Esmeralda

2129 Words
NANGINGILID ANG LUHA ni Esmeralda habang inaayos ang mga dilaw na bulaklak sa tabi ng luklukan ng hari. Iniisip niya ang masasakit na tinuran ni Oruza hinggil sa kaniya at sinisisi ang sarili kung bakit nga ba tinanghali siya ng gising. Disin sana’y maaga siyang nakapamitas ng mga bulaklak at nakahanda na ito nang makabalik ang mag-ama mula sa kanilang paglalakbay galing sa isang kilalang kaharian sa kanluran. Nang dahil sa pagiging abala ay hindi niya napansin ang pagdating ng hari. Napapitlag na lamang siya nang maramdamang mayroong mainit na mga palad na humagod sa kaniyang likuran. “Kayo pala, mahal na hari. Paumanhin,” naibulalas ni Esmeralda dahil muntikan niya na itong maitulak. Bahagyang napaatras ang hari ngunit hindi natinag ang mga ngiti nito. “Malalim yata ang iniisip mo, Esmeralda,” puna ng hari. “Iniisip mo ba ang mga tinuran ni Oruza?” Napailing si Esmeralda, subalit sa kaniyang kalooban ay gusto niyang aminin ang totoo. “Hindi, mahal na hari. Minsa’y sadyang nakabibingi lamang ang katahimikan kapag nag-iisa kaya nadala lamang ako at hindi ko naiwasang maglakbay ang aking diwa sa kung saang lugar.” Nagkibit-balikat ang hari habang ngingiti-ngiti. “Kahit hindi mo aminin, nababatid ko kung ano ang totoo,” aniya. Tumalikod siya sa kausap at naupo sa kaniyang trono, saka niya muling ibinaling ang kaniyang mga tingin kay Esmeralda na hindi mapagkit ang pagkakatitig sa hari. “Nagkakamali kayo, mahal na hari.” “Isa sa mga katangiang dapat angkinin ng isang pinuno ay ang pagiging mapanuri o mabasa ang ikinikilos ng nasa harapan niya. Kailangan niyang matutuhang maramdaman kung ano nga ba ang tunay na saloobin nito. At lalong-lalo na, kailangang maging mapagmasid sa relasyon ng bawat isa upang alam natin kung paano makikitungo sa mga ito nang maayos at patas.” “Ano’ng ibig ninyong sabihin?” naibulalas ni Esmeralda. “Wala mang nagsusumbong sa akin, alam ko ang tinik na nasa pagitan ninyong dalawa ng aking anak. Nakikita ko. Nararamdaman ko at nababasa ang mga ikinikilos ninyo.” Bumuntong-hininga ang hari. “Ako ang dahilan kaya umasa kang aalisin ko ang tinik na iyon.” Napaawang ang mga labi ni Esmeralda na sana ay tutugon sa hari—pilit itatanggi ang sinasabi nito na alam ng kaniyang puso na totoo. Ngunit napigilang kumawala sa kaniyang bibig ang mga salitang dapat ay sasambitin niya nang muling magwika ang hari. “Lagyan mo rin ng mga bulaklak na `yan ang silid ni Oruza, para naman kumalma siya at makapag-isip-isip.” “Haring Rufus, maaari ka bang makausap sandali?” sabat ng isa sa mga nakatatandang tagapayo ng hari. Sinulyapan ng engkantada ng tingin si Esmeralda at tinaasan ng kilay. “Sige na, Esmeralda, gawin mo na ang iniuutos ko,” muling baling ng hari kay Esmeralda. Tumango na lamang si Esmeralda at sinunod ang iniuutos sa kaniya ng hari. Mahaba ang pasilyong patungo sa silid ng prinsesa. Hindi gaanong napapasok iyon ng liwanag ng araw mula sa labas kaya’t tanging mga sulo lamang ang naroroon. Umaalingawngaw sa paligid ang bawat hakbang niya. Hanggang sa matigilan siya dahil para bang may malamig na hangin siyang nakasalubong. Nakaamoy siya ng bangong higit pa sa halimuyak ng mga bulaklak sa hardin—katangi-tangi. Mayamaya ay naulinigan niya ang mga hakbang na papalapit. Bumungad sa kaniyang paningin ang kaniyang ina. “Saan ka pupunta, anak?” sita ng ginang. “Ilalagay ko sana itong mga bulaklak sa silid ni Oruza, ina. Iyon kasi ang utos ng hari.” Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad subalit nahawakan ng ginang ang kaniyang kanang braso. “Ako na lang, anak. Baka mapagbuntunan ka na naman ng init ng kaniyang ulo,” aniya. “Ang mabuti pa, sumama ka kay Ruru sa taniman at tumulong na lang mamitas ng mga prutas para sa hari. Mas maigi nang hindi ka pumipirmi rito sa loob ng palasyo.” Gumuhit ang mga ngiti ni Esmeralda sa kaniyang mga labi, sapagkat paborito niya ang lugar na iyon. Kaya naman kaagad siyang tumalima sa ina na ikinatuwa naman nito. Hinanap niya ang kapatid na si Ruru at dala ang karwahe para sa kanilang mga tagasilbi ay nagtungo sila sa taniman. “Esmeralda!” sigaw ng mga engkantadang umaani ng mga gulay na kanilang nadaanan. Ganoon din sa taniman ng mga prutas kung saan sila patungo. Ngiting-ngiti ang mga ito na sinalubong ng yakap si Esmeralda. Magiliw namang hinarap ni Esmeralda ang kaniyang mga kaibigan. Nakipagkumustahan muna siya sa mga ito bago tumuloy sa kaniyang sadya. At dahil para sa hari ang mga prutas na aanihin niya ay hindi naman nag-atubiling mag-alok ng tulong ang kapwa mga engkantada. Kinalulugdan nila ang hari nang dahil sa maganda at patas na pamumuno nito, lalong-lalo na ang pagiging mabuti nitong hari sa kabila ng mga hindi magandang puna na ibinabato sa kaniya. Isang puno pa lamang ang napagkukunan nilang magkapatid, ngunit halos umapaw na ang dala nilang buslo, kaya’t kaagad na kinuha ni Ruru ang dalawa pang reserbang dala nila upang makapag-uwi ng marami. Habang naghihintay sa kapatid ay iginala ni Esmeralda ang paningin niya sa kaniyang paligid. Organisado ang pagkakatanim ng mga puno. Sapat ang layo sa isa’t isa upang malayang makagapang ang kanilang mga ugat sa lupa at lumago ang mga dahon at sanga. Kaya naman hitik ang mga ito sa bulaklak at bunga. Mula sa siwang ng mga dahon sa punongkahoy ay lumusot ang liwanag ng papalubog nang araw at tumama sa kaniyang mga mata kaya napapikit siya, ngunit kaagad ding dumilat at tumingala sa himpapawid kung saan naroroon ang mga hayop na malayang lumilipad. “Esmeralda…” tinig na tila ba mula lamang sa kaniyang punong-tainga. Kaagad siyang lumingon, subalit walang sinumang tumatawag sa kaniya. Hindi rin pamilyar para sa kaniya ang malamyos na tinig na iyon. Hindi naglaon ay dumating na rin si Ruru kasunod ang mga kaibigan niyang engkantada na puno na rin ang mga dalang buslo—ang isa ay puno ng mga gulay at may ilang bulaklak.. “Ito naman ang handog namin sa hari, sana’y makaabot sa kaniya,” nakangiting inilapag ng dalawa ang mga buslo malapit sa kaniyang paanan. “Maraming salamat sa inyo, tiyak na matutuwa ang hari. Sa tingin ko ay sapat na rin ang mga ito sa kaniya,” tugon ni Esmeralda. “Siguro ay mamimitas na lang kami ng sapat na dami ng mga hinog na mangga para makabalik kami kaagad sa palasyo bago man lang kumagat ang dilim.” “Tama, mahirap na…” sabat ni Ruru. Pinandilatan siya ng mga mata ni Esmeralda sapagkat ayaw na niyang madugtungan pa ng kapatid ang dapat sana’y tuturan niya. “Ano’ng mahirap na?” urirat ng isa sa mga engkantada. “Mahirap nang hindi umabot sa hapunan ng hari. Dapat makita niyang sariwang-sariwa ang mga ito,” sagot ni Ruru. Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Esmeralda saka sila tinalikuran. Naging maurirat ang mga kaibigan ni Esmeralda, ngunit panay ang pagdadahilan niya. Nagpaalam na lamang siya sa mga ito upang tulungan si Ruru. “Bakit ba pinigilan mo ako kanina?” kunot-noong tanong ni Ruru habang nasa daan sila pauwi. Salubong ang kilay nito nang lumingon sa kapatid. “Ruru, hindi kaaya-ayang nagsasalita ka ng hindi maganda tungkol sa iba habang nakatalikod siya, lalo na sa isang maharlika. Maaari kang maparusahan niyan,” paliwanag ni Esmeralda sa bunsong kapatid. “Nauunawaan mo ba ang sinasabi mo?” mariing tanong ni Ruru. Sa pagkakataong ito ay nanatili ang kaniyang mga mata sa daang tinatahak pabalik sa palasyo. “Bakit sila, hindi ba kung anu-anong sinasabi nila tungkol sa `yo na wala namang katotohanan? Hindi mo ba napapansing maraming mga matang nakatuon sa `yo at nanghuhusga sa loob ng palasyo?” “Batid ko naman `yon, ngunit wala tayong magagawa kung hindi manahimik na lang at ipakitang inosente tayo. H’wag mong kalilimutang mga alipin lamang tayo—mga tagasilbi sa loob ng palasyo.” Nangilid na muli ang luha sa mga mata ni Esmeralda. Pilit niyang pinipigilan ang pagpatak ng mga iyon upang ikubli ang kaniyang tunay na saloobin. “Alipin man ay may karapatang ipagtanggol ang kaniyang sarili, kapatid,” makahulugang tinuran ni Ruru. Sa pagkakataong ito ay bumaba ang tono ng kaniyang pananalita. “Maharlika man sila, hindi nila pag-aari ang kahariang nasasakupan nila. Hindi lamang sila ang mga engkantada at engkantado rito. Itinalaga lamang sila ni bathaluman at batid kong balang araw ay mawawala sa kanilang angkan ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila.” “Tama na, Ruru.” “Hindi, isipin mo nga! Bakit ipinagbabawal sa atin na gumamit ng mga kakayahan natin samantalang sila ay halos ipangalandakan ang kanilang kapangyarihan? Dahil ba ayaw nilang mahigitan o kaya naman ay mayroong mag-alsa laban sa kanila? Hindi ako naniniwalang patas ang hari.” “Si Oruza ang nag-utos noon, hindi ang hari,” tugon ni Esmeralda. “Dahil alam niyang mas magaling ka kaysa sa kaniya,” anas ni Ruru. “At kung walang basbas ng hari, hindi iyon magiging batas. Sa makatuwid, sinang-ayunan ng hari ang buktot na utos ng kaniyang mapanibughong anak.” “Malapit na tayo, tumigil ka na at baka may makarinig pa sa `yo,” saway ni Esmeralda. “Tandaan mo ang sinabi ko. Ayaw kong maparusahan ka kaya mag-isip ka muna bago ka magsasalita. Bahala na ang bathaluman na makinig sa mga hinaing natin.” Wala nang binitiwang mga salita si Ruru, ngunit napasimangot siya. Mahigpit ang kaniyang pagkakahawak sa tali ng kabayo. Napapatiim-bagang. Samantala, pagkatapos tumulong ni Esmeralda sa paghahanda ng hapunan para sa hari at sa kaniyang anak ay nagpaalam na siya sa kaniyang ina na magtutungo sa kanilang silid sa palasyo at babalik na lamang kapag kailangan nang ligpitin ang kanilang mga pinagkainan, katulad ng kaniyang nakagawian. Hangga’t maaari ay iniiwasan niyang magkita sila ni Oruza sapagkat ayaw niya ng gulo. Hindi niya kasi nababatid kung hanggang kailan niya kayang magtiis. Nangangamba siyang siya rin mismo ang bumali sa kaniyang mga pananaw at sinusunod na batas. Muli ay tinahak niya ang isang madilim na pasilyo patungo sa kanilang silid. Gayun pa man, ang kaniyang diwa ay para bang patungo sa ibang direksyon. Binabalikan ang mga kabanata ng kaniyang buhay na hindi niya inaasahang bigla na lamang mag-iiba ang takbo ng kuwento. Napapaisip siya kung ano ang nagawa niyang mali para mawalan ng isang matalik na kaibigan, para pag-isipan ng masama at ituring na tila mas mababa pa sa pagiging isang alipin. Naagaw ang kaniyang pansin nang mayroon siyang mabangga. Napalingon siya upang makilala kung sino iyon subalit walang sinumang naroroon. Napahawak siya sa kaniyang kanang balikat kung saan dama niya pa ang pagtatama ng kanilang mga balikat. Noon ay bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Pabilis nang pabilis ang kaniyang mga hakbang hanggang sa halos tumakbo na siya. Ang mga tunog ng paglapat ng kaniyang mga paa sa sahig ay tila ba dumoble. Batid niyang may sumusunod sa kaniya. Nang marating niya ang kanilang silid ay dali-dali siyang pumasok at isinara ang pinto. Bumungad sa kaniya ang kadiliman sa loob niyon. Sa nakabukas na durungawan ay pumapasok ang mahinang liwanag ng buwan at ang kurtina ay hinihipan ng banayad na lakas ng hangin. Hanggang sa maramdaman niyang tila ba mayroong malamig na hangin na lumapit sa kaniya. Mistula itong tumigil sa kaniyang harapan. Kung guni-guni o likhang isip lamang ay doon siya naguguluhan. Muli niyang naamoy ang mabangong samyo na hindi niya nababatid kung saan nagmumula. Ang tanging batid niya lamang ay tila pinapagaan nito ang kaniyang damdaming naghuhumiyaw sa kaniyang dibdib. Hindi ganoon ang halimuyak ng dilaw na bulaklak na kinukuha niya pa sa kagubatan para sa hari. “Sino’ng nandiyan?” naibulalas niya nang muling may kabang sumikdo sa kaniyang dibdib. “Esmeralda…” muli niyang naulinigan ang tinig ng babae. Malapit sa kaniya na tila ba nasa harapan niya lamang. “Sino ka? Ano’ng sadya mo sa `kin?” tanong niya, kasabay ng pagpatak ng luha niya at nagsisimulang panginginig ng kaniyang katawan. Naramdaman niyang mayroong malamig na tila lumapat sa kaniyang dibdib kaya lalo siyang nanginig at napaluha. Halos manigas ang kaniyang katawan at mistulang napako ang mga paa niya sa kinatatayuan. “Ang sakit ay mahahalinhan ng galak sa nalalapit na panahon,” wika ng tinig. Matapos iyon ay unti-unting nag-iiba ang klima sa kaniyang paligid. Ang ihip ng hangin ay unti-unting humihina na para bang nililisan na siya ng nagma-may-ari ng tinig. Ang lungkot sa kaniyang puso ay muling nagpahiwatig ng pagbabalik. “Sandali!” pagtutol ni Esmeralda. “Magpakita ka sa `kin. Harapin mo ako!” Tumakbo siya patungo sa durungawan. Umaasang mahahabol kung sino man ito at siya ay pagbibigyan. Hanggang sa bigla na lamang may kumalabog sa kaniyang likuran, kasunod ng mariing pagtawag sa kaniyang pangalan. Sa dagli niyang paglingon ay umalingawngaw ang kaniyang mga sigaw. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD