Chapter 7

2543 Words
"What happened Ronaldo Alberto? I know ikaw 'yung tipo ng estudyante na hindi mananakit kung hindi nasaktan hindi gaya nitong si Kyle na mananakot kung kailan niya gusto." "Ma'am hindi naman po!" Sabat ni Kyle ngunit agad ding nanahimik nang taasan siya ng kilay ng guidance counselor namin bago ibinaling ulit ang maamo niyang tingin sa akin. "Talamak kang bully, Kyle kaya hindi na katakataka ang away na kinasangkutan mo ngayon. Ang ipinagtataka ko at ang labis na ikinagulat ay ang katotohanang si Ronaldo Alberto ang unang sumuntok? Why is that, Ronaldo? I'm sure hindi mababaw ang dahilan mo." Masama ang tingin sa akin ni Kyle. Kung noon, may takot pa akong nararamdaman sa kaniya, pwes ngayon ay wala na. Pinag-iinit niya ulo ko. "Binastos po niya si Liana kaya sinuntok ko siya. Ilang beses na siyang tinanggihan ng kaibigan ko pero tuloy pa rin siya." "G*go! Hindi ko bi-" "Your mouth, Kyle!" Halos sabay na sigaw ng counselor at ng adviser namin dahil sa biglaang pagmumura niya. Maging ako ay ikinagulat ko iyon. Alam kong kulang sa aruga itong si Kyle kaya mayabang ngunit hindi ko inaasahan na kahit nakaharap siya sa dalawang guro ay magagawa niyang maging barumbado. Dumating si Liana na halatang naghilamos ngunit kapansin-pansin pa rin ang bakas ng pag-iyak dahil sa mga mata niyang akala mo kinagat ng limang libong bubuyog sa pamumula at pamanaga. Ganoon kagrabe ang iniyak niya? Sinamaan ko ng tingin si Kyle na ngayon ay nananahimik dahil nagsasalita si Liana, ikinukwento kung ano ang nangyari. "Excuse me, nandito raw po si Ronald?" Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang Kuya ko na agad din akong nahanap kahit nakaharang ang adviser namin sa harapan ko. Lagot! Tinaasan niya ako ng kilay. "Ay, sakto at nandito pala ang Kuya mo. Pasok po." Nagkatinginan kami ni Liana ngunit agad ko ring iniiwas ang tingin ko sa kaniya. Naiirita ako sa mukha niyang may bakas ng pag-iyak. Ngunit sa pag-iwas ng tingin ko, nabaling iyon sa nakangising si Kyle. Mayabang ka ngayon dahil alam mong pagagalitan ako, huh? Sorry ka, maganda reputation ko sa mga teacher natin kaya sigurado akong hindi mabigat ang parusnang makukuha ko. Ipinaliwanag ng mga guro kay Kuya ang nangyari. Minu-minuto yata niyang ibinabaling ang tingin sa akin habang tumatango-tango sa sinasabi ng guidance. "Po? Nandito naman na po si Kuya kaya bakit kailangan pang tawagin si Papa?" Hindi ko napigilang hindi sumingit nang marinig ang sinabi nila na tatawagan nila si Papa para siya mismo ang makausap nila. "Kailangan kong umalis kaagad, Ronald para iuwi si Kelly. Nasa bahay na ang tutor niya at hindi siya pwedeng magtagal dito." Umiiling na kaagad ako hindi pa man tapos ang sinasabi ni Kuya. Nagpakawala siya ng malalim na hininga, animo'y hindi alam kung ano ang gagawin. "Kakausapin ko sandali si Papa bago papuntahin dito. Hindi mo naman kasalanan at pinagtanggol mo lang ang kaibigan mo sa totoy na ito kaya siguradong hindi ka mapapagalitan ni Papa." Nakasimangot ko siyang pinanood habang nagpapaalam at humihingi ng pasensya sa mga guro namin. Nakakainis. Bibitayin ako ni Papa, eh! Isang pigil na tawa ni Kyle ang namutawi ilang minuto pagkalabas ni Kuya. Kung pwede lang, hihiling ako na sana nakakamatay ang masamang tingin kahit ngayon lang para naman mapatay ko itong si Kyle. Nakakairita ang kayabangan niya. "Natawagan na namin ang parents mo, Kyle at Liana. Papunta na sila ngayon dito. Sa ngayon, pumasok na muna kayo sa unang subject ninyo ngayong hapon at ipatatawag na lang ulit kapag nandito na ang mga magulang ninyo." Halos sabay-sabay kaming tumayo. Agad na lumapit sa akin si Liana at tinitigan ako ngunit iniiwas ko lang ang tingin ko. Pagkalabas pa lamang namin ay nagsimula na namang mang asar ang kinulang sa aruga naming kaklase. "Hindi ko alam na aabot sa guidance 'to. Hindi ka naman maganda kung maka-react akala mo naman." Tinignan pa ng walang hiya si Liana muls ulo hanggang paa! Akmang susugurin ko sana ulit siya dahil na stress talaga ng bongga ang beauty ko sa kaniya nang biglang hawakan ni Liana ang braso ko. Umiling siya sa akin at bahahyang ngumiti. Isa rin 'tong babaeng 'to na nagpapainit ng ulo ko, eh. Bakit ba hindi niya labanan si Kyle? Kainis. "Kyle, pre! Anong balita?" Sinalubong siya ng mga kaibigan niya na nagtatawanan habang panay ang sulyap sa amin. Nagulat ako nang hatakin ako ni Liana at naglakad ng mabilis papasok sa room namin kaya wala rin akong nagawa kundi ang sumunod. Sinalubong kami nina Gina na agad kaming pinalibutan. "Ano raw? Suspended na ba si Kyle?" Umiling ako at naupo sa pwesto ko. Akala ko ay tatabihan ako ni Liana pero bigla siyang umalis at hindi ko alam kung saan pupunta. "Hindi. Ipapatawag ulit kami mamaya kasi papunta pa lang mga parents namin." Huminga ako ng malalim nang maalala na naman na pupunta si Papa rito. Nakakainis. Ayaw na ayaw pa naman ni Papa na nakikipag away kami lalo na tuwing sa school kaya todo pigil ako noon para lang hindi makapanakit. Hanggang salita lang ako at iyon yata ang ikinakatuwa ng mga nang-aasar sa akin kaya ako madalas nilang binubwisit. Siguradong papunta na si Papa sa mga oras na ito at ang kaba ko, abot na sa outer space. Akala ko ay titibok lang ng ganito kabilis at kalakas ang puso ko kapag nakita ko na ang love of my life ko kaso mali ako. Si Papa pala ang may kakayahang patibukin ng ganito ang dibdib ko at hindi iyon nakakatuwa. Pakiramdam ko, mahihimatay ako ano mang oras kaya niyakap ko ang bag ko, in case lang. Baka mamaya, himatayin nga ako at bumagsak ako sa sahig edi sayang ganda, hindi ba? Bumalik si Liana na may dalang first aid kit na hindi ko alam kung sana niya galing. Hindi ko nga alam kung may ganyan ba kami rito sa room o wala, eh. Kumuha siya ng bulak at binuhusan iyon ng povidone-iodine. Kinuha ko ng walang paalam ang salamin na nakita ko sa bulsa niya. Kailangan kong makita ang pagmumukha ko para masiguro kong hindi pa sira ang gandang taglay ko. "Huwag ka munang titingin sa salamin kahit isang linggo lang." Ani Liana at mabilis na inagaw ang salamin sa kamay ko. "Madi-dissapoint ka lang." What? Ganoon ka grabe ang nangyari sa mukha kong maganda? No! Nilingon ko sina Gina at ang iba naming kaklase na nakatingin pa rin sa amin at nang makitang tinitignan ko sila, halos sabay-sabay silang tumango. "Masasaktan ka lang." Ani Gina habang malungkot akong tinatanguan. "Ikaw pa naman 'yung tipo ng maalaga sa mukha. Siguradong mada-down ka kung makita mo ang mukha mo ngayon." Napapapikit, napapatili at napapahiyaw ako sa kada dampi ng bulak sa gilid ng pisngi ko. Rinig na rinig ko ang malalakas na tawanan ng mga kaklase ko, maging ni Liana na ngayon ko lang narinig na ganito kalakas ang tawa. "Liana papatayin kita leche ang hapdi!" Sigaw ko nang idiin niya sa sugat ko ang bulak. "Aray ano ba?" Sinamaan ko siya ng tingin at inagaw ang bulak sa kaniya. "Ako na, leche! Parang may galit ka sa akin, eh!" Inagaw ko rin ang salamin na ayaw niyang ibigay ngunit wala ring nagawa sa hili. What Ronald wants Ronald gets. Chagrrr sabi ng tigre. "Walang hiya ka, Liana. Ang hapdi ng ginawa m- oh my gracious goodness! Mahabaging langit, bakit ganito ang mukha ko?" Humagulgol ako habang tinititigan ang mukha kong puno ng pasa. Walang hiyang Kyle 'yun! Kahit pala patpatin eh malakas ding sumuntok samantalang 'yung suntok ko, dalawang pasa lang yata ang iniwan sa mukha niya tapos siya, ang daming binigay na pasa sa akin. Hinimas ko ang kaliwang pisngi ko na may pasa, maging ang kanang mata ko, black eye na. Ang gilid ng labi ko ay may sugat din. "Paano na? Hindi na ako maganda?" Sigaw ko. Ang sakit-sakit sa heart. Ang mahal ng beauty products na gamit ko, tapos suntok lang ni Kyle, mawawala lahat? Paiyak na sana ako nang biglang pumasok ang isa sa mga kaklase namin. "Ronaldo, Liana, pinapatawag kayo sa guidance." Sayang. Lalabas na sana luha ko, eh.  Sabay kaming naglakad ni Liana papuntang guidance office. Malayo pa lang, parang gusto ko ng umatras. Kitang-kita ko ang seryosong mukha ni Papa habang kausap ang tatay ni Liana. Itinuro kami ng tatay ni Liana na nakaharap sa amin kaya napalingon na rin si Papa sa amin. "Liana saluhin mo ako hihinatayin na ako." Umakto pa akong natutumba ngunit agad ding tumayo ng matuwid dahil hindi ko naramdmaan ang suporta ni Liana. Nilingon ko siya kaso, seryosong mukha lang niya ang nakita ko. "Takot ka rin sa tatay mo?" Umiling siya at huminga ng malalim. "Hindi. Hindi naman ako papagalitan kaya bakit ako matatakot? Ang ayoko lang ay malaman nila na ginaganon ako ni Kyle." "Hindi lang ito ang unang beses?" Nanlalaking mga mata ang ibinaling ko sa kaniya. Walang hiya. "Bakit hindi mo sinabi? Ano ba naman 'yan Liana!" Huminto siya sa paglalakad at hinarap ako ng may ngiti sa labi. "Kanino ko sasabihin eh kailan lang naman tayo naging magkaibigan, hindi ba?" Oh, tama nga siya. Wala nga palang lumalapit sa kaniya noon. Siguro, kung hindi nangyari ang pag iignora ng mga kaklase ko sa akin, baka hindi ko siya kaibigan ngayon. Wala nga akong pakialam sa kaniya dati, eh kaya nakakagulat din na nagawa ko pang makipagsuntukan para sa kaniya. Ang esporito ng p*********i ko ay bumabalik sa akin kapag nakikita ko siyang nasasaktan at sinasaktan. Maging pagdating sa kapatid ko ay ganoon din. "Anong klaseng mukha iyan?" Salubong ni Papa sa akin. Hinawakan niya ang baba ko at sinuri ang mukha ko. "Gaano ba kalaki ang nakaaway mo?" Ngumuso ako at itinuro si Kyle na nasa loob na ng guidance office katabi ang isnag babae na siguro ay nanay niya. Nakayuko lang si Kyle habang patuloy sa pagsasalita ang counselor. "'Yung totoy na 'yan? Ang liit lang pala pero bakit ganyan ang nangyari sa mukha mo? Tapos siya, wala pang gaanong sugat?" Hindi ako nagsalita. Inasahan ko na na hindi siya matutuwa sa ginawa kong pakikipag-away pero inakala ko rin namang mag-aalala siya kahit papaano kung makita niya ang maganda niyang anak na puro pasa ang mukha. Well, hindi naman pala niya alam na maganda ako. Ang alam niya ay gwapo ako kaya siguro ganito siya mag-react? Hindi ko alam. Sanay naman na ako. Matapos kausapin ng guidance counselor ang nanay ni Kyle, pinapasok na rin niya ako at si Liana, kasama ang mga tatay namin. Ipinaliwanag niya ang nangyari at pinagsalita pa si Liana, kinwento ang nangyari kanina. Tahimik lang si Papa ngunit kapansin-pansin ang nakakuyom niyang kamao kaya nagsimula na akong magdasal sa lahat ng santo na kilala ko. Siguradong bubog na namana ko sa bahay nito. Bugbog na nga kay Kyle, papangalawahan pa ni Papa. "Kyle will be suspended for a week and as for Ronaldo, kailangan lang po niyang mag community service ng tatlong araw." "Bakit?" Lahat kami ay napalingin sa tatay kong ngayon lang nagsalita. "Bakit kailangang mag community service ng anak ko gayong pinagtanggol lang naman niya ang kaibigan niya? Hindi ba dapat ay wala rin siyang matanggap na parusa gaya niya?" Itinuro niya si Liana na tahimik lang. "Ah, mag co-community service na lang din po ako. Tinulungan ako ni Ronald kaninakaya tingin ko, kung ano mang parusa ang matanggap niya, kailangan kong ibalik ang tulong na ibinigay niya kaya tutulungan ko po siya." Humaba pa ang usapan dahil hindi matanggap ni Papa ang desisyon na mag community service ako. Hindi siya nagtagumpay ngunit nagawa niyang ibaba mula sa tatlong araw na community service ay naging dalawang araw na lang. Magwawalis lang naman sa school at sa paligid nito kaya madali lang. "Sorry, Pa." Bulong ko pagkalabas namin sa office. Kunot ang noo niya nang lingunin ako samantalang hindi ko naman maiangat ang tingin ko sa kaniya. "Hindi ko na po uulitin. Hindi na po ako makikipag-away ulit..." Isang mabigat na hininga ang pinakawalan niya na siyang lalong nagpakaba sa akin. Hinarap niya ako ng nakakunot pa rin ang noo at halatang hindi natutuwa sa nangyayari. Nilingon ko sina Liana at ang papa niya na dumaan sa gilid namin. "Sorry po talaga. Pagbubutihin ko na po ang pag-aaral ko at iiwas na sa gulo hangga't kaya ko. Una't huling pakikipag-suntukan ko na po ito..." "Bakit ka humihingi ng tawad? Hindi ba't dapat ay 'yung nakaaway mo ang nag so-sorry dahil masyado siyang mahangin at matabil ang dila?" Gulat kong inangat ang tingin sa Papa ko na ngayon ko lang yata nakitang ngumiti sa akin. Pakiramdam ko inililipad ako sa ulap ng mga ngiti niya at hindi ko maiwasang hindi maiyak. Umiyak ako ng umiyak at yumakap sa kaniya. Ganito pala ang pakiramdam ng mangitian ng isang ama? Kaya pala si Kelly, tawa ng tawa sa tuwing naglalaro sila ni Papa. Palaging nakangiti sa kaniya si Papa kaya inggit na inggit ako pero ngayon, nagawa ko ng maranasan iyon at masasabi kong napakasarap sa pakiramdam niyon. Parang isnag ngiti lang niya, hindi ko na inalintana ang mga pasa ko. Kahit masira pa ang beauty ko, makita ko lang na ngitian ako ni Papa, ayos na. "Huwag kang humingi ng sorry dahil wala ka namang kasalanan. Masaya nga ako sa ginawa mo at pinatunayan mo na isa kang tunay na lalaki, Anak. Manang-mana ka sa akin pagdating sa ganiyang bagay. Ipagpatuloy mo lang iyan..." Inangat ko ang tingin sa kaniya habnag nakayakap. "Ipagpatuloy ang pakikipagsuntukan, Pa?" Tumawa siya. "Aba'y kung iyan ang magpapatunay ng pagiging lalaki natin, bakit hindi?" Tumatawa pa rin niyang usal. "Pare, uuwi na kami ng anak ko..." anang papa ni Liana kay Papa. Nagkatinginan kami ni Liana at ngumiti siya sa akin. "Sama ka sa bahay? Aral tayo ng Math." Ininguso ko si Papa na nakatingin pala sa akin. Sa tingin pa lang niyang seryoso, alam ko ng hindi ako papayagan kaya ibinalik ko ulit ang tingin ko sa kaibigan at inilingan siya. Tumango lamang siya at tumabi na sa Papa niyang naghihintay na sa kaniya. "Bakit hindi ka sumama?" Lito kong tinignan si Papa na nakatitig kina Liana na naglalakad na palabas ng gate. "Sumama ka kung gusto mo basta uuwi ka rin ngayong gabi..." "Talaga po? Kahit hindi alas sais?" Nilingon niya ako at ngumiti. Kotang kota na ako sa ngiti ng tatay ko, ah? "Kahit alas nuebe pwede o alas dose basta uuwi ka. Bilisan mo, malayo na sila." Tumalon ako at yumakap ulit ng mahigpit sa kaniya. Halos halikan ko pa siya sa pisngi sa sobrang tuwa ko. "Salamat po! Ingat po kayo pauwi!" Sigaw ko habang kumakaway bago tuluyang hinabol sina Liana. Akala ko ay hindi magiging maganda ang araw na ito pero mali ako. Sa kabila ng pakikipag-suntukan ko, nagawa akong payagan ng tatay ko na mag stay kina Liana at nginitian pa niya ako! Kakaibang saya ang nararamdaman ko sa tuwing naaalala ang pagngiti niya sa akin. Para akong uod na inasinan sa sobrang saya. Makipag suntukan kaya ako araw-araw baka sakaling araw-araw ay ngitian ako ni Papa? Ay huwag na pala. Sira ang beauty ko kung gagawin ko iyon at hindi iyon maganda. Baka wala ng magkakalat ng kagandahan sa mundo pag nagkataon. Charoar sabi ulit ng dinosaur.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD