CHAPTER 18
Aargh! Hindi ako makatulog! Nami-miss ko ‘yung kama ko sa bahay. ‘Yung amoy ng mga unan ko, at ‘yung pagkutkot ko sa maliliit na bilog na namuo sa kumot ko dahil sa matagal ‘ko nang paggamit nun. Hindi talaga ako sanay na natutulog sa ibang bahay, maliban na lang kina Cherry dahil sa tagal ba naman naming magkaibigan, ilang beses na rin akong nakitulog sa kanila.
Hindi rin ako sanay matulog sa sobrang laking kwarto, parang nakakalula kasi sa laki ng espasyo. Tapos hindi ko pa makuhang patayin ‘yung ilaw. Hindi ko naman kasi alam kung anong history nitong bahay ni Brenda. Baka may namatay na pala rito at bigla na lang may sumulpot na multo sa harapan ko o baka may biglang kumalbit sa ‘kin o kaya humatak sa paa ko.
Tsk! Ano ba naman ‘tong mga pinag-iiisip ko. Mag-isa na nga ako rito sa kwarto, tinatakot ko pa sarili ko. Kasi naman napakalikot talaga nitong imahinasyon ko. Ewan ko ba, kahit na matanda na ‘ko, naniniwala pa rin ako sa mga multo, aswang at engkanto. Dahil na rin siguro nakalakhan ko ‘yung mga kwento ni Nanay tungkol sa mga kung ano-anong lamang lupa.
Naisip ko tuloy si Nanay na nasa kwarto sa baba. Tulog na kaya siya? Kumportable kaya ‘yung tulog niya? Kanina kasi nang umalis ako sa kwarto niya, gising pa siya. Hindi ko alam kung okay ba siya pag-alis ko. Naninibago rin kaya si Nanay tulad ko? Buti na lang talaga nadala ko ‘yung kulambo niya, para kapag ‘di siya makatulog, ikakaskas lang ‘niya ‘yung paa niya doon, at aantukin na siya. Oo, ‘yun ang matinding sikreto sa likod ng kulambo ni Nanay. Hirap siya makatulog kapag hindi niya naikakaskas kahit isa lang sa mga paa niya sa kulambo niya.
Paikot-ikot ako sa kama, nang marinig kong may kumakatok sa may pinto at narinig ko ‘yung pagtawag ni Brenda. “Honey… Tulog ka na?”
“Mulat na mulat pa ‘ko, pero ayokong makita ‘yung mukha mo kasi baka ‘pag nakatulog ako, bangungutin ako. Bwisit!” bulong ko. Itinalukbong ko ‘yung kumot sa ulo ko at hindi ko pinansin si Brenda. Hindi ako sasagot para isipin niya na tulog na ‘ko.
“Honey…” kulit din niya eh. Hindi ba niya alam ‘yung kasabihan na ‘Silence means Yes.’ Hindi ako sumagot, kaya sana maisip niya na oo ang sagot sa tanong niya, kahit na hindi naman talaga ako tulog.
“Honey, papasok ako ha?” Ano daw?! Teka, ni-lock ko ‘yung pintuan ‘di ba? Bago ako humiga rito sa kama inisa-isa ko lahat ng bintana at pintuan. Ultimo ‘yung maliit na bintana sa may banyo na kahit wala namang kakasyang tao, chineck ko pa rin at sinigurado kong sarado. Alam niyo na, malaki ‘tong bahay ni Brenda, maraming laman na mamahaling gamit, kaya sigurado akong mainit ang mata ng mga magnanakaw rito. Kahit ba may mga security guards dito sa subdivision, mabuti na rin ‘yung sigurado. Pati nga kwarto ni Nanay chineck ko eh.
Narinig ko ‘yung pagbukas ng pintuan. Walang-hiyang Brenda ‘to. Sigurado akong ginamit niya ‘yung susi ng pinto nitong kwarto para makapasok dito. Sigurado kasi talaga ako na na-lock ko ‘yung pinto. Bukas na bukas talaga papalitan ko lock nitong kwarto ko.
Hindi ako gumalaw at nanatili ako sa ilalim ng kumot. ‘Yung kabog ng dibdib ko, ewan ko ba nagririgudon sa kaba. Ano kayang plano niya at pumasok dito sa kwarto ko.
Nakiramdam lang ako. Naghintay sa susunod niyang gagawin. Subukan lang niya talagang hawakan ako, at babasagan ko talaga siya ng ano! At hinding-hindi na niya uli aasamin na kantahin ‘yung kanta ni Britney na Hit Me Baby One More Time.
“Honey… Tulog ka na ba talaga?” naramdaman ko ‘yung pag-upo niya sa kama ko.
Kunwari tulog na ako, at para mas convincing pineke ko ‘yung hilik ko.
“Gising ka pa eh! Honey!” Paano niya nalamang gising pa ‘ko?! Pero hindi! Hindi pa rin ako gagalaw rito sa pagkakahiga ko. Nilakasan ko pa ‘yung hilik ko.
“Honey, hindi ka naghihilik. I know kasi we slept together na. Remember that night, when we made love. Ikaw unang nakatulog. Pinagmasdan kita habang tulog at kahit ang lalim na ng tulog mo, never ka nag-snore…”
Napabangon ako sa sinabi niya. Mas gugustuhin ko pa ata magpa-kwento ng fairytale sa kanya kesa ikwento niya sa ‘kin kung ano’ng ginawa niya habang natutulog ako nang gabing.. Aargh! “Huwag mo na nga ipinapaalala ‘yung gabing ‘yun! Bwisit! Sa tuwing naaalala ko ‘yun gusto kong maligo at magmumog ng holy water na may halong alcohol!”
“Eh ‘di bumangon ka rin diyan,” nakangisi niyang sabi.
“Eh kung saktan kaya kita diyan hanggang sa hindi ka na makabangon?!”
“Ano ‘yun Honey? Sakyan? You want to ride me? OMG! ‘You’re so wild talaga.”
“Anak nang! Maglinis ka nga ng tenga mo! Sabi ko saktan hindi sakyan. Alam mo ikaw, kailangan mo rin magmumog ng holy water. Ang bastos ng lumalabas diyan sa bibig mo. Hindi ka man lang kilabutan sa mga pinagsasasabi mo. Tuwing umiihi ka lang ata nakakaramdam ng kilabot sa katawan.”
“Ini-imagine mo ‘ko habang umiihi ako Honey? Naughty!” tapos tumawa siya na parang kinikilig. Nakaka-bwisit!
“Ang purpose ba ng pag-ire ng nanay mo sa ‘yo sa mundong ito ay bwisitin ang buhay ko araw-araw? Ay kung ganun, nagtagumpay siya.” Biglang nawala ‘yung ngiti sa mukha ni Brenda nang marinig ‘yung sinabi ko. Naalala ko naman na patay na nga pala ‘yung nanay niya at namatay ito pagkapanganak sa kanya.
Nasaktan siya sa sinabi ko. Ilang beses siyang kumurap na tila nagpipigil ng iyak. “Sige na, uhm goodnight. Alis na ‘ko,” sabi niya sabay tayo mula sa pagkakaupo sa kama ko.
“Brenda, I’m so—“
“No, it’s ok. Makulit naman talaga ako.” Nginitian niya ‘ko, halatang pilit. Naglakad na siya paalis. Nang malapit na siya sa may pintuan, “Oh! Muntik ko na makalimutan.” Umikot siya at humarap sa ‘kin, at may kinuha sa bulsa ng pajama niyang pink. “Pumunta nga pala ako rito, para ibigay sa ’yo ‘tong mga susi dito sa bahay, para may kopya ka.” Inilapag niya sa lamesita na malapit sa pintuan ‘yung mga susi. “Goodnight Alex,” sabi niya bago tuluyang lumabas at isarado ‘yung pinto.
Tinawag niya akong Alex at hindi Honey. Nanibago ako sa kanya. Parang hindi tuloy siya ‘yung kaharap ko kanina. Nasaktan ko ata talaga siya. Na-guilty tuloy ako nang sobra. Ano ba naman ‘to?! Panahon na ba para maging mabait ako sa kanya?!