“Anong ginagawa mo dito?” agad kong tanong kay Christine pagkasilong namin sa entrance ng lodging house. Bumuhos na ang malakas na ulan. Napatakip ako ng tainga nang biglang kumulog ng malakas.
“Mabuti pa, pumasok muna tayo sa loob dahil mababasa tayo dito!” sigaw sa’min ni Phi. Sumunod naman kami dito. Hinanap namin yung switch ng ilaw. Buti na lang at may kuryente pa rin dito.
Si Christine ba yung nakita kong nakatingin sa’min kanina? Bakit kaya siya nandito?
“Oh!” sabay hagis sa’kin ni Phi nung puting towel. Nasa living room kami ng lodging house.
“Dalawa dala mo?” tanong ko sa kanya.
“Alam ko kasing wala kang dala!” suplado nitong sabi. Lihim akong napangiti.
“Anong ginagawa niyo dito?” tanong ni Christine habang nakaupo sa may sofa. Ibinalabal ko sa katawan ko yung towel at saka naupo sa harap niya. Ang ginaw!
“Gusto kong makita ng personal yung mga crime scenes,” walang alinlangan kong sagot sa kanya.
“Ahh..,” napatangu-tango ito.
“Ikaw?” baling ko sa kanya.
“Bumisita ako sa lugar kung saan namatay yung kuya ko,” malungkot na sabi nito.
“Kuya mo? Sino?” tinaas niya ang tingin sa akin.
“Si kuya Bryan,” mahina niyang sagot.
“Ikaw yung nagsindi ng kandila?” nagtatakang napatingin siya sa’kin. Ang inosente talaga ng mukha niya.
“Oo. Napansin ko kasing uulan na kaya dali-dali akong pumunta dito.”
“Ikaw ba yung… kanina? Yung nakatingin samin?” tanong ko sa kanya.
“Ha? Ngayon ko pa lang kayo nakita,” sagot niya. Bigla akong kinutuban ng masama. Napalingon ako sa may bintana. Napatayo ako nang may makitang dumaang anino dito.
“Bakit?” tanong ni Phi.
“May dumaan sa may bintana!” sabi ko sabay turo sa bintana sa harap ng sofang inuupuan namin.
“B-Baka imagination mo lang yan,” natatakot na sabi ni Christine. Napakurap-kurap ako. Parang may kung ano akong nararamdaman sa bahay na ‘to.
Imagination ko nga lang ba yun?
Makalipas ang ilang sandali, napagdesisyunan naming libutin ang buong bahay. Inuna namin ang kusina na nasa 1st floor din naman kung saan nakita ang bangkay ng mag-asawang care-taker. Hinanap namin ang switch ng ilaw dito na nakita naman namin sa isang tabi.
Nang bumaha ang liwanag sa buong kusina, tumambad sa amin ang gulo-gulong mga gamit dito. May mga yellow tape pa sa paligid nito. Napatakip ako nang ilong nang maamoy ang masangsang na amoy ng natuyong dugo. Nadagdagan pa ang amoy nito ng singaw na nagmumula sa labas ng bahay. Bukas kasi yung maliit na bintana sa taas ng lababo kaya nabalot ng amoy ng dugo ang buong kwarto.
“Dito natagpuan yung bangkay ng mag-asawang Carbonel. Kung mapapansin mo, para silang kinaladkad mula sa kabilang room papunta dito,” may dalawang matabang path nga ng dugo malapit sa lababo. May body outlines ng chalk sa dulong bahagi nito.
“Ibig sabihin, doon sa room na yun sila pinatay,” nilingon ko yung room kung saan nagsimula yung path ng natuyong dugo. Naglakad ako papunta dito. May mga yellow tape din na nakadikit sa pinto nito. Kinuha ko yung gloves sa bulsa ko at sinuot ito. Pagkatapos, dahan-dahan kong binuksan ang pintuan.
Napatakip ako sa ilong ko nang salubungin ako ng nakakasulasok na amoy. Dahan-dahan akong humakbang papasok. Naramdaman kong sumunod yung dalawa sa pagpasok ko.
“Oh my God!” mahinang sambit ni Christine.
Ginala ko ang tingin ko sa buong kwarto na mukhang lumang library. Halos maging kulay pula na ang puting tiles na sahig nito, gulung-gulo ang mga libro sa bookshelves habang sira naman yung isang upuan na malapit sa mesa. Nilapitan ko ito. Mukhang may bumagsak na kung anong mabigat dito kaya nabali ang paa nito.
Nilapitan ko yung bookshelf at tinawag ang pansin ko ng isang libro. Nababalutan ito ng itim na cover at siya lang ang naiibang kulay sa mga librong katabi nito. Kinuha ko ito at binuklat. Mukhang photo album ito dahil sa mga pictures na nasa loob. Isasara ko na sana ito nang mabuklat ko sa huling pahinang may picture nito ang isang kilalang litrato.
Picture ni Yvette? Binuklat ko pa ang iba. Nakita ko na ang mga pictures ng mga ito sa police files na nahingi ko noon!
“Ano yan?” tanong ni Christine na nakalapit na pala sa’kin. “Bakit may picture si kuya dyan?” tanong niya nang mabuklat ang pahina kung saan nandoon ang picture ng kapatid nito. Hinablot ito ni Phillipse at tiningnan ang book cover.
May kung anong dalawang simbolo ang nakasulat dito.
****“Matsugo..,” mahinang sabi ni Phi.
“Ano?” tanong ko sa kanya.
“Itong kanji na nakasulat. Matsugo ang basa. Ibig sabihin ‘Hour of Death’”
“Hour of Death? Paano mo nalamang yun nga ang meaning niyan?”
“May Japanese class kami nung highschool kaya marunong akong magbasa ng kanji,” paliwanag nito. “Pero hindi naman mahalaga kung paano ko nabasa ‘to. Ang kailangan nating intindihin ay kung bakit nandito ang album na ito,” seryoso nitong sabi habang binubuklat ang album.
“Yung mga nasa pictures..,” napatingin kami kay Christine na namumutla na. “Hindi kaya sila lahat ang biktima nung killer?”
“Lahat ng ‘to?” mahigit 15 ang pages ng album na may picture. Napansin ko yung isang pahina. “Wait Phi, tingnan mo ‘to!” turo ko sa isang picture. May picture ng isang babae dito at sinadyang burahin ang mukha. Hindi na tuloy makilala kung sino ito.
“Burado?” mahinang sambit ni Phi. Mukhang napaisip din ito. Bigla akong may naalala kaya kinuha ko saglit sa kanya yung album. Binuklat ko ito at hinanap ang picture ni kuya.
Wala.
Huminga ako ng malalim.
“Hindi pa patay ang kuya mo?” masama ang tinging ipinukol sa akin ni Christine.
“Hindi porke’t wala ang picture diyan ng kuya ni Percy ay siya na ang may gawa ng krimen dito,” sabi ni Phi. “Posibleng trap lang ito ng killer para mapagbintangan ang kuya niya”
“At papaano kung hindi? Papaano kung yung kuya nga ni Percy ang may gawa ng krimen? Nakita mo ba? Lahat ng namatay sa Camp, nandito sa album na ‘to! Maliban na lang sa kuya ng babaeng yan!” galit na galit na sabi nito. Hindi ko akalaing ganito siya kung magalit.
Paano kung si kuya nga ang hinahanap naming killer? Makakaya ko ba? Hindi… hindi yun magagawa ni kuya! Pero… yung nakasulat sa notebook niya…
“Si Yvette! Hindi sila magkakilala ng kuya ko! Wala siyang dahilan para pumatay! At walang nakakita sa kanya sa school natin!”
Teka… bakit nga ba pinatay ng killer si Yvette?
“Aba malay ko kung may pagkapsycho ang kuya mo? Wala siyang pinipiling kahit sino?” katwiran ni Christine. Biglang may rumehistrong memorya sa utak ko.
Absorbed in a maze, like a rat being trapped
Let’s start the game and see if I’ll be stopped.
You look, you seek but not what you need
A heart of a b***h, I’ll get, I’ll succeed.
“Yung text message!” sigaw ko nang maalala ko yung text na nareceive ko bago ko makita yung katawan ni Yvette sa rest room.
“Anong text message?” tanong ni Phi. Kinuha ko yung cellphone ko sa bulsa at pinakita sa kanya ito.
“Bakit hindi mo agad sinabi sa’kin ang tungkol dito?” tanong niya.
“Nawala kasi sa isip ko..,” sabi ko sa kanya. Ipinakita ko nga pala sa mga pulis ang text message na ito para maabswelto ako sa kaso.
“Kung ganun… kilala ng killer si Yvette,” sabi ni Phi sabay balik sa’kin ng cellphone. “Imposibleng yung kuya ni Percy ang killer dahil 1st year pa lang si Yvette at wala siyang connection sa kahit na sino sa mga biktima ng camp,” sabi ni Phi kay Christine na mukhang may malalim na iniisip.
“Papatunayan kong walang kasalanan si kuya,” sabi ko sa kanya.
“Siguraduhin mo lang. Dahil kung hindi, papatayin ko kayong dalawa,” seryoso nitong sabi sa’kin at pagkatapos ay naunang lumabas ng room. Bigla akong nanghina kaya inalalayan ako sa braso ni Phi. Nilagay ni Phi yung album sa bag nito at pagkatapos ay lumabas na kami ng room.
Nakita naming umakyat sa taas si Christine kaya sumunod kami dito. Isa-isa naming pinasok yung mga rooms.
“Dito nakita yung mga sachet ng drugs,” turo ni Phi sa cabinet sa isang kwartong pinasukan namin.
“Kung ganun… ito ang room nila kuya?” tanong ko. “Sinong kashare niya dito?”
Tiningnan nito si Christine. “Si Conrad Bryan Telo.”
Gulat na napalingon si Christine. Mukhang hindi niya alam kung paano magrereact. Siguro naisip niya rin ang possibility na ang kuya niya ang may dala ng drugs sa kwarto.
“May nadetect na drugs sa lahat ng biktima kaya hindi natin sigurado kung iisa lang ba ang pumatay sa kanila o… sila-sila ang nagpatayan.”
Napalunok ako sa sinabi nito. Tinayuan din ako ng mga balahibo. Nakakakilabot kung iisipin ang posibilidad na iyon. Napagawi kami sa my terrace. Tanaw mula dito ang malakas na ulan sa labas ng bahay.
“Mula sa terrace na yan nahulog ang bangkay ni Leah Fernita Venozo, kapatid ni Cyril,” sabi ni Phi.
“Kapatid ni Cyril?” gulat na tanong ni Christine.
“Oo. Mukhang nahulog siya habang tumatakas sa killer niya. May 12 siyang saksak sa katawan at isang hiwa sa may leeg na sa tingin ko ay yung huling inamba sa kanya ng killer kaya siya nahulog.”
Napasinghap ako.
“Hindi agad nakita ang bangkay niya dahil may mga matataas na d**o sa ibaba,” dagdag niya pa. Sabagay, nasa likod na bahagi na kasi ng bahay itong terrace kaya siguro madamo na sa likod nito.
“Yung dalawang professors? Saan nakita?” tanong ni Christine.
“Sa storage room sa may basement. Pareho silang nakitang nakatali sa loob nito habang maraming saksak,” sagot ni Phi. “Tara! Umuwi na tayo!” yakag niya. Tumigil na pala ang ulan at malapit na ring gumabi. Bumaba na kami at lumabas ng bahay. Tahimik kaming naglakad palabas ng kakahuyan. Mga ilang minuto pa, natanaw ko na yung pulang kotse ni Phi sa di kalayuan.
“Sumabay ka na sa’min Christine!” sabi ko sa kanya.
“Naku wag na, dala ko rin kasi yung kotse ko!” tanggi nito.
“Saan mo pinark? Samahan ka na namin?” alok ni Phi.
“Malapit lang! Kaya ko na mag-isa! Mauna na kayo!” pilit itong ngumiti.
“Sigurado ka?” tanong ko sa kanya. Tumango ito kaya nagpaalam na kami sa kanya. Nakita ko pa siyang nagwewave sa’min bago tumalikod. May sumalubong ditong lalaki. Masyado nang malayo kaya hindi ko na naaninag kung sino ito.
Sino kaya yun?