"Ate Letty?" Kanina pa kami kumakatok ni Angie pero wala pa ring nagbubukas ng pinto. Magtatanghali na at sigurado akong gising na sila.
"Baka naman walang tao." Sabi sa akin ni Angie. Mainit na ang sikat ng araw kaya parehas na naka kunot ang noo namin.
"Tao po?" Hindi pa rin ako tumigil sa pagkatok. Lalong sumiksik si Angie sa lilim dahil umabot na sa hita niya ang sikat ng araw.
"Balik nalang kaya ta-" Hindi na natapos ni Angie ang sasabihin nang bumukas ang pinto.
Bumungad sa amin ang may katandaan nang si ate Letty. May nakikita na akong puting buhok sa kaniya.
"Pasensiya na. Kanina pa ba kayo nandiyan?" Nakangiting tanong nito.
Umiling nalang ako. "Hindi naman po. Kararating-rating lang namin." Sabi ko kahit na kanina pa talaga kami kumakatok dito.
Narinig ko naman ang pag ismid ni Angie.
"Ano maipaglilingkod ko sainyo mga hija?" Agad kong nilahad ang envelope sa kaniya.
"Pinabibigay po ni mama." Kinuha niya ito at sinilip ang nasa loob.
"Ah oo hija. Maraming salamat."
Inalok niya kami na pumasok. Tinanggihan namin dahil aalis pa kami.
"Hindi na po. May lakad din po kami. Mauna na po kami." Paalam ko.
Tumango naman ito at nagpaalam din tsaka kami umalis ni Angie.
Nasa tricycle kami at puro siya reklamo. Hinayaan ko nalang dahil ganyan naman talaga iyan.
Papunta kami sa Tungko para mamasyal. May kalayuan iyon pero hinayaan ko na. Hindi nanaman niya ako titigilan eh.
Bumaba na kami ng tricycle at pumila para makasakay na ng jeep.
Dapat ay magpapahatid kami sa papa niya, kaso may biglaang lakad kaya napilitan kaming mag commute.
Marunong naman kami pero dahil sa init parang gusto nalang namin umatras.
"Bili lang ako pamaypay. Paniguradong mainit sa jeep. Siksikan pa." Sabi ko at umalis na. Hinayaan ko siyang maghintay doon dahil naka pila na kami.
Naghanap ako ng tindahan na nagtitinda ng pamaypay. Nakahanap ako pero may kalayuan ito sa pila.
Inabot na sa akin ang pamaypay, bumili narin ako ng tubig. Nagpasalamat ako at umalis na doon.
Nag jog na ako dahil baka kami na ang sunod sa pila. Baka naiinip na din si Angie.
Malayo palang ay naririnig ko na ang boses ni Angie. Hindi maganda ito.
Natanaw ko siya at nakita kong may kaharap itong lalaki. Parehas silang galit.
"Nakapila kami ng maayos dito! Tapos sisingit ka?!" Bulyaw ni Angie sa lalaki.
"Kanina pa sabi ako nandito! May kinuha lang ako!" Bulyaw pabalik ng lalaki.
Lumapit agad ako kay Angie at hinawakan ang balikat niya.
"Anong nangyari?" Tanong ko. Kahit hinihingal ay pilit kong kinalma ang sarili.
"Iyan kasi! Sumingit! Alam na may pila eh!" Tinuro niya ang lalaki. Napalingon naman ako doon.
Mukhang nasa mga mid 40 na siya. Nakapolo ito at tumatagaktak ang pawis. May katabaan siya.
"Huwag mo akong duruin! Bata ka palang matabil na ang dila mo!" Galit niyang sabi.
Inilayo ko si Angie at kinausap.
"Huminahon ka. Bakit ba ang hilig mo mang away." Saglit na baling ko sa kaniya at binalik ito sa lalaki.
Nahagip ng tingin ko ang driver ng jeep. Kung sinuswerte ka nga naman.
"Kuya mali naman po kasi ang pag singit. Hindi naman po maganda iyon lala na't nag tiyaga kaming pumila." Mahinahon kong sabi. Sasabat sana si Angie pero pinigilan ko ito.
"Aba, isa ka pa! Sinabi ng hindi ako sumingit!" Naiinis niyang sabi. Huminga ako ng malalim.
"Hindi naman po sinungaling ang kaibigan ko. Mabuti pa pumunta po kayo sa likod at pumila." May iilang tumangu tango na pasahero. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil sumang ayon sila o mainis dahil nanonood lang sila.
"Sino ka para utusan ako? Ha? Kayo ang pumila sa likod! Huwag kayo umastang may ari nitong terminal!" Halos dambahin na niya ako sa galit. Hindi ako nagpa tinag.
"Manong Julius." Tawag ko sa driver na ngayon ay nanonood na pala.
Humakbang ito palapit sa amin.
"Kanino po iyang jeep na yan?" Tanong ko dito. Ngumiti naman siya at sumagot.
"Sainyo po ma'am." Nagbulungan ang ibang pasahero at ang iba ay humagikhik.
"Hindi po sa amin ang terminal pero sa akin ang jeep." Nilingon ko ang plaka ng susunod na jeep at nakitang amin din iyon. "Amin din ang susunod na jeep."
"Balik ka nalang kuya pag nakapasada na ang dalawang jeep namin. Ayaw kong may sumakay na malas sa jeep namin." Sabi ko at hinila na si Angie papunta sa harap ng jeep.
Bago namin malagpasan ang lalaki ay nag hair flip si Angie at inirapan ito. Naiinis namang sinundan kami ng tingin ng lalaki.
Naupo na kami ni Angie sa harap at nagpasukan na rin ang ibang pasahero.
"Nice one!" Tuwang tuwa na sabi ni Angie. Kinurot ko naman siya sa tagiliran.
"Tigilan mo ako Angie. Mabuti nalang at na tyempuhan natin si manong Julius. Kung hindi ay baka pinalayas na tayo dahil sa lakas ng bunganga mo." Naiinis kong sabi.
"Tama lang sa kaniya iyon! masyado siyang mayabang. Tss tabachoy!" Nakasimangot na sabi nito.
Sa totoo lang kinakabahan ako kanina. Hindi ako sanay na kumausap ng ibang tao. Lalo na't makipag away sa hindi kilala. Kaya lang hindi naman kasi tama ang ginawa niya.
Napailing nalang ako. Ang liit na bagay pero pinalaki pa namin.
May ibang pasahero na kumausap sa akin at sinabing ang galing ko daw. Nginitian ko nalang sila. Halos sakalin ko naman si Angie ng isuggest niyang ilibre ko sila ng pamasahe.
"Wala kaming kikitain." Tanging sabi ko at hindi na siya binalingan. Hindi siya nakuntento at panay ang kulit sa akin.
Minsan talaga ang sarap ihulog nito at iwan.
Pumasok na si manong Julius at nag maneho na.
"Buti po at kayo ang naabutan namin." Sabi ko kay manong. Tumawa ito at tumango.
"Buti nga hija. Dapat nga ay hindi muna ako papasada. Kaso pinilit ako ng asawa ko. Sa kaniya ka magpa salamat hija." Natatawa niyang sabi. Natawa na rin ako.
"Ang astig ni Solana noh manong?" Sabat ni Angie. Sinimangutan ko siya at inirapan.
Nalibang kami ni Angie sa biyahe dahil nakipag kwentuhan kami kay manong.