CHAPTER 3: Same Hobby.
Written by: CDLiNKPh
PAUWI NA SI HARMONY nang bigla siyang mapadaan sa National Book Store. Naisip niyang may gusto nga pala siyang book na gustong bilhin ngayon. Iyong Strange Love ni CDLiNKPh. LGBT Novel iyon na nabasa niya noon sa w*****d at sinusubaybayan niya.
Masaya nga siya na published book na rin iyon sa wakas. Sa totoo lang, bihira kasi sa mga publishing house ang mga stories na may tema katulad niyon dahil hindi naman lahat, bukas na ang mga mata sa same s*x relationship. Hiling nga niya na sana, ay maging movie ito pagdating ng panahon. Napansin kasi niya na sa mga movies, tv series o books ay mas tanggap ang mga gay stories kaysa sa mga lesbian stories. Mabibilang nga lang yata sa kamay ang mga lesbian stories na nailabas sa media kaya masaya siya na sa wakas ay mayroon nang lumabas na isang full length tagalog novel katulad ng Strange Love. Sa wakas ay magkakaroon na ng representation ang mga lesbians na katulad niya.
Kaya hanga talaga siya kay CDLiNKPh, e. Hindi kasi ito takot na sumulat ng kahit na ano'ng genre. Ang iba kasing authors na kilala niya, hindi gumagawa ng mga lgbt novels dahil natatakot na maakusahan na member ng third s*x.
"Ate, mayroon pa po ba kayong mga novels ni CDLiNKPh? Especially, e 'yung Strange Love sana?" tanong niya sa cashier ng bookstore.
"Naku, iyon ba? Best seller namin iyon dito kaya mabilis talagang maubos ang mga libro niya. Out of stock na yata eh—" Nag-umpisa nang magtipa ng kung ano sa computer nito ang cashier. Saka nagliwanag ang mga mata nito. "Ah, meron pa pala! Nasa shelves number 7. Iyon!" Saka nito itinuro sa kanya ang isang estante roon na kinaroroonan daw ng book na hinahanap niya.
Excited na nagpunta naman siya sa bookstand. Napangiti siya ng makita ang Strange Love doon. Isang kopya na lang kaya dapat niya itong makuha kahit ano pa man ang mangyari!
Akmang kukunin na niya ang libro nang biglang may nagtangka ring kumuha roon. Nagkapatong pa tuloy ang kamay nila. Talagang uunahan pa siya, ah?! Handa siyang makipagpatayan para lang sa librong ito!
"Miss, pasensya ka na, ha? Nauna kasi akong makakita sa librong ito. Gustong-gusto ko ito kaya okey lang ba kung ako na lang ang kumuha?" sabi ng babaeng may-ari ng kamay na nakapatong sa kamay niya.
Mag-re-react na sana siya at tatanggi nang bigla na lang siyang mapanganga sa mukha ng babaeng nagsalita!
Pakiramdam niya ay nakakita siya ng anghel lalo pa no'ng masilayan ang napakagandang ngiti nito! Nagniningning ito sa paningin niya! Patay na ba siya? Bakit parang nasa langit na siya?
"M-Miss, ayos ka lang?" untag nito nang mapansin na napapatulala siya.
"A-ahh..." Parang nawalan siya ng dila.
Napakaganda ng babae. Maputi ito at sexy ding katulad niya. Mas matangkad pa nga ito ng kaunti kaysa sa kanya pero pakiramdam niya ay bagay pa rin sila. Curly ang buhok nito at napakahinhin din ng galaw nito. At ang mga ngiti nito ay nakakahalina tingnan. Parang nakakahawa iyon...
"A-ah, s-sige! Sige, kung gusto mo talaga 'yan, sige ibibigay ko na lang sa 'yo. Tutal naman, gentle woman ako, e!" Saka siya pa-cute na tumawa.
Ngumiti naman ito. "Palabiro ka pala. Thanks, ha?" Natutulala pa rin siya hanggang sa umalis na ito sa harap niya.
Nang matauhan ay bigla siyang sumunod dito sa counter. "Ah, ako na ang magbabayad!" Inunahan na niya itong mag-abot ng bayad sa counter.
"Naku, hindi na—"
"Please? I insist. Alam mo kasi, paborito ko talaga 'yang book na 'yan kaya lang, talagang wala akong makita kahit saang book store pa ako pumunta. Kaya kung pwede lang sana na pahiram na lang ako pagkatapos mo? Please?" sabi niya. Alam niyang maganda ang palusot niya para magkita silang ulit.
Parang nag-isip pa ito. "Hmm... Sige. Ikaw ang bahala. Pero akin itong book, ha? Hindi ko kasi maku-kumpleto 'yung collection ko ng books ni CDLiNKPH kapag wala ito."
"Oo naman! Kahit ako ang magbabayad, isasauli ko, miss—"
"Divina. Divina ang pangalan ko. But you can just call me 'Dina' for short," nakangiting pagpapakilala nito.
"Kabaligtaran pa ng ungas na pangalan ni Dino," mahinang sabi niya sa sarili.
"Ha?" Parang narinig yata ni Dina ang sinabi niya.
Teka nga, bakit ba naalala pa niyang bigla ang ungas na iyon?
"A-ah— Wala, may ungas lang akong naalala sa pangalan mo. Dino kasi ang pangalan no'n pero masamang tao iyon kaya huwag na lang natin siyang pag-usapan. Ako nga pala si Harmony! Mga pangalan pa lang natin bagay na bagay na, hindi ba?" Bigla siyang nadala.
"H-ha?" Parang nagulat ito sa sinabi niya.
"Ah— I-I mean, bagay tayong maging friends! Can I get your number?"
Natawa na lang ito sa kanya pero ibinigay din naman ang numero ng cellphone nito.
Sa wakas! Matetext at matatawagan na niya ito kailan man niya gustuhin!