Simula ng mangyari ang panghahalay sa akin ay lagi na akong balisâ, habang ang puso ko ay puno ng matinding pangamba.
Para na akong baliw na kung ano-ano ang tumatakbo sa utak ko. Halos lahat na lang ng tao sa paligid ko ay pinaghihinalaan ko na baka ito ang rapist.
Nanginginig ang mga kamay na pinihit ko ang doorknob saka binuksan ang pintuan, kailangan ko na kasing lumabas ng silid upang maglinis sa salas ng mansion na ito. Pagbukas ko ng pintuan ay napalunok ako ng wala sa oras dahil sa naramdaman kong takot ng lumingon sa akin ang dalawang tauhan ni Mrs. Thompson.
Nakatayo sila sa magkabilang gilid ng pintuan nang silid ni Mr. Alistair at nagbabantay bente kwatro oras.
Kinabahan akong bigla dahil sa malagkit na tinging ipinupukol nila sa akin na para bang gusto kong isaradong muli ang pintuan at manatili na lang sa tabi ng aking pasyente.
Sinikap ko na kumilos ng normal, lakas-loob na nagpatuloy sa paghakbang kahit pa nanginginig na sa takot ang aking mga tuhod. Pakiramdam ko ay para akong isang daga na takot sa mga pusa na nasa paligid ko.
“Ang ganda, pare, kung wala lang si sir, iuuwi ko na sa bahay ‘yan.” Narinig kong sabi ng isang lalaki na sinundan pa ng tawa.
“Ang swerte ng magiging boyfriend n’yan.” Pakiramdam ko ay nababastos na ako habang ang mga ito ay siyang-siya pa sa kanilang pinag-uusapan. Sa tono ng pananalita nila ay mas lalo lang lumakas ang hinala ko na isa sa kanila ang nanghalay sa akin.
Batid ko na nagpapanggap lang ang mga ito na walang alam.
“Ang mga walang hiya...” anya ng isang tinig mula sa aking isipan habang ang kalooban ko ay nagpupuyos sa matinding galit.
Nagmamadali na bumaba ako ng hagdan upang mabilis na makawala sa kanilang paningin.
Kahit na masakit ang aking katawan, lalo na ang pagitan ng aking mga hita ay sinikap ko pa ring bilisan ang paglilinis upang mabilis na matapos. Hindi na ako mapakali sa mga matang nakatitig mula sa aking likuran.
Paranoid na ako, pakiramdam ko ay lagi na lang may mga matang nakamasid sa akin kaya konting kaluskos lang ay nagugulat kaagad ako.
Hindi na ako ligtas sa bahay na ‘to at nararamdaman ko na hindi magtatagal ay masisiraan na ako ng bait..
Kung kailan patapos na ako ay saka naman bumukas ang pinto ng guestroom at lumabas ang babaeng na nanampal sa akin noong isang araw.
“Ikuha mo nga ako ng juice.” Walang gana niyang utos habang naglalakad patungo sa salas ni hindi na siya nag-abala pa na lingunin ako.
Pabagsak pa itong umupo sa sofa habang abalâ ang atensyon nito sa hawak niyang cellphone. Hindi ko alam na nandito na pala siya ngayon dahil ito ang ikalawang pagkakataon ng muli naming pagkikita.
Tahimik na sinunod ko ang utos nito, at nang matapos ay maingat na ibinaba ko sa center table ang malamig nitong juice. Dinampot niya ito bago sinimsim ang mabangong amoy ng mango juice. Ngunit, nagulat ako sa sumunod na ginawa ng babaeng ito. Hindi pa man niya natitikman ang juice ay walang pakundangan na ibinuhos niya ito sa dibdib ko. Napasinghap ako dahil sa matinding lamig, hindi pa ako nakakarecover sa ginawa ng babaeng ito ay marahas niyang hinila ang buhok ko. Nang may panggigigil.
“Stupida! Tonta! Tonta! Allergic ako sa mango tapos bibigyan mo ako ng mango juice!? May balak ka na sirain ang makinis kong balat!?” Nanggigil niyang wika habang iwinawasiwas nito ang buhok ko. Pakiramdam ko ay matatanggal na ang anit ko at dahil sa matinding sakit ay napilitan na rin akong lumaban.
“You're the one who is the most stupid! Hmp!” Galit kong sigaw sabay malakas na itinulak ito sa dibdib. Bumalandra ang malditang babae sa sofa na nasa likuran nito.
“I’m not your personal maid! Kaya wala kang karapatan na utus-utusan o ni saktan ako!” Galit kong bulyaw sa kanya, talagang nasagad na ang pasensya ko. Sumosobra na silang lahat! hindi makatao ang pagtrato nilang ito sa akin!
Nanlilisik ang mga mata nito sa galit at batid ko ng mga oras na ito ay gusto na ako nitong kalbuhin. Mabilis na tumayo ang babae ngunit nagulat ako ng kunin niya ang mga kamay ko at siya na mismo ang naglagay nito sa kanyang ulo. Naguguluhan na pilit kong binawi ang aking mga kamay ngunit mas humigpit pa ang pagkakahawak niya dito kaya nag aagawan tuloy kaming dalawa sa aking kamay.
“Tita! Help, ouch! Tita please help me...” nagmamakaawa niyang sigaw na may kasamang iyak. Kung titngnan mo ay parang aping-api ito habang humihingi ng tulong. Saka ko lang napagtanto kung ano talaga ang binabalak ng babaeng ito ng biglang sumulpot si Mrs. Thompson sa aking likuran. Isang malakas na sampal ang natanggap ko mula sa kanya.
PAK! “How dare you! Ano ang karapatan mo para saktan ang manugang ko! Napaka walang hiya mo talaga! Kakalbuhin kita!” Galit na wika ni Mrs. Thompson at pagkatapos ako nitong sampalin ay saka niya hinila ang mahaba kong buhok.
“Tama na! Wala akong kasalanan sa inyong lahat! Pero bakit napakalupit ninyo sa akin! Alam ng Diyos na hindi ako ang may kasalanan sa nangyari sa anak mo! At walang sinuman sa inyo ang may karapatan na saktan ako!” Napupuno kong pahayag sabay marahas na hinawi ang mga kamay ni Mrs. Thompson. Ang mukha ko ay namumula sa galit at malakas din ang tahip ng dibdib ko habang ang aking katawan ay walang humpay sa panginginig.
Bahagyang napaatras ang dalawa ngunit ang takot na nakita ko mula sa kanilang mga mukha ay dagli ring naglaho.
“Huh? Ang lakas ng loob mo na labanan ako? Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo. Magmula ngayon ay huwag ninyong bibigyan ng pagkain o inumin ang babaeng ito! At subukan mong gumawa ng hindi maganda dahil sisiguraduhin ko na magiging impyerno ang buhay ng mga magulang mo!” Ito ang matinding banta sa akin ni Mrs. Thompson. Mabagsik ang kanyang mukha habang sinasabi ang mga salitang ito.
Ayos lang kung pahirapan nila ako o mas maganda na yata kung patayin na lang nila ako para matapos na ang lahat ng ito. Pero ang madamay ang mga magulang ko sa kamalasan na naranasan ko ay ‘yun ang hindi ko kayang tiisin.
“Layas! Lumayas ka sa harapan ko!” Singhal nito sa akin na akala mo ay nagpapalayas ng isang hayop. Umiiyak na tinalikuran ko ang mga ito at malaki ang mga hakbang na bumalik ako sa silid ni Mr. Alistair.
Masakit na ang ulo ko at namamaga pa ang mga pisngi ko habang ang aking buhok ay nagkabuhol-buhol na. Diretso na akong pumasok sa loob ng silid ng hindi pinapansin ang mga lalaking bantay sa paligid.
Pagdating sa loob ng silid ay saka ako humagulgol ng iyak, wala sa loob na niyakap ko ang baywang ng walang malay na si Mr. Alistair na wari mo ay sa kanya ako humuhugot ng lakas.
Nang mga oras na ito ay kulang na lang sambahin ko ang binata, siya ang laging laman ng aking mga dasal na sana ay magkamalay na ito. Dahil siya na lang ang nakikita kong sulosyon upang makaalis sa impyernong lugar na ito.
“Parang awa mo na, pakiusap gumising ka na! Gumising ka na! Pakiusap, imulat mo ang iyong mga mata! Ikaw na lang ang pag-asa ko para malaman ng lahat na wala talaga akong kasalanan! Hindi ko na kaya, gusto ko ng umalis d-dito..” ani ko sa basag na tinig habang nakabaon ang mukha ko sa dibdib nito. Patuloy lang ako sa aking pagtangis habang nanatiling yakap ko ang katawan nito.”