KANIELLE'S POV
“Good morning, Ma’am Kanielle!”
“Ma’am! Ma’am! Tignan mo po ‘tong drawing ko! May dinosaur na may wings!”
“Ma’am! Si Carlo po, kinain ‘yung eraser ko!”
“Hindi totoo ‘yan! Siya po ang unang nang-agaw ng crayon!”
“Ma’am! May dumi si Jomar sa ilong! Kadiri!”
Napailing ako habang hawak-hawak ang attendance sheet. Naka-lip tint pa lang ako pero parang gusto ko nang mag-retouch sa dami ng sumisigaw sa paligid. Umaga pa lang pero parang tapos na agad ‘yung energy ko.
“Okay, okay! Isa-isa lang!” Tumaas ang boses ko nang konti pero may ngiti pa rin. “Lahat ng may drawing, mamaya na natin titignan. Lahat ng may kinain na eraser o may dumi sa ilong… please, upo na muna!”
Sabay-sabay silang umupo.well, more like umupo habang nagsisigawan pa rin.
Ako nga pala si Kanielle Reyes, twenty-five years old, kindergarten teacher sa isang private school dito sa Maynila. Masayahin, kalmado, at likas na matiyaga. Kasi kung wala akong tiyaga… siguro wala na akong boses ngayon.
“Okay class!” sigaw ko, sabay palakpak ng tatlong beses. “Clap-clap-clap!”
“Clap-clap-clap!” sabay-sabay nilang sagot.
“Time for our morning song! Ready?”
“Yeeessss!!” sigaw ng lahat, parang nasa concert ng TTS.
Pumunta ako sa harapan, tinapik ang whiteboard at pinindot ang Bluetooth speaker. Tumugtog ang opening beat ng "Good Morning Song" namin. In fairness, may groove.
"Good morning, good morning, it's a happy day!"
Sabay-sabay silang tumayo, nagsasayawan kahit iba-iba ang steps. Si Jomar nagcha-cha, si Kaye nagfa-floss dance, si Mika naman umiikot lang parang top.
“Okay, okay! Let’s shake our hands!” sabi ko, habang nilalagay ang kamay sa taas at nanginginig na parang robot.
“Shake! Shake! Shake!” sigaw ng mga bata.
“Let’s shake our butts!” sigaw ko ulit, na sinabayan nila ng tili at halakhak. May bumangga pa sa mesa. May isa na naman atang mauntog. Ayun, si Marco na naman, ang batang laging may bukol.
“Ma’am! Si Marco po bumangga!”
“Okay lang ‘yon! Fighter si Marco ‘di ba?” sabi ko, sabay tapik sa ulo niya.
“Fighter po ako, Ma’am!” ngiti niyang may kulang isang ngipin.
Natapos ang kanta at huminga ako nang malalim.
"Okay, class! Today, we are going to learn about... colors!"
“Yaaaay! Favorite ko ‘yan!”
“Ma’am! I know blue! Blue like… Spiderman!”
“Hindi po! Si Spiderman red po!”
“Eh si Captain America, blue!”
“Ewan ko sa’yo!”
“Ano ba, tahimik muna,” sabat ko, sabay palakpak. “Let’s start with red. What’s color red?”
“Ketchup!”
“Tomato!”
“Yung shorts ni Daddy!”
Napatawa ako. “Tama kayong lahat! Red din ang puso!” sabay turo sa chest ko.
“Ma’am, red din po yung sinulat ko kahapon sa wall!”
“Oh no! That’s not good!” sambit ko, kunwaring shocked.
“Pero po gamit ko crayon, hindi po dugo!”
“Thank you, Lord!” sagot ko, sabay acting na hinimatay. Tili na naman silang lahat.
“Okay next! What’s the color of the sky?”
“BLUE!”
“Good job!”
Biglang may sumigaw.
“Ma’am! Si Miggy po, may bubble gum sa buhok ni Carla!”
“Ano?!”
Nilapitan ko agad. Si Carla, umiiyak. Si Miggy, nangingiti. “Ma’am, akala ko po ribbon, sorry na po.”
“Sorry ka diyan. Halika rito, Carla. Alis muna tayo saglit sa classroom, ha?”
Dinala ko si Carla sa clinic habang hawak ang ulo niyang may pink na gum. Nakasunod si Miggy, hawak ang shirt ko. “Ma’am, sorry po talaga.”
“Okay lang, baby. Pero next time, huwag mo nang gawing ribbon ang bubble gum.”
Pagbalik namin sa classroom, may nag-aaway na naman.
“Ma’am! Si Enzo po, ayaw pong mag-share ng glue!”
“Eh siya po kasi, dinidilaan ‘yung glue!”
“Kadiri mo!”
“Stop! Stop! STOP!” I held my hand up like a referee. “Give me the glue. Now.”
Pareho silang nag-abot ng glue. Buti hindi pa puno ng laway.
“Okay, we share the materials, but we don’t lick them. Not food, okay?”
“Yes, Ma’am…”
Napaupo ako saglit sa teacher’s chair habang pinapanood silang mag-color ng rainbow. Si Trisha, pink lahat ng kulay ng rainbow niya. Si Carl, may itim sa gitna.
“Carl, bakit may itim ang rainbow mo?”
“Ma’am, ‘yan po ‘yung lungkot.”
Napatigil ako. “Ay… okay. That’s… that’s valid.”
Biglang may sumigaw ulit.
“Ma’am! Si Mika po, naihi sa upuan!”
“Ha? Ay naku!”
Tumakbo ako agad. Si Mika, naka-freeze sa kinauupuan niya, nanlalaki ang mata. “Sorry po, Ma’am…”
“Okay lang, baby girl. Yaya! CR emergency!”
Nilapitan ko siya, niyakap. “Okay lang ‘yan. Nagkakataon talaga. Wag ka na umiyak.”
Maya-maya, habang sinasama na si Mika sa clinic para magpalit, biglang may dumating na principal sa classroom.
“Kanielle, may quick observation lang tayo today. Classroom walkthrough.”
Pucha. Now talaga?!
Ngumiti ako kahit gustong-gusto ko nang manlumo. “Yes po, Ma’am Liza. Come in po.”
Habang nag-oobserve ang principal, biglang may lumipad na papel eroplano.
Pak!
Tumama sa ulo ni Ma’am Liza.
Tumingin siya sa akin. Tumingin ako sa mga bata.
Sabay-sabay silang tumuro kay... Carlo.
“Oops…”
“Carlo…”
“Ma’am, defense mechanism ko po ‘yon kapag kinakabahan.”
Nakangiting ngumisi ako. “Very creative defense. Pero… let’s not aim at teachers next time, ha?”
Pag-alis ng principal, napabuntong-hininga ako. “Lord, salamat at di ako natanggal sa trabaho.”
11:30 AM
Lunch time.
“Ma’am, sabay po tayo kumain!”
“Ma’am, pahingi po ng hotdog!”
“Ma’am, si Enzo po ayaw ng gulay!”
“Ma’am, si Trisha po may chocolate, bawal daw!”
Boom.
“Class, okay, listen. Huling salita: sharing is caring, but no trading lunch, okay? And… vegetables are our friends.”
“Boo!”
“Ma’am, vegetables are traitors!”
“Tama na ‘yan, kain na tayo.”
Sa gitna ng ingay, tawanan, kalat at reklamo, napangiti ako. Pagod? Oo. But I wouldn’t trade this job for anything.
Kahit na araw-araw parang wrestling match.
Kahit na hindi na ako marunong magtahimik.
Kahit na boses ko, parang paos na tandang.
Kasi sa likod ng ingay nila, dito ko nararamdaman… buhay ako.