Identification

1067 Words
Valeska’s pov: Pababa pa lang ako ng sasakyan ay nanginginig na ang mga kamay ko at gusto ko ng makapatay. Matunog ang mga takong ng sapatos ko habang inihahakbang patungo sa silid kung nasaan ang mga utak-ipis kong mga tauhan. Nasa pasilyo pa lang ako ay nagdidikit na ang mga kilay ko sa sobrang inis. Paulit-ulit sa isip ko ang ibinalita ng isa sa aking mga tauhan na hindi pa rin nila napapatay ang Harriet. Sobra akong nababahala dahil alam kong nalalapit na ang araw ng pagbabalik ng Mafia Lord na si Vishnu at hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubura sa landas ko ang Harriet! Sa oras na malaman nilang buhay pa ang Harriet ay paniguradong mapupurnada ang kasal nila Prime at ng aking anak. Hindi ako makakapayag na masira ang mga plano ko! Dapat masiguro kong sa Queency ikakasal si Prime at hindi sa Harriet! Dapat siyang mawala! Nang marating namin ang pinto ay pinagbuksan ako ng aking tagabantay. Kumulo lalo ang dugo ko nang makita kong naroroon ang ilan sa aking mga tauhan na nakatayo at bakas ang katangahan sa kanilang mga pagmumukha. Nakakairita! “ANO BANG PINAGGAGAGAWA NIYO? NASAAN ANG MGA UTAK NIYO?” bulyaw ko sa kanila pagpasok ko pa lamang ng pinto. “NASAAN NA ANG ‘SECRET FILE’ NI SHIVA? ANG HARRIET AT ANG KAPATID NIYA, NAILIGPIT NIYO NA BA?” Tila napipi naman ang mga t*nga at wala man lang kahit isa ang sumagot sa mga tanong ko. Kung nakakamatay lang ang mga tingin ko ay napatay ko na silang lahat! Pinag-iinit nila ng husto ang ulo ko! “SAGOT!” inis kong hiyaw na nagpapitlag sa kanilang kinatatayuan. Mga buwisit! “Tila mainit na naman ang ulo mo mahal ko?” sabi ni Malcom na bigla na lang pumasok mula sa pinto. Si Malcom ang pinuno ng Ares na siyang mortal na kalaban ng Mafia, at siya… ang totoo kong asawa! Bago ko pa noon akitin at pakasalan si Brahma ay kasal na kami ni Malcom ngunit kinailangan ko lamang mapalapit kay Brahma sapagkat siya ang kaliwang kamay ng Mafia Lord. Sa kanilang tatlo ni Shiva at Vishnu, si Brahma ang may pinakamalambot na puso kaya naman napakadali para sa akin ang paikutin siya. Wala syang kaalam-alam na ang inaakala niyang anak na si Queency ay hindi niya talaga anak. Huh! Nilapitan ako ni Malcom at sinubukang halikan sa aking pisngi ngunit dahil sa pagkairita ko ay iniwasan ko ito. Pangisi-ngisi pa siya na para bang wala kaming problema! Ako lang ata ang nag-iisip dito! Mga walang kwenta! “Bakit ba hanggang ngayon ay wala ka pang nagagawa? Ano? Ako na lamang ba lahat ang kikilos dito?” pagsusungit ko sa kanya. Lumapad naman lalo ang pagngisi ni Malcom at umiling-iling. Anong nakakatawa? Inaasar nya ba akong talaga!? “Napakatatanga ng mga tauhan mo! Paano kung bigla na lang nilang malaman na buhay ang Harriet?! Paano kung dumating na si Vishnu? Paano kung mabuksan na ang ‘secret file’ ni Shiva!?” magkakasunod kong tanong habang tensyonadong nagsisindi ng sigarilyo. Hinithit ko ang sigarilyo at ibinuga ang usok nito bago ko lingunin si Malcom. Kinuha niya mula sa kamay ko ang sigarilyo at siya naman ang humithit nito, hindi ko tuloy naiwasang tumaas ang isa kong kilay. Pakiramdam ko ay may sasabihin siya kaya hindi muna ako nagsalita habang nakatitig sa kanya. Inilahad niya sa harapan ko ang isang papel na may mga larawan. Matalim ko itong tiningnan bago ako nagbuntong-hininga. “Ano na naman ba ito!?” pabalang kong tanong at kinuha mula sa kanyang kamay ang mga papel. Tinignan ko ito at napansin kong iyon ay mga larawan ng dalawang lalaki. Dahil sa may kalabuan ng kaunti ang mga mukha ay tinitigan ko ang mga ito ng mabuti. Hindi ako pamilyar sa isang lalaki ngunit nakaramdam ako ng mas lalong pagkabahala nang makilala ko ang katabi nito sa larawan. “Iyan ay kuha sa isang CCTV nang mapaslang si Gideon! Lumalabas na hindi lang siya sa atin nakipagnegosasyon para sa ‘secret file’ na iyon kung hindi pati na rin sa mga Mafia! Napakatuso talaga!” sabi ni Malcom at muling humithit ng sigarilyo. “Sinasabi mo bang… si Dylan ang pumaslang kay Gideon at ang may hawak ng ‘secret file’ ni Shiva ngayon?!” natataranta kong tanong. “Hindi maaaring mapasakamay iyon ni Dylan! Hindi!” Si Dylan, ang binatang iyon, isa rin siyang malaking tinik sa lalamunan! Siya ang tapat na tagasunod ni Prime at ang pinakamahusay niyang tauhan. Matalino din siya at hindi ko pa kailanman nabalitaan na nabigo siya sa kanyang mga misyon kaya naman malaki ang posibilidad na mabuksan niya ang ‘secret file’ ni Shiva! Kapag nagkataon… magiging malaking problema ito para sa amin! “Malamang nga ay nasa kanya ang kailangan natin,” kampanteng sagot ni Malcom. “EH ANO PANG GINAGAWA MO? BAKIT HINDI MO PA IPAKUHA SA MGA GUNGGONG NA ‘TO PARA MAGKAROON NAMAN SILA NG SILBI!” mariin kong sabi at hinagip ko sila ng matalim na tingin. Hinawakan ni Malcom ang magkabila kong balikat at marahang minasahe ito. Akala nya naman ay mapapakalma niya ako sa paraang iyon!? Huh! Hangga’t hindi ko nalalamang patay na ang Harriet at hangga’t wala pa sa kamay ko ang ‘secret file’ na iyon, kailanman ay hindi ako matatahimik! “Kumalma ka lang mahal ko! Bago mo pa sabihin ay nagawa ko na,” pagpapaalam sa akin ni Malcom kaya binalingan ko siya ng tingin mula sa gilid ng aking mga mata. “Anong ibig mong sabihin?” mataray kong tanong sa kanya. “Hanggang ngayon ay wala pa siyang ginagawang hakbang, hindi ba? Malamang ay hindi niya pa nabubuksan iyon kaya kumalma ka muna,” paliwanag ni Malcom. Napaisip ako ng sandali sa sinabi niya ngunit hindi ko pa rin maiwasang mangamba. Paano kung palihim na pala niya itong nabuksan at nasabi na niya kay Vishnu? Paano kung gumagawa na pala sila ng hakbang para mahuli ako? Hindi p’wede! Napakatagal kong pinagplanuhan ang lahat at hindi ako papayag na masira nya lang ito ng basta-basta! “Paano ka naman nakakasigurong hindi niya pa nabubuksan ito? Hindi mo alam kung gaano katalino si Dylan!” paniniguro ko. Iniikot ni Malcom ang katawan ko paharap sa kanya at saka niya ako dinampian ng halik sa aking pisngi. “Huwag ka ng mag-alala pa, ako na ang bahala!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD