Nabalot sa matinding kadiliman ang buo kong paligid. Hindi ko alam kung ilang oras o araw akong walang malay hanggang sa naulinagan ko ang huni ng mga ibon at panakanakang pagtilaok ng mga tandang sa paligid na siyang nagpagising sa akin mula sa mahabang pagkakahimbing.
"Uhhhh!" Ang sambit ko pa kasabay ng pagmulat ko sa aking mga mata. Kinusot-kusot ko pa ito dahil nasisilaw ako sa liwanag. Nang nasanay na ang aking mga mata, natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng isang silid na sa tantiya ko isa iyong bahay na yari sa mga native na mga materyales.
Nang tumingala ako, tanaw ko agad ang bubong nito na yari sa nipa sapagkat wala itong kesame. Yari naman sa kawayan ang dingding nito at papag.
"Nasaan kaya ako?"
Iyon kaagad ang tanong na pumasok sa aking isip sapagkat wala akong maalala. Naramdaman kong medyo mabigat ang ulo ko at nang hinawakan ko ito ay may telang nakabenda rito. Sinubukan kong makatayo kahit na ramdam ko ang bigat ng aking katawan ngunit nawalan ako ng panimbang at kamuntikan pa akong matumba kung hindi lang sa malakas na mga brasong mabilis na umalalay sa akin.
"Kung hindi mo pa kaya, huwag mapilit. Pwede mo namang tawagin si Jayson para alalayan ka!" Ang may pagkasupladong sambit ng lalaking tumulong sa akin. Medyo matangkad siya ng kaunti sa akin kaya napatingala ako sa kanya.
"Paano ko naman tatawagin ang taong hindi ko naman kakilala, pati nga ikaw ay hindi ko kilala? Ni hindi ko nga alam kong paano at bakit ako napunta sa lugar na ito e!" Ang bulyaw ko sa kanya. Nagpantig kasi ang tenga ko sa tinuran niya sa akin. Antipatiko lang, paano ko tatawaging ang sinasabi niyang Jayson gayung ngayon ko lang narinig ang pangalang iyon. Jayson lang na asawa ni Melai sa PBB ang kilala ko maliban doon ay wala na.
Magsasalita na ulit sana siya ngunit napigil ito nang biglang, "Uy, nagising na pala sa wakas ang bisita natin Kuya!" Ang wika ng isang lalaki na sa tingin ko kasing edad ko lang o mas bata sa akin ng isang taon. Balingkinitan ang kanyang katawan. Medyo may kaputian.
Bagama't taga probinsiya, sunud naman sa uso ang istilo ng kanyang buhok. Iyong kamay lang ang ginagamit na pansuklay na parang bagong gising. Medyo may kakapalan ang kanyang mga kilay na bumagay sa kanyang malamlam na mga mata. May bitbit itong maliit na balde na may lamang tubig at bimpo.
"Iyan si Jayson. Sa kanya ka lumapit kapag may kailangan ka!" Pasinghal niya sa akin. Nakita kong ngumiti sa akin si Jayson ngunit hindi ko iyon natugunan dahil sa hindi ko pa naman lubusang kilala iyong tao. Nakita kong yumuko si Jayson. Parang napahiya ba sa hindi ko man lang pagtugon sa kanya. Ganoon kasi ang ugali ko. Hindi ako palapansin sa mga taong hindi ko pa kakilala o iyong bago ko pa lamang nakakaharap.
"O ano kilala mo na?" Baling ng supladong lalaki sa akin. Inirapan ko lang siya at nagkunyaring walang narinig. "Jayson kaw na bahala diyan, tutulongan ko lang si Nanay sa kusina!" Baling naman nito kay Jayson saka tumalikod na sa amin.
Nang kami na lamang ni Jayson, "Sino ba yon. Mukha yatang pasan niya ang buong sanlibutan?" Ang naitanong ko agad sa kanya.
"Si Kuya Makoy ko iyon. Mukhang suplado lang iyon pero mabait 'yon!" Sabay baba sa hawak nitong balde.
"Sinasabi mo lang yan kasi kapatid mo siya!"
"Hindi, totoo sinasabi ko. Mabait talaga si Kuya. Mula noong mamatay si Itay siya na ang tumatayong padre de pamilya namin.
Bahagyang lumungkot ang itsura ni Jayson. Batid kong dahil iyon sa pagkakabanggit niya sa pumanaw na niyang ama kaya,
"Para saan naman iyang baldeng may tubig na dala mo?" Ang paglilihis ko sa aming usapan. Baka kasi mauwi pa sa drama ang senaryong iyon.
"Ipampunas ko sana sa iyo. Tatlong araw ka na kasing tulog mula noong natagpuan ka namin ni Kuya sa dalampasigan. Kaya para maging presko iyang katawan mo salitan kami ni Kuya Makoy na nagpupunas sa'yo!"
"Ibig sabihin nakita nyo na ang buong katawan ko?" Ang nabigla kong sabi at kinapa ko pa talaga ang katawan ko. Iyon bang parang sinisigurong walang nawawala rito.
"Pati si Makoy?'
"Oo!"
"Tangna!"
"E ano namang masama roon pare-pareho lang naman tayong mga lalaki!"
At doon ako biglang natauhan sa kanyang sinabi. Tama nga naman kasi, pareho kaming mga lalaki kaya wala akong dapat na ikatakot bagamat alanganin ako, lalaki parin naman ako kaya hindi ako dapat na mag-iinarte na parang isang babae na may boobs na nahipuan.
"M-may buni kasi ako kaya nahihiya ako!" Ang pag-aalibi ko sa awkward moment na iyon. Baka mahalata pa niya ang aking pagiging alanganin.
"Wala naman e, ang kinis-kinis mo nga. Para kang artista!"
Natuwa naman ako sa kanyang sinabi. Mabuti naman at sa isang artista niya naihambing ang kakinisan ko at hindi sa isang babae.
"Teka lang Jayson, sabi mo natagpuan n'yo akong dalawa ni Makoy sa dalampasigan...." Ang wika ko nang sumunod ako sa kanya papunta sa likuran ng kanilang bahay upang ipandilig na lamang ang dala nitong tubig sa balde sa mga pananim nilang gulay sa likod-bahay.
"OO, at walang malay!" Ang agaran niyang tugon. "Paano ka ba napunta doon? Taga saan ka ba?"
At doon na ako hindi nakapagsalita sa sunod-sunod na tanong niyang iyon. Paano at bakit nga ba ako napunta sa dalampasigan na sinasasabi niya? Bakit parang wala akong naaalala? Napapikit ako at pilit kong inaninag sa aking isip ang mga nangyari ngunit wala talaga akong maalalang mga dahilan.
"Uy ayos ka lang?" Untag niya sa akin. Itinigil na muna niya ang pagdidilig ng mga halamang gulay.
"Wa-wala akong maalala eh!"
"Weehh, nagbibiro ka ba? As in wala talaga? Ibig sabihin may amnesia ka?"
"Ewan, kasi alam ko pa naman ang pangalan ko!"
"Ano naman ang pangalan mo, kanina pa kasi tayo nag-uusap, e hindi ko man lang alam ang pangalan mo!"
"J-Jeric ang pangalan ko. May mga magulang pa ako at isang kapatid at..at...!"
Napaupo ako sa isang tuod at pilit kong inaalaala ang lahat ng mga detalye sa buhay ko pero iyon lang talaga ang napigang impormasyon ng aking utak at naramdaman kong kumirot ang aking ulo. Napaaray ako sa sakit noon.
"Jeric ayos ka lang? Natarantang tanong sa akin ni Jayson ngunit hindi ko na siya nasagot pa dahil muli na namang dumilim ang aking paligid at nawalan ng malay.
Kadiliman...
Katahimikan...
Nang magising ulit ako ay ang mukha ni Makoy ang agad kong nasilayan. Hindi ko lang alam pero parang matagal na niya akong tinitigan ng para bang may inaaanig sa aking mukha na hindi ko alam.
In fairness naman, doon ko napansin na may itsura rin naman pala siya. Maamo ang kanyang mukha at mapupungay ang kanyang mga mata. Hindi naman ganoon kataas ang kanyang ilong ngunit hindi naman pango. Tama lang para sa isang purong Pilipino. Manipis ang kanyang labi na mamula-mula na tanda na hindi naninigarilyo.
Nasa ganoong panunuri naman ako sa kanyang kabuuan nang bigla siyang lumuhod sa tabi ko at dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa mukha ko. Kinabahan ako sa kung anoman ang kanyang maitim na binabalak. Aba, nanakawan pa yata ako ng halik ng mokong na 'to. Inaamin ko, naguguwapuhan ako sa kanya pero diko siya type mga beks. Ano ako sa tingin niya, si Sleeping Beauty na kinailangang mahalikan ng isang prinsepe para magising?
Nang halos dalawang dangkal na lamang ang pagitan ng aming mga mukha aba'y nagreact na ako ng bonggang-bongga.
"Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?" Bulyaw ko sa kanya habang ako ay bumalikwas sa hinihigaang papag.
"Huh?!? Ba-bakit wala naman akong ginagawa ah!" Gulat niyang tugon sabay tayo.
Hindi siya makatingin ng deretso sa akin. Iyon bang parang nasa harap mo ang iyong crush at hindi ka makakatitig sa kanya ng deritsahan dahil pinangungunahan ka ng sobrang kaba at hiya.
"Anong wala. Inilapit mo nga mukha mo sa akin eh. Nanakawan mo ako ng halik habang nakabulagta ako at walang malay!" Ang bulyaw ko sa kanya.
"At bakit ko naman gagawin iyon...?" Kumunot ang kanyang noo. "...Ganyan ba kalala ang amnesia mo na pati ang pagkatao mo ay nakalimutan mo na? Pero kung ganoon nga, hayaan mong ipaala-ala ko sa'yo na hindi ka isang babae para nakawan ko ng halik!"
Mistula naman akong binatukan sa kanyang sinabi. Kunsabagay totoo naman. Sana pala nagkunwari na lang akong tulog at hinintay ang pagdampi ng halik niya sa akin at doon na ako mag-react para siya iyong mapapahiya.
"Kukunin ko lang sana iyong brief ko na napasama sa mga bagong laba na mga damit na nahigaan mo diyan sa papag!" Ang dagdag pa niyang sabi.
Tinapunan ko naman ng tingin ang sinasabi niyang mga damit na bagong laba na nahigaan ko. Tama nga siya. Nahigaan ko nga. At kung bakit doon ako pinahiga sa kung sinuman ang umakay sa akin nang ako ay nawalan ng malay. Ayan tuloy, nagmukha akong assuming. Kaya tumabi na lang ako ng walang imik para mabigyan siya ng daan na damputin ang kanyang brief na nahigaan. Grabe ang hiya ko noon.
"Sabi sa akin ni Jayson hindi mo raw gaanong naa-alala ang iyong mga nakaraan anak, totoo ba iyon?" Ang tanong sa akin ni Aling Bebeng na ina nina Makoy at Jayson habang kami ay nasa hapag-kainan.
Malapit na silang matapos kumain samantalang ako di man lang nagawang galawin ang pagkaing nakahain sa aking harapan. Kumakalam na ang sikmura ko pero para yatang nawalan ako ng gana na kumain dahil hindi ko gusto iyong ulam nila na sinabawang talong at sitaw. Wala nga akong maalala pero alam ko sa sarili kong hindi ako kumakain ng ganoong uri ng mga pagkin.
"Wa-wala ho ba kayong kutsara at tinidor?" Isang tanong din ang naisagot ko sa tanong ni Aling Bebeng . Napakalayong sagot sa tanong niya. Paano ba naman nagkakamay lang sila habang kumakain. May sabaw pa naman din ang ulam.
"Hindi uso sa amin ang gumamit niyan. Kaya habang nandito ka sa amin matuto kang makibagay!" Ang malaman na tinuran sa akin ni Makoy. Sa tono pa lang ng pananalita nito mukhang labag sa kanyang kaloobang sagipin ako at patuluyin sa kanilang pamamahay.
"Makoy!" Sabad naman ni Aling Bebeng sa kanya at pinandilatan pa talaga ito upang ipabatid na hindi nito nagustuhan ang kanyang sinabi dahilan upang bumahag ang kanyang buntot na parang aso.
Nagpatuloy na ito sa pagkain.
"Heto Jeric o!" Si Jayson na hindi ko namalayang huminto pala sandali sa pagkain upang ikuha ako ng kutsara at tinidor mula sa kanilang plastic na kitchen cabinet. Nginitian ko naman siya bilang pasasalamat. Gumanti rin siya ng ngiti sa akin.
Parang gusto ko tuloy sabihan si Makoy ng, "Meron naman pala e bakit kinakailangan ko pang magkamay. Kamayin mo kaya iyang sabaw!" pero hindi na lang ako kumibo sa halip pinilit ko na lamang na kumain dahil talagang nagwawala na ang mga alaga ko sa tiyan.
Hindi ko na inubos pa ang aking pagkain. Sapat na nagkalaman ang aking tiyan. Dahil talagang hindi ko gusto ang nakahain sa mesa.
"Ubusin mo 'yan ui. Hirap kayang kumayod para lang may maipanlaman sa tiyan!" Ang sabi sa akin ni Makoy sa ma-otoridad nitong boses.
Mula pa kanina pakiramdam ko ay pinag-iinitan niya ako kaya hindi ko maiwasang mag-init din sa kanya at dahil doon hindi ko napigil ang aking sarili na huwag sumagot.
"Paano ko mauubos iyang pagkain na yan na hindi ko madescribe kung ano ang lasa!" Bulyaw ko.
Napansin ko namang sabay na napayuko si Jayson at Aling Bebeng ng marinig ang aking sinabi. Iyon bang parang napahiya. Gusto ko mang bawiin ang aking sinabi dahil kahit papaano nahiya rin ako sa aking inasal ngunit huli na. Nasabi ko na. At dahil iyon sa matinding inis ko kay Makoy.
"Aba ikaw na nga iyong tinulungan at sinagip, ikaw pa iyong mag-iinarte!" Tumaas na ang kanyang boses. Halatang galit na rin. Tama nga ang sapantaha kong labag sa kanyang kalooban ang pamamalagi ko sa kanila.
"Bibig mo Makoy!" Sigaw naman ni Aling Bebeng para awatin ito ngunit hindi nagpatinag si Makoy.
"...pasalamat ka pa nga na kahit hindi ka namin kaano-ano, sinagip ka parin namin. Kung hindi dahil sa akin, sa amin, malamang nasa bituka ka na ng mga pating!" Dagdag pa nito na siyang labis ikinakulo ng dugo ko.
Napatayo naman ako. Pinukulan ko siya ng isang nagbabagang tingin. Naramdaman ko ang palad ni Jayson sa aking braso. Pinisil niya iyon upang pakalmahain ako at nang hindi na lumaki pa ang gulo. Nasa harap pa naman din kami ng hindi ko maituring na pagkain. Ngunit solved na sana ako noon kung hindi lang sa ingot na si Makoy.
"Sinabi ko bang sagipin mo ako? Sinabi ko bang kupkupin mo ako? Well, anyway, I'm still thankful for that. Pero kung ang pagsagip mo sa akin at ang patirahin ako rito ay labag sa kalooban mo sana hinayaan mo na lang akong mamatay. Atleast hindi ako nakakapirwiso sa inyo!" Sigaw ko na may luhang nangilid sa aking mga mata.
Agad ko rin iyong pinahid gamit ang laylayan ng aking Tshirt na pinahiram nila sa akin.
"At para sa ikapapanatag ng loob mo, aalis na ako dito ngayon din!"Agad kong inalis ang palad ni Jayson sa isa akong braso at mabilis na tinumbok ang pinto na yari sa kawayan.
Alam kong wala akong mapupuntahan dahil sa hindi pa tuluyang bumalik ang aking alala. Iilan lang kasi ang mga detalye ng buhay ko ang nanatili sa aking utak. Pati apelyido ko nga ay hindi ko pa alam kaya alam kong mahihirapan ako kung umalis ako sa kanila pero iyon lang ang tanging alam kong paraan para makaiwas sa gulo.
Masakit din kasi na para bang pinagsisihan nila ang pagsagip sa akin na hindi ko naman hiningi pero tinatanaw ko naman iyon na isang utang na loob. Pakiramdam ko isa akong barkong nawalan ng compass na hindi na alam kung saan tutungo at hindi na din alam ang daan pabalik. Nagpalutang-lutang na lamang ito sa laot, umaasang may ibang mapapadaang barko na gigiya sa tamang direksiyon ko.
Hindi pa ako noon tuluyang nakalalayo ng bahay nang biglang, "Jeric, sandali. Huwag kang umalis. Pinababalik ka ni Nanay!" Ang narinig kong sigaw ni Jayson sa akin.
Tumigil din naman ako sa paglalakad. Sa totoo lang bagamat labis ang galit at pagtatampo ko kay Makoy ay wala naman talaga akong balak ng lumayas. Balak ko lang palipasin ang tensiyon na namamagitan sa amin.
Naisip ko kasi na wala akong mapupuntahan kapag papairalin ko ang aking pride. Paano kung magutom ako? wala pa naman akong pera kahit na piso pambili ng makakain. Baka mamaya magmukha lang akong taong grasa na palaboy-laboy sa daan na manghingi sa kahit sinong makakasalubong ko. Mukhang hindi yata bagay sa awra ko. Kaya noong marinig ko mula kay Jayson na pinababalik ako ni Aling Bebeng sa kanilang bahay, go na kaagad ako. Baka magbago pa ang kanilang isip.
Sabay na kami ni Jayson na bumalik sa kanila at dumeretso kami sa kanilang tambayan sa ilalim ng punong manga na nasa bakuran lang nila. May dalawa itong upuang pahaba na magkatapat at isang munting mesa sa gitna na parehong yari sa kawayan. Umupo ako katabi si Jayson at sa harap namin ay si Aling Bebeng. Wala doon si Makoy kaya medyo naging panatag ang loob ko.
"Jeric, pasensiya kana sa inasal ni Makoy kanina ha. Siguro may problema lang ang batang 'yon kaya naging mainitin. Kilala ko ang batang yon, mabait naman yun e, kaya pati ako nagtaka sa kagaspangang ipinakita niya sa'yo!" Ang paghingi kaagad ng dispensa sa akin ni Aling Bebeng.
"Tama ang inay, Jeric, mabait naman talaga si Kuya. Maaalahanin at matulungin. Lahat binibigay niya sa amin ni Nanay basta kaya niya. Hindi na niya iniisip kung may matira pa sa kanya o wala basta ang mahalaga makita niya kaming masaya ni Nanay. Sa kanya kasi kami inihabilin ni Tatay noong nabubuhay pa ito!" dagdag naman Jayson.
Hindi ko alam kong dapat ko bang paniwalaan ang kanilang mga sinasabi dahil taliwas kasi ito sa ipinakitang pag-uugali ni Makoy sa akin. Naisip ko rin na siyempre, kapamilya nila ito kaya todo ang pagtatakip nila sa masamang pag-uugali nito. Pero sa tingin ko mabait naman si Aling Bebeng at si Jayson, marahil si Makoy iyong tinatawag na blacksheep ng kanilang pamilya dahil sa kakaibang ugali nito. Ewan ko lang talaga.
"Ayos lang po 'yon. Tama naman po siya. Ako iyong sinagip at nakititira lang sa inyo kaya ako iyong dapat na makibagay. Maswerte nga po ako dahil kinupkup n'yo pa rin ako kahit na hindi naman ninyo ako kamag-anak o kakilala. Lalo pa't heto wala masyado akong maalala. Mahirap po ang magtiwala sa panahon ngayon lalo na sa kagaya kong napadpad lang sa lugar ninyo!" Ang mapakumbaba kong sabi.
Totoo naman talaga na sa panahon natin ngayon napakahirap na ang magtiwala. Paano kong kriminal pala ako at pina-salvage nang matagpuan nila? O kaya'y miyembro ng mga rebeldeng ISIS? O di naman kaya'y nagpapanggap lang na nawalan ng ala-ala pero ang totoo pala niyan ay may masama akong binabalak sa kanila?
Hindi naman maikakaila na ang ganyang mga haka-haka ang kaagad na pumapasok sa ating mga isip sa tuwing tayo ay makakatagpo ng isang estranghero. Pero sila, hindi nila iniisip iyon. Ang tanging nasa isip nila ay ang matulungan ang taong nangangailangan ng karampatang tulong kilala man nila ito o hindi. At doon ko narealise na may mga tao parin palang taglay ang busilak na kalooban at handang tumulong na hindi humihingi ng anumang kapalit.
"Sa tingin ko naman mabait kang bata, Jeric kaya nararapat lang na ikaw ay aming tulungan. Lalo na hayan, wala ka pang masyadong maala-ala. Kung hahayaan ka namin na umalis, saan ka naman pupunta? Paano kong may masamang mangyari sa'yo, konsensiya pa namin!" Ang sabi ni Aling Bebeng na ikinagaan ng aking loob. Ngumiti siya sa akin. Ganoon din si Jayson na mahahalatang may kakakaiba sa ngiti niyang iyon na hindi ko na lang binigyan ng pansin.
"Salamat po sa inyo Aling Bebeng!" Ang tugon ko sabay ngiti rin sa kanila.
"Naku, walang anoman 'yon bata ka! Kahit dumito ka na ayos lang. Sa guwapo mo bang iyan, tatanggi pa ako. Ayaw ko pa no'nn, magkakaroon ako ng isang anak-anakan na artistahin!" Ang pabirong banat ni Aling Bebeng.
"Si Nanay talaga, ang lakas makahirit!" Ang pagsingit ni Jayson.
Tawanan kami.
Sa isip ko, si Makoy na lang iyong problema. Pero wala na akong pakialam pa doon. Inay na niya at bunsong kapatid ang nagmagandang loob. Dalawa laban sa isa. Kaya wala na siyang magagawa.
"Anak totoo bang hindi naman lahat ng ala-alaa mo ang nabura? Akala ko kasi na kapag nagka-amnesia ang isang tao gaya ng napapakinggan kong mga drama sa radyo ay wala siyang maalala kahit na mismong pangalan niya!" Ang pag-iiba ni Aling Bebeng sa aming usapan.
"Iyan nga pong ipinagtataka ko eh. May mga detalye naman po akong natatandaan pero mas marami pong hindi"
"Gaya ng?" Ang pagsingit ni Jayson.
"Gaya ng pangalan ko. Alam kong Jeric ang pangalan ko pero hindi ko naman alam kung ano ang apelyido ko. Natatandaan ko pa ang mukha nina Daddy at Mommy at pati ng kuya ko kaso hindi ko na alam ang mga pangalan nila. Naaalala ko ring malaki at magara ang bahay namin sa isang exclusive subdivision ngunit hindi ko na matandaan ang address nito"
"Wow ibig sabihin mayaman kayo!?" Ang pagsingit ulit ni Jayson. Nanlaki pa ang mga mata nito sa aking sinabing malaki at magara ang bahay namin.
"Bukod doon, ano pa ang natatandaan mo anak?" usisa ulit ni Aling Bebeng.
Pakiramdam ko tuloy para akong isang witness sa isang kaso na isinalang sa witness stand. Ngunit ayos lang naman sa akin 'yon. Baka kasi makatulong iyon na marefresh ang aking mga alaala. Saglit kong ipinikit ang aking mga mata. Hinahagilap ko ang bawat detalyeng maibibigay ng aking utak at,
"18 years old ako. Nasa college na kaso hindi ko alam kung anong kurso ang kinuha ko. At...at... si Dexter...tama si Dexter naalala ko si Dexter. Siya iyong malapit kong kaibigan!" Ang sigaw ko nang maalala ko ang kaisa-isa kong malapit na kaibigang si Dexter. Pumikit ulit ako, umaasang meron pa akong maalala.
Sandaling naghari ang katahimikan. Walang gustong magsalita ni isa man sa kanilang dalawa. Mukhang naghihintay lang sila sa mga susunod ko pang sasabahin. Iyon bang parang nagpapahula, na hinihintay nila ang sasabihin ng manghuhula kung ano ang mga pangitain na nakikita nito sa isang bolang kristal.
Sa muling pagpikit ko ng aking mga mata, hindi ko inasahan ang pagsulpot ng imahe ni Chad sa aking isipan. God! sa dami ba namang pwede kong matatandaan ay bakit siya? Ang taong tanging minahal ko dahil nasa kanya ang lahat ng katangian na gusto ko. Guwapo. Mayaman. Matalino. Kumbaga, total package na siya para sa akin ngunit ang pagkawasak lang pala ng puso ko ang tanging napala ko sa kanya.
Natatandaan kong ipinagpalit niya ako sa iba dahil sa hindi ko maibigay ang hilig niya. Lumalabas kasing s*x lang ang habol niya sa akin at hindi ang isang pagmamahal. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung may nagawa ba akong isang napakalaking kasalanan dahil mukhang hinagupit yata ako ng todo ng tadhana. Bakit hindi na lamang siya napasali sa mga ala-alang hindi ko na natatandaan ng saganun hindi ko na mararamdaman pa iyong sakit na ibinigay niya.
Yumuko ako upang hindi nila mahalata ang pamumula ng aking mga mata. Naiiyak kasi ako nang maalala ang bahaging iyon ng aking nakaraan na pilit kong kinakalimutan.
"Jeric ayos ka lang ba?" Halos sabay nilang untag sa akin. May ilang minuto narin kasi ang pananahimik ko.
"W-wala na akong maalala!" Ang sagot ko na lang. Hindi ko naman kasi maaring banggitin pa sa kanila ang tungkol kay Chad at baka maungkat pa ang tunay kong pagkatao. Alam kong hindi pa bukas ang isipan ng mga taga-probinsiya ang tungkol sa ganoong relasyon. Mamaya palalayasin pa nila ako dahil sa maling paniniwala na ang mga bakla ay salot at pinagmumulan ng kamalasan.
"Magpahinga ka na muna anak. Huwag mo ng pilitin ang iyong sarili na matandaan ang lahat nang biglaan. Hayaan mong panahon ang magpapabalik sa iyong ala-ala!" Ang wika ni Aling Bebeng sabay pisil sa aking mga kamay na para bang nagpapahiwatig na huwag akong mag-alala dahil maging maayos lang ang lahat. Doon ko nararamdaman ang pagmamahal niya bilang isang ina.
Sinamahan ako ni Jayson na pumanhik sa taas ng bahay para makapagpahinga. Hindi pa man kami tuluyang nakapasok sa silid na pagdalhan sa akin ni Jayson ng biglang,
"Mayaman o nagyayabang lang!" Ang patutsada ni Makoy. Buong akala ko ay nakaalis na ang mokong ayon sa sinasabi ni Jayson na nagtatrabaho ito sa palengke ng bayan. Ngunit andoon lang pala sa loob ng bahay, nakiki-usyoso sa usapan namin.
"Anong gusto mo, sasampalin kita ng pera? Magkano ba ang gusto mo?" yabang kong tugon sa pasaring niya. Talagang naiirita na ako.
"Wow ha, takot naman ako niyan. Ni piso nga wala ka?" Sabay hagalpak ng tawa.
"Pwede ba Kuya tumigil ka na?" Ang pag-awat naman sa kanya ni Jayson.
"Ang mayabang na yan ang patigilin mo. Mayaman daw? Kung mayaman talaga yan, e sana pinaghahanap na yan ng mga magulang niya. Bakit andito parin yan hanggang ngayon?"
Hindi ko alam pero tumagos sa puso ko ang sinabi ni Makoy na siyang nagpabulwak sa aking mga luha hindi sa galit at inis ko sa kanya kundi sa sinabi niyang bakit hindi man lang ako nagawang hanapin ng aking mga magulang.
Bakit nga ba hindi man lang sila nanuhol nang maghahanap sa akin? Naitanong ko sa aking sarili kung talaga bang may pamilya pa ako o baka naman nag-iilusyon lang ang aking utak. Kung meron man, mahal pa kaya nila ako o baka naman itinakwil na nila ako dahil sa mali kong pagkatao.
Baka ang totoo niyan, bago pa man ako nagka-amnesia ay nalaman nilang isa akong alanganin kaya pinalayas nila ako sa bahay. At sa aking paglalayas ay nadisgrasya ako kaya nawalan ng ala-ala. Sapantaha ko lang naman iyon na maari rin namang totoo. Malay ko ba?
Sa pangalawang pagkakataon, muli akong nagwalk-out. At talagang pinaninindigan ko na. Hindi ko na pinansin ang pagtawag sa akin ni Jayson na pabalikin ako. Bahala na. Mas nanaisin ko pa ang magpalaboylaboy sa daan kaysa ang makasama sa iisang bubong ang hinayupak na Makoy na 'yon na walang ibang ginawa kundi ang awayin ako. Bahala na kung mahihirapan ako na makahanap ng makakain gawa ng wala akong pera kaysa ang makakain nga ng libre pero unti-unti na pala akong nilalason. Siyempre ayoko pang mamatay. Marami pa akong mga pangarap sa buhay.
Nakita ko sa medyo kalayuan na patakbong sumunod sa akin si Jayson. Siyempre dahil abot-langit na ang pagtatampo ko kay Makoy , tumakbo na rin ako para hindi na ako maabutan pa ng kapatid niya. Buo na kasi ang pasya ko, aalis na ako sa puder nila. Bagamat mabuti ang pakikitungo ni Aling Bebeng at Jayson sa akin, hindi ko naman yata kaya ang magpapakababa pa kay Makoy. Habang nasa kanila ako, pakiramdama ko ang liit ng tingin niya sa akin. Ano bang pinagmamalaki niya? Ang bahay nila na walang aircon? Wala man lang kuryente at TV, my gosh!
Lumihis ako ng daan at sinuong ko ang kasagingan ng saganun maiwala ko si Jayson at hindi na niya ako masusundan pa. Bagama't hindi naman ganoon kadamo ang sagingan dahil halatang naaalagaan ito nang maayos ng may-ari, hindi naman ako nakaligtas sa dami ng lamok na lumapa sa makinis at maputi kong balat. Medyo madilim kasi ang paligid dahil nahaharangan ng mga malalaking dahon ng saging ang sinag ng araw.
"Magkaka-dengue na yata ako nito!" Sa isip ko lang at binilisan ko pa ang paglalakad.
Hanggang sa makalabas ako ng kasagingan at narating ko ang isang ilog. Namangha ako sa mala-kristal nitong tubig at nakikita ko pa ang mga isdang naglalanguyan dito. Kaysarap lang sa paningin. Nakakarelaks. Umupo na muna ako sa malaking bato sa pampang nito. Inilublob ko ang aking mga paa sa tubig at dinama ang lamig niyon habang nagmumuni-muni. Sinisikap kong matandaan kahit na ang apelyido ko na lang muna para kung sakali may mahanap akong istasyon ng pulisya maari kong ipa-blotter ang aking sarili at sabihing nawawala ako para matulungan akong makabalik sa aking pamilya.
Kayhirap pala talaga kapag ganitong walang natatandaan maliban sa iyong pangalan. Hindi ko napigilan na ihambing ang aking sarili sa isang sisiw na napahiwalay sa inahing manok sa kagubatan. Hindi alam kung saan tutungo at lalong hindi alam kung saan ang daan pabalik. Inaasam na may makakakita sa kanya upang maibalik sa kanyang ina o sa tunay na may-ari nito. At maswerte na sana siya dahil may taong nakakita sa kanya at panandaliang kinupkop habang hindi pa nito natatagpuan ang tunay na may-ari kung hindi lang sana sa alaga nitong pusa na palagi siyang tangkaing lapain.
Napaluha naman ako nang maisip ang mga bagay na iyon. Awang-awa ako sa aking sarili. Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay sa mundo na ganitong walang maalala. Walang-wala ako maliban sa damit na suot ko. Paano at saan ako matutulog? Saan ako kukuha ng makakain? Paano kung magkasakit ako? Sino ang mag-aalaga sa akin? Mga ganyang tanong na hindi ko mabigyan ng kasagutan.
Nasa ganoon naman akong pagmumuni nang mapansin kong tila dumidilim na ang paligid. Tumayo ako dahil nakaramdam ako ng takot. Liblib pa naman ang bahaging iyon ng ilog. At sa pagkakaalam ko kapag ganoong gabi na sa probinsiya maglalabasan na raw ang mga maligno at mga lamang lupa. Hindi naman talaga ako nagpapaniwala sa mga ganoong bagay pero dahil sa nandoon na ako mismo sa liblib na lugar na iyon dagdagan pa ng pag-alolong ng mga aso, nagsimula ng magsitayuan ang mga balahibo ko. Kaya tumayo na ako upang lisanin ang lugar na iyon. Kailangan kong makarating sa kabahayan para makiusap ng masisilungan kahit sa gabing iyon lang.
"Kikikikikik!!"
Ang narinig kong huni sa kung saan na siyang nakadagdag ng aking nerbiyos. Kung anuman iyon, hindi ko alam. Binilisan ko na lang ang aking paglalakad sa matataas na damuhan. Napadaan ako sa mayayabong na puno ng kawayan. Bigla ang paglangitngit nito nang umihip ang malamig na hangin at may narinig pa akong isang parang pakpak na pumapagspas. At sa lakas ng nilikha ng ingay niyon alam kong hindi iyon basta ordinaryong ibon kundi isang,
Aswang!
Tumakbo ako nang tumakbo na parang nakipagkarerahan. Hindi ko na alintana ang matutulis na mga d**o na tumutusok sa aking katawan. Ang mahalaga ay makaalis ako sa lugar na iyon para hindi mapagpiyestahan ang katawan ko sa mga aswang na iyon kung hindi man sa mga ligaw na mababangis na hayop na gusto akong kainin.
Medyo nakahinga naman ako ng maluwag ng matanaw ko ang isang liwanag na nagmumula sa isang gasera sa may di-kalayuan. Inisip ko na baka bahay na iyon kaya mas lalo ko pang binilasan ang pagtakbo.
Hindi naman ako nagkamali, isang bahay nga ang nakita ko kanina. Sinuong ko ang barbwire para makapsok sa loob. Sa tingin ko nasa likod bahay ako dahil nakakalat sa paligid ang mga natutulog ng mga hayop gaya ng bibi, kambing, tupa at may nakita din akong mga manok panabong sa loob ng mga nakahilerang kulungan na yari sa kawayan.
Dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa para hindi makalikha ng anumang ingay baka mamaya magising pa ang mga hayop sa paligid at mag-iingay at mapagkamalan akong magnanakaw. Plano ko kasi na kapag nakalapit na ako sa may pintuan, saka pa ako tumao para mas madaling marinig ang boses ko ng mga taong nasa loob ng bahay na iyon.
Nakailang hakbang pa lang ako nang naramdaman kong may isang matigas na bagay na nakatutok sa aking batok. Halos kumawala naman ang kaluluwa ko sa aking katawan ng lingunin ko ang bagay na iyon. Isang shotgun ang nakatutukok sa akin. Hawak ng isang malaking mama. Sa tindig at porma niya para siyang isang kapre. Biglang nangalog ang aking tuhod at para na akong aattakehin sa lakas ng kaba ng aking dibdib.
"Magnanakaw ka ano?'" Nawindang naman ako sa kanyang sinabi. Hindi kaagad ako nakakapagsalita. Bakas sa aking mukha ang sobrang takot. Ano na kaya ang mangyayari sa akin?