CHAPTER 2

1096 Words
"CODE...blue! Code blue! Paging Dr. Karim! Code blue in ICU 4!" Kasabay ng malakas na announcement na iyon ay ang mabibilis nilang galaw para rumesponde sa maingay na alarm ng mga aparato. "I'll take the lead! Poch, do the compression! Maris, meds and monitor please!" utos niya sa malakas na boses para siguruhing maiintindihan siya ng mga kasama. Dahil kasi sa suot na face mask at full hazmat at mahirap na silang magkaintindihan ng mga kausap. Kailangan kasi iyon bilang Standard Precaution na itinalaga ng World Health Organization para protektahan ang mga frontliner na kagaya niya, habang isinasagawa ang tungkuling magligtas ng mga pasyenteng tinamaan ng nakamamatay na virus na Covid 19. "Copy!" panabay na tugon ng mga kasamahan niya. Siya kasi ang Charge Nurse ng araw na iyon kaya siya ang dapat na mamumuno sa team niya. Ang isang buong ACLS team ay may anim hanggang pitong miyembro. Pero dahil marami na rin sa mga kasamahan nila ang tinamaan ng virus, kaya tatatlo na lang silang patuloy pa ring lumalaban para sa mga taong may kailangan ng serbisyon nila. Nilapitan niya ang pasyenteng walang malay na nakahiga sa ICU bed at agad tiningnan kung may pulso ba ito at kung humihinga pa ba. "No pulse, no breathing, start compression! Maris, cardiac monitor please" sigaw niya. "Starting compression!" tugon naman ng isa pang miyembro ng team niya. Takbo rito, takbo roon, hindi sila magkanda-ugaga na tatlo sa paggawa ng trabaho ng pitong tao sa isang Advanced Cardiac Life Support Procedure. "Leads in place. Stop compression," muli niyang sabi habang nakatingin sa monitor ng apartong ikinabit nila. "A-Fib! Shock needed!" may pagmamadali niyang wika. Agad na ipinasa ng kasamahan niya ang defibrillator sa kanya. Idinikit niya ang aparato sa dibdib ng pasyente bilang paghahanda. "Charging at 200 joules, everyone clear?" "CLEAR!" panabay na sagot ng dalawa niyang kasama. "Shock!" sigaw niya bago pinindot ang button para paganahin ang hawak na defib. Lumikha iyon ng malakas na tunog, kasabay ng panginginig ng katawan ng pasyente. "Shock delivered! Analyzing rhythm," sabi niya ulit sabay tingin sa monitor. Pero wala pa ring pagbabago doon. "Still on A-Fib! Shock needed! Charge at 250 joules!" Patuloy niyang pag call-out gaya ng standard procedure. "Charging at 250 joules, everyone clear?!" "Clear!" sigaw ng dalawa. At inulit niya ang ginawang pagkuryente sa dibdib ng pasyente, upang maisalba ang naghihingalo nitong puso. "Shock delivered! Analyzing rhythm," wika niya. Sa pagkakataong ito ay kinakabahan na siya. Tahimik siyang nagdasal na sana ay maialis nila ang pasyenteng ito mula sa bingit ng kamatayan. Kaya lang, mukhang sa sobrang pagod niya ay hindi na kayang umabot sa itaas ng mga panalangin niya. "A-Fib pa din, George," medyo kabado nang komento ni Maris. Napailing siya. Bahala na! "Charge at 300 joules!" Utos niya. Sinunod naman siya ng kasama at agad na nilagyan ng gel ang pads na hawak niya. "Charging at 300 joules, everyone clear?!" sigaw niya ulit. Bakas na ang desperasyon sa boses at mukha niya. Abot na rin ang panalangin niyang bumalik na ang pobreng pasyente nila. "Clear!" sigaw din ng dalawang kasama. Sa pagpindot niya ng button napapikit din siya. Bumalik ka please! Hiling niya sa isipan. "Shock delivered. Analyzing rhythm," sabi niya. Lahat sila ay kabadong nakatingin sa monitor. Ang resulta kasing lalabas doon ang magdidikta ng susunod nilang hakbang...kung to continue o to let go. Naiyukom niya ang kamao at nahigit ang paghinga sa labis na kaba. "George..." may pag-aalalang sambit ni Maris sa pangalan niya nang walang nagbago sa reading ng cardiac monitor. Shit! Tahimik niyang mura sa isip sabay iling. Nanghihinang itinukod niya ang dalawang kamay sa railing ng hospital bed kung saan nakaratay ang pasyente nilang nag aagaw buhay. Nakailang buntong hininga na siya pero hindi man lang gumaan kahit kaunti ang pakiramdam niya. Maya maya ay may tumabi sa kanya. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang doktor na pina-page nila kanina. Kalmado lang itong nakatingin sa monitor na kung saan unti-unti nang umuunat ang berdeng linya. Tanda na bigo sila. Nakaramdam siya ng galit. Pero hindi para sa kung kanino. Galit siya dahil wala silang nagawa. Wala na naman. Pumalatak siya. "You did your best, George. At the moment, that's all we can do," kalmadong sabi ng arabo nilang doktor. Bakas na din sa tono nito ang pagod at pagkadismaya. Kanina pa niya naririnig ang pangalan nito na pinapa-page dahil sa ilan pang code blue. Maya maya pa ay tinawag na nito ang time of death ng pasyente nila. Nag-init ang gilid ng mga mata niya. Sa pitong taon ng karera niya, noon lang siya nakaranas na sunod-sunod na mamatayan ng pasyente sa isang shift. Pumikit siya ng mariin para pigilin ang mga luha. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang banayad na pagpiga nito sa kanan niyang balikat, kaya napamulat siya. "Do you need me to talk to the family?" marahang tanong ng manggagamot. Mabilis na kumurap-kurap siya tsaka marahan ding umiling. "It's okay, Dr. Karim. I can do it. Thank you," sagot niya at pilit na ngumiti kahit na alam niyang hindi naman nito iyon makikita sa likod ng mask at hazmat niya. Tumango lang ito bago tuluyang lumabas ng cubicle. Mahigit isang buwan na silang nakikipaglaban sa killer virus na ito. Sa pagkakataong ito ay unti-unti na nilang nararamdaman hindi lang ang pisikal, kung di pati ang mental at emosyonal na epekto ng napakahabang giyera na ito. Noong una ay buong pwersa silang nakikipagbakbakan. Pero dala ng matinding pagod at kung ano ano pang elemento, isa isa na ring tinamaan ng sakit maging ang mga kasamahan nilang frontliners. Pasimpleng nilingon ang dalawa niyang kasama. Ni hindi niya alam kung bukas ay magkakasama pa sila. During this uncertain times, walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw. Paano kaya kung... Ipinilig niya ang ulo para alisin ang negatibong ideyang pumasok sa isip niya. "Okay ka lang, George?" untag ni Maris sa kanya. Pilit na kinalma niya ang sarili. Hindi ito ang panahon para panghinaan ka ng loob, Cha. Marami ang buhay na nakapatong sa balikat mo. Pull yourself together! sita niya sa sarili. "O-Okay lang," pilit niyang sagot. Nilapitan siya nito at tinapik-tapik sa balikat. "Kaya natin 'to. Laban lang tayo, hm?" sabi pa nito. Tumango na lang siya bilang sagot. "Last one hour, George. Kaya 'yan!" singit naman ni Poch na marahil ay naramdaman din ang panghihina ng loob niya. Nakakahiya. Siya pa man din ang Charge Nurse pero siya pa itong unang pinanghihinaan ng loob. Huminga siya ng malalim tsaka dinulugan ang mga ito para tulungan sa after care.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD