*JENNY's POV*
"Jenny, apo, gising. May tawag ka sa Cellphone mo," gising sa akin ni lola sa masarap na tulog ko. Umingit ako ng bahagya pero hindi pa rin ako nagmulat ng mga mata, sobrang napagod kasi ako sa dami ng nilabhan kong damit nila Aling Erma, ang may-ari ng maliit na apartment na tinitiran namin. Ilang buwan na kasi kaming hindi nakapag bayad sa renta kaya naman nakiusap ako na kung maari ay ipaglaba ko na lang sila. Hay, mabuti na lang talaga at nakuha sa pakiusap ko, kung hindi panigurado na pinalayas na kami ni Aling Norma.
"Sige na apo, gumising ka muna sandali at sagutin mo ang tawag ng a...agency? Ang agency pala ang ang tumatawag sa 'yo—"
Mabilis na namilog ang mga mata ko sa narinig kong sinabi ni lola. Agency! Nagmamadali akong tumayo sa kama saka kinuha sa kamay ni lola ang cellphone ko na hawak niya at pagkatapos ay kaagad kong ini-off iyon upang matigil na ang pag-ring ng phone ko.
Kumunot naman ang noo ni lola sa pagtataka sa ginawa ko.
"Bakit hindi mo sinagot ang telepono mo?" takang tanong niya sa akin. Napalunok ako sa kaba kung ano ang isasagot ko kay lola. Tumalikod ako at inilagay ang phone ko sa ibabaw ng drawer.
"Ano po kasi... La, ah... mangungulit lang ulit 'yon sa agency namin para pabalikin ako doon sa masungit kong amo," nagkakanda utal na pagsisinungaling ko kay lola. Siguro naman ay maniniwala na siya sa akin. Lumakad ako papunta sa lamesa at kumuha ng baso sa pamingganan saka nagsalin ng tubig sa pitchel na nasa ibabaw ng lamesa.
"Sige na po La, ipagpapatuloy ko na po ang paglalaba ko sa mga damit ni Aling Erma," kibit balikat na sabi ko matapos ubusin ang isang basong tubig na hawak ko. At para hindi na mangulit si lola dahil ramdam kong hindi siya naniniwala sa akin ay lumakad na ako papunta sa pinto.
"Punta na po ako sa bahay nila Aling Erma, La, para matapos ako kaagad." Paalam na sabi ko at walang lingon lingon na lumabas ng pinto. Nang malayo-layo na ako sa bahay namin ay saka ko palang pinakawalan ang kaba sa dibdib ko. Kinakabahan ako dahil paano kung ipakulong ako ni sir George? Sa totoo lang hindi ko naman ninakaw ang 5 thousand na iyon eh. Parang kabayaran na lang yun sa ilang linggo na pagtatrabaho ko sa kanila.
Nakakainis naman kasi 'yong agency na 'yun eh! Tawag ng tawag, hays!
Pagkarating ko sa bahay ni Aling Erma ay kaagad akong dumiretso sa likod bahay nila para muling ipagpatuloy ang paglalaba ko. Ang sakit na ng braso at likod ko sa dami ng labahan nila. Mabuti na lang talaga at may washing sila, kahit paano nakatulong sa akin. Si lola talaga ang taga paglaba ng mga damit ni Aling Erma. Pero dahil nagiging sakitin na si lola ay tumigil na siya sa tanggap ng labada kay Aling Emra. At least, sulit naman ang pagod ko sa paglalaba kahit wala akong kitain dahil ibabawas ni Aling Erma sa bayad sa renta ang kikitain ko ngayon sa paglalaba.
"Jenny, apo, may naghahanap sa 'yo."
Takang napatigil ako sa pagbabanlaw ng damit nang marinig ko ang tinig ni lola buhat sa likod ko. Mabilis akong tumayo sa pagkakaupo sa maliit na bangkito upang alamin kung sino ang tao na naghahanap sa akin.
"Sino po 'yon La—" nanlalaki ang mga mata na napatigil ako sa pagsasalita nang makita ko ang lalaki na kasama ni lola! Napalunok ako sa sobrang takot. Sir George! Grabe naman. Ganoon ba kalaki ang kinuha kong pera para sadyain talaga pa talaga ako ni Sir George dito sa lugar namin? Pakiramdam ko ay tumigil ang t***k ng puso ko habang mariin siyang nakatitig sa akin. Iyong waring sinusuri niya ang kabuuan ko. Marahil ay dahil sa damit ko. Sa kabilang bahay lang naman kasi ang bahay nila Aling Erma kaya hindi na ako nagsuot ng maayos na damit. May kaunting sira kasi ang suot kong short sa may laylayan. Kumportable kasi akong kumilos sa short ko na iyo. Tila umurong ang aking dila dahil ni hindi ko magawang ibuka ang bibig ko at mag-compose ng sasabihin ko kay sir George. Natatakot talaga ako!
"Okay ka lang ba Apo? Namumutla ka?" Narinig kong sabi ni lola sa akin. Napalunok akong muli at hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong lumunok sa sobrang kaba ko. Mabilis na lumapit sa akin si lola at nag-aalala na kinapa-kapa ang noo ko.
"Wala ka naman lagnat, pero namumutla ka Apo," sabi niya habang patuloy na hinihikap ang noo ko. "Baka napapagod kana sa paglalaba Apo, pakikiusapan ko na lang si Erma na bukas mo na lang ituloy ang paglalaba mo para makapagpahinga kana," Nag-aalala na sabi ni lola.
Mabilis akong umiling sa sinabi niya.
"H-hindi na po La… okay lang po ako," sagot ko at pilit na nilalabanan ang labi na takot.
"Ikaw talagang bata ka, ang kulit mo! Oh, sige, asikasuhin mo na muna ang bisita mo." Mas tumahip ang kaba sa dibdib ko sa sinabi ni lola.
"Ano nga ulit ang pangalan mo hijo?" Baling na tanong ni lola kay sir George.
"George de Guzman po," magalang na sagot naman ni sir George kay lola.
Mas rumagasa naman ang takot at kaba sa dibdib ko nang marinig ko ang boses niya. Grabe. Hanggang ngayon ay kabado pa rin ako sa tuwing naririnig ko ang boses niya. Plus doble ang takot ko ngayon sa kanya dahil alam kong may malaking kasalanan ako sa kanya. Nagnakaw ako ng pera sa kanya. At hindi iyon alam ni lola. Sana naman ay huwag sabihin ni sir George kay lola ang doon sa perang kinuha ko sa kanya ng walang paalam. For sure na malulungkot si lola sa ginawa ko. Ang pangaral niya sa amin ni Mara ay kahit na wala kaming makain, 'wag na 'wag kaming gagawa ng labag sa kalooban ng Diyos.
Pero hindi naman ganoon ka grabe ang nagawa kong pagkakamali, limang libo lang naman iyon at nagtrabaho din ako sa mansyon ni sir George kaya bayad lang niya iyon sa akin. Mali lang talaga dahil kinuha ko ng walang paalam ang pera.
"Oh, sige George, iwanan na kita kay Jenny." sabi ni lola at muling tumingin sa akin. "Ipaghahanda ko ng maiinom at merienda ang bisita mo sa bahay apo," sabi niya sa akin.
"Ah, La! A-ano po... siguro po 'wag na lang po kasi hindi naman po magtatagal si sir George dito," pigil ko sa sinabi lola na paghahanda ng maiinom si sir George. Sigurado naman ako na hindi pauulakan ni sir George ang pumasok sa maliit na bahay namin. Kumain pa kaya ng meryenda na ihahanda ni lola…
"Maraming salamat po Lalo, pero tama po si Jenny, 'wag na po kayo mag-abala para ipaghanda ako ng maiinom," magalang na sabi ni sir George kay lola. See? Sa yaman ni sir George ay panigurado na maarte sa pagkain.
"But if you insist on serving me something to drink, it's a pleasure po. Maraming salamat,"
Nanlaki ang mga mata ko sa sumunod na sinabi ni sir George kay lola. Totoo? Pero hindi maari na makausap ni sir George si lola. Baka mamaya kaya gusto nito na paunlakan ang alok ni lola ay dahil balak nito sabihin ang sadiya kung bakit ito pumunta sa lugar nila. Bigla akong nag-panic. Nako. Hindi pwede!
"Ah, La, sige na po. Ako na po ang bahala kay sir George, uwi na po kayo sa bahay dahil baka dumating na si Mara galing sa school." Pagtataboy ko kay lola na hinawakan ko pa siya sa braso at hinila palayo sa lugar na pinaglalaban ko.
"Ako na po ang bahala na makipag-usap kay sir George La, 'wag na rin po kayo maghanda ng maiinom niya. Hindi rin naman po siya magtatagal," sabi ko kay lola habang hinihila ko siya palayo. Nakahinga ako ng maluwag ng tuluyan nang makalayo si lola sa amin. Kinakabahan na pumihit ako paharap sa nakatayo at nakatitig lang sa akin na si sir George. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. At ni hindi ko rin magawang tumingin ng diretso sa mga mata niya. Oo na, guilty na ako kung guilty sa kasalanan ko. Huminga ako ng malalim saka nagsalita.
"M-may kailangan po kayo sa akin sir?" nahihiyang tanong ko sa kanya. Nang makita ko na nag-stop na ang timer ng washing ay ka agad akong lumapit sa washing saka ko sinimulan pigain ang mga damit na nasa loob habang hinihintay ko na magsalita si sir George. Maige na rin ito dahil hindi ko talaga kayang makipag-usap at tumingin ng diretso sa kanya.
"I came here to say—"
"Sir, kung pumunta po kayo dito dahil sa 5 thousand pesos na kinuha ko ng walang paalam sa office niyo, babayaran ko po 'yon, sir. Pero hindi pa lang po ngayon, so please, 'wag niyo po akong ipakulong sir, kawawa naman po si lola dahil wala na pong tutulong sa kanya na maghanap buhay upang may ipampili ng pagkain at pambayad sa renta sa bahay," hindi humihinga na mahabang putol ko sa kung ano man ang sasabihin ni sir George sa akin.
Nakita ko ang pagka bigla sa mukha niya dahil sa mga sinabi ko.
"Ha?" kunot-noo na sabi niya sa akin.
Hinarap ko siya ng maayos at tinuyo ang basang kamay. Hinawakan ko ang kamay niya. Hindi ko alam kung ano ang sumapi sa akin at nagawa ko iyon pero kung kinakailangan na magmakaawa ako sa kanya ay gagawin ko 'wag lang niya ako ipakulong.
"Sir George, please po, 'wag niyo po akong ipakulong. Promise po pag-iipunan ko po ang pera na kinuha ko sa inyo ng walang palam..." nagmamakaawa na sabi ko sa kanya.
Mas kumunot naman ang noo na waring nagtataka kung ano ang pinagsasabi ko. Napapaisip na tinitigan niya ako saka nagsalita.
"Okay, hindi kita ipapakulong basta kailangan mong bumalik ulit sa mansyon at alagaan ang anak ko,"
Napanganga ako. "Po?" Hindi makapaniwala na tanong ko. Binitawan ko ang kamay niya.
"P-pinababalik niyo po ako sa mansyon, sir? Hindi niyo po ako ipapakulong?" tanong ko.
Tumango siya sa akin.
"Yes," tipid na sagot lang niya.
Na-shock ako! Totoo ba 'to? Hindi siya nagbibiro? Pero mukha naman hindi nagbibiro si sir George kaya go, na Jenny! Mamaya magbago pa ang isip ng masungit na 'yan!
"Nako! Teka, lang po sir, tatapusin ko lang po ang labahan ko at aayusin ko na po ang mga gamit ko." Hindi magkandaugaga na sabi ko sa kanya. Mas okay sa akin na pagtiyagaan ko ang ugali ng makulit kong alaga kaysa naman ang mag himas rehas ako sa kulungan.
"She's with me now,"
Narinig kong sabi ni sir George sa kung sino man ang kausap niya sa kabilang linya bago niya buhayin ang makina ng sasakyang at tuluyang paandarin iyon. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang kumabog ang dibdib ko. Saka bakit dito niya ako pinaupo sa front seat sa tabi niya? Nakakailang kasi eh...
Hays! Jenny, ano ka ba? bakit ka ba nagkaka ganiyan? Ha? Natural sa unahan ka niya pauupuin eh dalawa lang naman kayong sakay ng kotse 'no!