“SUMAGOT KAYO!” bulyaw ng lalaki.
“Ano ba ang mga sinasabi mo? Hindi kami inutusan ng Reyna na magtungo rito!” tugon naman ni Kirin.
Hindi naman ito pinaniwalaan ng lalaki.
Kaya naman sa halip na saktan si Kirin ay si Donovan ang sumalo sa nagngagalit nitong kamao.
“Tigilan mo ‘yan! Huwag mo siyang saktan!” tili ni Kirin.
Ngunit hindi siya nito pinakinggan. Inulit ng lalaki ang kaniyang naging katanungan sa dalaga.
Subalit ‘tulad nang nauna ay pareho lamang ang narinig niyang tugon mula rito.
Sa pagkakataong ito ay si Gantrick naman ang tumanggap nang galit ng lalaki.
“Gantrick!” tawag ng dalaga sa katabi nang suntukin ito ng lalaki.
Hinawakan ng lalaki sa buhok ang binata at pilit iniaangat ang mukha nito. Nang magtagumpay sa nais gawin ay muli niyang nilingon ang dalaga.
“Uulitin ko, Binibini. Ano ang ipinag-uutos sa inyo ng Reyna?”
“Sinabi ko na sa iyo—” Hindi pa natatapos sa pagsasalita si Kirin nang muling suntikin nito si Gantrick. “Tama na! Parang awa mo na!”
“Y-you…dumb f**k…that scar looks good on you…” wika ni Gantrick na ang tinutukoy ay ang mahabang pilat ng lalaki sa kaliwang mata nito.
Hindi man naunawaan ng lalaki ang mga sinambit ni Gantrick ay sumulak pa rin ang dugo nito sa kaniyang ulo. Hindi dahil sa salitang binitiwan ng binata kundi dahil sa nakapagkit na ngiti nito sa kaniyang mukha.
Muli niya itong sinuntok. Dahil na rin sa buong lakas niya itong ginawa ay nawalan ng malay ang binata.
“Ipinangangako kong papatayin kita sa sandaling makawala ako rito.” Babala ni Donovan.
Sa halip na matakot ang lalaki sa kaniya ay hinarap siya nito at nagpakawalang muli ng malakas na suntok na tumama naman sa kaniyang mukha.
“Hangga’t hindi ninyo isinisiwalat ang katotohan ay hindi kayo makaaalis sa lugar na ito at patuloy lamang kayong maghihirap.”
Lumakad na palabas sa kubol ang lalaki. Ang munting liwanag na nagmumula sa nakabukas na pinto ng kubol ay paunti-unti nang nawawala.
Binalot nang katahimikan ang paligid. Ang ingay ng malilit na insekto na lamang ang maririnig.
Pilit na ginagalugad ni Donovan ang kaniyang isipan upang makahanap ng solusyon sa kanilang pagkakakulong.
“Donovan, hindi na gumagalaw si Gantrick. Patay na yata siya!” nag aalalang wika ni Kirin.
Hindi niya ito pinansin at ipinagpatuloy lamang ang kaniyang pag iisip.
“Donovan!”
“Ayos lang ‘yan” matipid niyang tugon.
“Huh? Anong a—”
“Trick, you dead?”
Naramdaman naman ni Kirin ang mga paggalaw sa kaniyang gilid. Indikasyon ito na buhay pa si Gantrick.
“Yeah. His punches were not that strong after all.” Tugon ng binata.
Hindi man lubusang naunawaan ni Kirin ang pinag usapan ng dalawa ay hindi na ito mahalaga pa sa kaniya. Nagagalak siyang malaman na hindi tuluyang napaslang ang kaniyang kaibigan.
“Ano na ang gagawin natin ngayon? Hindi tayo makalalabas sa lugar na ito hangga’t hindi tayo pinaniniwalaan ng lalaking iyon,” ani Kirin.
“Sa paniniwala ng mga taga-rito ay isa tayo sa mga taga-sunod ng Reyna kaya naman ay binihag nila tayo,” wika naman ni Gantrick.
“Ang ibig lamang sabihin nito ay hindi sila isa sa ating mga kaaway.” Imporma ni Donovan.
“Ang kaaway ng ating kaaway ay ating kaibigan.”
Nanlaki naman ang mga mata ni Kirin nang mapagtanto ang tinutumbok ng kanilang usapan.
“Ang ibig niyo bang sabihin ay kakaibiganin natin sila?”
“Oo.”
Nagpatango-tango si Kirin sa kanilang nabuong plano. Ang tangi na lamang bumabagabag sa kaniyang isipan ay kung anong hakbang ang kanilang gagawin upang maisakatuparan ang pakikipagkaibigan na binabalak nila.
Makalipas ang ilang oras nang katahimakan at kadiliman ay sumilip ang kaunting liwanag nang muling bumukas ang pinto ng kubol dahil sa pagbabalik ng lalaki.
“Napagdesisyunan na ba ninyo na aminin sa akin ang tunay ninyong motibo sa pagparito mga taksil ng Babylon?” bungad ng lalaki.
“Hindi kami taga-sunod ng Reyna ‘tulad ng iniisip mo,” sagot naman ni Donovan.
“Talagang matigas kayo huh?”
Napahinto ang lalaki sa tangka niyang paglapit kay Donovan nang muling mag salita ang binata.
“Kami ang mga dayong ipinahahanap ng Reyna.”
Nanatili naman sa kaniyang pagkakatayo ang lalaki at naghihintay ng eksplenasyon mula kay Donovan.
“Galing kami sa mundo ng mga mortal. Dinukot ng mga taga-sunod ng Reyna ang aming ina. Sa paghahanap ng mga bagay na makapagtuturo sa kaniya ay napadpad kami sa mundong ito.” Pag-amin ni Donovan.
Mataman na pinagmasdan ng lalaki si Donovan sa kaniyang mga mata upang sukatin kung ito ba ay nagsasabi sa kaniya ng katotohanan. Binalingan niya ng tingin si Kirin na paulit-ulit pa ang pagtango upang kumbinsihin lamang siya.
“Ikapapahamak namin ang pagsisiwalat ko sa iyo ng katotohanan patungkol sa aming mga katauhan. Pero batid ko na hindi kayo ka-isa ng Puting Reyna, tama ba ako?” pagpapatuloy pa ni Donovan.
Hindi umimik ang lalaki at patuloy lamang silang pinagmamasdan. “Paano kung nagkakamali kayo ng sapantaha? Paano kung kami ay kapanalig ng Reyna at ipagbigay alam ko sa kaniyang mga taga-sunod na naririto kayo.”
Bumadha ang gulat sa mukha nila Donovan. Hindi nila lubos na inaasahan ang ganitong klase ng kasagutan.
Sigurado kasi sila sa kanilang mga naiisip kaya naman ay hindi nila nabigyan ng kaukulang pansin ang maliit na detalyeng ito.
Lalong lumakas ang pagkabog ng dibdib ni Kirin nang ngumisi ang lalaki na nasa kanilang harapan. Hindi na niya alam pa ang maaari nilang gawin ng mga sandaling iyon.
Tiyak na ikamamatay nila kapag nakarating sa mga taga-sunod ng Reyna na naririto sila.
“Damn it,” wika ni Gantrick.
Walang nagtangkang mag salita pa mula sa panig nina Donovan. Na-blangko na ang kanilang mga isipan ng mga sandaling iyon.
Lalo pang nawalan ng pag-asa ang tatlo nang isa-isang nagpasukan ang mga lalaking may kasuotan na kapareho ng sa mga taga-sunod ng Reyna.
“We’re done,” nadinig pa ni Donovan na komento ng kaniyang kapatid.
Sinubukan ni Donovan na makawala mula sa kaniyang pagkakagapos ngunit bigo siyang magawa ito.
Nang tuluyan nang makapasok ang mga taga-sunod ng Reyna ay nanlaki ang kanilang mga mata ng hubarin ng mga ito ang damit panlamig na siyang simbolo nang kanilang pagpapasakop sa Puting Reyna.
“Masuwerte kayo dahil hindi kayo nagkamali sa inyong sapantaha. Tunay ngang hindi kami taga-sunod ng Reyna. Ngunit hindi namin maaaring ibunyag ito dahil mapapahamak ang lahat ng nasa pamayanang ito.” Wika ng lalaki.
Nag-utos pa ito sa ilang mga kasama na pakawalan sina Donovan. Lumapit ang lalaki kina Donovan at nakipag-kamay.
“Ako si Vector.”
Tinanggap naman agad ni Donovan ang nakalahad nitong kamay. “Donovan.”
Inaya sila ni Vector patungo sa tahanan nito. Hindi naman na ito bago sa mga tahanang nakita na nila mag mula noong sila ay mapadpad sa Babylon.
May kaliitan ang tahanan ng lalaki kaya naman ay kailangan pa nilang mag siksikan sa iilang kawayang upuan. Ang amoy ng alikabok at usok na mula sa nasusunog na dayami at sanga ng kahoy ang sumasalubong sa kanilang pang-amoy.
“Ipagpaumanhin ninyo ang hindi magandang pag trato ko sa inyo mga kaibigan. Iniisip ko lamang ang kaligtasan ng aking pamayanan,” ani Vector.
Nakauunawa namang tumango sina Donovan at Kirin sa lalaki. Hindi naman umimik si Gantick na pasimple pang inirapan ang kaharap. Hindi na ito pinansin pa ni Vectora sapagkat batid niya na makailang ulit niya itong nasaktan.
“Kung tunay ngang kayo ang mga dayo na hinahanap ng mga taga-sunod ng Reyna ay nasa panganib ang mga buhay ninyo,” babala ni Vector sa kanila.
“Nararapat lamang na kayo ay umalis na sa Babylon.”
“Hindi kami maaaring umalis nang hindi namin kasama ang aming ina at ang aming kaibigan,” mariing tanggi naman ni Donovan.
“Kaibigan? May iba pa kayong hinahanap?” gulat na tanong ni Vector.
Hindi niya inaasahan na bukod sa ina na tinutukoy ng mga ito ay may isa pa silang kailangang hanapin.
“Siya ba ay kinuha rin ng mga taga-sunod ng Reyna tulad ng inyong ina?” muling pagtatanong ni Vector.
Umiling si Donovan sa kaniyang katanungan.
“Ang tinatawag na mga bandido ang siyang tumangay sa kaniya. Kaya kami naparito sa inyong pamayanan ay upang akyatin ang kabundukang pinagkukutaan nila.”
“Hindi magiging madali ang nais ninyong gawin. Mahirap akyatin ang mga kabundukan ng Urfim. Bukod sa malamig ang bahaging iyon ng Babylon ay marami ring uri ng mababangis na hayop ang matatagpuan doon.”
Hindi naman natinag sina Donovan sa mga naging babala ni Vector.
Mababakas pa rin sa kanilang mga mata ang dedikasyon na mailigtas ang kaibigan.
Mataman na pinagmasdan ni Vector ang dalawang binata. Nagpalipat-lipat pa ang kaniyang tingin sa mga ito. Bumaba ang kaniyang tingin sa likod ng palad ni Donovan.
Labis naman ang pagkagulat ng binata nang biglaang hatakin ni Vector ang kaniyang braso at masusing inspeksyunin ito. “Teka sandal—”
“Saan mo nakuha ito?” mabilis na tanong ni Vector habang bago muling ibalik ang atensyon sa kaniyang braso.
“Hindi ko rin alam. Biglaan na lamang ‘yang lumitaw sa likod ng mga palad namin,” tugon naman ni Donovan.
“Namin?” kunot-noong tanong ni Vector.
Nang mapagtanto niya ang ibig sabihin ni Donovan ay agad din niyang hinatak ang mga braso ni Gantrick.
Labis ang kaniyang panggigilalas sa kaniyang mga nakita. Nasa likod ng mga palad ng dalawang binata ang simbolo ng mga Gabay ng Babylon.
Hindi niya pa batid sa ngayon kung bakit at ano ang dahilan kung bakit mayroon silang simbolo ng mga Gabay.
Ngunit isa lang ang bagay na nakasisiguro siya. Malaki ang papel na gagampanan ng dalawang binata para sa kinabukasan ng Babylon.
Nang matapos na siya sa pag iinspeksyon sa braso ng mga ito ay muli niyang isinandal ang kaniyang likuran sa kaniyang upuan at ipinahinga rito ang kaniyang nagugulumihang ulo.
Hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman ang mga nagtatakang tingin nina Donovan at Gantrick sa kaniya.
Si Kirin naman ay tahimik lamang na tila ba kinakalkula ang mga nagaganap sa kaniyang paligid.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Vector bago siya muling umayos sa kaniyang pagkakaupo.
“Alam ko na hindi ninyo lubos na nauunawaan ang mga simbolo na nasa likod ng inyong mga palad.”
Sandali pang nagkatinginan ang dalawang binata bago sabay na tumango.
“Ang mga simbolong iyan ay ang simbolo ng mga Gabay ng Babylon na siyang mga tagapagligtas ng aming mundo laban sa kasamaan,” saad ni Vector.
“Nabasa ko nga ang tungkol sa kanila sa ilang mga libro,” wika naman ni Donovan.
Sumimsim muna nang mainit na inumin si Vector. Ang mabangong amoy ng pulot-pukyutang inihalo sa isang inumin ang nangibabaw nang ilapag ng isa sa mga tauhan ni Vector ang ilang mga inuming nakalagay sa naglalakihang kabibe.
“Mayroon ka bang ideya kung bakit mayroon kami nito?” tanong ni Gantrick kay Vector.
Ibinaba ni Vector ang hawak na inumin at umiling. “Hindi ko rin batid kung bakit mayroon kayo niyan. Ngunit nakasisiguro ako na ang mga simbolong iyan ang dahilan kung bakit kayo ipinahahanap ng Reyna. Kung kaya naman ay huwag ninyong ipakikita ang mga iyan sa kung sino-sino lamang.”
Halos magkasabay pa na pinagmasdan ng mga binata ang likod ng kanilang mga palad. Pakiramdam nila ay binalot na sila ng kung anong misteryo mag mula noong sila ay mapadpad sa Babylon.
Hindi nila lubusang pinagkakatiwalaan si Vector at ang mga kasama nito subalit magagamit nila ang mga impormasyon na maibibigay ng mga ito sa kanila patungkol sa estrangherong mundo na kinasasadlakan nila.
“Magpapaalam na kami,” paalam ni Donovan sa kaharap.
Saglit pa silang pinigil ni Vector at pinapasok ang isang lalaking nagngangalang Arvit.
“Sasamahan niya kayo sa pag bawi sa inyong kaibigan.”
“Hindi mo na ito kailangan pang gawin, Vector. Hindi namin ibig na makaabala pa sa inyo.”
“Nais ko lamang na makasigurong ligtas kayong makababalik. Huwag kayong mag alala maaasahan ninyo si Arvit. Kabisado niya ang kabundukan.”
Wala na ring nagawa si Donovan sa pagpupumilit ni Vector. Isa pa ay tunay ngang makatutulong ito sa kanilang pag panhik sa kabundukan ng Urfim.
Nagpatuloy na sina Donovan sa paglabas ng tahanan ni Vector upang magtungo sa paanan ng Urfim. Nakasunod naman sa kanila ang walang imik na si Arvit.
Kasabay nang malamig na ihip ng hangin ay ang paghahabol nina Donovan sa kanilang mga hininga. Dahil na rin sa ilang oras na nilang pagtalunton sa daan na siyang magtuturo sa kanila sa pinagkukutaan ng mga bandido.
Nasa matarik na bahagi sila ng kabundukan kaya naman ay doble ang kanilang pag iingat dahil sa sandaling magkamali sila ay malalagay sila sa tiyak na kapahamakan.
“Nakasisiguro ba kayo na mga bandido ang tumangay sa kaibigan ninyo?” tanong ni Arvit habang tinutulungan sa kaniyang paghakbang paakyat si Kirin.
“Oo. Nakasisiguro ako sapagkat ang palaso na mayroong simbolo ng kanilang grupo ang nakita ko noong araw na tangayin ang aming kaibigan.” Tugon ng dalaga nang matagumpay na malampasan ang may katarikang daan.
“Ngunit bakit kaya nila siya tinangay?”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Para sa mga bandido ay salapi ang pinakamahalagang bagay sa mundo.
Kung kaya naman ay lubos kong ipinagtataka na tinangay nila ang inyong kaibigan.”
Napaisip naman sina Donovan at Gantrick sa kanilang mga narinig. Kung may katotohanan ang lahat ng mga sinambit ni Arvit ay siguradong may iba pang rason ang mga bandido nang dukutin nila si Irene.
Isang bagay lamang ang naiisip ni Donovan ng mga sandaling iyon.
Kinakailangan na nilang mahanap at mailigtas si Irene bago pa ito tuluyang mapahamak sa kamay ng mga bandido.