Ilang araw akong wala sa sarili at parati kong hinahanap ang alin man kay Javier or kay Zavian. Hanggang ngayon ay iniisip ko rin kung magkaano-ano sila dahil pareho sila ng apelyido. Ayokong mag-assume na magkamag-anak sila dahil maaari namang hindi at nagkataon lamang na magka-apelyido silang dalawa.
“Triana, kanina ka pa tawag ng customer mo!” Hinila ako ni Gabbi para papuntahin sa customer ko pero ayokong sumama. Hindi ko alam, walang-wala lang talaga ako sa mood ngayon.
Dapat talaga ay a-absent ako ngayon kaya lamang ay ayaw ni Mama. Napagsabihan niya pa ako kanina na nag-iinarte na naman daw ako. Kung nag-iinarte ako ay dapat hindi ko tinanggap ‘tong trabaho na ito una pa lang.
“Gab, ayoko. Pwede bang pass muna?” Malakas talaga ang pakiramdam ko na hindi ko rin naman magagawa nang maayos ang trabaho ko kung sakali kaya mas magandang huwag na lang muna akong mag-entertain ng mga lalaki.
“Ano ka ba naman! VIP iyong kumuha sa ‘yo. Sayang ang tip! Isa pa, ang laki ng binayad niya para sa ‘yo.” Muli akong hinila ni Gabbi papunta sa table ng isang VIP customer. Nakikita ko na hindi lamang ako ang babaeng ite-table niya. Marami kami rito at ang ilan ay halos ihain na ang katawan nila para sa kanya.
“Sir, ito na po si Triana.”
Pinaupo ako ng lalaki sa tabi niya at kitang-kita ko kaagad ang manyak niyang ngiti sa akin. Napabuntong-hininga na lamang at hilaw na ngumiti sa kanya. Hindi talaga ako komportable ngayon. Lumilipad ang isipan ko.
“Hello, beautiful.” Dumampi ang kanyang palad sa aking hita kaya’t napatalon ako at bumalik sa aking katinuan. Napatingin ako sa kanyang kamay na nakahawak sa aking hita bago mag-angat ng tingin sa kanya.
Hindi naman ganoon katandaan ang lalaki. Masasabi ko rin na makisig ito at mula sa marangyang pamilya. Siguro ay nasa mid-30s ang kanyang edad.
Pinanatili ko ang pilit na ngiti sa aking labi dahil ayoko naman na sabihin niyang pangit ang serbisyo ko tapos ay malagot pa ako sa mga boss ko.
“Good evening, sir.” Kailangan kong maging professional. Ang mga iniisip kong hindi naman related sa trabaho ay dapat ko na munang tigilan.
Umakyat ang kanyang pagkakahawak sa aking hita kaya’t napatalon na naman ako sa kinauupuan ko at napasinghap. Kailangan kong magtiis.
Hindi kagaya ng ibang araw ay hindi ako masaydong nakikipag-usap. Kung kakausapin ako ay sasagot naman ako pero kung hindi ay mananatiling tahimik. Iniismidan din ako ng ibang katrabaho ko dahil ako iyong nakaupo malapit sa customer. Kung gusto nila sila na lamang dito.
Panay lamang ang pakita ko ng pekeng ngiti sa lalaki sa tuwing bumabaling siya sa akin ngunit hindi nag-i-initiate ng kahit na anong pag-uusap. Wala talaga akong gana.
Naramdaman ko ang muling pagtaas ng kamay ng lalaki sa aking hita kaya’t napakunot na ang aking noo. Bumaling ako sa kanya upang pagsabihan siya na hindi na kasama sa bayad sa akin ang hipuan ako nang ganoon katas.
“Sir—” Napatigil din ako nang mapagtanto na hindi lamang kamay niya sa hita ko ang kumikilos. Ang kanyang mukha ay idinidikit niya na rin sa akin at ang kanyang kamay na kanina lamang ay nasa braso ko ngayon ay nasa may ilalim na ng dibdib ko.
Walang pagdadalawang isip ko siyang itinulak papalayo dahil masyado na talagang sumosobra ang panghahawak niya sa akin.
“What the hell?!” sigaw niya nang maitulak ko siya. Kaagad akong tumayo at lumayo sa kanya.
“Pasensya na, sir, pero hindi niyo na po ako maaaring hawakan sa ibang parte ng katawan ko. Lumalagpas na po kayo sa boundary—”
“Anong boundary?! f**k! Nagbayad ako nang malaki para makuha ka ngayong gabi. I even pay to enjoy you in bed. Pumayag naman sila kaya anong inaarte mo ngayon?!”
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Wala sa usapan ang ikama, ah? Bakit biglang…bakit pumayag sila?!
“Anong nangyayari rito?” Lumapit kaagad sina Gabbi sa amin. Tiningnan ko kaagad sila dahil gulong-gulo ako sa mga sinasabi ng lalaking ito.
“Sir Matteo, may problema po ba?” tanong ni Gabbi sa lalaking customer ko.
“Iyang babaeng iyan, eh! Bigla akong itinulak. Hindi ba at parte ng trabaho niya ang paligayahin ako? Tangina!” iritadong sabi niya kay Gabbi habang dinuduro-duro pa ako.
Tumingin sa akin si Gabbi kaya’t sinalubong ako ng kanyang mga matang nalilito ngunit bahagyang iritado.
“Triana, anong ibig sabihin ni Sir Matteo—”
“Hinahawakan niya ako sa mga lugar na hindi naman dapat hinawakan ng mga customer ko! Sinabi niya rin na ikakama niya raw ako? Gab, hindi ba’t hindi na iyon parte ng trabaho ko—”
Hinawakan ako ni Gabbi sa aking braso kaya’t hindi ko na naituloy ang aking sasabihin. Napatingin ako roon bago sa kanya na ngayon ay nahihiyang nakangiti roon kay Sir Matteo.
“Sorry, Sir. Kakausapin ko po sio Triana para sa inyo.”
Nagulat ako sa sinabing iyon ni Gabbi. Hindi ba dapat ay kampihan niya ako dahil iyon naman talaga ang nakasaad sa kontrata ko? Dahil iyon naman talaga ang napag-usapan namin noon? Bakit ngayon parang ako pa ang mali?
Hinila ako ni Gabbi papaalis doon at pumunta kami sa isang sulok kung saan tahimik at hindi kami magagambala ng kahit sino.
“Gabbi, siya iyong mali—”
“Triana, halos lahat ng customer mo nagrereklamo na bakit sa lahat ng babae rito ay ikaw lamang ang naiiba ang terms. Ikaw ang pinaka-demand dito. Kaya nagpasiya ang management na baguhin ang mga nakalagay sa kontrata mo. Ngayon, kung may customer na gusto kang ikama…then go! Parte na iyon ng trabaho mo. Isa pa, mas malaki ang kikitain mo kung hahayaan mo sila—”
“Binago niyo ang mga nakalagay sa kontrata ko nang hindi nagsasabi sa akin? Hindi ba’t parang mali iyon?!” Wala akong alam sa mga batas kaya hindi ko alam kung paano ko dedepensahan ang sarili ko pero ang alam ko lang, mali iyon. Dapat parehong partido ang pumayag bago iyon ilagay sa kontrata.
“Nako, Triana! Hayaan mo na. Iyan ang gusto ng management. Mas malaki ang kikitain mo—”
“Hindi ito tungkol sa pera, Gabbi. Inaalagaan ko ang dignidad ko dahil iyon na lamang ang mayroon ako. Wala na ngang respeto sa akin ang ibang tao ay pati ba naman dignidad ko mawawala pa—”
“Triana, sa hirap ng buhay ngayon, hindi ka na maaaring maging mapili. Inihahain na sa ‘yo ang pera ay tinatanggihan mo pa ang grasya.” Muling hinawakan ni Gabbi ang aking kamay at hinila ako papalapit sa kanya. “Isa pa, may permiso na naman ng nanay mo. Payag ang nanay mo! Halika na.”
Pinigilan ko siya sa paghila sa akin pabalik na siyang kaagad kong pinigilan. Anong sabi niya? Hinayaan ni Mama na ganituhin nila ako? Alam ko naman na walang amor si Mama sa akin pero para ang ipagbili ako na parang baboy ay parang hindi naman katanggap-tanggap.
“Halika na! Baka magalit si Sir Matteo.”
Nadala ako ni Gabbi pabalik sa table kung nasaan iyong customer ko kanina. Kalmado na siya kumpara nang iwanan namin siya. Nakayuko ako at iniisip pa rin ang mga sinabi sa akin ni Gabbi kanina.
“Sir, ito na po ulit si Triana. Pasensya na po ulit sa nangyari kanina.”
Tulala pa rin ako dahil sa mga sinabi sa aking salita ni Gabbi kanina. Hindi ko matanggap na hinayaan ni Mama na ganituhin ako ganoong alam na alam niya kung hanggang saan lamang ang kaya kong isakripisyo para sa trabahong ito. I was saving my first…sa lalaking mamahalin ko at hindi para sa lalaking gusto lamang ako matikman sa isang gabi at iiwan.
Sapilitan akong pinaaupo ni Gabbi sa tabi ni Sir Matteo. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko sa tuwing iniisip na hinayaan ni Mama na gawin ito sa akin nina Gabbi. Para saan? Sa pera?
“Papayag ka rin pala, pakipot ka pa.”
Naramdaman ko ang mainit niyang paghinga sa aking leeg. Nanginig ang labi ko at tila ba inakyatan ng dugo ang ulo ko at bigla akong sumabog sa galit. Kaagad kong itinulak si Sir Matteo o kung ano mang pangalan niya bago tumayo upang makalayo sa kanya.
“Tangina! Ano bang problema mong babae ka?! Kanina ka pa, ah?!” Malakas ang pagsigaw niya nito sa akin.
Kaagad naming nakuha ang atensyon ni Gabbi na sa tingin ko ay pinapanood ang bawat kilos ko. Lumapit kaagad ito sa amin.
“Triana, ano na naman ito?!” giit niya sa akin na hindi ko sinagot. Matalim at diretso lamang akong nakatingin sa lalaking parang hayok na maikama ako. Tangina, ako pa ngayon mumurahin niya, siya nga itong malibog!
“Sir, hindi po sakop ng trabaho ko ang halikan niyo ako o ang ikama niyo ako.” Iyon ang napagkasunduan namin noon kaya’t ano mang pinagkasunduan nila na wala akong nalalaman ay hindi ko susundin.
“Triana!” suway sa akin ni Gabbi ngunit hindi ko siya muling pinakinggan. Matagal na ako rito kaya bakit ginaganito nila ako ngayon? “Sorry po, sir. Baguhan po kasi si Triana sa ganito.”
Nilingon ko si Gabbi at mataman ko siyang tinapunan ng tingin. Anong bago? Hindi ko gagawin iyon! Hindi naman ako pumayag sa lahat nang kung ano mang binago nila sa napagkasunduan noon!
“Sige na! Ihanda niyo na lamang iyong kwarto—”
“Hindi ako sasama sa ‘yo. Alam ko ang karapatan ko at hindi ako sasama sa ‘yo dahil hindi naman ako nagpapakama.” Bumaling ako kay Gabbi matapos ko iyong sabihin sa lalaking kanina pa ako binabastos. “Gab, hindi ako pumayag sa kahit na anong napag-usapan niyo. Si Mama, kahit na pumayag siya ay wala akong alam! May karapatan akong tumanggi—”
“Triana, isa sa pinakaimportanteng customer iyan! Nakikiusap akong pagbigyan mo na—”
“Pagbigyan? Gabbi, binago niyo ang mga nakalagay sa kontrata ko na hindi ako kinakausap tungkol doon! Hindi ba at mali iyon? Tapos ngayon ay pipilitin niyo akong makipag-s*x sa kanya? Ayoko!”
Pinanlalakihan ako ni Gabbi ng mata pero paulit-ulit akong tumatanggi. Kahit ano pang ipanakot nila sa akin ay hindi ko iyon gagawin.
“Ang arte mo! Sumama ka na lang sa ‘kin!” Hinila niya ang kamay ko ngunit kaagad ko iyong binawi, hindi nga lang ako nagtagumpay dahil masyadong mahigpit ang pagkakahawak niyang iyon.
Lumapit sa tainga ko si Gabbi. “Kapag hindi ka sumama riyan ay maaari kang mawalan ng trabaho, Triana! Mag-isip-isip ka—”
“Bakit ako tatanggalin sa trabaho? Dahil VIP siya? Paano naman ako? Tinanggalan niyo ako ng karapatan! Binago niyo ang mga nakasaad sa pinirmahan kong kontrata!” Humarap ako sa lalaking mahigpit pa rin akong hawak bago buong lakas na nagpumiglas. Nang dahil sa ginawa ko ay napaupo siya sa couch.
Napatingin na ang halos lahat sa kanya. Ramdam ko rin ang galit at gulat niya sa ginawa ko. Hindi ko man sinasadyang maitulak siya nang malakas ay hindi ko rin naman pinagsisisihan.
“Aba’t kanina ka pa, ah!” sigaw niya sa akin bago muling tumayo at malakas akong sinampal sa pisngi.
Nagulat ako sa nangyari. Akala ko pa naang una ay tutulungan ko nina Gabbi ngunit hindi iyon nangyari. Ah, muntikan ko nang makalimutan na sa lalaking ito nga pala si papanig at hindi sa kagaya ko.
Sa sobrang galit ko dahil sa lahat ng nangyari ngayong araw ay kinuha ko ang isang baso na sa lamesa at kaagad isinaboy sa kanya ang laman nito. Wala na akong pakealam kung saan hahantong ang lahat ng ito.
Sinigawan ako nina Gabbi dahil sa ginawa ko bago daluhan iyong lalaki at panay ang paghingi ng tawad. Kitang-kita ko na nag-aalala sila sa maaaring masabi ng lalaki kaysa sa maaaring maramdaman ko. Oo nga naman, sino ba ako para isipin nila? Kung mawawala man ako rito sa trabaho ay mabilis lamang nila akong mapapalitan. Ngunit ang mga taong patuloy na nagbibigay sa kanila ng pera ay hindi nila maaaring basta makuha.
I am no one, that is why I am irreplaceable. This man, he’s an asshole but he got the money, you can’t find a replacement for him that easily.
“Triana, humingi ka ng paumanhin kay Sir Matteo!” sigaw ni Gabbi sa akin. Ngayon lamang siya nagalit ng ganito sa akin sa tagal kong nagtrabaho rito. Ganoon pa man, wala akong pinagsisisihan sa lahat.
Hindi ako gumalaw at matalim pa ring nakatingin sa kanila. Hindi ako hihingi ng tawad dahil wala akong ginawang mali. Mas una niya nga akong sinaktan. Sinampal niya ako pero sinabihan ba siyang humingi ng tawad sa akin? Hindi. Ganoon ka-unfair ang buhay sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na kagaya ko.
“Triana—”
“Ayoko.” Umiling ako. “Hindi ko gagawin ang gusto niyo!”
Nararamdaman ko ang pamumuo ng luha sa gilid ng aking mga mata ngunit hindi pa rin naman iyon tumulo.
“Triana, mamili ka. Mawawalan ka ng trabaho o hihingi ka ng paumahin kay Sir Matteo at gagawin ang gusto nito?” tanong sa akin ni Gabbi, madilim na nakatitig sa akin.
Kung ang paghingi ng paumanhin lamang ay makakaya kong gawin. Kaya kong lunukin ang pride ko para humingi ng tawad para hindi mawalan ng trabaho. Ngunit gusto nilang makipagtalik ako rito which is not part of my job! Hindi ako pumayag sa kahit ano!
Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko. Umiling si Gabbi bago bumuntong hininga. “You are fired, Triana! Huwag ka na ulit babalik dito!”
Sa isang iglap, nawalan ako ng trabaho. Inaasahan ko na rin naman. Ang ginawa ko lang naman ay ipaglaban kung anong alam kong tama o kung anong alam kong karapatan ko. Binago nila ang napagkasunduan naming scope lamang ng trabaho ko nang walang pinapaalam sa akin. Sinong hindi magagalit?
Nakita ko ang pagngisi ng lalaki sa akin at ang patuloy na paghingi ng tawad sa kanya ni Gabbi. Huminga ako nang malalim bago sila talikuran at maglakad papunta sa dressing room. Nakarinig pa ako ng bulungan ng ilang katrabaho ko: “Ang arte.”
Sabihan na nila akong maarte o ma-pride. Gusto ko lamang maiwasan ang nangyari kay Mama na biglang nabuntis tapos ay hindi napanagutan. Ayokong magaya sa akin ang anak ko at ayokong maging kagaya ako ni Mama sa maaaring maging anak ko.
Inayos ko ang aking mga gamit. Kailangan ko nang iuwi ang lahat ng mga gamit ko rito dahil wala na akong trabaho. Ipapaliwanag ko na lang kay Mama ang lahat. Kakausapin ko na rin siya tungkol sa kasunduan nila ni Gabbi sa likod ko.
Isang malakas na sampal ang natamo ko kay Mama nang malaman niya sa kaibigan niyang si Gabbi na tinanggal na ako sa trabaho. Malakas iyon na hindi ko kaagad nagawang makatingin sa kanyang direksyon dahil nanunuot sa aking pisngi ang sakit nito.
Narinig ko ang pag-iyak ng aking babaeng kapatid nang sampalin ako ni Mama. Gusto ko man siyang lapitan ay hindi ko magawa dahil maging ako ay nagulat sa ginawa ng aking ina.
“Ang hirap na nga ng buhay ay nakuha mo pang mag-inarte? Ang dami na ngang walang trabaho ay dumagdag ka pa?! Ngayon saan ka kukuha ng trabaho? Ano, aasa tayo sa sinasahod kong hindi nga magkasiya sa ating apat!” sigaw niya sa akin. Ramdam na ramdam ko ang galit niya. Ang galit niyang mukhang dati pa niya nararamdaman para sa akin.
Mas pinili kong huwag magsalita. Masakit na ang mga nangyari sa akin sa trabaho bago ako masisante pero mas masakit pala ang maririnig ko mula sa aking ina.
“Pansarili lamang ba talaga ang iniisip mo, Triana?! Paano na tayo niyan, ha?! Jusko, ang dami na ngang problema ay dumagdag ka pa ngayon!” Walang humpay na pangaral niya sa akin habang sinusuklay ang kanyang buhok sa nararamdamang galit sa akin.
“M-Maghahanap po ako ng trabaho bukas.” Sa rami ng dinadamdam ko at gusto kong sabihin kay Mama ay iyon ang mas pinili kong sabihin sa kanya.
“Maghahanap ka ng trabaho? Saan? May kukuha pa ba sa ‘yo?!” Narinig ko ang yapak niya papalapit sa akin. Naramdaman ko ang marahas niyang paghawak sa aking pisngi bago mariing pinisil iyon.
Nagtama ang paningin naming dalawa ni Mama. Lalong bumigat ang aking nararamdaman nang makita ko ang ekspresyon ng mga mata niya. Galit at pagkamuhi. Ni wala man lang akong makitang pag-aalala at pagmamahal niya para sa akin.
“Iyang katawan mo na lang ang maaari mong pagkaperahan ay ipinagkakait mo pa! Ituloy mo ang pag-iinarte mo, ewan ko lang kung saan ka dalhin niyan!” Kung gaano niya ako karahas hawakan kanina ay siya ring karahas ng pagkakabitaw niya sa akin.
Sumabog ang buhok ko sa aking mukha at naiwan doong mag-isa habang patuloy na naririnig ang mga reklamo ng Mama ko sa buhay niya.
Hindi ko na napigilan ang aking luha na kanina ko pa pinipigilang bumagsak. Bakit ganoon? Alam ko naman na ayaw niya sa akin dahil ang tingin niya sa akin ay ang sumira ng buhay niya pero wala ba talaga siyang pagmamahal na nararamdaman? Kahit kaunti man lang.
Bakit iyong taong dapat ay nasasandalan ko sa mga araw na ganito kabigat ang aking nararamdaman ay siya pang taong dumudurog lalo sa akin? Gusto ko lang naman maramdaman ang pagmamahal ng isang ina…kahit ngayon lang. Dahil simula nang mamulat ako, galit at poot na ang nakikita ko sa mga mata niya sa tuwing nakikita ako.