Chapter 1: Mysterious Man

2115 Words
******* "Ate! Dalian mo naman maligo at baka hinihintay na ako ni Alice sa terminal ng bus!" bulyaw ko rito sa harapan ng pinto ng banyo, habang napapakamot ng ulo dahil sa inis. "Sandali lang!" sagot naman nito na inirapan ko lang. "Hay naku, ang tagal niya na talaga, ays! Isang oras na yata siyang naliligo, baka naman balak niya pang diyan na lang matulog, nakakaasar na," protesta ko sa isip ko. Tinignan ko ulit ang oras sa cellphone ko at 7:30 na ng umaga, napailing na lang ako sa inis dahil nagmamadali talaga ako. Ngayong araw kasi ay magkikita kami ni Alice sa terminal ng bus para magpunta sa maynila. Bakasyon nanaman kasi at wala ng klase, kaya naman napag-isipan kong pumayag sa alok ni Aling Bebang na lumuwas ng maynila at pumasok bilang isang kasambahay. Malaki rin daw kasi ang sahod at malaking tulong rin 'yun sa pag-aaral ko next school year. Mabuti na lang at pumayag si Nanay. "Teka nga sobrang tagal na talaga ni ate sa banyo nakakainis na!" "Ate pakibilisan mo naman oh!" Sabay pagkatok ko pa sa pinto. Ngunit wala na akong nakuhang sagot at tanging ang tunog lang ng nakabukas na gripo ang maririnig. Hindi nagtagal ay may bigla na lang kumalabit sa akin... "Huy, sinong kausap mo riyan?" tanong ni Ate Emerald. Nanlaki ang mga mata ko no'ng makita ko siyang hindi naman nanggaling sa loob ng banyo. "A-akala ko kasi may tao sa banyo," sagot ko na lang. "Tss." Binuksan niya ang pinto ng banyo at wala ngang ibang tao roon, ang nakakapagtaka pa ay sarado na ang kaninang bukas na gripo. Pumasok na lang ako sa loob ng banyo kahit na alam kong may kakaiba. "May sumagot naman kanina ah." Medyo kinilabutan ako no'ng ma-realize kong naka-encounter nanaman ako ng ligaw na kaluluwa. Napabuntong-hinga na lamang ako at iwinaksi sa isip ko ang mga nangyari. ------------- Pagkatapos kong maligo ay nagbihis na rin ako kaagad at nag-impake ng mga dadalhing gamit. "Anak, mag-iingat ka roon hah, 'wag kang magpasaway, kung hindi mo na kaya umuwi ka na lang hah." pagpapaalala ni nanay. "Oo nga! Ingatan mo sarili mo roon, 'wag kang mag-alala ako na ang bahala rito kay nanay," sabi naman ng batugan kong Ate, ays! Biro lang, mahal ko rin ito 'no kahit parang aso't pusa kami madalas. "Opo, 'wag kayong mag-alala dalawang buwan lang naman po ako ron eh, uuwi rin po ako," sagot ko naman sa kanila bago ako ngumiti sa kanila. No'ng nakahanda na ang lahat ay nagpaalam na ako sa kanila at niyakap ko pa silang dalawa, bago ako tuluyang lumabas at umalis ng bahay. ************ Halos 9:00 o'clock na ako nakarating sa terminal ng bus at nadatnan ko ngang naghihintay na roon si Alice. Nilapitan ko siya kaagad at sakto naman na dumating na ang isang bus pa-maynila, kaya naman sumakay na rin kami ni Alice sa bus. "Alice, alam mo na ba 'yung address ng bahay na pupuntahan natin?" tanong ko sa kanya no'ng makahanap na kami ng mauupuan. "Oo naman, kabibigay lang ni Aling Bebang kanina, naku bessy! Excited na akong makita ang maynila!" sagot nito at hindi na maitago pa ang excitement na nararamdaman pero... "Tsk! Bessy, magtatrabaho tayo roon at hindi lalakwatsa," pangbabara ko, dahilan upang irapan ako nito. "Ang KJ naman, alam ko naman 'yun ah! Bakit ikaw, hindi kaba excited? Malay mo naman, doon mo na mahanap ang forever mo! Oh my gosh, I'm so happy for the both of you bessy!" sabi ulit nito, "Ays ang O.A" "Alam mo, para kang tanga," sagot ko na lang, na ikinanguso niya. "Tsk! Ang KJ talaga ayoko na nga!" sagot na lang niya na parang sumuko na ang gaga. *********** Makalipas ang halos anim na oras ng byahe namin ay nakarating na rin kami sa wakas ng Maynila. Pagbaba namin ng bus ay naghanap kaagad kami ng jeep tulad ng sabi ni Aling Bebang. Nakipagsiksikan pa nga kami dahil punuan ito, pagkarating namin sa isa pang location ay sumakay naman kami ng Taxi. "Nakakapagod naman bessy! Hindi pa tayo nakakarating sa pupuntahan natin pero pagod na ako!" reklamo ni Alice na inilingan ko lang. "Hay naku, Alice, magtigil ka ha, sabihin mo na nga lang sa mamang driver kung saan tayo pupunta," sabi ko na lang, dahilan para umirap ito at lumapit sa likod ng driver para sundin ang sinabi ko. Mahigit isang oras din ang nagdaan bago kami tuluyang nakarating sa main destination namin at... "Bessy, halika samahan mo naman ako, feeling ko kasi ito na 'yung house," sabi ni Alice no'ng hilahin niya ako sa harap ng isang mataas at malapad na lumang gate. "Patingin nga." Kinuha ko ang hawak niyang papel at sinipat ang nakasulat na address dito. "Oh ito na nga, ano kaba nakasulat na nga riyan sa gate oh," sabi ko na ikinanguso naman niya. "Kinakabahan ako bessy, wait lang inhale... exhale...hoo kaya natin 'to, bessy mag door bell kana." utos niya sa'kin, aba! "hah? Akala ko ba ikaw?" protesta ko, pero umiling na ito. "Ikaw na! Ang creepy eh," sagot niya na hinalukipkipan ko na lang. "tsk fine, hindi raw takot sa multo pero ays!" nasabi ko na lang sa isip ko. Napairap na lang ako sa kanya bago ko tuluyang pindutin ang door bell ng gate. Pero ilang minuto na ang nagdaan ay wala pa rin lumalapit at nagbubukas ng gate para sumalubong sa amin. Pinindot ko ulit ito ng pinindot hanggang sa matigilan ako no'ng marahang bumukas ito. Sinalubong kami ng isang babae na nasa edad 50's na siguro. Matalim ang mata niyang nakatingin sa amin kung kaya't halos hindi ako makapagsalita. "Anong kailangan niyo?" tanong ng babae. "A-Ahmm k-kami po ang ipinadala ni Aling Bebang para maging kasambahay niyo po," nauuutal kong sabi rito. "Sige pumasok na kayo," sagot naman sa akin ng babae. Kumapit naman kaagad sa akin si Alice na para bang umurong bigla ang dila at piniling tumahimik na lang. Naglakad kami papasok sa loob, hanggang sa mapaawang na lang ang bibig ko no'ng makita kong sobrang lawak pala ng lugar. Bubungad kasi agad sa'yo ang malawak at magandang garden, ang creepy lang tignan sa labas dahil sa lumang gate at nilulumot na pader pero, sa loob nito? Ay grabe, sobrang ganda!.. Nauna na ang babae sa paglalakad dahil nakatunganga pa rin kaming dalawa ni Alice, habang nakatingin sa mga iba't-ibang bulaklak na nakatanim sa garden. "Sumunod kayo sa akin at ituturo ko sa inyo ang mga dapat niyong gawin, maging ang magiging kwarto niyo," sabi ng babae, dahilan upang mabaling ang atensiyon ko rito. "Sige po," sagot ko naman, bago ako tumango at ngumiti rito. Sinundan nga namin ang babae at pumasok na kami sa loob ng bahay at kung hindi ako nagkakamali ay ito ang tinatawag nilang mansion. Bumungad kaagad sa amin ang malawak na loob nito at halos kulay gold at puti lang ang makikita sa paligid. Sasalubong rin sa'yo ang isang malapad na hagdan sa gitna, ngunit sa itaas pa nito ay dalawang hagdan ulit ang makikita, isa sa kanan at sa kaliwa. Sa pagsunod namin sa babae ay naaninag ko ang isang lalaki na nakatalikod, nakasuot ito ng puting long sleeve at nakatanaw sa labas ng malaki at malapad na glass window. "Ang ganda!" sabi ni Alice na hanggang ngayon ay nakakapit pa rin sa'kin. Naagaw naman ng babae ang atensiyon ko no'ng magsalita ito, "Bago ang lahat, magpapakilala muna ako sa inyo, ako si Magda, ang mayordoma sa mansyon na ito at ako rin ang nangangalaga rito." pagpapakilala ng babae sa amin. Tumango-tango naman kami at nagpalitan ng tingin ni Alice, ngunit pagtingin kong muli kay Aling Magda ay nakita kong nasa likuran na niya ang lalaking nakita ko kanina. Natulala naman ako no'ng titigan ko siya dahil sobrang gwapo niya! Nakatitig rin siya sa'kin at parang sa'kin lang talaga. "Kayo, ano'ng mga pangalan niyo?" tanong ni Aling Magda, na siyang umagaw ng atensiyon ko. "Ahm a-ako nga po pala si Jelai at siya naman po si Alice," sagot ko habang nakangiti, kinurot ko ng bahagya si Alice dahil kung saan-saan ito nakatingin at pagkatapos ay tumugon na rin siya ng ngiti kay Aling Magda. "Sige, sumunod kayo sa'kin," tulad ng sabi niya ay sinundan nga namin siya. Napalunok naman ako no'ng mapansin kong sumusunod din sa amin ang lalaki. Nagpunta kami sa malawak na living room at itinuro sa amin ang mga dapat na linisin, maging sa dirty kitchen ay nagpunta kami. "Ito ang refrigerator, at ito naman ang oven toaster at blender, alam niyo ba kung paano gamitin ang mga ito? " tanong ni Aling Magda na ikinatawa nang mahina ni Alice. "Opo, marunong po kami, probinsyana lang po kami, hindi po kami taong bundok o di kaya'y nabuhay sa panahon ng bato," sarkastikong sagot ni Alice, dahilan para panlakihan ko siya ng mata. "Alice ano ba!" mariin kong bulong sa kanya. "Ahaha pasensya na ho kayo sa kaibigan ko, palabiro lang po siya," nasabi ko na lang. Tumango na lang si Aling Magda, pagkatapos ay inilibot niya pa kami sa ibang bahagi ng bahay. Samantala, patuloy pa rin sa pagsunod sa amin ang lalaki pero parang hindi naman siya napapansin ni Alice dahil dedma lang ang gaga. Feel na feel siguro ang bahay. Gusto ko sana itanong kay Aling Magda kung ano'ng pangalan ng lalaki, pero nahihiya ako dahil ang yaman niya talagang tignan. Siguro ay anak siya ng may ari ng mansion na ito at minomonitor niya lang kami. Ramdam kong nasa likuran lang namin siya at gusto ko siyang sulyapan pero nahihiya ako, "Pero last na!" nasabi ko sa isip ko bago ko siya pasimpleng lingunin ulit sa may likuran, kaso nangunot ang noo ko at... "Oh bakit? " tanong ni Alice na napalingon rin. "A-Ah wala," sagot ko, bigla na lang kasi nawala ang lalaki sa likuran namin, hmm siguro ay umalis na. "Sila ang bagong makakasama natin dito sa mansion," sabi ni Aling magda sa dalawang babaeng nasa harapan namin. Nginitian nila kami at gano'n din kami ni Alice sa kanila. "Ako nga pala si Gina," pagpapakilala ng babaeng kulay blonde ang buhok na medyo maputi at may pagka-chubby. "Ako naman si Elsa," sabi naman ng babaeng kulot ang buhok at medyo morena. Nagpakilala rin kaming dalawa ni Alice sa kanila at pagkatapos ay sumunod na rin kami agad kay Aling Magda dahil ituturo na raw niya kung saan ang magiging kwarto namin. No'ng mapuntahan namin ang kwarto ay hindi naman ito masyadong kalakihan pero maganda at tamang tama lang para sa dalawa. "Salamat po," sabi ni Alice kay Aling Magda na tinanguan naman nito. Iniwan na kami ni Aling Magda at ipinayo na magpahinga muna kami dahil bukas ay magsisimula na ang mga trabaho namin. "Ang ganda rito 'no?" sabi ni Alice, sabay lapag ng mga gamit niya sa kama, bago ito tuluyang humilata na para bang pagod na pagod. Umupo lang ako sa kama ko at, "Oo sobra, sana magtagal tayo rito ano," sabi ko, bago ako ngumiti sa kawalan. "Ano'ng nangyari sa'yo bessy? Kararating lang na'tin dito naengkanto kana agad? Wait, meron ba rito no'n," sarkastikong sabi ni Alice, na tinaasan ko lang ng isang kilay. "Sira ka talaga! Palibhasa hindi mo kasi siya nakita," sagot ko. "Huh? Sino? Si Gina at Elsa ba? Hala bessy, tomboy ka?! Oh my gosh, bessy baka pati ako type mo ha!" sabi nito, dahilan para batuhin ko siya ng unan at saktong tumama iyon sa mukha niya. "Tigilan mo na nga 'yang kagagahan mo! Hindi ako tomboy! At kung tomboy man ako, hindi ako papatol sa'yo 'no!" sabi ko, na ikinanguso niya lang. "Oucchhh ah... eh sino ba kasi 'yun?" tanong niya. "Tss 'yung lalaki kanina, ang gwapo niya kasi at alam mo 'yun, ang pormal ng itsura parang anak mayaman tignan, feeling ko anak 'yun ng may ari ng mansyon na 'to," sabi ko habang nakatingin lang sa kawalan. "huh? Wala naman akong napansin ah! " sabi niya ng may pagtataka. "Eh paano mo naman mapapansin, busy ka kaya kakalinga- linga sa paligid tss," sagot ko, dahil totoo naman. "Tsk, bakit hindi mo man lang itinuro sa'kin! Ikaw lang ang nag-eenjoy! " sagot niya, na ikinatawa ko ng mahina. "Baliw ka talaga," tanging nasabi ko. "Next time hah! Pag nakita mo ituro mo sa'kin, malay mo maging kami," sabi ulit niya, at talagang nag-aassume pa ang gaga, hays. "Tsk asa kapa! Anak mayaman 'yon 'no," sagot ko naman sa kanya. "Kahit na 'no! Malay mo naman!" sabi niya, na ikinangiti ko na lang, hanggang sa nagtawanan na nga kaming dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD