“Isayaw nalang natin iyan beshy! Sige hataawww!!” sigaw ni Ron habang nasa dance floor kami ng isang bar. Pawisang pawisan na ito at halatang madami na ang naiinom. Nagtatawanan kaming tatlo at wala ng pakialam sa paligid. Madalas naman kaming maglagi sa bar na ito at kilala na kami dito. Tumatawa ako pero sa kabila noon ay ramdam ko parin ang lungkot. Inaya ko agad ang dalawa kong kaibigang ito pagkadating ko mula sa Boracay. Dahil sa bakasyon na iyon mas napagtanto ko na wala akong pag-asa kay Jace. Mukhang papunta na sa kasalan ito at si Anne.
“Go Trish!” sigaw narin ni Michelle.
Maswerte ako sa dalawang ito at handa akong damayan ano mang oras. Matapos ang ilang minuto ay napapagod na bumalik kami sa pwesto. Humihingal na bumaling sa akin si Ron.
“Hay! Grabe mga beshy, napagod ako doon ah!”
“Paanong hindi? Eh napakalikot mo kanina. Hataw na hataw!” tumatawang sagot ni Michelle.
“Ano ka ba! Kasabay na doon ang surveillance operation ko ng mga pogi! Oohh, beshy sa likod mo!” pasimpleng bulong ni Ron kay Mitch tapos ngumuso sa bandang likuran namin. Awtomatikong napatingin ako sa likuran namin dahil sa sinabi ni Ron. Nakita ko ang ilang kalalakihan. Mga gwapo at mukhang nagha-hunting din ng mga babae.
“Oh, asan na ‘yong ka-chat mo last week?” tanong ko.
“Ay ayoko na sa kaniya,” mabilis na sagot ni Ron.
“Ayaw mo na o ayaw na sayo?” tanong ko.
“Ayaw ko nanga---“ biglang napasinghap si Ron at nanlaki ang mga matang nakatingin sa likodan namin. Nagtatakang lumingon ako dahil sa reaksyon niya. Tulad ni Ron ay napanganga din ako sa nakita ko.
“Beshy hindi ba siya si Anne?”
Hindi ako nakasagot. Pinagmasdan ko si Anne. Sa tingin ko ay lango na siya sa alak. Naroon siya at nag-iisang babae sa umpok ng mga kalalakihan na itinuro ni Ron sa likuran namin. Alam ko ang capacity ni Anne sa alak at ang kawalan niya ng control. Hindi ko alam ang gagawin, lalapitan ko ba siya o hahayaan ko lang?
“Siya nga si Anne beshy diba? Bakit narito siyang mag-isa?” nagtatakang tanong ni Michelle.
“I…I don’t know. Teka lalapitan ko,” sagot ko. Bago pa man ako makalapit ay tumayo naman si Anne kasama ang isang lalaki.
“Anne,” tawag ko nang makasalubong niya ako pero hindi niya ako narinig at nilampasan lang ako. Diretso silang nagtungo sa dance floor ng kasamang lalaki.
“Ano ba yan beshy?! Deadma ka?” mataray na puna ni Ron habang nakatingin kay Anne. Nagsasayaw ito at ang lalaki at magkadikit na magkadikit ang katawan ng mga ito. Maya-maya pa ay napansin kong gumagapang na ang mga kamay ng lalaki sa katawan ni Anne. Nag-away kaya ito at si Jace?
“Baka naman kakilala niya,” sagot ko parin. Naisip ko si Jace. Alam kaya niyang nandito si Anne at naglalasing? Imposible namang nagtataksil sa kaniya si Anne!
“Ikaw…Pero bakit naman parang sobrang close doon sa guy?!” komento ni Michelle. “Lalapitan mo?”
“S-Samahan niyo ako, hindi ko alam ang sasabihin ko eh.”
“Sige tara samahan kita. Nangigigil ako sa Anne na iyan ha!” sagot ni Ron. Tumayo na siya at naglakad na kami patungo sa dance floor. Pero sa dami ng tao sa gitna ay hindi na namin makita si Anne at ang kasama niyang lalaki. Naririnig kong nagsasalita si Ron habang naglalakad kami pero hindi ko na maintindihan dahil sa lakas ng music. Nakipagsiksikan na kami sa gitna sa paghahanap kay Anne at makailang beses akong nasiko ng mga sumasayaw.
“Jusko! Baka kung saang sulok na dinala ng lalaki!” sigaw ni Ron. Sa hitsura ni Ron ay halata kong imbyerna na siya. “Ayun! Ayun beshy! Palabas na ang bruha kasama ni boylet!”
Lumingon ako sa itinuro ni Ron. Hindi na ako nakapag-isip masyado. Tinakbo ko ang pinto kung saan lumabas si Anne. Hindi pwedeng hindi ko siya mapigilan! Lasing na siya! Bakit kasi siya naririto at hindi kasama si Jace? At isa pa, bakit sasama siya sa lalaking iyon?
“Beshy! Ano ka ba? Pahintay ako!” tawag sa akin ni Ron sa likod ko pero nanatili akong nakatingin sa unahan. Saan na ba ang Anne na iyon papunta? Baka lasing lang siya at pagsamantalahan siya ng lalaking kasama niya. Nakarating kami ni Ron sa labas ng bar hanggang sa parking space pero hindi ko na makita si Anne.
“Oh ano beshy? Nasaan na?” humihingal na tanong ni Ron sa akin ng makaabot siya sa pwesto ko. Umiling lang ako sa kaniya. “Huwag mo na kaya problemahin, malaki na ‘yon!”
“Beshy, masasaktan si Jace kapag may nangyari---“
“Hindi na natin problema ‘yan beshy! Ano ka ba?”
Napatungo ako. Hindi ba dapat ay mas matuwa ako kung maghiwalay si Anne at Jace dahil sa nakita ko. Pero ayokong maging unfair at husgahan si Anne, kaya nga kung maaari ay gusto kong mapigilan at kumprontahin siya para malaman ang totoo. Sana lang talaga mali lang ang iniisip ko. Bigla kong naisip si Jace. Alam kong mahal niya si Anne. Nakatayo ako sa gitna ng daan kaya binusinahan ako ng malakas ng isang sasakyan na paalis. Pagtingin ko sa driver ay iyon ang lalaking kasama ni Anne. Awtomatikong napatingin ako sa passenger’s seat at nagtama ang mga mata namin ni Anne. Kita ko ang pagkagulat sa mga mata niya ng mamukhaan niya ako. Nagkatitigan kami at alam kong namukhaan niya ako.
“Beshy! Tabi!” sigaw sa akin ni Ron at hinablot ang kamay ko. “Ano ka ba?! Mapapahamak ka pa eh!”
“Beshy, si Anne ‘yon.”
“Oo, nakita ko. Pero tama bang tumunganga ka diyan sa gitna ng daan? Mukhang paalis na sila noong kasama niyang lalaki eh! Hindi na natin sila maaabutan. Halika na, kanina pa tayo iniintay ni Michelle, baka kung mapaano pa ‘yon sa loob.”
Magkasabay na kaming pumasok sa loob ng bar. Sinulyapan ko ang mga kalalakihang kaumpok ni Anne kanina. May mga ka-table na ulit na mga babae ang mga ito at masayang nag-iinuman.
“Nakita niyo?” tanong ni Michelle sa amin pagbalik namin sa pwesto.
“Oo!” sagot ni Ron. “Sumama na sa lalaki, humarurot na ang sasakyan.”
Napakunot-noo si Michelle tapos ay nagkibit-balikat. Biglang parang nadagdagan ang problema ko dahil sa nasaksihan ko. Sa dinami-dami ba naman ng tao sa mundo eh bakit ako pa ang nakakita sa kanila?
“S-Sapalagay nyo, should I tell Jace what I saw?”
Nagkatinginan si Michelle at Ron. “Casual mo lang siguro sabihin, iyong tipo na parang nabanggit mo lang. Ganun. Kasi baka ikaw ang lumabas na masama kapag tipong isinumbong mo si Anne.” Si Ron ang naunang sumagot.
“Oo nga beshy, lalo pa at hindi naman natin alam, malay mo kaibigan lang ni Anne ‘yong guy. Lalabas lang na nakikialam ka.” Segunda naman ni Michelle.
“Though imposibleng magtitigan lang ang mga ‘yon noh,” pahabol ni Ron.
“Ikaw talaga ang dumi ng isip mo!” saway naman ni Michelle.
“Totoo naman ah! Huwag na tayong maglokohan pa,” depensa ni Ron.
Hindi ako sumagot. Nagugulohan ako. Parang naaawa ako kay Jace kung lolokohin lang siya ni Anne. Naiinis ako kay Anne. How dare she! Ang tagal kong minahal si Jace, tapos ay sasaktan niya lang? Kung sakali na niloloko nga lang niya ang mahal ko, hindi ko siya mapapatawad!