UNANG araw ni Sassa bilang crew sa isang fast-food restaurant. Labis siyang nagpapasalamat nang matanggap siya sa trabaho. Umayon pa ang schedule niya roon sa schedule niya sa eskuwelahan. Hindi naman siya full load sa unibersidad. Kahit na gustuhin niya para mas mabilis siyang makatapos, ayaw niyang masyadong nahihirapan ang kanyang kapatid sa pagpapaaral sa kanya.
Hindi na siya gaanong nahirapan sa pag-uumpisa sa kanyang trabaho dahil ganoon din naman sa dati niyang pinagtatrabahuhan. Sa palagay rin niya ay madali niyang makakasundo ang mga kasama niya roon. Mukhang mabait ang supervisor at manager nila.
Nang lumipas ang isang oras na nagtatrabaho siya ay hindi na niya naiwasang mapansin ang isang kasamahan niya na kakaiba sa lahat. Tila nakaaangat ito sa lahat. Kahit na maraming tao, napapansin pa rin niya ito dahil sa lakas ng presence nito. Kakaiba ang aura nito. Kakaiba pati ang mga galaw nito. Tila hindi ito tipikal na crew sa isang fast-food restaurant.
Matangkad ito at guwapo. Kahit na nakasuot ito ng cap ay napansin pa rin niyang guwapo ito. Hindi tuloy niya maiwasang magtanong kung ano ang ginagawa nito roon. Sa tindig at sa paraan nito ng paglalakad ay maaari na itong maging modelo o artista. Bakit ito nagtitiyaga roon?
“Diyos ko!” bulalas niya nang mabangga siya habang hinahanap niya ang number ng customer na pagbibigyan niya ng order nitong pagkain. Palinga-linga siya sa paligid kaya hindi kaagad niya nakita na may makakasalubong siya. Tumapon ang laman ng tray niya. Napangiwi siya nang kumalat ang soft drinks sa sahig. Kaagad siyang yumuko at pinulot ang mga kalat niya.
Unang araw pa lang niya sa trabaho ay pumalpak na siya. Kung bakit naman kasi hindi siya nag-iingat. Lagot siya sa supervisor niya.
Yumuko ang nakabangga niya at tinulungan siya. Namilog ang kanyang mga mata nang makita kung sino ang kanyang nakabangga—walang iba kundi ang kasamahan niyang kanina pa niya tinitingnan. Nakumpirma niyang guwapo nga ito nang mapagmasdan niya nang malapitan ang mukha nito. Natigil siya sa pagkilos at napatitig na lang siya rito.
Napatingin din ito sa kanya. Mababakas ang inis sa mukha nito ngunit kaagad ding nabura iyon nang magkasalubong ang mga tingin nila. Napatitig din ito sa kanya.
“Ano ka ba naman, Alessandra?” mahinang sita sa kanya ng supervisor nila.
Napatuwid siya ng tayo. “Sorry po, Ma’am,” aniya habang kagat-kagat ang ibabang labi. Naramdaman niyang may mga matang nakatingin sa kanya. Hiyang-hiya siya.
“Kay bago-bago mo, palpak ka na. Sige na, linisin mo na `yang ikinalat mo.” Mahina pa rin ang tinig nito upang hindi marahil marinig ng mga customer, ngunit mababakas ang pagkainis nito sa kanya.
“Ako na,” anang lalaki. “Palitan na lang niya ang mga pagkaing natapon. Baka naiinip na ang customer.” Buong-buo ang tinig nito. Lalaking-lalaki. May awtoridad doon na tila natural na natural dito.
Nabura agad ang iritasyon sa mukha ng supervisor niya nang balingan nito ang lalaki. “Of course, Ashton. Of course,” sabi nito. Binalingan siya nito at kaagad na tumalim ang mga mata nito. “Ano pa ang hinihintay mo riyan?”
Kumilos kaagad siya. Kahit na natutukso siyang lingunin ang lalaki ay hindi niya ginawa. Hindi na dapat mawala ang konsentrasyon niya. Dapat ay nasa trabaho ang lahat ng focus niya upang hindi na siya pumalpak. Hindi siya dapat na nawawala sa kanyang sarili dahil lang sa isang lalaking ngayon lang niya nakita.
Hindi dapat niya binibigyan ng kakaibang kahulugan ang mabilis na pintig ng puso niya. Kinakabahan lang siya para sa trabaho niya. Masyado lang siyang curious sa lalaking iyon. Hindi na niya ito papansinin.
Kumuha siya ng panibagong mga pagkain. Mabilis ngunit maingat ang mga naging pagkilos niya. Nang mga sumunod na sandali ay nagtagumpay siyang ignorahin ang kakaibang lalaki at itinuon ang lahat ng atensiyon sa kanyang trabaho.
HINDI pa rin mawala ang fascination ni Sassa kay Ashton nang mga sumunod na araw. Nalaman niya ang pangalan nito dahil nabasa niya ang nameplate nito sa uniporme. Hindi na uli siya nagkamali sa trabaho niya, ngunit hindi rin nakaliligtas sa kanya ang kakisigan nito.
Madalas niyang natatagpuan ang kanyang sarili na tumitingin dito kapag hindi ito nakatingin. Ilang ulit na rin siya nitong nahuli na nakatingin dito ngunit hindi niya maitigil ang gawaing iyon. Patuloy pa rin itong hinahanap ng mga mata niya at hindi siya aware minsan doon. Tila hindi kompleto ang araw niya kapag hindi niya ito nakikita.
Hindi pa sila nagkakaroon ng pagkakataong magkausap. Madalas silang nagkakasalubong ngunit hindi sila nagkakausap. Halos kaibigan na niya ang lahat ng crew pati na ang kanilang supervisor na inakala niyang masungit noong una. Ito na lang ang hindi niya kaibigan.
Hindi kasi ito nakikipag-usap nang madalas sa iba. Hindi lang siya ang nakakapansin sa kaibahan nito sa lahat. Lahat ay naiilang dito sa hindi malamang dahilan. Pati ang supervisor nila ay kapansin-pansin na naiilang dito. Tila ingat na ingat ito kapag nasa malapit lang si Ashton.
Lahat ay nagsasabi na hindi ito nababagay magtrabaho sa ganoong lugar. Alam naman nito ang mga ginagawa nito ngunit nasa kilos pa rin nito na hindi ito sanay sa mga ganoong uri ng gawain. Makinis ang maputing balat nito, iyon ang madalas na sinasabi ng mga kasama nilang lalaki. Tila kutis-mayaman daw ito. Pati raw ang mga gamit nito ay iba. Kahit na simple lang ang mga iyon ay tila totoo at hindi basta imitation lang.
Palagi itong laman ng kuwentuhan ng mga kasamahan nila kaya kahit na hindi niya ito gaanong nakakausap ay marami siyang nalalaman tungkol dito. Halos lahat pa ng mga babaeng crew ay may crush dito. May palagay pa nga siya na ito ang dahilan kung bakit maraming mga babaeng estudyante ang madalas na kumakain sa kanila.
“Nginitian niya ako, friend!” impit na tili ni Arlene habang kinikilig. Ito ang pinakamalapit niyang kaibigan doon. Naka-break sila at nasa locker room lang sila.
Hindi man nito sabihin kung sino ang dahilan ng kilig nito, alam na niyang si Ashton ang tinutukoy nito. Napailing na lang siya. Ayaw niyang aminin sa kanyang sarili na bahagya siyang naiinggit. Bihirang ngumiti si Ashton. Mga customer lang ang nginingitian nito. Ang pagkakangiti pa nito ay polite at medyo reserved.
Niyugyog siya nito. “Totoo! Medyo tipid pero at least ngumiti na siya. Grabe talaga, friend! Ang pogi-pogi ni Ashton. Siya na ang pinakaguwapong lalaking nasilayan ng mga mata ko.”
“Oo na, guwapo na kung guwapo. Relax ka lang diyan. `Wag kang masyadong maingay at baka marinig ka niya,” natatawang sabi niya.
Iningusan siya nito. “Ikaw ba, hindi mo crush si Ashton? Lahat ng babae dito, may crush sa kanya maliban na lang sa `yo. Baka naman kunwari ka lang,” panunudyo nito. “Naguguwapuhan ka rin sa kanya, aminin mo.”
“Si Ma’am Shiela walang crush sa kanya,” aniya na ang tinutukoy ay ang supervisor nila.
“Malamang, may asawa na `yon, eh. Secret lang natin, crush mo rin siya, ano? Minsan, nahuli kitang nakatingin sa kanya.”
Nagkibit-balikat siya. “Oo, pogi na siya kung pogi. At oo, napapatingin ako sa kanya paminsan-minsan. Dahil iyon sa curious ako sa kanya. Kakaiba talaga siya, eh. Ang mysterious-mysterious ng dating niya. Fascinated siguro ako sa kanya kasi ngayon lang ako nakakita ng ganoong klase ng lalaki. `Yon lang siguro `yon. Wala akong crush sa kanya o ano man.”
Seryoso itong tumingin sa kanya. “Totoo ka ba? Fascination? ‘Crush’ ding matatawag `yon.”
Humagikgik siya. “Wala lang siguro akong panahon sa mga ganyang bagay, Arlene. Gusto kong makatapos muna ng pag-aaral bago ako umibig.”
“Naks! Crush lang ang pinag-uusapan natin, hindi pa pag-ibig, bruha. Hindi naman ibig sabihin na kapag umibig ka, hindi ka na makakatapos ng pag-aaral. Isa `yon sa mga dahilan kung bakit nawawala ang focus ng estudyante sa pag-aaral pero nasa tao naman na `yon. Kung kasingguwapo naman ni Ashton... Hay, naku.”
Napailing uli siya. “Basta, hindi ko siya crush,” giit niya kahit na hindi niya sigurado kung ano ang nararamdaman niya. Ngayon lang kasi siya nakaramdam nang ganoon sa isang lalaki. May ilan siyang naging manliligaw sa probinsiya at ilang lalaking nagpapasaring sa kanya sa unibersidad, ngunit itinataboy o hindi niya pinapansin ang mga iyon.
Para sa kanya, ang mga lalaki ay istorbo lang sa kanya. Ayaw niyang mag-aksaya ng panahon sa mga bagay na walang katuturan. Hindi pa niya nararanasan kung paano ang umibig o magkaroon man lang ng crush kaya hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya para kay Ashton. Hindi rin naman sila magkakilala kung tutuusin kaya walang basehan ang kahit na anumang kakaibang damdamin na mayroon siya para dito.
“Sige, hindi na kung hindi. Hindi na kita pipilitin at baka seryoso mong isipin na magkaroon din ng crush sa kanya. Ayokong madagdagan ang mga karibal ko. Ayokong makipagkompetensiya sa magandang mukhang `yan. Tara na, tapos na ang break.” Tumayo na ito at niyaya siyang lumabas na ng locker room.
Natatawang sumunod siya rito. Marami ang nagsasabi na maganda siya, ngunit bihira siyang maniwala. Ordinaryo lang ang hitsura niya. Hindi maputi ang balat niya. Naiinggit siya kay Pilita na biniyayaan ng maputing kutis kahit na nasa probinsiya lang ito. Hindi rin naman masasabing maitim siya. May ilang mga kaibigan niya ang nagsasabi na tila sa pulot-pukyutan ang kulay ng balat niya. Hindi man niya gusto ang kulay niya, nagpapasalamat naman siya na makinis ang balat niya. Kahit na wala siyang masyadong ipahid sa balat niya ay nanatiling makinis iyon.
Paglabas niya ng locker room ay kaagad niyang inatupag ang kanyang trabaho. Natigilan pa siya nang makasalubong niya si Ashton. Natulala siya nang ngitian siya nito.
Naging eratiko agad ang t***k ng kanyang puso. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Hindi naman siya pagod. At bakit tila mas naging makisig ito sa paningin niya? Simpleng ngiti lang ang ibinigay nito sa kanya ngunit tila nagkagulo na ang mundo niya.
Iyon ba ang tinatawag na “crush”? Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit halos mamilipit sa kilig si Arlene nang ngitian ito ni Ashton.