[Third Person's Pov]
Matapos ang libing ni Cardo, ang ama ni Chloe ay labis na nalungkot si Celia, ang ina ni Chloe. Dahil wala na ang haligi ng tahanan ay kailangan magpatuloy sa buhay ni Celia upang matustusan ang kanilang pangangailangan.
Dumalaw ang kapatid at tiyahin ni Cardo sa tinitirhan nilang mag-iina. Hindi lingid sa kalaaman ni Celia na dadanas siya nang matinding delubyo sa kamay ng kamag-anak ni Cardo.
“Alam mo, Celia! Ikaw ang may kasalanan kung bakit nawala sa amin ang Kuya Cardo!” galit na patutsada ni Aireen kay Celia.
Napatayo si Celia sa kinauupuan habang si Chloe at Dave ay nasa loob ng kusina. Pinapasok muna siya roon ni Celia upang hindi marinig pakikipag-usap sa tiyahin at kapatid ni Cardo.
“Hindi totoo 'yan! Kusang sumama sa akin si Cardo. Alam niyo 'yan. Hindi ko siya pinilit,” naiiyak na paliwanag ni Celia.
Habang ang tiyahin ni Cardo na si Mylene ay nag-iiyak habang nakatitig sa picture frame ni Cardo na tanging alaala na lang.
“Bakit nangyari sa 'yo ito, Cardo! Siguro kung hindi ka sumama sa babaeng 'to ay buhay ka pa!” matigaw na litanya ni Mylene sabay hagulgol sa pag-iyak.
Si Chloe ay sumilip nang bahagya sa kurtina na nakasabit sa pintuan. Nakikinig sa pinag-uusapan ng matatanda. Labis siyang naawa sa kaniyang ina dahil sa pinagsasabi ng kamag-anak ng kan'yang ama.
“Alam mo, Celia. Itanim mo riyan sa kukote mo na wala kang aasahang tulong sa amin. Kahit kailan ay hindi ka namin tinanggap. Lalo na 'yang mga anak niyo, wala silang karapatan sa apelyido ni Kuya Cardo!” matigas na sabi ni Aireen kay Celia.
Dinuro-duro pa nito si Celia kung kaya't naiyak nang husto si Celia. Parang dinurog ang puso ni Celia sa narinig. Dahil nadamay pati ang mga bata.
Hinawi ni Celia ang kamay ni Aireen na dumuro-duro rito. Hindi na nakapagpigil pa si Celia.
“Huwag na h'wag mong idadamay ang mga anak ko! May karapatan sila sa apelido ng tatay nila dahil ama nila si Cardo!” Napatakip si Celia ng mukha sabay hagulgol nang malakas.
Nanlaki ang mga mata ni Aireen sa mga sinabi ni Celia. Labis ang galit nito kay Celia dahil sa pag-alis ni Cardo ay inatake sa puso ang kanilang ina. Hindi lingid sa kaalaman ni Celia ang pangyayaring iyon dahil inilihim ni Cardo sa kaniya ang nangyari.
“Bakit ba labis ang galit n'yo sa akin. Pinili ako ni Cardo at hindi ko siya pinilit. Responsableng ama si Cardo sa mga anak namin. Kaya hindi ako papayag na maging ang mga anak namin ay idadamay mo, Aireen!” umiiyak na sabi ni Celia kay Aireen.
Lumapit si Aireen kay Celia at hinawakan nito sa braso nang mahigpit si Celia. Napangiwi si Celia sa ginawa ni Aireen. Hindi makapaniwala si Celia na darating sa ganitong punto si Aireen. Nanlaki ang mga mata ni Celia habang nakatitig nang matalim sa kaniya si Aireen.
“Dahil sa 'yo ay nasawi ang nanay. Dahil sa kagag*han at kalandian mo ay nawala si Nanay!” patutsada ni Aireen.
Namilog ang mga mata ni Celia sa narinig. Napasapo ito sa kaniyang dibdib. Hindi niya akalain na iyon ang sinapit ng matanda. Walang nabanggit si Cardo sa kan'ya kaya pailing-iling siyang napaatras at pabagsak na umupo.
Napatakip si Celia sa kaniyang bibig. Habang si Chloe ay abala sa pakikinig sa usapan ng dalawa. Halos namilog ang mga mata ni Celia sa narinig.
“H-Hindi 'yan totoo,” nanginginig na boses na sabi ni Celia.
Ngumiti nang pilya si Aireen at humalukipkip ng mga braso niya. Ngayon ay itaas baba niyang tiningnan si Celia na para bang pinandidirihan.
“Ano, hindi ba nabanggit ni Kuya Cardo sa 'yo? Nilihim ni Kuya ang nangyari sa 'yo? Ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang nanay,” mariin na sabi ni Aireen.
Kitang-kita ni Chloe kung paano umiyak ang kaniyang Ina. Wala na nga si Cardo ay ganito pa ang sasapitin nila sa kamay ng kamag-anak ng kaniyang ama.
Matapos ang maanghang na pakikipag-usap ni Aireen kay Celia ay umalis na rin ang magtiyahin. Hindi raw nila kaya pang magtagal sa bahay na 'yon.
Dahil walang nagawa si Celia sa pangmamaliit ni Aireen ay nagpatuloy na lang siya na maging matatag. Ngayon na wala na ang padre de pamilya na bubuhay sa kanila ay napagdesisyunan niyang magtinda ng almusal at lutong ulam sa tanghali.
Patuloy na nag-aaral si Chloe at si Dave ay matiyagang inaalagaan ni Celia habang abala sa pagtitinda. Kahit pagod na pagod na siya ay hindi siya maaring sumuko.
May babayaran silang upa sa bahay, bill ng kuryente at tubig. Kaya kailangan niyang magkayod. Sa gabi ay naglalabada pa si Celia para madagdagan ang kita. Maliit na lang ang natira sa binigay ni Mayor Roman noong burol ni Cardo.
...
Abala si Celia sa pag-aasikaso sa mga bumibili sa paninda niyang lutong ulam. Si Dave ay nasa loob ng bahay at naglalaro sa loob ng kuna.
“Ate Celia, magkano ho lahat?” tanong ng kapitbahay niyang si Tony.
Katatapos lang nitong kumain kaya naman magbabayad na ito ng mga nabiling kanin at ulam. Kinuha ni Celia ang notebook sa tabi ng pinaglalagyan ng benta niya sa paninda.
“Tatlong kanin, isang sinigang at kalahating langka—eighty pesos lang lahat, Tony,” sagot niya.
Tumayo si Tony at dumukot sa bulsa ng pera at inabot ito sa kaniya. Nakangiting tinanggap ni Celia ang perang papel na isandaan at kaagad na sinuklian si Tony.
“Thank you, Tony. Bukas ulit ha! Paborito mo, Bicol Express!” magiliw na sabi niya.
“Wow! Mukhang mapaparami ang kain ko niyan bukas, Ate Celia,” nakangiting tugon nito.
Mayamaya pa ay tumayo ang dalawa pang kumakain. Nasa labas lang ng bahay nila Celia ang maliit na kainan. Trapal at lamesa na pinagawa niya para sa paghahainan ng pagkain ng mamimili.
“Naku, panigurado 'yan, Tony. Ay, teka manong ha, total ko lahat ng order niyo ng kasama mo,” singit niya.
“Sige, Ate Celia. Bukas ho ulit,” paalam ni Tony sa kaniya.
Habang abala si Ceila ay siya naman ang pagdating ng isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt at itim na pants. Nakasuot din ito ng sumbrero.
Nabaling ang tingin ni Celia sa misteryosong lalaki. Ngayon lang niya lang kasi ito nakita at hindi niya namumukhaan. Marahil ay isa ito sa nagta-trabaho sa factory na malapit sa kanilang bahay.
“Ano po order niyo, kuya? Pili ka lang po. Teka, Manong. Apat na kanin, isang adobo at isang sinigang, tapos dalawang softdrinks—one hundred forty po lahat,” ani Celia.
Nag-abot ng bayad ang matandang lalaki sa kaniya at nakangiti siyang tiningnan sila.
“Balik po ulit kayo, ha?” magiliw na sambit ni Celia at umalis na ang dalawang lalaki.
Habang ang bagong dating na misteryosong lalaki ay umupo sa silya.
“Isa rito, misis.” Tinuro nito ang adobong ulam.
“Kakain po ba rito, Kuya?” tanong niya.
Tumango ang lalaki at hindi na umimik pa. Sumandok si Celia ng ulam na in-order ng lalaki at tinanong niya muli ang lalaki kung ilang kanin ang oorderin, “Kanin ho, Kuya? Isa lang ho ba?”
Sumenyas ang lalaki ng isang daliri. Labis na nagtataka si Celia kung bakit ang tipid sumagot ng lalaking nakaupo ngayon sa kaniyang harapan. Palinga-linga pa ito sa paligid na tila may hinahanap o inaabangan.
Si Celia naman ay napaisip kaya luminga-linga rin siya sa paligid. Ngunit walang katao-tao ang paligid dahil tanghaling tapat na at tirik ang araw.
“May hinahanap ka o hinihintay, Kuya?” tanong niya na may halong pagtataka.
Ngunit hindi sumagot ang lalaki sa halip ay kumuha ito ng kutsara at tinidor sa lagayan. Mabilis na nilantakan ng lalaki ang kanin at ulam. Mayamaya pa ay umiyak si Dave sa loob ng bahay. Nagsalubong ang mga kilay ni Celia.
“Hay... Dave, bakit?” malakas na tanong ni Celia.
Ngunit lalong lumakas ang pag-iyak ni Dave kung kaya't nataranta si Celia at mabilis na pumasok sa loob ng bahay.
“Bakit, anak? Ano'ng gusto ng anak ko?” malambing na tanong ni Celia sa anak at binuhat ito. Tumahan si Dave at may itinuturo sa ilalim ng kuna.
Nahulog pala ang paboritong laruan ni Dave na maliit na laruang kotse na bigay ni Cardo.
Habang nasa loob si Celia at abala kay Dave ay tumayo ang lalaki sa kinauupuan nito. Palinga-linga sa paligid at mabilis niyang kinuha ang kahon kung saan nakalagay ang lahat ng kinita ni Celia sa pagtitinda ng almusal at pananghalian.
Sumubo pa ng isang kutsara ang lalaki bago umalis. Tinago niya sa loob ng damit ang kahon at inipit sa kaniyang kilikili para hindi mahalata.
Habang si Celia ay walang kaalam-alam na ninakaw na pala ang kinita niya sa pagtitinda. Naroon din sa kahon ang kaniyang wallet na naglalaman ng twenty thousand na tinabi niya para sa bayarin ng upa at bills.
Balak pa niyang mamili ng mga paninda para magtayo ng sari-sari store ngunit mukhang bigo na siyang gawin pa iyon.
Paglabas ni Celia na karga si Dave ay napatda siya nang mapagtantong nawala ang misteryosong lalaki kanina.
Sumilip si Celia sa kalsada at palinga-linga kung baka nariyan pa ang lalaki ngunit bigo siyang mahagilap ito.
Napakamot si Celia sa kaniyang ulo dahil sa pagkadismaya. Hindi pa kasi nagbabayad ang lalaki at umalis na. Ang hindi niya alam ay ninakawan pa siya.
“Grabe si Kuya! Naghahanap buhay ang tao, e. Tumakas pa. Hindi man lang nagbayad!” inis na sabi ni Celia.
Nang dumako ang tingin niya sa pinaglalagyan ng kahon ay namilog ang mata niya at dumarubdob ang kaba sa kaniyang dibdib. Nawawala ang kahon.
Mabilis niyang ibinaba si Dave at inapuhap ang kahon sa buong lamesa. Yumuko rin siya para silipin sa ilalim ngunit wala siyang natagpuang kahon.
“N-Nasaan ang kahon! Diyos ko po!” naiiyak niyang sambit habang sapo ang kaniyang noo sa labis na pag-aalala.
Muli niyang inapuhap ang kahon ngunit wala na talaga ito. Napaatras si Celia at napasandal sa pader ng inuupahang bahay.
Tuluyang pumatak ang luha na namuo sa mga mata niya. Ilang sandali pa ay napagtanto niyan ang lalaking 'yon ang nagnakaw ng kahon.
“Diyos ko po! Bakit ito nangyayari sa amin!” hagulgol ni Celia.
Tuluyan na siyang humagulgol sa pag-iyak. Nakaramdam siya ng pagod kaya naman binuhos niya ang pag-iyak. Parang sinaksak siya ng matalim na punyal sa kaniyang puso.
Naramdaman ni Dave na umiiyak si Celia kaya naman marahan itong lumapit sa kaniya at niyakap siya sa binti niya.
“M-Mama... batit ta iyat?” bulol na tanong ni Dave sa kaniya.
Sa labis na lungkot ay umupo si Celia at niyakap nang mahigpit ang anak. Tumingala si Celia sa itaas na tila nangungusap sa maykapal.
Nagtatanong sa kaniyang sarili kung bakit ito nangyayari. Kung bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito sa kanila.
“M-May nagawa ba akong labis mong kinagagalit, Diyos ko. Bakit! Bakit mo ako pinahihirapan!” matigas na sambit ni Celia kasabay na panginginig ng kaniyang boses.
“C-Celia? A-Ano'ng nangyari?” tanong ni Ellen.
“N-Nay? Bakit po kayo umiiyak?” nalilitong singit ni Chloe sa ina.
Tumigil sa pag-iyak si Celia at tumayo. Muli ay sumandal si Celia sa pader at sinabunutan ang sarili. Tila naguguluhan din sa nangyari.
Sinundo ni Ellen si Samuel sa paaralan kung saan din nag-aaral si Chloe. Magkatabing nakatayo ang dalawang bata habang nalilito sa nangyari. Tinungo ni Ellen si Celia upang tanungin kung bakit ito nag-iiyak.
“Ano'ng nangyari? May problema ba?”
“A-Ang kinita ko— ninakaw! 'Yong lalaking nakaitim kanina. P-Pumasok lang ako sa loob saglit— w-wala na paglabas ko. Tinangay niya ang kahon,” balisa na paliwanag ni Celia.
Napasapo sa dibdib si Ellen sa narinig. Halos hindi mkapaniwala. Maging si Chloe ay namilog ang mga mata dahil alam niyang labis na hirap ang dinanas ng ina para lang kumita.
“Mababawi mo rin 'yon, Celia. Gusto mo ba i-report natin sa pulis? Baka naalala mo pa ang itsura?” Hinawakan siya ni Ellen sa kaniyang balikat upang kumbinsihin.
Pailing-iling si Ellen, tila hindi na alam ang gagawin. Naalala niya ang wallet na naglalaman ng twenty thousand na kasama sa kahon.
“B-Bakit? Hindi mo siya nakikilala o namukhaan?” tanong ni Ellen na naguguluhan dahil sa ikinikilos niya.
“H-Hindi ko siya namukhaan. Nakasuot siya ng itim na sumbrero. T-Tapos, Ellen... naroon sa kahon ang wallet ko. Nandoon ang puhunan ko para sa sari-sari store ko!” hesterikal na paliwanag niya.
Lumapit si Chloe sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. Humagulgol sa pag-iyak si Celia. Si Ellen ay napasabunot sa kan'yang buhok nang malaman ang totoo.
Ang masaklap ay hindi rin namukhaan ni Celia ang kahina-hinalang lalaki dahil sa abala siya sa paninda.