LAGASLAS ng tubig ang gumising sa nahihimbing na diwa ni Bryle. Nang una ay inakala niya na naaalimpungatan lamang siya ngunit nananatili ang ingay na iyon sa kaniyang pandinig. Bahagya siyang napangiwi dahil sa sakit ng katawan nang bigla siyang bumangon buhat sa kinahihigaan. Ito ang resulta ng pakikipagbuno niya kay Naylor. Nang ganap na makabangon ay kaagad niyang tiningnan sa kama si Brianne, wala ito roon. Napatingin siya sa pintuan ng bathroom na noon ay bahagyang nakaawang kung saan lumalabas ang ingay ng lagaslas ng tubig buhat sa shower. Napakunot ang noo niya. Sumulyap siya sa writstwatch. 'Ang aga naman niyang maligo,' sa loob-loob niya. Pasado alas tres pa lamang ng madaling araw kaya pala pakiramdam niya ay halos nakaidlip pa lamang siya. Nahirapan siyang makatulog

