KASALUKUYANG nasa kagubatan malapit sa Morag sina Donovan at Gantrick kasama ng iba pang mga mamamayan ng pamayanan. Si Urbed at ang hukbo nito ay bumalik na sa kanilang pinanggalingan.
Pinipilit pa niyang isama sina Donovan ngunit magalang na tumanggi lamang ang mga ito sa kanilang paanyaya sapagkat hindi nila maiwan ang mga mamamayan ng Morag habang bumabangon pa lamang ang mga ito mula sa pinsalang ibinigay ng mga bandido rito.
Nais nilang tulungang makabangon ang mga ito dahil pakiramdam nila ay sila ang responsable sa mapait na trahedyang kinasasadlakan ng mga ito sa ngayon.
Iginalang naman ni Urbed ang desisyon nina Donovan. Ipinangako rin niya na ipagpapatuloy niya ang paghahanap sa kanilang ina na labis namang ipinagpapasalamat ng magkapatid.
“Sa gawing iyon, Ginoong Donovan!” sigaw ni Amer isa sa mga binatilyong kasama nila ngayon sa pangangaso.
Nabigla si Donovan sa naging pag sigaw ni Amer kaya naman ay wala sa sariling napakawalan niya ang palasong hawak patungo sa maling direksyon kaya naman mabilis na nakalayo ang kunehong sana ay magiging pananghalian nila ngayon.
“Ayos lamang po ba kayo, Ginoong Donovan?” nag aalalang tanong ng binatilyo.
Ngumiti naman sa kaniya ang binata. “Ayos lamang ako. May naisip lang ako kanina. Hayaan mo’t makakahuli rin tayo ng kuneho maya-maya lamang.”
Tumango naman sa kaniya ang binatilyo.
Maya-maya lang ay nakarinig sila ng mga pagkaluskos sa paligid. Agad na itinutok ni Donovan ang kaniyang pana sa direksyon ng mga pagkaluskos sa pag-aakalang isa na namang kuneho ang naroroon.
Pakakawalan na sana ni Donovan ang nakabinbing palaso nang biglaang lumitaw ang isang lalaki mula sa mayabong na halamanan. “Ginoong Donovan!”
Natatandaan niya kung sino ito. Ang lalaking ito ay isa sa mga kasamahan ni Gantrick na nagtungo sa ibang direksyon nang maghiwa-hiwalay sila noong pasukin nila ang kagubatan.
Hinihingal pa ang lalaki ng mga sandaling iyon. “Bakit? May nangyari ba?”
“Wala po, pero may dapat kayong makita,” tugon pa ng lalaki.
Nagtaka naman si Donovan sa sinabi ng lalaki. Ano naman kaya ang dapat niyang makita sa kagubatang ito? Dahil na rin sa pagtataka ay mabilis na sinundan niya ito kasama si Amer at ang iba pa sa kaniyang grupo.
Lakad-takbo ang kanilang ginawa ng ilang minuto bago narating ang kinaroroonan ni Gantrick at ng iba pa.
Napansin niya na mayroong minamatyagan ang mga ito. Kaya naman ipinapagtuloy niya ang paglapit sa grupo nito.
Tinapik niya sa balikat ang binata. Sinenyasan naman siya nitong tumahimik at umupo sa tabi nito nang magtangka siyang mag salita. Itinuro ni Gantrick ang ilang mga kalalakihan matapos hawiin bahagya ang mga halamang tumatabing sa kanilang mga panigin.
Nang tingnan niyang mabuti ay agad niyang napagtanto na mga taga-sunod pala ng Puting Reyna ang mga ito.
Ngunit ang nakakuha sa kaniyang atensyon ay ang may katandaan na ring Babylonian na pinagigitnaan ng mga ito.
Napangiwi si Donovan nang makita ang sunod-sunod na suntok at sipa ang tinanggap ng matanda mula sa mga lalaki.
“Nasaan na ang kulang na tatlong pirasong ginto para sa iyong buwis? Sumagot ka!”
“M-maawa po kayo, iyan lamang po ang nakayanan ko sapagkat wala ng minahan ang tumatanggap sa katulad ko na may katandaan upang magtrabaho,” tugon naman ng matanda.
“At talagang dumadahilan ka pa?”
Napaluhod at napaubo ang matanda nang suntukin siya sa sikmura ng isa sa mga taga-sunod ng Reyna. Ang isa naman ay sinipa pa ito sa likuran dahilan upang mapadapa ito sa malamig na lupang nababalot ng makapal na nyebe.
“Wala tayong mapapala sa lalaking ito, sa sandaling malaman ito ng Kamahalan sa palasyo ay sigurado akong mapaparusahan tayo. Paslangin na ninyo ang walang silbing ito!”
Ang Kamahalan na tinutukoy ng mga lalaki ay ang kasalukuyang Hari na namumuno sa buong Kaharian ng Sanyar. Isa siya sa apat na matataas na Haring iniluklok ng Puting Reyna upang mamuno sa apat na pangunahing Kaharian.
“Huwag maawa po kayo sa akin mga Ginoo!” pagmamakaawa ng matanda.
Ngunit tila walang naririnig ang mga lalaki. Hinugot ng isa sa kanila ang kaniyang espada mula sa nakalaylay na upak sa kaniyang tagiliran. Itinaas niya ito na may maitim na layuning pumaslang.
Napapikit na lamang ang matanda. Batid niya na hanggang dito na lamang ang kaniyang buhay. Isang malalim na paghinga na lamang ang kaniyang huling nais na gawin ng mga sandaling iyon.
Subalit muling nag mulat ng kaniyang mga mata ang matanda nang mapahinto sa tangkang pagpugot sa kaniyang ulo ang taga-sunod ng Reyna na may hawak na espada.
Labis ang kaniyang pagkabigla nang biglaang bumagsak sa kaniyang harapan ang taga-sunod ng Reyna. Mayroon itong palaso sa likuran. Umalerto naman ang iba pang mga kasama nito.
Sabay-sabay nilang hinugot ang kanilang mga espada. “Sino ang may gawa nito sa taga-sunod ng Reyna?
Magpakita kayo mga tampalasan!”
Hindi nagtagal, mula sa mayabong na mga halaman ay lumabas sina Gantrick at Donovan. Kapwa may mga hawak na pana ang mga ito kaya naman ay hindi maitatangging sa kanila nagmula ang palasong kumitil sa buhay ng taga-sunod ng Reyna.
“Sino kayo?” tanong ng isa sa mga taga-sunod ng Reyna.
Hindi naman ito kaagad na pinag-ukulan ng pansin ng magkapatid, bagkus ay parang wala lang na nag-usap ang mga ito.
“You should’ve aimed for the leg first,” wika ni Gantrick.
“There’s not enough time,” tugon naman ni Donovan.
Nagpatuloy pa sa pag-uusap ang magkapatid na siya namang ikinagalit ng mga taga-sunod ng Reyna dahil sa hindi nila pagpansin sa mga ito.
“Hoy! Ang sabi ko sino ka—”
Hindi na natapos pa ng lalaki ang kaniyang sasabihin nang biglaang magpakawala ng palaso si Gantrick na tumama sa pagitan ng kaniyang mga mata. Bumagsak sa lupa ang walang buhay nitong katawan.
“Ang ingay mo,” malamig na saad ni Gantrick.
Dahil sa nakita ay nagngitngit sa galit ang mga natitira pang taga-sunod ng Reyna. Hindi nila akalain na may mga nilalang na maglalakas ng loob ng kalabanin sila sa kabila ng kaalaman ng mga ito na sila ay taga sunod ng Puting Reyna at ng apat na Hari.
Sumisigaw silang nagtatakbo patungo sa direksyon nina Donovan.
“Here they come, let’s warm ourselves up!” wika ni Donovan habang ibinabalik sa kaniyang likuran ang hawak nap ana. Ganoon din ang ginawa ni Gantrick sa hawak nito.
Patakbong sinalubong nina Donovan at Gantrick ang mga kaaway habang binubunot mula sa kanilang mga upak ang kanilang mga espada.
Agad na yumuko si Donovan nang iwinasiwas ng isa sa mga lalaki ang espada nito patungo sa kaniya. Sinipa niya ito sa likuran kaya naman ay si Gantrick na ang humarap rito.
Naging mabilis ang ginawang pagsalag ni Donovan sa isa pang pag-atake. Maririnig ang kalansing ng mga nagdidikit na sandata sa buong paligid dahil sa labanang nagaganap.
Ang mga kasama naman nina Donovan at Gantrick na mula sa pamayanan ng Morag ay tahimik lamang na nanonood sa kanilang pakikipaglaban. Binilinan kasi ang mga ito ng magkapatid na huwag ng makialam sa magiging labanan.
Namimilog naman ang mga mata ng
matandang nakasalampak pa rin sa lupa dahil sa labis na pagkamangha sa ipinakikitang angking galing ng dalawa sa pakikipaglaban.
Dahil sa mga ito ay muling nagbalik sa kaniyang ala-ala ang imahe ng mga Gabay noong sinaunang digmaan at noong ikalawang digmaan laban sa mga dayong Diablo.
Isa kasi siya sa mga kawal ng Sanyas na nakilahok sa mga nagdaang digmaan kaya naman ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang mga sandaling nakipaglaban siya laban sa mga kaaway sa tabi ng mga magigiting na Gabay ng Babylon.
Napaluha ang matanda nang muling sumagi sa kaniyang isipan ang mga Gabay at kanilang naging katapusan.
Natapos ang kaniyang pagbabalik-tanaw noong lapitan siya nina Gantrick at Donovan.
Hindi niya namalayang napabagsak na pala ng mga ito ang mga natitirang kaaway. Inalalayan siyang makatayo ng dalawa. Nagpalipat-lipat naman ang tingin niya sa mga ito dahil tila pamilyar ang wangis ng mga ito.
“Ayos lang po ba kayo?” tanong ni Donovan.
Tumango naman ang matanda. “Nagkita na ba tayo noon?”
Nagpalitan naman nang nagtatakang tingin sina Gantick at Donovan dahil sa naging katanungan ng matanda. “Ito po ang una nating pagkikita,” sagot ni Gantrick.
“Ah, marahil ay ibang Babylonian ang aking naiisip,” wika ng matanda na sinang-ayunan naman ng magkapatid.
“Saan po ba kayo patungo?” tanong naman ni Gantrick sa matanda.
“Patungo sana ako sa pamayanan ng Morag upang bisitahin doon si Vector.”
Gulat na napangiti naman si Donovan.
“Talaga po? Kami po ay kasalukuyang naninirahan ngayon sa Morag. Kung inyo pong pahihintulutan ay sasabayan na namin kayo sa pagtungo roon.”
Agad naman na pumayag ang matanda. Mas makabubuti nga naman kung may makakasama siya sa kaniyang pagtungo roon. Bukod pa rito’y magaan ang loob niya sa dalawang binata sa hindi niya malamang kadahilanan.
“Tayo na po,” aya sa kaniya ni Donovan.
“Teka sandali!” Kapwa napalingon sila ni Donovan kay Gantrick nang pigilin nito ang kanilang paglalakad.
“Ano’ng sasabihin natin kay Kirin? Wala tayong maiuuwi na bagong huling hayop upang kaniyang mailuto?”
Napasapo sa kaniyang noo si Donovan nang maalala ang dahilan ng kanilang pagtungo sa kagubatan sa araw na iyon.
“Huwag na po ninyong alalahanin iyon mga Ginoo. Nakahuli kami ng anim na kuneho kanina habang kayo ay abala sa pakikipaglaban!” imporma ni Amer sa kanila.
Napapalakpak naman ang magkapatid nang makita ang mga bagong huling kuneho nina Amer. “Magaling! Sa kabila ng inyong edad ay maaasahan na talaga kayo, Amer!”
Napansin naman ni Gantrick ang pananahimik ng matanda na tila ba may malalim itong iniisip. “May problema po ba, Amang?”
“Ang binanggit niyo bang pangalan kanina ay Kirin?” pagkumpirma ng matanda.
Nagtataka naman na napatingin sa kaniya si Donovan. “Opo. Kaibigan po namin siya.”
Mababakas naman sa mukha ng matanda ang pagkabigla. “Imposible.”
“Bakit po? Kilala po ba ninyo si Kirin?”
“Oo, kilalang-kilala ko siya dahil anak siya ng aking nakababatang kapatid at matagal na siyang patay.”
Parang natuklaw ng ahas ang magkapatid. Hindi nila mawari kung pinaglalaruan lamang ba sila ng kanilang pandinig o mismong ang matanda ang naglalaro sa kanilang mga isipan.
“H-ho? Huwag po kayong magbibiro ng ganiyan dahil hindi po magandang biro ‘yan,” paalala ni Donovan.
Ngunit nang pagmasdan nila ang matanda ay mababanaag sa mukha nito na hindi ito nagbibiro o nagsisinungaling.
“Baka naman po ibang Kirin ang tinutukoy ninyo, Amang?” dagdag pa ni Gantrick.
“Hindi ‘yan maaring mangyari sapagkat ang bawat pangalan ng mga Babylonian na isinisilang ay hindi na maaaring gamitin ng iba pa. Sa madaling salita ay hindi na inuulit ang paggamit ng isang pangalan. At higit sa lahat ay nakasisiguro ako na wala ng iba pang nilalang na nagtataglay ng pangalang Kirin sa buong Babylon sapagkat ako mismo ang nagbigay ng pangalang iyon sa anak ng aking kapatid.”
“K-kung ganoon ay sino ang Kirin na kasa-kasama namin sa Morag?” nagugulumihang tanong ni Donovan.
“Paumanhin, ngunit hindi ko masasagot ang katanungan mong iyan,” sagot naman ng matanda.
Nahulog sa malalim na pag-iisip sina Gantrick at Donovan. Kagulat-gulat para sa kanila ang mga bagong nalaman.
Hindi nila ninanais na pagdudahan si Kirin subalit hindi rin naman ito ilalahad ng matanda kung wala itong katotohanan.
Sa huli ay napagkasunduan na lamang nila na huwag na munang ipaalam sa iba pa ang kanilang natuklasan. Nais muna nilang obserbahan ang nilalang na nagtatago sa katauhan nang matagal ng patay na si Kirin.
Ninanais din ng matanda na nagpakilalang si Almaro na makaharap si Kirin upang malaman kung bakit nito ginagamit ang katauhan ng kaniyang pamangkin.
Nang makabalik sa Morag ang grupo nila Donovan ay sinalubong sila ng ilang mga batang naglalaro ‘di kalayuan sa entrada ng pamayanan. Magiliw naman silang binati nina Donovan at Gantrick, gayundin ng iba pa nilang mga kasama.
Masaya sina Gantrick at Donovan dahil malapit sa kanila ang loo bhindi lamang ng mga kabataan sa Morag kundi pati na rin ang buong pamayanan. Kaya naman ay hindi sila nahihirapang pakisamahan ang mga ito.
“Oh, you’re here!” bati ni Irene na may bitbit na isang batya ng mga bagong pitas na prutas. “Care to help?”
Hindi na nag-atubili pa si Gantrick at agad na kinuha mula sa mga kamay ni Irene ang may kabigatan din palang batya ng samu’t-saring prutas. “Holy crap! How did you even bring this here?”
Kinindatan lang siya ni Irene. Hindi naman nakaligtas sa pandinig ni Donovan ang huling hirit ng dalaga bago pa ito tuluyang makalayo. “Mabuti ka pa, Gentleman. Hindi katulad niyang kapatid mo!”
Natawa naman si Gantrick nang unti-unting magbago ang ekspresyon sa mukha ni Donovan. Kumunot ang noo nito at tumalim ang mga tinging ipinupukol sa dalaga. “Jesus, woman! I’ve got my hands full!”
Hindi na pinansin pa ni Irene ang naging pagbati ni Donovan na sinabayan pa nito nang pagtataas sa magkabila nitong kamay upang ipakita sa kaniya ang mga hawak na kuneho.
“Mauuna na ako, Ginoo. Magtutungo na muna ako kay Vector,” paalam ni Almaro.
“Sige po, Amang. Sumabay na po kayo mamaya sa aming pananghalian.”
Pag-anyaya pa niya sa matanda na nagpapatango-tango lang bilang tanda ng kaniyang pagpapaunlak sa paanyaya nito.