“Girl, kahit anong sexy pa ng damit mo kung hindi ka gusto, hindi ka gusto!” sita ni Ron sa akin habang namimili ako ng swimsuit sa isang mall.
“Grabe ka naman kay beshy,” saway naman ni Michelle. “Malay mo naman malasing si Jace at maduling, mapagkamalan siyang si Anne. Oh diba, ehdi natupad na ang matagal niyang pangarap!”
“Magtigil nga kayong dalawa! Pwede bang i-support nyo ako?” Sanay na ako sa ugali ng dalawa kong kaibigan. Alam kong mahal nila ako kahit pa mga bastos ang bunganga nila.
“Ano? I-support ka sa kagagahan mo? Baliw na baliw ka kay Jace eh halata namang kapatid lang ang turing sayo!” singhal ni Ron.
Napasimangot ako sa sinabi niya. “Ano ka ba beshy! Bigyan mo pa siya ng time, mamumulat din siya—“
“Ewan ko sayo Trish! Walong taon mo ng sinasabi yan! Hanggang ngayon pikit parin siya! Hindi na nagmulat girl!” putol ni Ron sa sinasabi ko. Abala na siya sa pagta-type sa cellphone niya.
“Oh? Ano ‘yan? Bagong jowa na naman? Wag kang makaiyak-iyak sakin kapag nag-break kayo ha!” ganti ko ng puna sa haliparot na si Ron.
“Grabe! Break agad?” sagot nito na tumuktok pa sa isang shelf para hindi magkatotoo ang sinabi ko. Natawa ako sa ginawi niya. Sa aming tatlo ay si Ron pa ang madalas magka-boyfriend. At madalas nauuwi din iyon sa break-up. Paano ba namang hindi, eh makinis pa sa kaniya ang napipili nitong mga lalaki?
“Pero beshy, nakita ko sa social media ‘yong Theo na sinasabi mo. Gwapo diba?” tanong ni Michelle.
“O-Oo, bakit? Crush mo?”
“Hindi mo type? Ipakilala mo naman ako pagbalik nyo,” tumatawang sagot niya.
“Ang landi mo!” sagot ko. “Ay ang ganda nito oh!” sabay pakita ko sa kanila ng isang itim na swimsuit.
Makahulogang nagkatinginan sina Ron at Michelle.
“Grabe beshy, parang plano niya talagang akitin si Jace bukas,” bulong ni Ron kay Michelle.
“Oo nga eh,” segunda naman ni Michelle.
“Hoy hindi ah! Ang ganda lang kasi talaga nito. Bet ko na ito,” sagot ko. Akmang ilalagay ko na ang swimsuit sa shopping basket na hawak ko ng pigilan ako ng dalawa.
“Umayos ka Trish! Nakakahiya ka ha! Maghubot-hubad ka nalang kaya doon!” komento ni Ron. Inagaw niya sa akin ang swimsuit.
“Bakit ba? Eh ito ang gusto ko eh!” sagot ko naman.
“Isa! Bitawan mo ‘yan!” gigil at nanlalaki ang mata na sigaw niya. “Baka ma-turn off lang sa’yo si Jace kapag nakitang ganiyan ang suot mo eh!”
Sa huli ay wala akong nagawa dahil sa mga pagtutol ng dalawang kontrabida sa buhay ko. Takot ako kay Ron dahil mas masakit ito magsalita. Alam mo na, beki na prangka, pero mahal na mahal ako. Si Michelle naman ay ganoon din, mas pasensyosa lang siya kaysa kay Ron ng konting-konti lang. Kahit pa ganoon ay magkakasundo kaming tatlo at mahal namin ang isa’t-isa. Walong taon narin kaming nagpa-plastikan.
Kinabukasan ay maaga ako sa airport. Sa Boracay pa napili ng magaling na si Anne mag-beach, pwede namang sa malapit lang. Wala na akong nagawa kahit gusto kong manghinayang sa gastos dahil wala iyon sa budget ko. Mabuti sana kung ililibre niya ako! Pero ayoko naman lalong magmukhang kawawa sa harapan ni Anne kaya nagpe-pretend akong hindi ako bothered sa gastos.
Gusto kong magngitngit pagkakitang magkasabay na dumating si Jace at Anne, pero ang magaling na si Theo ay wala pa! Asan na kaya ang lalaking iyon? Baka hindi iyon dumating ah! Talagang hindi ko siya mapapatawad kapag hindi siya sumipot!
“Where is Theo?” tanong sa akin ni Anne.
“Hindi ko nga alam eh,” sagot ko na luminga-linga sa paligid. Nagpa-panic na ako. Kanina ko pa tinatawagan ang magaling na lalaki pero hindi sumasagot.
“Oh? Hindi mo ba siya kasama kagabi?” tanong ni Anne. Pareho kami ni Jace nagulat sa tanong niya. Sabay kaming napatingin sa kaniya. Napansin ko si Jace na tila nang-aarok ang mga tingin sa akin.
“I…I mean, akala ko ay magkasama na kayo---“
“Hindi ah!” mabilis na sagot ko. Napansin ko ang makahulogang tingin sa akin ni Jace kaya pinanlakihan ko siya ng mata. “Hindi!” ulit ko na may kaunting diin habang nakatingin sa kaniya. Bahagya naman siyang tumawa sa ginawi ko.
“Eh asan siya? Male-late na siya. Sumunod nalang kaya si Theo sa atin.”
Nag-panic ako. Hindi na ako sasama! Kung wala rin lang si Theo eh hindi na ako tutuloy!
“Anne, ano kaya kung hintayin ko nalang si Theo? Susunod nalang kami—“
“Bakit naman magpapaiwan ka pa?” mabilis na sagot ni Jace. “Come on, kayang kaya na niyang sumunod sa atin.”
“Pero gusto ko ay kasama si Theo!” ulit ko. Hindi ko na napag-isipan ang mga salitang binitiwan ko. For a moment ay nabasa ko ang kakaibang expression sa mga mata ni Jace. Parang…inis? Naiinis ba siya sa sinabi ko?
“Oh! Kaya pala ayaw mong sumama noong tumanggi si Theo ha. Siya pala ang gusto mong kasama,” tukso sa akin ni Anne. Naiilang na ngumiti ako habang si Jace ay mukha namang hindi siya natuwa sa narinig.
“S-Sige na. Magpapaiwan nalang ako---“
“Sorry I’m late!” narinig ko ang boses ni Theo.
Para akong nakahinga ng maluwag pagkarinig sa kaniya. Agad ko siyang sinalubong ng yakap na ikinabigla niya pati narin nila Anne at Jace.
“Thheeeooo!! Saan ka ba galing? Akala ko ay hindi ka na darating!” malakas na sigaw ko.
Nakita ko ang napapahiya niyang reaksyon at narinig ko ang mahinang pagtawa ni Anne.
“Whooaa! Parang miss na miss mo ako ah! Daig ko pa ang galing abroad na may kontrata ng limang taon,” biro sa akin ni Theo at noon lang ako natauhan. Agad akong bumitiw sa pagkakayakap sa kaniya.
“S-Sorry, akala ko hindi ka na sasama eh!”
“I told you, sasama ako diba? Tara na?” aya niya sa akin.
Akala ko pababayaan na ako ni Theo! Mabuti nalang dumating siya! Hindi ko yata kaya makasama si Anne at Jace sa beach. Ano ako? Martyr?! Ang gwapo gwapo pa naman lalo ni Jace ngayon sa casual lang na suot niya.
Pagtingin ko kay Jace ay nakakunot ang noo niya sa akin. Bakit naman kaya? Nasisira ang kagwapuhan mo kapag nakakunot-noo ka mahal ko. Nauna ng naglakad ang dalawa ni Anne. HHWW ang peg nila.
Hindi lingid sa akin ang tinginan ng mga tao sa mga kasama ko. Ang mga lalaki ay kay Anne, habang ang mga kababaihan ay kay Theo at Jace. Ako lang yata ang hindi kapansin-pansin sa mga kasama ko.
“Ang sexy mo ngayon ah?” bulong sa akin ni Theo. “Pinaghandaan?” pang-aasar pa niya.
Natawa ako sa sinabi niya. “Hindi ah! Normal ko kaya ito! Ngayon mo lang ba napansin na sexy ako?”
“Hindi ah. Matagal ko ng napansin,” sagot naman niya.
“Eww! Manyak!” pabirong akusa ko.
Malakas na tumawa si Theo at ganoon din ako. Napansin ko ang paglingon ni Jace sa amin. Bahagyang nakataas ang kilay niya. Marahil dahil sa ingay naming dalawa ni Theo ay sinasaway niya ako. Ganoon siya kahit noong college palang kami. Lalo na kung mga lalaki ang kasama ko. Kaya akala ko noon may gusto siya sa akin eh! Wala naman pala.
Sa naging buong byahe namin ay nalibang parin kami ni Theo sa pagkukwentuhan. Unti-unti na akong nag-e-enjoy sa bakasyon naming ito!