17

1505 Words
17 “MAYBE I don’t wanna know the reason why but lately you don’t talk to me… and now I can’t see me in your eyes…” Nagpapalipas ng oras si Sydney sa terrace. Pagkatapos ng hapunan ay magkatulong na niligpit nina Paula at Patricia ang komedor at kusina. Gusto man niyang makatulong sa maliit na paraan ay ayaw namang pumayag ng dalawa. Sa halip ay inihatid siya ni Patricia sa terrace para magpahangin doon. Sa kawalan ng magagawa ay kumanta siya. Hindi naman bago iyon. Kahit nga may ginagawa siya, kumakanta pa rin siya. “I thought you’re near but you’re so far away… and it’s losing you I can’t believe…” Hindi niya sinasadyang iyon ang kantahin pero napangiti siya habang kumakanta. Siguro ay ang subconscious mind niya ang nagpasyang iyon ang kantahin. Kung magde-dedicate siya kay Paolo ng isang kanta sa pagkakataong iyon ay ang naturang kanta ang iaalay niya sa binata. Buong puso niyang tinapos ang kanta. Todo-bigay pa pati facial expression niya na para bang nasa entablado siya at may hawak na mikropono habang kumakanta. Papikit-pikit pa siya. “Don’t throw it all away our love, our love, don’t throw it all away, our love… “ Kaya nang dumilat siya ay nagulat pa siya nang matantong may tao sa harapan niya. Patuyang ngumiti si Paolo at pumalakpak pa. “Para sa akin ba ang kantang iyan?” patuya ding tanong nito. Biglang naglapat ang kanyang mga labi. “Bakit ka naririto?” Tumawa ito nang bahaw. “What a question! Bahay namin ito. Parang mas may karapatan yata akong magtanong ng ganyan sa ibang tao.” Napipilan siya at napahiya. Pero sandali lang iyon. Naisip niyang kakampi naman niya ang ina nito at kapatid. Sila nga ang nagsabi na hindi naman na siya ibang tao sa pamamahay nito. “Ang ibig ko lang sabihin ay ang bilis mo namang nakabalik agad. Hindi ba’t inihatid mo sa Makati si Missy? Lumapit na ba ang distansya ngayon ng Makati at Caloocan?” “Medyo mataray pala ang panauhing pandangal namin,” nakangising sabi nito. Sumandal ito sa isang haligi ng terrace at pinagkrus ang mga braso. Naakit siyang titigan si Paolo sa itsura nito sa pagkakasandal na iyon. Why, he looked so attractive. He looked so good and very manly. Kahit na parang magsasabong ang mga kilay nito at halatang bugnot ang itsura ay guwapo pa rin ito. Of course, kanina pa sa hapunan niya napapansin iyon. Palagi namang guwapong tingnan si Paolo. Parang ipinanganak na itong kakampi ang magandang anggulo. Baby-faced tingnan si Paolo kapag masaya ang mood nito at palaging nakangiti. Pero kapag ganitong hindi maipinta ang mukha ay lumalabas naman ang manly look nito. “Bakit mo ako tinititigan ng ganyan? May dumi ba ako sa mukha?” supladong tanong nito. Natawa siya. “Gasgas na gasgas nang linya iyan, Paolo. Alam mo ba, sa pocketbook man o pelikula o kahit palabas sa TV, palagi nang ginagamit iyan?” “Hindi ako nanggagaya ng linya, nagtatanong ako. Bakit mo ako tinititigan?” “Bakit masama ba? Bakit conscious na conscious ka yata?” buska naman niya. Padaskol itong umalis sa pagkakasandal at lumapit sa kinauupuan niya. “Sabihin mo nga sa akin, Sydney, bakit ka naririto? Bakit dito ka nakatira?” Buhat nang tumira siya doon ay na-imagine na niya ang ganitong eksena. Na tatanungin siya ni Paolo kung ano ba ang ginagawa niya doon. Marami siyang naisip na posible niyang isagot. Pero ngayong tinatanong na siya mismo nito ay parang nalulon niya ang dila. “Alam kong close ka kina Mommy,” ani Paolo nang tila mainip sa isasagot niya. “Pero hindi ko naisip na titira ka dito. Bakit, Sydney? Para makalapit ka sa akin? Para magkabalikan tayo?” “How conceited can you get!” singhal niya dito at itinulak ito. “Bakit, buhat ba nang magkahiwalay tayo ay lumapit ba ako sa iyo? Gumawa ba ako ng paraan para makipagbalikan sa iyo?” Natameme naman si Paolo. Umunat ito ng tayo pero nanatiling nakahinang ang tingin sa kanya. “I just don’t get it,” sabi nito sa malumanay na tinig. “I’ve known you for so long, Sydney. Mas independent ka sa akin. Dahilan mo lang sa iba na nasa ibang bansa ang mommy mo kaya ka mag-isang namumuhay. But you know and I know that you love it, Sydney. You love being free.” “And so? Hindi ba puwedeng magbago ng isip ang tao paminsan-minsan? Sabi nga ni Patricia, delikado na ang panahon ngayon. Kahit mahal ko ang pagiging independent ko, mahirap namang isugal ang kaligtasan ko.” “Kaya sinamantala mo naman ang offer ni Mommy na dumito ka muna?” “Bakit masama ba?” ulos niya agad. “Mabuti naman naisip mo din na inalok ako ni Mommy na dito tumira. Salamat naman na hindi mo naisip na dinala ko nag kusa ang sarili ko dito.” Tinitigan siya nitong muli at napailing. “Kami na ni Missy,” sabi nito mayamaya. Napalunok siya. Ano ba ito? Inaamin mismo sa kanya ni Paolo ang tungkol sa bago nitong relasyon? Masakit iyon. “As if hindi ko alam. Halata naman,” kunwa ay balewalang sagot niya. Bumunot ito ng paghinga. “Sydney, sorry kung inisip kong ginagawa mo itong paraan para magkalapit tayo. Pero may iba na ako. At aaminin ko sa iyo, this is awkward. Ex-girlfriend kita pero dito ka naman nakatira sa amin.” Ex-girlfriend! Gusto niyang mag-react pero paano naman siya magre-react? Sa sitwasyong iyon ay tama naman si Paolo. Pinatigas niya ang anyo. Hindi niya gustong makita ng binata na para siya nitong unti-unting tinatarakan sa dibdib dahil sa sinasabi nito. “Itinataboy mo ba ako?” tanong niya. “Mas bahay ito ni Mommy kaysa bahay ko,” sabi nito na parang sinagot na rin ang tanong niya. Siya naman ang hindi nakasagot. Naramdaman niyang namuo ang luha sa kanyang mga mata. Napalunok siya. Kanina pa siya nasasaktan at mientras tumatagal ay mas lalong tumitindi ang sakit. “Hindi ko alam kung ano ang totoong dahilan kung bakit ka naririto, Sydney. At ayaw kong itaboy ka kahit may karapatan ako dahil bahay ko pa rin ito. Pero gusto kong maging prangka sa iyo, nagsimula nang maging sanhi ng away namin ni Missy ang pagtira mo dito.” Malumanay ang pagkakasabi niyon pero parang dagundong ang naging dating sa kanya. Ikinurap niya ang mga mata para pigilin ang mga luhang nagbabantang umalpas. Pero hindi na pala niya kailangang pigilin. Dahil ni hindi na siya tinapunan ni Paolo at umalis na ito. “YOU’RE crying!” bulalas ni Patricia nang puntahan siya nito. Mabilis na pinahid ni Sydney ang mga pisngi niyang basa. “May naalala lang kasi ako,” malungkot ang ngiting baling niya dito. “Si Kuya?” Buntong-hininga ang isinagot niya. Magkaila man siya ay hindi naman maniniwala si Patricia. “May narinig akong ugong ng sasakyan kanina. Dito ba iyon o sa kapitbahay?” tanong nito uli. “Bumalik ang kuya mo.” At dahil alam niyang tatanungin din naman siya nito ay kusa na siyang nagkuwento. Hindi niya naiwasang mapaluha dahil nasasaktan naman siyang talaga. “Uuwi na lang siguro ako sa bahay ko,” sabi niya pagkuwa. “Of course not!” malakas ang pagtutol ni Patricia. “Bakit ka susuko? Hindi ba’t gusto mong magkabalikan kayo?” “Masakit din naman ang mapagsalitaan. Kahit na nga ba may depensa ako na hindi naman ako gumawa noon ng hakbang para magkabalikan kami, masakit pa rin na matumbok niya iyong rason ng pagtira ko dito,” pahikbing sabi niya. “Huwag mong intindihin iyon. Paano ka makaka-goal kung ganyang susuko ka na? Mabuti nga iyong mag-away sila. Kapag nag-away sila nang nag-away, doon malalaman kung hanggang saan sila talaga. Most probably, maghihiwalay sila. Di, malaya na si Kuya at mas may tsansa ka na magkabalikan kayo. Huwag kang makonsensya na nag-aaway sila dahil sa iyo. Talagang ganoon. Hindi ba’t kaya nga nagkakahiwalay ang tao ay dahil nag-aaway sila at hindi sila magkasundo?” mahabang sabi nito. Hindi siya nakakibo. “Siyangapala, nahalata ba niyang may cast ang paa mo?” tanong nito mayamaya. “Ewan ko.” “Malamang ay hindi. Dahil kung napansin niya, imposibleng hindi siya magtanong.” Kinuha nito ang saklay sa isang sulok na pinagsandalan nito. “Halika na sa loob para makapamahinga ka na. Kaunting tiis na lang. One week from now ay tatanggalin na rin iyang cast. Magiginhawahan na ang binti mo.” “Pero hindi ko pa rin puwedeng ilakad,” aniya. “For the meantime lang naman. After ilang session sa PT, di malamang ay puwede na rin. Good as new ka na.” “At hindi na ako dito titira. Wala na akong rason para tumira pa dito.” Tiningnan siya ni Patricia. “Well, sabihin mo uli iyan sa harap ni Mommy at tingnan natin kung ano ang isasagot niya.” Inalalayan na siya nito sa pagtayo at inihatid siya sa kuwarto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD