya. Nagulat lang talaga siya sa nangyari. Isa pa’y naiinis siya sa lalaking ito dahil laging umaaligid tuwing nandito siya sa school. Guwapong-guwapo sa sarili kahit hindi naman niya type.
Eh, ano kung mukha itong boyfriend material? O kung mabango man ito? Naamoy niya kasi ang pabango nito lalo na nang madikit ang noo niya sa dibdib nito. Nakakahalina ang amoy nito. Lalaking-lalaki ang dating. Pero punyemas, hindi siya pumapatol sa guwardiya! Tagagawa ng bahay at building ang gusto niya at hindi iyong tagabantay ng gate!
“Ma’am, bubuksan ko po kasi ang library kaya nandito ako.”
Bahagyang napapitlag si Ira nang marinig ang sinabi ni Xyrus. Nakalimutan niyang wala nga pala sa kanya ang susi ng library. Nag-iisa lang iyon at hawak pa ng guwardiya.
“Buksan mo na. Bilisan mo!” bulyaw niya rito. Pero sa totoo lang medyo napahiya siya.
“Heto na po, Ma’am,” wika nito.
Napilitang tumabi si Ira dahil nasa likuran niya ang doorknob. Kahit isang metro na ang layo niya sa lalaki, naaamoy pa rin niya ang pabango nito. Bakit ba ang bango pa rin nito? Para itong hindi naaarawan. Tanghali na, eh. Mag-aalas-nueve na nga, eh. Imposible namang nasa lilim lang ito o sa guardhouse. Kapag nasa school siya, madalas niya itong makita na palakad-lakad kapag hindi nakaistambay sa guardhouse. Kung hindi ito nagwawalis, nagdidilig ng halaman. Hindi na iyon parte ng trabaho nito dahil sa janitor na iyon. Siguro tinutulungan lang nito ang mga janitor dahil sa luwang ng eskuwelahan, hindi kakayanin ng tatlong utility worker nila ang mga trabaho roon. Wala na kasi ang mga estudyante na makakatulong sana sa paglilinis.
Kahit nga sila na mga guro, kanya-kanyang linis na ng classroom at territory. Pasalamat na lang siya dahil lately laging malinis ang library kapag dumarating siya. Ganoon din iyong classroom niya, malinis na rin itong dinadatnan niya. Pero dati nagtitiyaga talaga siyang maglinis dito dahil minsan lang naman sa isang linggo kung mag-report sila sa school. Iyon na lang territory niya ang winawalisan niya. Puno ito ng tuyong dahon at mga damo na kailangang bunutin. Kahapon nagpawalis lang siya sa isang parent ng estudyante niya dahil hindi na siya makaalis sa binabantayan niya sa social hall. Mamaya siguro magbubunot siya ng damo pagkatapos ng meeting nila.
Nang mabuksan ni Xyrus ang library, pumasok na siya agad. Binuksan niya ang ilaw saka ibinaba niya ang bag ng laptop sa ibabaw ng mahabang mesa. Binuksan niya ito at inilabas ang kanyang laptop saka inilapag sa mesa. Habang hinihintay niyang tuluyang magbukas ang laptop niya, napansin niyang nasa loob na ng library ang guwardiya. Itinatali nito ang mga kurtina saka binubuksan ang mga bintana.
“Lumabas ka na. Ako na diyan,” sita niya rito.
Nilingon naman siya ng binata. “Ako na po, Ma’am. May meeting yata kayo.”
Hindi na nakaimik si Ira dahil nang mag-join siya sa meeting nila, halos kompleto na ang bilang nila. Nine-five na pala. Late na nga siya sa meeting. Nang makapasok siya, tamang-tama naman na magsisimula nang mag-check ng attendance ang head teacher nila.
Nabuga siya ng hangin. Mabuti na lang at umabot siya. Inilabas niya ang kanyang notepad at ballpen saka kinuha ang headset niya sa bag. Isinaksak niya ang cord sa laptop bago niya isinuot ang headset.
Nagsisimula na ang meeting nang maalala niyang tumingin sa paligid. Wala na pala si Xyrus. Nakaalis na pala ito nang hindi niya namamalayan. Nag-concentrate na lang siya sa meeting nila.
Isang oras na yata silang nasa meeting nang maramdaman ni Ira ang pagkalam ng kanyang sikmura. Hindi na siya nakakain kanina dahil seven-thirty na siyang nagising. Lately iyon na ng gising niya lalo na kung hindi siya magre-report sa school. Pero malay ba naman niyang hindi pala gagana nang maayos ang signal ng internet niya sa boarding house? Kaya ayun, nagkukumahog siyang naligo at nagbihis para lang makarating sa eskuwelahan. Ni hindi man lang siya nakapagkape o nakainom ng tubig. Nagmumog lang siya at nag-toothbrush.
Hindi naman siya makaalis sa kinauupuan niya para kumuha ng makakain. Hindi nag-o-operate iyong canteen sa loob ng eskuwelahan kaya sa labas pa sila bumibili kung wala silang baon. Iyon naman ang problema sa kanya, hindi siya mahilig magbaon. Kung nagluluto man siya sa umaga para sa almusal nila iyon ni Dana at baon ng kaibigan niya. Pero dahil wala na sa boarding house si Dana, sumama na ito kay Dave, tinatamad na rin syang magluto minsan. Kape at pandesal na lang ang madalas niyang almusal sa umaga.
Panay ang hagod niya sa kanyang tiyan habang nagti-take note. Nasa huling agenda na sila ng kanilang meeting nang maamoy niya ang pamilyar na pabango. Kunot-noong nag-angat siya ng ulo. Napansin niyang nakatayo sa harapan niya si Xyrus. May dala itong paper bag. Isinenyas nitong kumain siya bago nito inilapag ang dala nito sa tabi ng laptop niya. Kakastiguhin niya sana ito ngunit biglang tinawag ang pangalan niya. Agad niyang ibinalik ang atensyon sa meeting.
“Ah, yes, Ma’am. Ano po iyon?” biglang tanong niya.
“Kumusta iyong distribution at retrieval kahapon? Marami bang nakakuha?” usisa ng kanilang principal.
“Yes, Ma’am. Marami-rami rin po iyong nakakuha kahapon. Pero may mga ilan na natira sa bawat section.”
“Okay. Magpi-picture mamaya si Mrs. Minez ng attendance kahapon. Sa mga teachers, paki-follow up na lang ang inyong mga parents. Puwede naman silang pumunta sa school ngayon o kaya sa mga susunod na araw para kumuha ng module at activity sheets. Iyong guard na lang ang mag-aasikaso sa kanila. Paki-remind na lang mga parents natin, fellow teachers,” anunsiyo ng principal nila.
Sumang-ayon naman ang lahat. Ilang minuto pa silang nag-usap bago natapos ang meeting.
Pagkatanggal ni Ira sa kanyang headset, agad niyang sinilip ang paper bag na iniwan ni Xyrus. Ang lokong lalaki, hindi na naman nagpaalam. Basta na lang itong lumalapit at umaalis nang hindi nagpapaalam.
Napangiti si Ira nang makita na dalawang ensaymada at canned pineapple juice ang nasa loob ng paper bag. Agad niya itong inilabas saka sinimulang kainin. Nang maubos niya ang isang ensaymada saka lang niya na-realize iyong ginawa niya.
Shit! Bakit ba niya nilantakan agad? Paano kung may inilagay doon si Xyrus? Lagot siya. Kung hindi man siya mahilo mamaya, baka magkaroon ng puso sa paningin niya kapag muling humarap sa kanya ang binata. Sa dami na ng pagkain na ibinigay nito sa kanya, hindi malayong mangyari iyon. Dalawa lang ang kahihinatnan niya kapag nagkataon. Kung hindi siya mabighani sa guwardiyang iyon dahil may gayuma pala ang mga ibinibigay nitong pagkain, baka madisgrasya siya sa kamay nito dahil may halong pampatulog pala ang mga pagkain na ipinapakin sa kanya. Huwag naman sanang mangyari iyon.
Wala siyang gusto sa alinmang senaryo. Ano na lang ang sasabihin o iisipin ng ibang tao kung pumatol siya sa guwardiya? Baka kapag naging sila, siya pa ang gagastos at hindi iyong lalaki. Malay ba naman niyang galante lang pala ito dahil sa kagustuhan nitong mapalapit sa kanya. Pero kapag naging nobyo niya, siya na ang gagastos sa lahat.
Ayaw din naman niyang iyong pangalawang senaryo ang magkatotoo. Certified virgin pa siya kahit ikakasal na siya noon. Hanggang halik at yakap lang ang namagitan sa kanila ng ex niya. Katuwiran niya kasi, ibibigay lang niya ang kanyang sarili pagkatapos ng kasal nila. Pero hinayupak naman! Kung iyon ang hinahangad ni Xyrus sa kanya, kailangan na niyang tanggihan ang mga ibinibigay nito sa kanya bago mahuli ang lahat.
Hanep, Ira! Ngayon mo lang naisip iyan? Ang dami nang naibigay ni Xyrus sa iyo, ah. Kung hidi tumalab iyong mga nauna niyang ibinigay, baka iyang kinain mo ngayon umepekto na.
Nanlaki ang mga mata ni Ira. Nagmamadaling lumabas siya ng library at dumireto sa wash area. Hindi sya umiinom ng tubig roon dahil nagdadala siya ng sarili niyang tubig. Kaya lang nakalimutan niyang dalhin ang kanyang personal jug dahil sa pagmamadali. Pero sa tindi ng pag-aalala niya, wala na siyang magawa kung hindi magmumog gamit ang tubig na naroon.
Ilang beses din siyang nagmumog bago siya huminto. Sana lang hindi siya maapektuhan sa kinain niya. Pagbalik niya ng library, ibinalik niya sa paper bag ang natira sa pagkain. May kalahati pang laman ang pineapple juice at may isa pang ensaymada. Pero hindi na niya ito puwedeng kainin kahit nanghihinayang siya.
Nag-shutdown na siya ng laptop saka inayos ang kanyang mga gamit. Kailangan na niyang umuwi bago pa siya madisgrasya. Walang ibang tao sa building na kinaroroonan niya. Ang tao lang sa eskuwelahan ay iyong head teacher nila sa admin building at iyong mga SWF na nasa katapat niyang building. Kaya kung anuman ang balak gawin ni Xyrus sa kanya, walang pipigil rito dahil mag-isa lang niya roon. Ultimo ang mga janitor, hindi siya matutulungan dahil hindi naman naglalagi ang mga ito sa kinaroroonan niya. Madalas nasa garden ang mga ito o kaya sa admin building na malayo pa sa library.
Nagmamadaling isinara niya ang mga bintana. Nang masigurong wala na siyang nakalimutan, isinukbit niya ang shoulder bag at binitbit ang bag ng laptop niya. Kinuha na rin niya iyong paper bag. Hindi puwedeng iwan niya ito dahil baka langgamin. Next week pa siya uli magre-report sa eskuwelahan. Doon na lang siya magbubunot ng damo. Huwag na muna ngayon dahil kailangan na niyang makauwi.
Pinatay muna niya ang ilaw bago ini-lock ang pintuan. Nagmamadali siyang naglakad at nang may madaanan niyang basurahan, agad niyang itinapon ang dala niyang paper bag. Pagdating niya sa kanyang e-bike, ibinaba niya rito ang mga dala niyang bag.
Ngunit nang buhayin niya ang makina ng bike, ayaw nitong umandar.
Shit! Anong nangyari?
Tiningnan niya ang metro at gayon na lang ang panlulumo niya. Na-drain na pala ang battery nito!
Oh! My goodness! Nakalimutan niyang i-charge pala ito kahapon. Wala naman kasi sa plano niya gamitin ito ngayon dahil nasa boarding house lang siya maghapon. Pero dahil nagkaproblema nga siya sa internet niya kaya napilitan siyang pumasok ng eskuwelahan. Iyong natitira sa battery nito ay nagamit pa naman niya. Kaya lang ngayon, paano na siya uuwi?
Gusto niyang maglupasay sa inis. Napalinga-linga siya sa paligid. Walang katao-tao kahit sa guardhouse. Pagkakataon n asana niyang matakasan si Xyrus. Pero paano siya aalis ngayon? Magta-tricycle na lang siya.
Binitbit na niya ang kanyang mga bag. Malapit na siya sa gate nang biglang may maalala siya. Wala nga palang tricycle na dumadaan doon dahil walang pasok ang mga estudyante.
Shit! Paano siya uuwi?
“Miss Ira, saan ka pupunta?”
Nangatog ang mga tuhod ni Ira nang marinig ang pamilyar na tinig. Gusto niyang tumakbo palayo sa lalaking ito. Pero magmumukha siyang baliw kapag ginawa niya iyon. Saka mahina siya sa takbuhan. Siguradong maabutan siya nito dahil malayong matangkad ito sa kanya at malalaki ang mga hakbang nito.
Anong isasagot niya sa tanong nito?
Napapikit siya saka huminga nang malalim.
“Ma’am, may problema po ba?”
Napilitan nagmulat si Ira saka dahan-dahang hinarap ito.
“Uuwi na ako,” sagot niya sa pinakakalmadong tinig.
“Uwi ka na? Iiwan mo ba iyong bike mo, Ma’am?”
Nakagat ni Ira ang ibabang labi bago siya tumango.
“Paano ka uuwi kung wala kang sasakyan?”
“Magta-tricycle ako,” sagot niya.
Napailing si Xyrus. “Walang pumasadang tricycle dito, Ma’am. Ano bang problema ng bike mo? Baka puwede kong ayusin.”
Marahas na umiling si Ira. “Drain ang battery,” napilitang sagot niya.
Shit! Bakit pa ba niya ito sinasagot? Dapat umalis na lang siya.
“Ganoon ba?” Napakamot ng kanyang ulo si Xyrus.
“Sandali lang, Ma’am. Magpapaalam lang ako kay Mrs. Minez para maihatid kita pauwi.”
Bago pa makaimik si Ira, tinalikuran na siya ni Xyrus. Hindi na rin niya ito tinawag. Nang masiguro niyang nakapasok na ito sa principal’s office, nagmamadali siyang naglakad palabas ng gate. Hindi siya puwedeng magpahatid dito. Baka kung saan siya dalhin ng walanghiyang lalaki. Maglalakad na lang siya pauwi.
Walang lingon siya naglakad kahit matindi na ang sikat ng araw. Hindi naman siya mamatay kung mamumula ang balat niya. Hindi na baleng ma-sunburn siya, basta ligats siyang makauwi ng boarding house.
Malayo-layo na rin ang nalakad niya nang may marinig siyang ugong ng sasakyan. Napilitan siyang lumingon sap ag-aakalang tricycle ito. Ngunit nagulantang siya nang makita na si Xyrus pala iyon at nakamotor ito. Kulang na lang tumakbo siya sa pag-aalala.
“Ma’am, halika na. Ihahatid kita sa inyo,” wika nito habang sinasabayan ang paglakad niya.
“Huwag na. Malapit na ako,” tanggi niya nang hindi nililingon ang mukha nito.
“Sige na, Ma’am. Masisira iyang makinis mong balat. Ihatid n akita para makauwi ka na,” pamimilit nito.
“Ayoko nga! Bakit ba ang kulit mo?” sigaw niya rito. Kulang na lang magwala siya sa inis.
Napahinto naman si Xyrus. Akala niya titigilan na siya nito. Ngunit halos malaglag ang puso niya nang bigla itong huminto sa mismong daanan niya.
Napalinga siya sa paligid. Walang ibang tao sa kalsada maliban sa kanilang dalawa. Napansin niyang tinanggal ni Xyrus ang suot nitong helmet at isinabit sa motor. Pagkatapos sinimulan nitong tanggalin ang butones ng suot nitong uniporme.
Oh, no! Anong nangyayari?