Alas-tres pa lang ng madaling araw ay gising na agad si Lilian. Sa bahay na rin nila natulog si Leny dahil sasama nga siya kay Lilian sa maynila. “Anak, gising na.” Kalabit niya sa baklang natutulog pa. Kaya naman ay kaagad ring minulat ng bakla ang kanyang dalawang mata. “Aalis na po ba tayo, Mama Lilian?” tanong nito habang pahikab-hikab pa dahil inaantok pa ito. “Bumangon ka na riyan, at maligo na. Maya-maya ay narito na ‘yong anak ni Aling Paseng, para ihatid tayo sa sakayan ng bus.” “Sige po,” tipid na sagot nito at napahikab na naman. Nakapikit itong tumayo at naglakad patungo sa kusina dahil malapit doon ang banyo. Subalit bigla na lamang itong napatili dahil may nakita siyang tao na nakatalikod at nakabuhaghag pa ang buhok nito. Nakasuot rin ito ng bestidang puting pantulog.

