Malulutong na mura ang sunod-sunod niyang iginawad sa’kin. Naramdaman ko pa ang mahina niyang tulak, senyales na hindi niya matanggap kung ano ang narinig.
Mas lalo akong nataranta. Naglaho ang kaninang ngiti at biglang pinalitan ng lumalatay na galit.
“Putang ina,” sarkastiko niyang bulong nang iniiwas ang tingin sa akin. Palingon-lingon siya sa mga sasakyang dumadaan sa kalsada at tila ba doon na lang pilit binabaling ang pansin. “S-seryoso ka?”
“S-sorry… h-hindi ko talaga alam na mawawala `yon pagkagising ko—”
“Ang tanga mo!” siyaw niya at napapadyak sa bugso ng damdamin. Naglakad siya’t nilampasan ako kaya kaagad akong sumunod.
“Mahal, hindi ko sinasadya.”
“Tanga ka at iyon ang aminin mo! Kwarta na `yon pero naging bato pa!”
Sa lakas ng boses niya, hindi maipagkakaila kung paano namin nakukuha ang atensyon ng mga nadadaanan namin. Iyong iba ay nakikiusyoso’t batid kong kami ang pinagbubulungan. Kakikita lang nila kung paano kami naghalikan tapos ganito na agad ang susunod na mangyayari? Narinig ko pa na baka raw inamin kong may kabit ako kaya ganito na lang kung magalit ang boyfriend ko.
Hindi ko mapigil-pigil ang aking luha habang sunod nang sunod sa kaniya. May pagkakataong muntik na akong matalisod subalit ayaw talaga niyang huminto. Wala akong ideya sa susunod niyang gagawin dahil malabo nang mahanap pa kung saan napunta ang nawala sa’kin. Imposibleng hindi iyon ninakaw. Yakap-yakap ko ang grocery bag at nasa bulsa ko naman ang pera kaya paano? Paano iyon maglalaho nang basta-basta?
“Puwede ba? Huwag mo na akong sundan? Tang ina!”
“Mahal…”
Tinalikuran niya ulit ako. Sa lalong pagbigat ng loob ko ay `di na ako sumunod. Hinayaan ko siyang lumayo kagaya ng pagpapaubaya na ginawa ko kahapon upang mapalamig ulit ang sarili niya. Ang hirap naman ng ganito. Hindi ganito ang pagkakakilala ko sa kaniya pero bakit pakiramdam ko’y lumalayo na siya sa kung sino siya?
He’s a loving boyfriend. Hindi ako mapapamahal nang ganito kalalim kung sa una pa lang ay palyado na siya bilang isang Marko Montero. Hindi niya ako kailanman iniwan gaya ng ginawa niya kahapon at ngayon. Hindi niya ako nagawang murahin nang malulutong maliban kanina. Hindi sa unang beses ko siyang narinig magmura ngunit iba kasi iyong ako na mismo ang sinasabihan niya. Kung siya lang ang dating Marko na kilala ko, hinding hindi niya gagawin sa’kin ito.
Mauunawaan niya dapat ako.
Sinalo ko na yata ang lahat ng bigat na hatid ng lungkot habang minamasdan ko siyang maglaho sa paningin ko. Hindi ko inalintana ang pagdapo ng sinag ng pang-umagang araw sa aking balat, ang nakabibinging busina ng trapiko sa gahol na kalye, at ang mga taong nagmamadali sa kani-kanilang mga lakad. Ito ang larawan ng siyudad na takot akong makita. Hindi dahil sa polusyon at hindi mapigil-pigilang paglobo ng populasyon— kundi dahil hindi ko na naman makakasama sa araw na `to ang taong tangi ko na lang inaasahan.
Tumungo ako sa Lawton underpass at doon nagmukmok. Sinadya kong lumayo sa kapwa ko mga palaboy na animo’y walang problema sa buhay kung dumaldal. Maghapon akong hindi tumayo, hindi kumain, at hindi nakipag-usap sa mga homeless na sumubok magpapansin. May mga estudyante pang nambato sa’kin ng papel. Akala yata’y papatulan ko.
Lumipas ang mga oras. Pinangako ko sa sarili na saka lang ako manunumbalik sa katinuan kung magpapakita sa akin si Marko. Pero bakit ganoon? Lumagpas na ang tanghali at hapon ngunit mag-isa pa rin ako. Kaunti na lang ang dumadaan dito sa underpass. Naghahanda na sa pagtulog ang mga palaboy na kasama ko rito dahil kaniya-kaniya na ng latag sa mga dala-dalang karton.
Nanghihina akong tumayo dahil sa gutom. Nalipasan na ako.
“Miss, a-anong oras na po?” tanong ko sa babaeng naglalakad mag-isa rito sa underpass. Huminto siya at tumingin sa relos.
“Nine thirty na.”
“Ng gabi?”
Tumango siya. Nagpasalamat naman ako kaya nagpatuloy na sa paglalakad.
“Oh ayan! Sa wakas hindi na lumilimlim!” dinig kong sigaw ng mga naghahanda ng tutulugan. Sa sobrang iyak na ginawa ko kanina, wala na yata akong mailuluha pa. Blangkong blangko na ang utak ko. Ano mang klaseng pang-aasar ang isumbat nila, manhid na ako upang pumatol pa.
“Hoy, baka may nanghuhuli diyan.”
“Oo nga, mamaya madamay pa kami eh.”
Kung ano-ano pa ang mga mga salitang binubulyaw nila para lang pigilan ako ngunit desidido na akong umakyat at lumabas. Ibang klase na ang gutom na namumutawi sa sikmura ko. Kung hindi ko pa iibsan `to, kinabukasan ay baka magkasakit pa ako.
Kundi dahil sa hilera ng mga streetlights na tanging nagbibigay-liwanag na lang sa gabing ito, baka nangangapa na ako sa mga hakbang ko. May mga naglalakad-lakad pa rin naman sa bangketa ngunit hindi na ganoon karami. Bilang lang sila sa kamay ko. Walang pakialam kahit na para akong zombie kung humakbang.
Hindi na ako umaasa pang makikita sa mga natitirang oras si Marko. Bukas, kung kailan may posibilidad na humupa na ang init ng kaniyang ulo, baka doon na ulit ako magbabakasaling maging okay ang lahat.
Huminto ako nang masilayan ang maliwanag na ilaw ng convenience store. Binasa ko ang nanunuyo kong mga labi sabay amoy sa sarili. Aminado akong nangangasim na ako sa dami ng oras na hindi ko inilaan sa sarili. Nagdalawang-isip man noong una kung papasok ba ako o hindi upang magpakita’t humingi ng tulong kay Kino, sa huli ay nagpasya akong humakbang palapit at itulak papasok ang pinto.
Sumalubong ang malamig na buga ng aircon. Napalunok-lunok ako sa mga pagkaing sumalubong sa aking mga mata at nanakam sa sobrang gutom. Donuts, burger, siopao… kahit isa lang siguro diyan ang makain ko ay baka busog na ako.
Lumingon ako sa cashier upang hanapin doon si Kino. Pero sa halip na pamilyar ang mukhang makikita ko roon, isang babae ang nagbabantay.
Kunot-noo niya akong pinasadahan ng tingin mula paa hanggang ulo.
“U-uh… s-si Kino?” utal-utal kong tanong. Lalong lumalim ang mga linya sa noo niya dahil sa pagtataka.
“Ewan ko.”
“Miss, d-dito siya nagtatrabaho.”
“Fine!” Bumuntonghininga siya. May bahid ng pandidiri ang kaniyang mukha at parang nais na akong palabasin base sa kondisyon ng karungisan ko. “Kaano-ano mo siya?”
“Kaibigan—”
“Kaibigan? What the f**k? Bakit siya makikipagkaibigan sa isang pulubi na gaya mo?”
Umiling ako. “Hindi ko pulubi, miss…”
“Whatever. My point is, walang matinong makikipagkaibigan sa’yo. Ang dungis mo.”
Gaya ng sinabi ko sa sarili ko kanina, masyado na akong kulta upang paglaanan pa ng emosyon ang pangungutya ng iba. Maliban na lang kung mismong si Marko o si Kino ang nagsalita no’n. Ngunit nakalulungkot lang isipin na kung gaano kabait si Kino nang narito ako kagabi, iyon naman ang kinasama ng ugali ng babaeng ito. Nagtatanong lang naman ako. Bakit kailangang manglait?
“Nasaan si Kino?”
“Off niya,” tamad niyang sagot. “MWF ang schedule no’n kaya hindi mo siya makikita kahit na maghintay ka.”
Natanto ko ang sinabi niya. Gusto ko na lang din kaltukan ang sarili ko dahil nabanggit na pala ito ni Kino sa’kin kagabi. Bakit kasi `di ko na-realize na alternate ang toka niya? At kahit pa siguro magmakaawa ako sa babaeng ito upang may makain, wala akong mapapala.
Sa huli, bigo akong lumabas ng convenience store. Umupo ako sa isang palapag ng hagdan sa labas, magbabakasali na baka may maawa sa’kin at magbigay ng pagkain.
Halos kalahating oras akong ganoon. Papikit-pikit na ang mga mata ko sa antok ngunit isang boses mula sa hindi kalayuan ang nagpagising sa diwa ko.
Inangat ko ang tingin ko upang salubungin ang tingin niya. Wala sa sarili akong ngumiti hanggang sa natantong huminto na siya sa aking tapat.
Si Kino.
“Ranya? A-anong, bakit nandito ka?”
Akma na sana siyang uupo sa aking tabi ngunit kaagad kong binalaan. Iniangat ko ang mga kamay ko na para bang traffic enforcer kung pumigil.
“Huwag kang lalapit sa’kin. Mas maasim na ako kumpara kagabi.”
I heard no laugh or chuckle. Hindi niya inalintana.
“Ilang beses ko bang sasabihin na wala akong pakialam sa amoy mo?”
Makulit siya, talagang umupo pa sa tabi ko. Naisin ko mang lumayo ng upo ngunit nasa dulo na ako ng railing. Hindi na ako makakapag-adjust.
“Nasaan ang boyfriend mo? Bakit ikaw na namang mag-isa?”
Matagal akong hindi sumagot. Sa sobrang hinahon ng kaniyang boses, nararamdaman ko na ang pag-aalala nito. Para akong tanga dahil naiiyak na ulit ako. Pinipigilan ko na lang sa dahilang ayaw kong mas magmukhang tanga sa paningin niya.
Masyado na akong sawi bilang isang tao na walang tiyak na matitirhan. Ngayong dumadagdag na ang problema namin ni Marko, kulang na lang ay mauubusan na ako ng pag-asa.
“Nag-away na naman kayo?”
Hindi ako nagsalita. Pinakinggan ko lang ang mga hinala niya.
“Ayaw kong manghimasok sa mga problema niyo pero kung magpapatuloy `to, hindi ko masasabing tama pang manatili ka sa kaniya. Walang matinong boyfriend na hahayaang mag-isa ang babaeng mahal niya sa gitna ng gabing delikado. Paano kung may masamang mangyari sa’yo?”
Kumirot ang puso ko. Sa takot na baka hindi ko na mapigilan ang aking mga luha, pinilit kong iliko ang usapan. “Bakit ka pala nandito? Hindi mo araw para magtrabaho ah?”
“Ranya…”
“Kino, natutuwa akong malaman na nag-aalala ka kahit na kahapon mo pa lang ako nakilala. Pero okay lang ako. Magiging okay din kami.”
“Sure?”
Ngumiti ako. “S-sure.”
Sunod kong sinabi kung bakit ako nandito. Kaagad naman niya akong inalalayang tumayo upang tulungang pumasok sa loob ng store. Halos mamutla naman ang kahera nang makitang kasama ko na ngayon si Kino. Akala yata’y sinumbong ko kung ano ang naging trato niya sa’kin kanina kahit na wala naman akong sinasabi.
Wala akong intensyon para sirain ang pagkakaibigan na mayroon sila. Kaya heto, mas pinili kong manahimik.
“Kino… nakakahiya,” usal ko nang bumalik siya sa lamesa namin dala ang mini tray ng mga pagkain. Sa dami ng mga binili niya, paniguradong mapupunan ang tiyan kong `di nakatikim sa maghapon. May asado, may donut, at drinks. Naglaan din siya ng isa pang tray para sa kaniya kaya baka i-take out na lang kung anong `di namin mauubos.
Nahagip ng tingin ko ang kahera na ngayo’y nanunuya ang tingin sa amin. Tumikhim ako na para bang walang nakita.
“You’re my friend kaya `wag na mahiya, okay?”
“Pero `yong gastos—”
“You don’t have to worry about it. Ako nang bahala.”
Hinintay kong simulan na niyang kumain bago ko nilantakan ang akin. Buti na lang at may mga customer nang pumapasok kaya hindi na sa’min nakatuon ang atensyon ng kahera. Samantala, tahimik naman kami ni Kino sa mga sumunod na minuto. Namamangha na lang din ako sa outfit na suot niya dahil halatang galing siya sa party base sa suot nitong pastel pink button-up shirt na naka-tuck in sa itim na slack ang laylayan. Nakatupi pa malapit sa siko ang sleeves nito.
“Ayos ang suot mo ah, saan ka galing?” puna ko matapos makainom ng slurpee. Yumuko naman siya sandali upang pasadahan ng tingin ang sarili.
“May debut lang na pinuntahan.”
“Oh? Debut? Anong parte mo?”
Ngumiti siya. “Eighteen roses.”
Dito na ako nag-eighteen sa Maynila at natatandaan kong simple lang ang naging selebrasyon namin ni Marko. Sa tabing kalsada lang kami noon, alas siyete ng gabi, at kumakain ng na-take out na dinner meal sa isang fast food chain. Para sa’kin, hindi ko na inalintana kahit na hindi ako naging dise-otso sa engrandeng handaan. Sapat nang nakasama ko sa araw na iyon ang taong mahal ko— ang lalaking nagpadama sa halaga ko bilang isang babae.
Inakala ko nga na hindi kami aabot sa ganitong klaseng away. Akala ko, kahit na anong problema man ang humamon sa amin, wala ni ano man ang makatitibag. Pero ngayon? Hindi ko masasabi kung kaya pa ba niyang panghawakan lahat ng mga pangakong iyon. Dahil maliban sa nararamdaman ko na ang pagbabago niya, natatakot ako na baka dumating ako sa puntong mauubusan na ng pasensya.
“Hindi na nakakagulat. Gwapo ka kasi,” puri ko sabay nguya sa pinulot kong donut. Napansin kong pinamulahan siya ng pisngi, isang bagay na bihira ko lang matiyempuhan sa mga lalaki.
Ngumiti siya’t tumawa nang mahina. “Hindi ako sigurado kung paniniwalaan ko ba `yan.”
“Maniwala ka na. Gwapo ka naman talaga.”
Maririnig ko na ulit sana ang itutugon niya ngunit sa biglang pagpasok ng isang pamilyar na lalaki sa convenience store, para akong binuhusan ng malamig sa nakita. Dali-dali siyang lumapit sa amin at hinila sa kwelyo si Kino. Nagkatapon-tapon ang mga pagkain sa sahig dahil nasipa pa niya ang lamesa sa sobrang galit.
Si Marko…
“Ito ba, Angelique?” habol-hininga niyang tanong gamit ang boses na hindi mapantayan ang panggigigil. “Putang ina. Ginamit mo lang pala sa hayop mong kabit ang pera para lang lokohin ako? Mga p-unyeta!”
“Marko!”
Bago ko pa siya mapigilan, isang malakas na suntok ang idinapo niya sa sentido ni Kino. Kaagad ko siyang dinaluhan upang ilabas sa lugar na ito ngunit itinulak niya ako nang ubod-lakas.