5

1392 Words
“I’M MAKING progress,” nakangiting sabi ni Sydney sa sarili niyang repleksyon sa harap ng salamin. Isang semi-formal dress ang suot niya. Simple lang ang tabas niyon pero alam niya na-emphasize niyon ang best asset niya—ang kanyang dibdib. Hindi niya gustong nakahantad palagi ang kanyang cleavage na para bang ibinebenta niya ang kanyang sarili. Sa halip pumipili siya ng mga tabas ng damit na hindi man niya ihantad ang kanyang dibdib ay alam niyang magiging magandang-maganda pa rin siya. Tinernuhan niya ng bag at sapatos ang deep green dress. Subdued ang kanyang make-up. Gumamit lang siya ng bahagyang matingkad na lisptick dahil alam niya, kapag kumakanta siya, bukod sa katawan niya ay ang buka ng mga labi niya ang pinapansin ng nanonood sa kanya. Nagwisik siya ng paborito niyang pabango at pinagmasdang muli ang sarili. Simple pa rin kung tutuusin ang dating niya pero malaki na ang ipinag-iba niya sa loob ng dalawang linggo. Buhat nang manggaling sila ni Ferelli sa salon at nagpa-facial pa siya, ipinangako niya sa sarili na sisikapin niyang makapag-move on. Mahirap dahil tuwing gigising siya ay si Paolo ang unang pumapasok sa isip niya. Pero nilabanan niya iyon. Tuwing sasagi ang binata sa isip niya ay agad niyang ipinapaalala sa sarili na pinagpalit na siya nito sa iba. She improved herself. Nagpaganda siya pero higit sa pisikal ay nagbasa siya ng self-help book at nag-yoga. Malaki raw ang benepisyo ng yoga sa may mabigat na dinadala sa dibdib kaya sinubukan niya. At pakiramdam ni Sydney ay nagtagumpay naman siya.  Kahit pumapasok pa rin ngayon sa isip niya si Paolo ay mas may puwersa ang isang bahagi ng utak niya na nagdidiktang kalimutan na niya ang binata at harapin ang bawat bukas na mas positibo ang pananaw. Pero hindi rin niya maitatanggi na sa puso niya ay dama pa rin niya ang labis na pagtutol. Of course, dahil puso niya ang nagmamahal kay Paolo. Pero mas pinaiiral na niya ngayon ang kanyang isip. At naniniwala siyang palakasin pa niya ang puwersa ng kanyang isip ay magtatagumpay din siyang ganap nang makalimutan ang binata. “Think positive. Believe in yourself. You are wonderful,” malakas na sabi niya sa sarili. Minsan pa ay hinagod niya ng tingin ang kanyang kabuuan. Isang ngiti ang ginawa niya bago dinampot ang bag at umalis na. Ngayon ang gabi kung saan kakanta siya sa intimate dinner ng isang bagong kasal sa Oakwood Hotel. MANGILAN-NGILAN ang tao sa lobby ng hotel nang dumating si Sydney. Habang iniinspeksyon ng guwardiya ang kanyang bag ay lumilinga siya sa hotel. Naghahanap siya ng lalaking malambot. Wala siyang nakita kaya ang makalagpas sa guwardiya ay deretso na ang kanyang hakbang sa reception desk. Noon naman niya napansing umibis ng elevator ang isang lalaking tugma sa hinahanap niya. Halata ngang malambot pero desente ang bihis at kagalang-galang. Lalapitan na ito ni Sydney nang matawag ng iba ang pansin nito sa iba. “Missy, sister! Mabuti at dumating ka na. Congratulations!” Napatda si Sydney sa kinatatayuan. Ang babaeng binati at hinalikan pa nito sa pisngi ay dili iba’t ang babaeng kasama ni Paolo sa Megamall at alam niyang girlfriend nito. She was wearing an off-white knee-length dress. Tila ito isang beauty queen sa pagkakatindig. At higit doon ay iba ang aliwalas na makikita sa buong mukha nito. She looked so in love, Sydney thought painfully. “Ako lang ba ang babatiin mo?” sagot naman ng babae. “Thanks, anyway, Ivan.” “Siyempre, mayroon pang iba. Kapatid kita kaya inuna kitang batiin. Where’s he?” Parang tinambol ang dibdib ni Sydney. Sino ang tinutukoy nitong “he”? Si Paolo? At mas lalo pang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. “Nandiyan sa labas. May tumawag lang sa kanya kaya pinauna na ako. Handa na ba ang suite na sinasabi mo? Masarap ba naman ang inorder mong pagkain?” “Tastes like heaven, sis. Ano, mauuna ka nang umakyat o hihintayin mo na siya?” “How about you? Akala ko’y abala ka sa suite, bakit naririto ka pa sa ibaba?” “Darating na ang wedding singer na pinakontak ko. I want to talk to her first bago ko ipakilala sa inyong lahat.” Umikot ang mata ng babae. “Baka naman magre-request ka ng Gaano Kita Kamahal at Ngayon at Kailanman? Please, Ivan, panahon pa iyan ng parents natin.” “Medyo bago naman doon ng kaunti. I’ll request, King and Queen of Hearts.” “Puh-leeze…” react ni Missy. “Ano ka ba? Siyempre, iyong gusto nating kanta ang ire-request ko, ‘no?” At nagpalinga-linga si Ivan. “Nasaan na kaya iyon? Sabi ni Jenna, on time makipag-appointment iyon.” “I’ll go upstairs. Kapag nakita mo si Paolo, ituro mo na lang sa kanya iyong suite. Mauuna na ako. I want to freshen up. Gusto kong maging magandang-maganda para sa main event.” “Okay, go!” kumpas pa ni Ivan. Sa kinatatayuan ni Sydney ay hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Kasali din pala si Paolo sa okasyong iyon. At hindi pa siya handang makipagkita dito. At isa pa, iba ang kabog ng dibdib niya. Paano kung tama ang hinala niyang nabubuo sa dibdib niya? Mas lalong wala siyang balak na magpakita kay Paolo! “Paolo!” malanding kaway ni Ivan nang makita nito ang binatang bigla ay kinatakutan ngayon ni Sydney na makaharap. “Congrats!” Naka-slacks si Paolo at kulay kremang long-sleeves na itinupi hanggang siko ang manggas. Hindi pormal ang dating nito pero hindi rin masasabing kaswal. At kagaya ni Missy, tila mayroong kakaibang ningning sa mga mata nito. He looked very much in love. Alam niyang sabihin iyon sapagkat sa tagal ng naging relasyon nila ni Paolo, kaya na niyang bigyan ng kahulugan ang bawat ekspresyon nito. “Thanks!” narinig niyang sagot ni Paolo. “Ako lang ba ang binati mo? Baka may nakakalimutan ka pang batiin?” “Ako pa ba ang makakalimot?” sagot naman ni Ivan. “Umakyat ka na. I’m sure, nabanggit na sa iyo ni Missy kung saan ang suite na iyon.” “Yeah. And thanks again, Ivan. Nag-abala ka pa ng ganito.” “Para sa mga kapatid ko, it’s nothing,” at nagkibit ito ng balikat. Hindi alam ni Sydney kung tama bang mangalog ang tuhod niya sa mga sandaling iyon. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya. Higit na matining ngayon ang nabuong hinala sa isip niya— sina Missy at Paolo ang nagpakasal! Parang piniga ang puso niya sa sumalakay na sakit doon. Eight years against three months… Eight years against three months… parang sirang plaka iyon na nagpapaulit-ulit sa kanyang utak. Hindi siya makapaniwala. Tatlong buwan pa lang ang relasyon ng dalawa pero nagpakasal na? Samantalang sila ni Paolo, inabot ng walong taon ang kanilang relasyon pero ang kasal ay nanatiling hanggang sa plano lang. Parang gumuho ang lahat ng pagsisikap na ginawa niya sa nakalipas na dalawang linggo. Ang nangibabaw ay ang tunay na nararamdaman ng kanyang puso. Sa wari ay unti-unti siyang pinapatay ng hapding bumabalot sa puso niya. Hindi niya napaghandaan ang ganito. Walang-wala sa hinagap niya ang ganitong klase ng senaryo. Tila huminto ng ilang segundo ang t***k ng puso niya. Pero ang akala niyang magiging manhid din siya sa mga sandaling iyon ay nagkamali siya. Parang lalong tumitindi ang hapdi. Walang iniwan sa isang bukas na sugat na pinapatakan ng katas ng kalamansi. Unti-unti ay nabubulag siya ng bumabalong na luha. Hindi na niya napansin na nawala si Paolo sa kanyang paningin. Ang tanging alam lang niya ay ang hapding nararamdaman niya. “Miss, are you all right?” Parang nagulat pa si Sydney nang may lumapit sa kanya. Tarantang pinahid niya ang mga luhang ngayon lang niya naramdamang bumasa sa kanyang pisngi. Naghagilap siya ng panyo at mabilis na idinampi iyon sa kanyang mga mata. Napangiwi siya nang makitang kulay itim ang kanyang luha. Kumalat na ang eyeliner at mascara niya. “May restroom sa pagliko sa pasilyong iyan. You can fix yourself there,” mabait na sabi nito sa kanya. “Thank you.” Ngumiti ito. “I’ll be hanging around for a while. Kung makakatulong ako, you can approach me paglabas mo ng restroom.” Siya naman ang ngumiti at tumango pa. “Yes, I’ll talk to you later.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD