Nakaramdam na siya ng pagod pagkatapos ng pang-walong beses na pagsusukat ng mga sample na wedding gown na dinala sa kanilang mansion ng may-ari ng sikat na patahian ng pangkasal sa kanilang lugar. Napatingin siya sa apat pang naka-hanger na nasa gilid ng kanyang kuwarto, hindi naman sa pangbabastos ngunit hindi na niya napigilan pang ilabas ang inis na nararamdaman sa pamamagitan ng pagsimangot at pagbagsak ng mga balikat. Magaganda ang mga iyon, ngunit dahil wala naman sa puso niya ang ginagawa, ni isa ay wala siyang mapili.
“I’m sorry. But can we just take a break?” pagrereklamo na niya. Hindi niya alam na nakaka-overwhelmed rin pala ang magsukat ng pagkarami-raming damit. Halos kasi napuno na ng gown ang loob ng kanyang kuwarto. Kung pinayagan lang kasi sana siya ng ama na pumunta sa store ng babaeng ito eh di sana mas naging madali na lang para sa kanya ang pumili ng damit.
“Naku, wala hong problema. Mas maganda ho kung makapagpahinga muna kayo para makapag-decide na rin kayo kung ano talaga ang natitipuhan ninyong gown na gagamitin ninyo sa inyong kasal,” anito na pagkatapos abutin ang damit na hinubad ni Darling ay inihanger ulit at isinama sa mga gown na tapos na nitong isukat. Nakabalandra ang lahat sa harapan ng babae.
“Kailangan na ba talagang pumili ngayon?” tanong niya habang isinusuot ang silk na roba.
“Yes, po, Prinsesa Amira. Sa isang araw na po kasi ang event ninyo. Mabuti nga po at halos ka-size n’yo naman ang mga dinala kong wedding gown, so konting adjustment na lang ang gagawin namin. Pero hindi po ako nakakasigurado sa ibang damit na susuotin ninyo para sa iba pang mga araw. Kaya po hangga’t maaari ay matapos na ang fitting ninyo today para magawan kayo ng bago if hindi kasya ang mapili ninyong style ng damit,” salaysay nito.
Pinagmasdan niya ang dalawang malalaking boxes na dala ng babae kanina na nasa gilid ng kuwarto. Sa sinabi ng babae ay mukhang marami pa pala siyang susukatin. Dahil doon ay napabuntong hininga na lamang siya kasunod ang pag-upo sa gilid ng kanyang kama.
Bilang isa sa pinakamayamang angkan sa kanilang tribo ay nakatakdang gawin ang proseso ng kanilang pag-iisang dibdib sa tatlong sunod-sunod na araw. Sa unang araw ay ang pagpunta ng lalaki kasama ang pamilya nito sa kanilang mansion upang mamanhikan. Sa pangalawang araw naman ay ang pagdaraos ng kanilang kasal sa pinakamalaking Mosque sa kanilang lugar na susundan agad ng reception sa isang mamahaling hotel. Ang pangatlong araw ay ang pormal na pagpapakilala sa kanya bilang isa sa mga asawa ni Ibrahim na siyang kasalukuyang pumapangalawa na sa may pinakamataas na posisyon sa kanilang tribo .
Sa mga nasabing araw na iyon, pwera pa ang mga gagawing ritwal sa kanila bago sila humarap sa altar ay kailangang iba-iba ang mga damit na kanilang gagamitin. Bilang isang bride ay sa kanya na inatang ang lahat ng pagpaplano mula sa maliit hanggang sa malaking bagay patungkol sa importanteng araw na iyon.
Masaya sana sa pakiramdam na paghandaan ang sarili mong kasal kung ang mapapasawa mo ay ang taong mismong itinitibok ng iyong puso, ngunit dahil nga kabaliktaran iyon ay halos hindi na niya binibigyang pansin ang mga detalye ng mga bagay-bagay. Para ano pa eh balak rin naman niyang tumakas, ang problema nga lang ay magpahanggang ngayon ay hindi niya alam kung paano iyon gagawin. Sa mga nakaraang araw kasi ay para siyang presong nakakulong sa kanyang kuwarto. Ni hindi siya pwedeng pumunta sa ibang parte ng kanilang bahay. Hinahatiran lang din siya ng pagkain ng kanilang mga kasambahay. Kaya nga heto at sa kuwarto siya ngayon nag-susukat ng mga damit imbes sa mismong store. Iyon ang ipinataw na parusa sa kanya ng ama tungkol sa mga binali niyang mga tuntunin ng pagiging isang tapat na muslim. At ang mga iyon ay pinaka-iingat-ingatan nito na huwag malaman ng iba pwera lang kay Ibrahim na siyang unang nakaalam ng lahat noong makipagsabwatan ito kay Rodolfo noong nakaraan. Sa kabila noon ay wala rin naman na itong magawa tungkol sa bagay na iyon kaya pumayag na rin itong ipagpatuloy ang kanilang pagpapakasal.
"Prinsesa Amira, tumawag po ang inyong ama, susunduin daw ho kayo ni Datu Ibrahim mamayang alas dos ng hapon para ho sa tasting ng cake at mga dessert para sa reception ng inyong kasal,” bungad iyon ng kasambahay na kumatok muna sa pintuan bago pumasok sa loob ng kanyang kuwarto.
Sandali siyang napakunot ng noo. Paano ay ang buong akala niya ay hindi siya pwedeng lumabas? Bakit ngayon ay kailangan niyang umalis, kasama pa ang lalaking iyon?
Hindi siya sumagot bagkus ay nai-roll na lang niya ang mga mata sa narinig. Ano pa nga ba ang magagawa niya eh ang ama na niya ang nag-utos? Kahit pa ayaw niyang makasama ang lalaking iyon, ay mapipilitan na lang siyang sundin ito. Datapwat na-realize niya rin naman na kahit papaano ay makabubuti rin na makalabas siya ng bahay dahil ilang araw na siyang hindi naaarawan. Ilang minuto rin siyang natahimik nang maya-maya pa ay biglang namilog ang mga mata sa pumasok na idea sa kanyang kukote. Hindi ba isang magandang pagkakataon na iyon para makatakas? Kapag nasa labas siya ay mas madali na lang isakatuparan ang kanyang planong pag-alis. Agad siyang nakaramdam ng exitement sa naisip. Dahil doon ay gumaan ulit ang pakiramdam at agad nang pumili ng damit.
“I choose that one!” walang ano ano ay itinuro niya na lang ang unang napansin ng mga mata.
Napakamot lang naman ng ulo ang babae dahil sa mga gown na isinukat nito kanina ay iyon ang pinaka-least na nagustuhan ng dalaga.
“Paano ho ang iba pa ninyong susuotin para sa pamamanhikan at reception?” itinuro nito ang malaking box na kasalukuyan pang puno at naglalaman ng iba pang mga damit.
“Hmm.. pwede bang mamaya ko na lang sila sukatin? As of now, gusto ko munang magpahinga para sa lakad namin mamaya,” saad niya lang dito.
“O sige po. Babalik na lang po ako mamayang gabi para pick-up-in ang mga damit. Kung pupwede po ay pakilagyan na lang ng tag ang napili ninyo. Nakuha ko na rin naman ang exact size ninyo so madali na lang po. Sa ngayon ay aasikasuhin ko na po muna ang wedding gown ninyo.”
“Good,” saad niya pa na kunwari ay nagpakita ng excitement sa mga damit na susuotin.
Tinulungan niyang magligpit ang babae. Maayos nilang inilagay ang mga gown sa isang box na walang laman. Pagkatapos ay ipinatawag ng babae ang dalawang empleyado na buhatin iyon palabas ng bahay, papasok sa loob ng dala-dalang sasakyan. As soon as makalabas ang mga ito ng kanyang kuwarto at maisarado ang pintuan ay agad na niyang ibinagsak ang katawan sa kanyang higaan. Ipinikit ang mga mata at sandaling ini-relax ang sarili. Ilang minuto lang ang lumipas nang sumulpot sa kanyang balintataw ang mukha ng kasintahang si Silver. Ang natatanging lalaking oras-oras yata ay nami-miss niya.
Sa mga nagdaang sandali ay iginugol niya iyon sa pag-iisip sa lalaki. Kamusta na kaya ito? She wonders kung ano na ang nangyayari dito. Although nakapagtataka na ilang araw na ay wala pa siyang nararamdaman na pag-aksyon mula rito, may relieve din siyang nararamdaman dahil hindi pa ito nagdedesisyon na sumugod doon.
Sa totoo lang kasi ay ayaw niyang pumunta roon ang lalaki. Nakapaligid ang mga tauhan ng kanyang ama sa bawat kanto ng kanilang bakuran. Pwera pa sa pakikipagsabwatan nito sa mga pinuno ng bawat rehiyon sa buong Mindanao na bawal papasukin sa islang iyon ang lalaki. Siguradong mahihirapan ang binata kung ire-rescue man siya nito. Ika nga dadaan ito sa butas ng karayom mabawi lang siya. Which is hindi na niya hahayaan pang mangyari. Tutal ay mas madali para sa kanya na makaalis sa lugar na iyon, mas pipiliin niya na siya na lamang ang gagawa ng paraan upang magkasama ulit silang dalawa ng lalaki. Sa pangalawang pagkakataon ay tatakas siya at this time ay sisiguraduhin niya na hindi na sila mapaghihiwalay ng pinakamamahal na kasintahan.
Oh, she can’t wait to finally see him once again. Yung maramdaman ulit ang mga maiinit na yakap at halik nito. At hindi na siya makapaghintay pa, sa araw na iyon, by hook or by crook, makakaalis siya at walang makapagpipigil sa kanya.
Pagkatapos ng pagmumuni-muning iyon ay agad na siyang naghanda para dalhin ang may kalakihang bag. Nandoon ang ilang maliliit na pananggalang sa sarili, gaya ng maliit na kutsilyo, mace spray, sunglasses at wig na pwedeng pang disguise. Hindi niya rin nakalimutan ang damit na pwede pamalit kung kinakailangan.
*
*
“How are you, my Darling?” bungad ni Rudolfo nang sunduin siya nito wala pang alas dos ng hapon. Iyon na ang naging tawag ng lalaki sa kanya simula nang malaman nito ang ginamit niyang pangalan nang mawala siya ng dalawang taon. Para yata dito ay masarap iyon pakinggan pero para sa kanya ay panunudyo iyon.
Hindi niya pinansin ang lalaki bagkus ay nagtuloy-tuloy lang siya sa loob ng sasakyan. Doon siya pinaupo nito sa likuran, sa tabi nito mismo.
“Ikaw naman, hanggang ngayon ay galit ka pa rin ba?” kapagkuwan ay hinawakan nito ang kanyang kamay.
Subalit agad niya iyong iniilag.
Medyo napahiya ito sa inasal ng babae ngunit dahil wala namang nakakita ay sarkastiko na lang itong napatawa. “Di bale, ilang araw na lang naman ay magiging asawa na kita. Hindi lang ang kamay mo ang mahahawakan ko,” saad pa nito na dalaga. “Pero gusto kong malaman mo, lahat ng asawa ko ay pinagsisilbihan ako. Sinasabi ko sa iyo, ngayon pa lang matuto ka nang sumunod sa mga kagustuhan ko. Hindi tatalab sa akin ang pagiging matapang mo,” tila may pagbabanta ang pagsasabing iyon ni Ibrahim.
Hindi siya umimik. Blanko ang reaksyon ng mukha na tiningnan niya lang ito at pagkatapos ay nakakalokong nginitian ang lalaki.
Nagtagis lang naman ang panga ng katabi na natahimik na lang.
Isang bodyguard ang kasama nila sa sasakyang iyon, pwera pa ang driver. Ngunit pansin niya rin na may nakasunod pa sa kanilang isang sasakyan, at kung hindi siya nagkakamali ay tatlo pa ang nakasakay roon. Bigla siyang kinabahan. Tiyak na hindi magiging madali na takasan ang mga ito pero sa abot ng makakaya ay susubukan niya.
Sa sumunod na mga oras ay para siyang nakipagpatintero sa mga ito. Kahit saan siya magpunta ay nakasunod ang mga bodygurad ng lalaki. Kahit pa sa banyo ay nakaantabay rin ang mga ito kung kelan siya lalabas. Sa tingin niya ay nagdala talaga ng mga tauhan si Ibrahim para bantayan siya. Kaya nga hindi pa man tapos ang lakad nila ay nag-isip na siya ng ibang paraan para mawala man lang sa mga paningin ng mga ito kahit sandali. Nagpanggap siya na nasira ang kanyang tiyan mula sa mga nakaing matatamis kanina. Nagpadala siya sa pinakamalapit na ospital, sa isang crowded na lugar upang mas madaling maisagawa ang pagtakas, ngunit dahil bantay sarado sa kanya ang mga ito kaya kahit katiting na tsansa ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Sa gabing iyon ay umuwi siyang dismayado.
Pabalibag niyang isinarado ang pintuan ng kanyang kuwarto pagkarating mga alas sais na ng gabi. Nagulat ang kanyang ama na kasalukuyan nang nagpapahinga sa sala. Dahil naabutan pa nito si Ibrahim ay kinausap nito ang lalaki at sinabi nga nito na ilang beses sinubukan ni Amira na tumakas.
“Saan mo dadalhin ‘yan?” tanong nito sa kasambahay na dala ang isang tray na may nakapatong na mga plato na naglalaman ng mga pagkain.
“Kay Prinsesa Amira po,” sagot ng nakauniporme pang babae.
“Ibalik mo ‘yan sa kusina, hindi siya maghahapunan ngayong gabi,” utos nito sa pagalit na tono ng boses.
Mula sa kanyang kuwarto ay rinig niya ang sinabi ng ama, kaya naghimutok pa ang kanyang damdamin. Habang nakasandal sa likuran ng pintuan ay inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng kuwarto. Ang mga bintana na kaisa-isang pwedeng lagusan palabas ay natatakpan ng grills kaya malabo siyang makalabas mula roon. Nang walang ano-ano ay biglang nabaling ang kanyang pansin sa natitirang malaking box na pinaglalagyan ng mga damit na kailangan pa niyang sukatin. Nagkaroon siya ng interes doon kaya nilapitan. Binuksan niya iyon at tinukuran nang mamangha dahil sa tibay nito ay hindi man lang nayupi ang tagiliran. Sinubukan niya iyong itulak pero dahil may kabigatan ay inches lamang ang inusog nito mula sa kinalalagyan. Doon siya nagkaroon ng pag-asa na maisasakatuparan pa rin ang kanyang binabalak na pagtakas.
Maya-maya pa ay nakarinig siya ng mga katok sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto.
“Prinsesa Amira, kinukuha na po ang kahon ng mga damit. Tapos na po ba kayo sa pagsusukat?” tanong iyon ng kasamabahay na pagkatapos kumatok ay nanatili lang sa labas ng pinto.
Bigla siyang nataranta.
“Sandali lang kamo at matatapos na,” pagalit niyang sagot na mabilis ring kumilos.
Inalis niya ang mga damit mula sa loob ng kahon. Agad namang nangonti ang laman ng bagay na iyon. Hinila niya iyon papunta sa harapan ng pintuan at mula sa awang sa ibaba ng pinto ay sinilip kung may tao sa labas. Nang wala namang nakita doon ay agad na binitbit ang kanyang bag, binuksan ang pinto at dahan -dahang hinila ang box sa mismong labas ng kuwarto.
Walang ano-ano ay pabalibag niyang isinarado ang pinto na nauna nang ini-lock mula sa loob. Ginawa niya iyon upang kunin ang pansin ng mga tao sa loob ng bahay upang maisip ng mga ito na galit niyang iniwan na lang ang box na iyon sa labas upang hindi na siya abalahin pang tanungin tungkol doon bagkus ay bibitbitin na lamang ito ng mga empleyado ng may-ari ng mga damit. HIndi pa man niya naririnig ang mga yabag paakyat sa pangawalang palapag kung nasaan naroon ang kanyang kuwarto ay pumasok na siya sa loob ng kahon at doon ay tinabunan ng mga damit ang sarili.
Maya-maya pa, pagkatapos tingnan lang ang ibabaw ng bukas na kahon ay binuhat na iyon ng parehong mga lalaking pumaakyat rin dito kanina. Halos lumabas ang puso niya mula sa dibdib sa kabang nararamdaman habang nasa loob ng kahon. Abot langit ang panalangin niya na sana ay huwag mahalata ng mga ito na sa bigat ng kahon ay hindi lang pala mga damit ang laman ng bagay na iyon. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paglapag ng box at maya-maya ay ang pag-andar ng sasakyan. Somehow ay nabawasan ang kabang kasalukuyang nararamdaman, ngunit nang huminto ulit iyon sa gate ng kanilang bakuran at pabuksan ang likurang pintuan ng sasakyan ay napapikit ulit siya sa kaba.
“Ano ang laman ng box na iyan?” tanong ng guard doon.
“Damit lang ho. Mga damit na isinukat ni Prinsesa Amira para mai-adjust na para sa kanyang kasal,” saad ng driver.
“Ganun ba?” sinilip nito ang loob ng kahon at kumuha pa ng isa. Nang makumpirma na puro damit nga iyon ay itinapon nito pabalik ang hawak-hawak. Ito na rin ang nagsarado ng pintuan ng van. “Sige, diretso,” utos pa nito kapagkuwan.
Feeling niya ay hihimatayin siya noong mga oras na iyon. Nang maramdaman na umandar na ulit ang sasakyan ay inalis niya na ang mga nakatabon sa kanya upang makahinga ng maluwag. Pagdating nito sa destinasyon ay agad na siyang lumabas roon at mabilis na nagtago sa gitnang upuan ng sasakyan. Pagkabuhat ng dalawang lalaki doon, nagtaka man ang mga ito dahil biglang gumaan iyon ay hindi na rin pinansin pa dahil sa sobrang pagod sa trabaho. Pagkapasok ng mga ito sa opisina ng store ay agad na siyang lumabas ng sasakyan at pumara agad ng taxi. Mula roon ay nagpalipat-lipat siya ng sasakyan hanggang sa makarating sa Baguio. Halos inabot rin ng labindalawang oras ang kanyang binyahe. Alas singko na ng madaling araw ng makarating siya sa harapan ng bahay ni Silver.
Samantala, nagising ang binata sa paulit- ulit na tunog ng doorbell.Tiningnan nito mula sa monitor na nasa dingding ng kuwarto ang video ng camera na nasa tapat lang ng pintuan, isang lalaki ang naaninag nito mula doon. Agad itong nagsuot ng pantalon, kinuha ang baril na nasa honus at dahan-dahang bumaba. Pagkabukas ng pintuan ay namangha ito sa nakita nang makilala ang taong nakatayo roon.