CHAPTER 9

1994 Words
CHAPTER 9 “Nay, bakit niyo naman po sinabihan pa ‘yung bakla na ‘yun na bumisita uli rito sa ‘tin?” Medyo inis at kunot-noo kong sabi kay Nanay habang papasok na kami ng bahay. Kasi naman, ayoko nang tatapak pa ulit ‘yung baklang bakulaw na ‘yun dito sa bahay namin. Nabwibwisit talaga ako sa kanya, at kung makikita ko pa siya uli, masisira na naman ang araw ko. Sa tuwing nakikita ko pa naman siya, isa siyang malaking paalala nang katangahan ko. ”Bakit naman? ‘Tsaka anak may pangalan ‘yung tao. Huwag mo siya tawaging ganyan at hindi ba kaibigan mo siya?” sagot naman ni Nanay.  “Ayoko po sa kanya. Masyadong feeling close. Parang isang beses pa lang kaming nagkita,” at sa isang beses na ‘yun may nangyari pang ‘di maganda! Bwisit talaga! “Kung makaasta akala mo matagal nang kakilala. Feeling bestfriend agad kay Cherry. Tapos feeling anak naman siya sa inyo,” dagdag ko pa. Feeling naman talaga siya ‘di ba?  “Naku, nagseselos ata ang anak ko,” hirit ni Nanay sa ‘kin. Niyakap niya pa ‘ko sa may braso at hinalikhalikan sa gilid ng ulo ko. “Nay, hindi po ‘ko nagseselos. Ako magseselos sa bak-, sa Brenda na ‘yun?” “Huwag ka mag-alala ‘nak, ikaw lang naman ang nag-iisa kong unica hija. Naaliw lang talaga ako kay Brenda, kasi naman ang daldal, ang daming kwento at ang sarap kausap. Tapos sabi niya sa ‘kin, isasama raw niya ko mag-mall, tapos magpa-spa raw kami, kasi mukha na raw akong.. Ano nga ba ‘yung sinabi niya?” nag-isip pa saglit si Nanay. Nakatingin pa nga siya sa taas. “Hag.. haggard ata ‘yun. Kailangan ko rin daw mag-relax. O, ‘di ba ang bait niya?” “At naniwala naman po kayo sa kanya? Papadaan kayo sa suhol niya? Naku, ayokong malalaman na sumama kayo sa kanya ha.” Ano ba naman kasi 'yung ginagawa niya? Dadaanin niya sa yaman si Nanay? Kanya na ‘yung pang-shopping at pang-spa niya! Pwede naman kaming mag-relax na dalawa ni Nanay. Bakit magmo-mall pa? Andyan naman ang Divisoria at kahit isang libo lang ang dala naming pera, marami na kaming mabibili. Bakit magpapa-spa pa? Andyan naman si Manang Rosa na manghihilot. Pwede ka na magpamasahe, may kasama pang ventosa. Na-relax ka na, natanggal pa lahat ng lamig mo sa katawan. “Bakit naman? Sayang naman ‘yun at bakit mo naman nasabing suhol ‘yun anak? Wala naman siyang hininging kapalit.”  “Basta Nay, huwag kayong sasama sa kanya. Ayoko po.” Pero nginitian lang ako ni Nanay. Anong klaseng sagot ‘yun? **** “Kasalanan mo talaga Che.” Nasa library kami ngayon at sa halip na nagre-review ako si Nanay at ‘yung pagkagiliw niya kay Brenda ang naiisip ko. Kasi naman ‘tong si Cherry pahamak talaga. Kung hindi niya itinuro kay Brenda ‘yung bahay namin eh ‘di sana hindi siya nakilala ni Nanay.  “O! Ano na namang ginawa ko?” Nagtaka pa siya. “Yan, basahin mo.” Itinapat ko sa mukha niya ‘yung cellphone ko at ipinabasa ko sa kanya ‘yung text ni Nanay. “Ang daya! Ba't sila lang?! Hindi tayo sinama!" Nainggit pa! “Wow.. Ang ganda ng reaction mo Che ha. Nakuha mo pa talagang mainggit?” Samantalang ako namromroblema. “Eh nakakainggit naman talaga. Imagine habang nandito tayo sa school at nagsusunog ng kilay, si Tita at si Beshy nagbo-bonding. Magsho-shopping sila tapos may spa pa. Huwag na kaya akong pumasok at sumunod ako sa kanila sa mall? Baka makalibre din ako ng shopping!” Nanlalaki pa ang mga mata ni Cherry sa excitement at ngiting-ngiti. Kapag usapang libre talaga ‘yan, hindi pahuhuli. “Magtigil ka Che. May long quiz mamaya tapos aabsent ka, makalibre lang? 'Tsaka hindi ako natutuwa na kasama ni Nanay ngayon si Brenda. Mas lalo silang nagiging close. Paano ko pa ipagtatabuyan palayo si Brenda kung ganyan siya kadikit sa nanay ko?!” Simula kasi nang mapunta sa bahay si Brenda, sinunod-sunod na niya. Hindi niya ‘ko pinupuntahan dito sa school, pero sa bahay naman inaraw-araw niya ang punta at kung ano-ano pang pagkain na galing sa restaurant niya ang bitbit niya. Minsan naman dinaratnan kong magkasama sila ni Nanay sa kusina at nagluluto.  “Isa lang naman ang solusyon d’yan Bes.” “Ano?” “Huwag mo na ipagtabuyan si Brenda. Wala ka nang magagawa dahil close na sila ni Tita. Alam mo, napapaisip tuloy ako kung bakla ba talaga ‘yang si Brenda. Marunong kasing dumiskarte, marunong lumigaw. Alam niya, na ang unang nililigawan dapat ay ‘yung magulang.” “Anong pinagsasasabi mo d’yan Che? Bakla ‘yun! Alam lang niyang hindi niya ko madadaan sa pangungulit niya kaya kay Nanay siya nagdididikit. Ewan ko ba sa kanya, bakit ayaw akong tantanan.”  Kung ano-ano na nga pinagsasabi at pinaggagawa ko sa kanya. Tulad na lang noong isang beses na nagpunta siya sa bahay. ‘Yung inuutos sa ‘kin ni Nanay sa kanya ko pinagawa. Magluluto kasi si Nanay ng Paksiw na bangus, eh naubusan kami ng suka. Inutos ko kay Brenda at dahil hindi naman niya kabisado ‘tong lugar namin, doon sa pinakamalayong tindahan ko sinabi sa kanya na bumili. Ang tagal nga niya bago nakabalik, tapos pagbalik sa ‘min pawis na pawis siya at may putok pa sa labi. Napagtripan daw siya ng mga lasing sa tindahan. Kaso pumabor pa sa kanya ‘yung sitwasyon. Alalang-alala sa kanya si Nanay habang ako naman napagalitan.  “Eh kasi nga gusto ka niya. Bakit ba hindi mo ‘yon makita?” “Bakit ba kasi hindi rin niya makita na hindi ko siya gusto at ‘yung kaming dalawa sobrang labo. Porke pinapakita niyang gusto niya ‘ko, dapat ko ba ibalik? Hindi naman ‘di ba? At dahil ba may nangyari sa ‘ming dalawa dapat na ba kaming magsama? Hindi rin ‘di ba? Ang problema kasi sa kanya masyado siyang makulit at mapilit. Masyado rin siyang feeling babae.” Hanggang ngayon kasi kinukulit-kulit pa rin niya ‘ko na panagutan siya. Buti nga raw hindi niya kinukwento kay Nanay ‘yung nangyarin sa ‘min, baka raw sabihin ko pinipikot niya ‘ko. Kaya sabihin niyo nga sa ‘kin, sinong ‘di maasar doon ‘di ba? “Alam mo Bes, masyado kang nagpapaapekto. Hayaan mo na lang si Brenda. Malay mo magsawa rin ‘yun. Isipin mo na lang masaya si Tita kapag nandyan si Brenda.” “Oo, masaya nga si Nanay pero ako naman ang bwisit araw-araw.” “Huwag kang ganyan Bes. Tatanda ka kagad niyan. Tignan mo nakakunot na naman ‘yang noo mo.” Hinimas-himas pa ng dalawang hinalalaki ni Cherry ‘yung noo ko para tanggalin ‘yung pagkakasimangot ko. “Dapat sa ‘yo sumasama kina Tita mag-relax eh,” pahabol pa niya. “Ewan ko sa ‘yo Che. Kasalanan mo talaga ‘to. Kasalan mo” **** Pagdating ko sa bahay, wala pa si Nanay. Pagod na pagod ako dahil sa buong araw na klase. P.E. pa namin kanina at unang araw pa ng buwanang dalaw ko tapos uuwi ako at dadatnang walang pagkain sa bahay. Wala tuloy akong choice kundi bumili ng lutong ulam at kumain mag-isa. “Nang dahil kay Brenda, wala si Nanay. Wala akong kasabay kumain. Kakainis talaga. Hindi na ‘to mauulit. Hinding-hindi na talaga.” Kinakausap ko mag-isa ang sarili ko nang marinig kong may humintong sasakyan sa tapat namin at maya-maya ‘yung pagbukas ng gate namin. Nandyan na sila. Nandito na naman si Brenda. Sira na naman ang araw ko. Nasa labas pa nga lang sila naririnig ko na ‘yung maarte at nakakarinding boses niya at tawa pa sila nang tawa ni Nanay. Pagpasok nila ng bahay hindi sila magkandabuhat sa dami ng dalang paperbags. Muntik ko na ring ‘di makilala si Nanay, dahil bago lahat ang suot niya mula ulo hanggang paa. Bagong manicure at pedicure din siya. Mukhang naka make-up at bagong blowdry ‘yung buhok niya. Pero ang higit na kapansin-pansin kay Nanay, masaya siya. “Alex! Tignan mo ‘tong mga pinamili namin! Ang dami, ang gaganda! May binili rin kami para sa ‘yo. May pagkain din kaming dala rito. Kainin natin, sabay-sabay na tayo. Buti hindi ka pa tapos kumain diyan.” Nginitian ko lang si Nanay, at saka ako nagmano. Tinignan ko naman si Brenda. Ipinapatong na niya ‘yung mga dala niya sa sofa at saka lumapit kay Nanay. “Akin na po ‘yang dala niyo Mommy.” Kinuha niya ‘yung mga dala ni Nanay, at isinama sa mga dala niya kanina. Si Nanay naman sinimulan nang ilagay sa lamesa ‘yung mga dala nilang pagkain. Dumaan pala muna sila sa restaurant ni Brenda, bago umuwi. Habang kumakain kami, kwento nang kwento si Nanay. Ang sarap daw ng masahe sa kanya kanina sa spa na pinuntahan nila. Nakatulog nga raw siya. Tapos naligo raw siya sa bath tub na may mga petals pa. Feeling reyna raw siya kanina. ‘Yung mga pagkain naman daw na dala nila galing sa restaurant, at siya raw mismo ang pumili. Ipinaluto na lang daw ni Brenda sa Chef nila.  Tango at ngiti lang isinasagot ko kay Nanay. Una, pagod ako. Pangalawa, hindi ko hilig ‘yung mga ‘yun. Pangatlo, inis pa rin ako kay Brenda, pero hindi ko maitatanggi na napapasaya niya talaga si Nanay. “Alex, masama ba ‘yung pakiramdam mo? You don't look well,” tanong ni Brenda sa ‘kin pagkatapos naming kumain. “Oo nga anak. Kanina pa nga ako kwento nang kwento rito pero wala ka man lang sinasabi.” “Wala po pagod lang,” sagot ko naman. “Gusto mo imasahe kita?” tanong ni Brenda, pero bago pa ko maka-hindi, nakatayo na siya agad at nakapwesto na sa likuran ko at inumpisahan nang imasahe ‘yung ulo ko. “Huwag na. Okay lang ako!" Protesta ko, pero parang wala siyang narinig. Tatanggalin ko sana ‘yung kamay niya pero pinigilan ako ni Nanay. Hayaan ko na lang daw, ‘tsaka masarap daw magmasahe si Brenda. Minsan kasing magpunta siya dito at masakit ang ulo ni Nanay, si Brenda ang nagmasahe sa kanya. Wala na ‘kong nagawa kundi ang pumayag. Pinalipat pa nga kami ni Nanay ng upuan. Sa may sala na lang daw kami, para mailigpit na raw niya ‘yung pinagkainan namin. Ayos naman ‘yung masahe ni Brenda sa ‘kin kaso nagulat ako nang biglang bumaba ‘yung mga kamay niya sa balikat ko. Imbis marelax ‘yung muscle ko parang nanigas pa. Kinilabutan kasi ako sa hawak niya. “Tama na! Okay na!” Tatayo na sana ‘ko pero hinawakan niya ‘ko sa balikat at ibinalik sa pagkakaupo, saka minasahe ulit. “You stay there Honey. Huwag kang makulit. Pagkatapos kita i-massage, for sure masarap tulog mo mamaya.” “Ang sabihin mo babangungutin ako.” Bakit ba kasi ko pumayag na magpamasahe. Bwisit! “Hmp! Ang mean mo,” tapos mula sa balikat bumaba pa ‘yung mga kamay niya sa gilid ng braso ko. Ang purpose ng pagmamasahe niya sa ‘kin ay para ma-relax ako, pero hindi ako maka-relax talaga sa bawat hawak niya sa ‘kin. “Tama na nga. Ayos na talaga ‘ko. Thank you.” “Sure ka Honey?” “Oo,” sabi ko at saka ako tumayo at nagsabi kay Nanay na papasok na ‘ko sa kwarto. Nang gabing ‘yun nagkatotoo ‘yung sinabi ni Brenda, ang sarap nga ng tulog ko. ‘Yun nga lang naging laman siyang ng panaginip ko kaya paggising ko ng umaga, bwisit na naman ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD