“I knew it! Unang kita ko pa lang sayo, hija, alam ko nang bagay kayo nitong anak ko!” bulalas ng mommy ni Theo na halata ang kasiyahan sa mukha.
Ilang na ilang ako habang kaharap ang babae at asawa nito. Sariwa pa sa isip ko noong una kaming magkadaupang-palad. Nadatnan nila ako sa unit ni Theo at hanggang ngayon ay nahihiya pa rin ako.
“Gusto talaga kita sa anak ko. Huwag kayong maghihiwalay ha?” ulit pa niya.
“Y-Yes po tita,” nauutal na sagot ko. Hindi naman nakatakas sa aking paningin ang pag-ngisi ni Theo sa tabi ko.
“Ano ngayong plano niyo? Kailan kayo magpapakasal?” tanong niya.
“Mom! Ano ka ba?” saway ni Theo na siyang ikinatawa naman ng ginang.
“I’m just joking. Ano sa tingin mo daddy?” baling nito sa asawa na tahimik na kumakain.
“Well, hindi ako tatanggi kung bibigyan na nila tayo ng apo,” seryosong sagot nito pero ang mga mata ay nakatawa. Nararamdaman ko ang pag-iinit ng aking mukha hanggang tainga at namuo na rin ang pawis sa aking noo.
“Gusto kong magsisi na dinala ko si Trish dito,” inis na sagot ni Theo. As usual, mukhang hindi naman apektado ang mga magulang niya sa narinig.
Ilang oras pa kaming nagkwentuhan kasama ang mga magulang ni Theo. Mababait sila at mukhang masayahin talaga. Alam kong may ideya na sila sa sitwasyon ni Anne ngunit mas pinili na lang nilang suportahan ang dalaga sa paraang kaya nila. Tutulongan umano ng mga ito si Anne na magpaliwanag sa magulang. Hindi ko pa rin maiwasang mag-alala sa babae. Lahat ng inis ko noon ay naburang bigla. Parang hindi tamang masaya ako ngayon habang siya ay nalulunod sa lungkot. Ano kaya kung kausapin ko si Jace?
“What are you thinking?” Narinig kong tanong ni Theo. Nasa mall na kami noon at nagpapalipas ng oras.
“Si Anne,” amin ko.
“Don’t worry, magiging okay din siya. We will support her—”
“Paano ‘yong baby? Kailangang malaman ni Jace—”
“Hindi tayo dapat makialam sa sitwasyon nila, Trish. I’m sure nagkausap na sila ni Jace. Wala na tayong control sa mga desisyon nila.”
“Baka mapapagbago ko pa ang isip ni Jace. Hindi naman tama kung tatalikuran niya ang sarili niyang anak.”
“Hindi gagawin ni Jace ‘yon. I’m sure kailangan lang niya ng konti pang panahon.” Naramdaman siguro ni Theo ang mga titig ko sa kaniya. “Believe me.” Nakangiting alo niya.
Sa sinabi ni Theo ay nabawasan ang guilt ko. Sana nga ay magkaayos pa si Anne at Jace. Mabuting tao si Jace at nasasaktan ako para sa kaniya. Hindi ko naisip na magiging ganito ang sitwasyon niya. Kung pwede lang ibalik ang oras, sana naging masaya na lang ako para sa kanila ni Anne. Ayaw ko siyang nakikitang malungkot, hindi ako sanay.
Nagpatuloy kami sa paglalakad kahit wala naman kaming direksyon na pupuntahan. “Ano ‘to, nagpapakapagod lang tayo dito,” natatawang sabi ko.
“Oo nga eh. Gusto na kitang isako. Tara uwi na tayo,” aniya.
“Bakit mo ako isasako?” nagtatakang tanong ko.
“Kanina pa kasi tingin ng tingin ‘yong lalaking ‘yon eh!” aniya na itinuro ang isang lalaki. Hindi ko alam kung nagsasabi ba si Theo ng totoo o binobola lang ako.
“Sus! Nagi-imagine ka ba?” tumatawang sagot ko.
“Of course not!” inis na sagot niya. Seryoso bang naiinis siya?
“Ngayon ka pa nainis. Eh sa beach nga noong naka-swimsuit ako, ayos lang sayo. Tinatawanan mo pa nga ako eh!”
“At sinong nagsabing okay lang sakin noon? Kung alam mo lang, kaya nga binantayan kita ng husto eh.”
Napatitig ako sa gwapo niyang mukha. Ang gwapo kahit nakakunot-noo. “Gusto mo na ako noon?” tanong ko.
Bigla naman ang pagkawala ng kunot sa noo niya at napalitan ng malawak na ngiti. Hinawakan niya ako sa ulo at bahagyang ginulo iyon. “Hay ang kapal!” aniya.
Napasimangot ako sa narinig. “Eh bakit mo ako binakuran noon. Siguro may gusto ka na talaga sa akin noon,” pang-aalaska ko pa. Hindi na siya sumagot at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Tumatawang nakasunod ako sa kaniya nang biglang may babaeng lumapit sa amin.
“Theo? Is that you? OMG what a coincidence!”
Agad nabura ang ngiti ko pagkakita sa babae. Pinagmasdan ko ang hitsura niya. Mula sa maayos na buhok, magandang damit at mamahaling bag. Muli ay nanliliit ako sa kaniya.
“Jen? Anong ginagawa mo dito?” nagulat naman na tanong ni Theo.
Naglandas ang mga mata niya sa akin at kay Theo. “Uhm, I am meeting with a client today.”
“Talaga? Dito ka na ulit?” Hindi ko sigurado kung dinadaya ba ako ng aking tainga, pero naulinigan ko ang kakaibang saya sa boses ni Theo. Dahil doon ay nakaramdam ako ng kakaibang takot. Pinagmasdan ko si Jen, umaasang hindi siya dito maglalagi.
“Yes. May international company na kumuha sa akin to design their proposed Airport. Luckily, pumayag silang nandito ako sa Pinas while working on the design.”
Nanlumo ako sa narinig pero hindi ko iyon ipinahalata. Isa pa sa kumakain sa aking kumpiyansa ay ang narinig na success ni Jen sa kaniyang career. Kung ikukumpara ako sa kaniya ay walang wala ako. Halos kaedad ko lang siya pero napakalayo na ng kaniyang narating. Paano na ngayong nandito siya? Hindi kaya muling ma-inlove sa kaniya si Theo? Pipiliin pa ba niya akong mahalin? Paano kung mahal pa rin ni Jen si Theo? Huwag naman sana.
“Who is she?” tanong ni Jen na nagpabalik ng atensyon ko sa kaniya.
“Ah, Jen, meet Trish. She’s my girlfriend,” pakilala ni Theo sa akin.
“Really? Hindi ko siya nakita sa birthday mo. Nice meeting you Trish.” Inabot niya ang kamay sa akin. Gusto ko sanang sabihin na umalis na ako matapos niyang halikan si Theo sa harapan ko pero naalala kong hindi pa nga pala kami ni Theo magkasintahan noon.
Tipid na ngumiti na lang ako sa kaniya. Kung pwede lang na hilahin ko na si Theo palayo ay ginawa ko na. Pero ang labis na ikinakairita ko ay ang kasiyahang nakikita ko sa mukha ni Theo ngayon.
“So, paano? Gusto ko pa sanang makipagkwentuhan sa inyo, kaya lang hinihintay na ako ng isa ko pang client eh! I don’t want to lose her kasi she’s my very first client simula nang bumalik ako. Baka masulot pa ng iba,” ani Jen. Tumalikod na si Jen pero bago pa man siya makalayo ay tinawag siya ulit ni Theo.
“Let’s talk some time. May project ako na gustong ikonsulta sayo,” aniya. Hindi ko maiwasang masaktan sa narinig. Anong project ang ikokonsulta ni Theo sa babae? Ni hindi man lang niya ako tinanong tungkol doon pero kay Jen ay magtatanong siya?
Nanlalaki ang mga mata ni Jen at napansin ko ang pagsulyap niya sa akin. “Sure,” nakangiti niyang sagot.
Nang makalayo na si Jen ay binalingan ko agad si Theo. “Ano namang project ang ico-consult mo sa kaniya?”
“May malaki kasi akong project na sinalihan. I just want to hear her thoughts about it,” paliwanag niya. “Told you she’s very competitive.” Hinawakan niya ang kamay ko pero ang saya ko kanina ay nabawasan na.
“Hey? Are you okay?” napansin siguro ni Theo ang pananahimik ko. Dahil sa hiya ay tipid na lang akong ngumiti at tumango.
Nagbuntong-hininga siya saka ako inakbayan. “Let’s go. I’ll show you something.” Nakangiting aya niya.
“Ano naman?”
“Basta. Para mabawasan na ‘yang pagseselos mo,” nakangising sagot niya.
Pinanlakihan ko siya ng mata. “Ano? Hindi kaya ako nagseselos!” tanggi ko. Ganoon ba ako ka-obvious? Nakakainis ang lalaking ito at nagawa pa akong asarin! Pinagmasdan ko siya habang nakatawang nakamasid sa akin. Lahat ng inis ko ay naglalaho kapag ganito siya. Iniabot niya sa akin ang kamay at tinanggap ko naman iyon. Magkahawak-kamay na kaming lumabas ng mall.
Kapag kami lang dalawa, masaya ako. Hindi ko gusto ang epekto sa akin ni Jen. Sana lang ay hindi na namin siya makasalubong habambuhay.