SUNOD-SUNOD ngunit mahihinahon na pagkatok ang gumising kay Donovan. Umiikot ang paningin ng binata na bumangon mula sa pagkakahiga.
Naparami siya nang nainom na alak kagabi kaya naman ngayon ay ang sumpa na dulot nang kasiyahan sa nagdaang gabi ang namemerwisyo sa kaniya ng mga sandaling iyon.
Tinungo niya ang pinto at binuksan iyon. “Oh, Vector. Ano yata’t napakaaga mo naman akong kumustahin ngayon?”
“Paumanhin kung ikaw ay aking nagambala sa iyong pamamahinga, Donovan. Subalit maaari ba kitang makausap?” hinging paumanhin ni Vector.
Hindi naman makapaniwalang napatingin sa kaniya si Donovan. Inabala siya nito para lamang makipag kuwentuhan na maaari namang ipagpa-mamaya na lamang.
Ngunit wala na siyang nagawa sapagkat nasa kaniya ng harapan ngayon ang lalaki. “Tuloy ka.”
Naupo sa kaniyang higaan si Donovan samantalang si Vector naman ay umupo sa bangkitong nasa harapan ng binata.
“Muli ay humihingi ako ng paumanhin sa aking paggambala sa iyo.”
Tumango naman si Donovan bilang indikasyon na ayos lamang sa kaniya at hindi ito dapat alalahanin ng lalaki. Isa pa ay nakikituloy lamang sila dito.
“Ano ba ang nais mong pag-usapan natin?” tanong ni Donovan.
Hindi naman kagyat na nakasagot si Vector. Hindi naman na inulit pa ni Donovan ang kaniyang katanungan at hinintay na lamang na kusang mag salita ang lalaki.
“Nadinig ko na binabalak na ninyong umalis dito sa Morag sa lalong madaling panahon?” pag sisimula ni Vector.
Bahagya namang nagulat si Donovan na alam nito ang kanilang planong paglisan sa lugar. “Kanino mo ito nadinig? Kay Kirin ba?”
Tumango naman si Vector. “Ipakikiusap ko sana sa’yo na huwag muna ninyong lisanin ang Morag.”
Napakunot-noo naman si Donovan sa narinig. Hindi maarok ng kaniyang kaisipan kung bakit nais nito na manatili pa sila sa Morag hangga’t maaari.
“Hindi ko maunawaan, bakit mo ipinakikiusap sa akin ang bagay na ito?” nagtatakang tanong ng binata.
Sinalubong ni Vector ang mga mata ni Donovan. “Dahil naniniwala ako na kayo na lamang ang natitirang pag-asa ng Babylon.”
Muling nanumbalik naman kay Donovan ang mga alaala ng naging pag-uusap nila ni Astora. Katulad ni Astora ay naniniwala rin pala si Vector na sila ang susi upang magapi ng mga Babylonian ang Puting Reyna at ang apat pang namumuno sa Babylon.
Ngunit hindi pa rin lubos na maunawaan ni Donovan kung bakit sila ang ipinagpipilitang maging tagapagligtas ng mga ito.
“Hindi kita maunawaan, hindi kami nag mula sa Babylon kaya’t hindi kami ang nararapat na maging tagapagligtas ninyo. Sa sandaling mahanap ko ang aming ina ay aalis din kami kaagad dito at babalik sa aming mundo.”
“Ngunit Donovan, alam ko na kayo ang tinutukoy sa propesiyang iniwan ng Gabay na si Andromeda,” sagot ni Vector.
Lalo namang nakunot ang noo ng binata.
“Propesiya?”
“Lilitaw ang mga nilalang na may marka ng kapayapaan upang gapiin ang kasamaan,”
“At paano ka naman nakasisiguro na kami ang mga nilalang na tinutukoy sa propesiyang ito?” muling tanong ni Donovan.
Nalipat ang mga mata ni Vector sa hugis bituin na marka sa kanang kamay ni Donovan. “Dahil sa markang ‘yan.”
Wala sa loob na naitaas ni Donovan ang kaniyang kamay at tinitigan ang marka na bigla na lamang lumitaw sa kaniya.
“Ano ba talaga ang ibig sabihin ng markang ito?”
“Ang markang ‘yan ang simbolo ng mga Gabay. Ang kanilang mga baluti at mga sandata ay may tatak na bituin na katulad ng nasa inyong mga kamay ni Gantrick,” paliwanag ni Vector.
“Kayo ang nakatalagang maging susunod na Gabay ng Babylon. Hindi ninyo ito matatakasan. Dumito muna kayo at sasanayin ko kayo sa pakikipaglaban. Ituturo ko sa inyo ang lahat ng aking mga nalalaman.” Dagdag pa ni Vector.
“Mas mahalaga sa amin ang mahanap ang aming ina. Nakasisiguro ako na nasa panganib ang buhay niya mag mula pa noong dukutin siya ng mga taga-sunod ng Reyna!” saad ni Donovan.
Napatayo naman si Vector sa kaniyang kinauupuan. “Hindi ba mas mahalaga ang kapakanan ng nakararami kumpara sa iisa lamang?”
Nagpantig naman ang pandinig ni Donovan dahil sa narinig. Tumumba si Vector nang suntukin siya ni Donovan.
“Hindi lang siya kung sino sa amin! Siya ang nagpalaki at umaruga sa amin ni Gatrick simula pagkabata! Wala kang karapatan na utusan kaming hayaan na lamang siyang mapahamak para lang mailigtas kayo mula sa Reyna!”
Masama ang loob na lumakad si Donovan patungo sa pintuan upang mag pahangin at iwan si Vector. Pero bago pa siya tuluyang makalabas ay muli niyang narinig na nag salita ang lalaki.
“Patawad sa aking mga nasambit, Donovan. Kung gusto mo ay tutulungan namin kayo na hanapin ang inyong ina habang kayo ay aking sinasanay sa pakikipaglaban.”
Hindi na sumagot pa ang binata at tuluyan nang nilisan ang kaniyang kubol. Kailangan niyang sumagap ng sariwang hangin. Masama ang loob niya kay Vector ngunit nauunawaan din niya ang pinanggagalingan nito.
Ngunit hindi rin naman siya masisisi sa kaniyang kagustuhan na unahin munang mailigtas si Myrna bago ang iba pa. Para sa kanila ni Gantrick, ang mahanap si Myrna ang pinakamahalagang misyon nila sa buhay.
Pero alam din niya na hindi nila kakayaning hanapin ito nang sila-sila lamang lalo na’t hindi nila kabisado ang mundong kanilang ginagalawan sa ngayon.
“Anong ginagawa mo rito?”
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang may mag salita sa gawing kaliwa niya. Kasalukuyan siyang nakaupo sa isang malaking bato sa tabi ng bangin.
“Wala naman nagpapahangin lang. Ikaw anong ginagawa mo rito, Ahura?” tanong ni Donovan sa dalaga.
“Magpapahangin lang din,” sagot nito.
Ilang minuto din silang hindi nagkibuan ni Donovan. Pinagmamasdan lamang nila ang matarik na bangin na kanilang kinaroroonan.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Ahura bago tuluyang binasag ang katahimikang namumutawi sa pagitan nila ng binata.
“Narinig ko ang naging pag-uusap ninyo ni Vector,” wika niya. “Paumanhin, hindi ko sinasadya na marinig ang naging pagtatalo ninyo.”
Matipid na ngumiti naman si Donovan sa dalaga. “Nandito ka ba para pilitin din ako na isantabi na muna ang paghahanap sa aking ina at unahing iligtas ang Babylon sa mga kamay ng Reyna?”
“Hindi. Narito ako upang sabihin sa’yo na nauunawaan ko ang nararamdaman mo. Hindi rin ninyo obligasyon na tulungan kami sa aming laban. May sarili kayong buhay na dapat pangalagaan at ingatan.” Litanya ni Ahura.
“Hayaan mong kami ang magbigay ng solusyon sa aming suliranin at bigyan mo nang kapanatagan ang iyong damdamin. Tutulong ako na mahanap at mailigtas ang inyong ina,” dagdag pa ng dalaga.
Muling sumagap ng sariwang hangin si Donovan bago muling harapin ang nakangiting si Ahura.
“Salamat, Ahura.”
Magkasabay na tinalunton nina Ahura at Donovan ang daan pabalik. Malayo pa lamang ay napansin na ng dalaga ang malaking usok na nagpapadilim sa maaliwalas na kalangitan.
Nagtatakbo silang dalawa hanggang sa marating nila ang Morag. Sa b****a pa lamang ng pamayanan ay kapansin-pansin na ang pagkakagulo ng mga Babylonian.
“Anong nangyayari dito?” pigil ni Donovan sa isang babaeng tumatakbo.
“Narito ang mga bandido at sinusunog nila ang mga tahanan dito sa Morag!” sagot ng dalaga bago tuluyang umalis.
Si Ahura naman ang sumunod na nagtanong sa isang lalaki na bitbit ang ilang mga kagamitan mula marahil sa kaniyang tahanan.
“Nasaan ang mga bandido, Ginoo?”
Bakas sa mukha ng lalaki ang takot at pagkalito sa mga nagaganap. Hindi ito nakapagsalita bagkus ay itinuro na lamang nito ang direksiyon ng mga kubol nina Donovan.
Nagkatinginan ang dalawa at agad na napagtanto na naroroon ang kanilang mga kasama. Lakad-takbo ang ginawa nila upang siguruhin na aabutan nilang buhay ang kanilang mga kaibigan.
Habang papalapit sila sa lugar ay siya namang pagkapal ng usok sa paligid. Nasisiguro ni Donovan patuloy lamang ang paglagablab ng apoy dahil na rin sa napakainit na temperatura ng paligid.
Nang tuluyan na silang makalapit ay nagkubli muna sila sa likod ng isang malaking puno upang obserbahan ang paligid. Dito nila natagpuan sina Gantrick, Irene, Kirin, Vector at iba pang mga mamamayan ng Morag na nakaluhod sa lupa.
Nakatali ang mga kamay nito patungo sa likod. Duguan din ang mukha ng mga ito na halatang sinaktan ng mga bandido.
“Bastards!” Gigil na sambit ng binata.
Nakakita si Donovan ng isang bagay na natatabunan ng nyebe. Nakalitaw ang hawakan nito kaya naman ay nasisiguro niyang isa itong espada.
Dinampot niya ang espada at inihanda ang sarili sa kaniyang gagawing paglusob sa mga bandidong nakapalibot kina Gantrick. Si Ahura naman ay nakakita rin ng espada at ilang palaso mula sa kung saan.
“Saan ninyo itinatago si Ahura!” dinig nilang sigaw ng isa sa mga bandido.
Dahil dito ay natigilan si Donovan at Ahura at muling nagtago sa katawan ng puno. Pinakinggan lang muna nila ang mga bandido.
“Kung hindi ninyo siya ituturo sa amin ay mapipilitan kaming sunugin ang buong Morag!” babala ng isa pa sa mga bandido habang nakatingin kay Gantrick.
Pagak na tumawa ang binata. Hindi inaalintana ang panganib na nasa kaniyang harapan.
“Kahit pa sunugin ninyo ang buong Babylon ay hindi namin alam kung saan naroroon si Ahura. At kung sakali man na alam namin ay hindi rin namin ituturo sa inyo kung nasaan siya!”
Napayuko sa lupa si Gantrick nang sipain siya sa sikmura ng isa sa mga bandido. Sumunod naman na tinanong ng mga ito si Irene. “Kung ayaw mong masaktan ay ituro mo na kung nasaan ang taksil na si Ahura!”
Ngunit ‘tulad ni Gantrick ay tila hindi rin natatakot sa kapahamakan si Irene. Nakakaloko itong tumawa at tinitigan lang sa mga mata ang nagtatanong na bandido.
“Hindi niyo ba siya narinig? Sabi niya hindi namin ituturo kung nasaan siya,” tugon ni Irene na inginuso pa si Gantrick na karerekober pa lamang mula sa malakas na sipang tinanggap niya.
Isang malakas na sampal naman ang tinamo ni Irene mula sa bandido dahilan upang dumugo ang isang bahagi ng labi ng dalaga. “You’ll regret slapping my gorgeous face, asshole!”
Hindi na siya pinansin pa ng mga ito dahil hindi rin naman nila naunawaan ang mga sinambit ni Irene. Halos tumulo naman ang luha ni Ahura habang nagkukubli dahil sa mga narinig.
Hindi niya inaasahan namaktatagpo siya ng mga kaibigan na kayang ibuwis ang kanilang mga buhay upang mailigtas lamang siya. Tama si Reymel.
Mabubuting mga nilalang ang mga ito at nagagalak siya na sinunod niya si Reymel at sumama sa mga ito.
Inihanda ni Ahura ang anim na palasong nakita niya at iniumang sa mga bandido. Hindi niya hahayaan na muling saktan ng mga ito ang mga bagong kaibigan niya. Katulad ng mga ito ay itataya rin niya ang sariling buhay upang mailayo sa kapahamakan ang mga ito.
“Donovan, ngayon na!” imporma niya sa binata.
Mabilis ang ginawang pagkilos ng binata at tumakbo patungo sa kanilang mga kasama. Nagpakawala ng dalawang magkasunod na palaso si Ahura na kagyat na tumama sa dalawang bandido. Walang buhay na bumagsak ang mga ito.
Habang tumatakbong palapit si Donovan ay hinaharang naman siya ng ilan pang mga bandido. Sa kabutihang-palad ay nagagawa niyang magapi ang mga iyon nang walang natatamong pinsala.
Nang maubos na ang mga palaso ni Ahura ay ginamit na lamang niya ang kaniyang pana na pananggalang laban sa mga umaatakeng bandido. Nang makakita ng espada sa lupa ay agad niya itong dinampot at ginawang sandata.
Matagumpay siyang nakalapit kina Irene. Habang si Donovan ay hinaharap ang mga natitira pang bandido ay pilit naman niyang kinakalagan ang mga ito.
Halos matanggal mula sa pagkakakabit ang kaniyang buhok mula sa kaniyang anit nang mahawakan siya sa buhok ng isa sa mga bandido at hatakin iyon.
Hindi naman nagdalawang isip na sumaklolo si Gantrick. Tumayo siya at binunggo ang lalaki gamit ang kaniyang katawan.
Nang tuluyan itong mapabitaw mula sa pagkakahawak sa buhok ni Ahura ay ang espada naman ng dalaga ang tumapos sa kaniyang buhay. Agad naman niyang kinalagan si Gantrick na mabilis dumampot ng sandata at tinulungan sa pakikipaglaban ang kapatid.
Malapit nang maubos ang mga kalaban. Ikinatuwa ito ng lahat pati na rin ni Vector na kakakawala pa lamang mula sa pagkakagapos.
Kahit hindi ipakita nina Donovan, Gantrick at Ahura ay batid ni Vector na nauubusan na rin sila ng lakas na ipagpatuloy pa ang pakikipaglaban.
Nakapagitan sina Donovan kina Irene at sa mga natitira pang bandido. Hindi niya ipinahahalata sa mga kasama ang paghahabol niya sa kaniyang hininga ng mga sandaling iyon.
Malawak ang naging pag ngiti ni Gantrick nang mapansin na unti-unti nang napapaatras ang mga kaaway.
Ngunit agad na nabura ang mga ngiting iyon sa pagdating ng sa pakiwari niya ay lagpas limampung mga bandido.
“Oh s**t,” sabay na usal nina Donovan at Gantrick.