Kabanata 2

2643 Words
Whispering Destiny Kabanata 2 | Pagtatapos ____________________________________ Agad kaming nagsi-uwian sa aming mga tahanan matapos nang naganap na eksena kani-kanina lamang sa baryo. Hanggang ngayon ay tanda ko pa rin ang itsura ng babaeng maharlika habang ako'y binabantaan. Nagkibit-balikat na lamang ako bago ko tinapon ang aking sarili sa may kalumaan kong kama. Bahagya pa itong tumunog dahil sa pagrupok ng kahoy na sumusuporta rito. Hindi naman siguro tototohanin ng maharlika ang kanyang ginawang pagbabanta. Sasayangin niya lamang ang kanyang oras sa akin. Ang pag-aabala sa isang mahihirap na tulad namin ay ang kahuli-hulihang gagawin ng mga mahaharlikang katulad ng babaeng 'yon. Hindi ko na namalayang nakatulog na ako na may malalim na iniisip. Nagising na lamang ako sa marahang paghaplos ni Ina sa aking buhok. "Magandang umaga sa aking napakagandang anak," sambit ni Ina bago ako niyakap nang mahigpit. "Magandang umaga Ina," ngiting sagot ko bago mainit na tinugunan ang kanyang yakap sa akin. "Halika nasa baba at aayusan na kita," sabi ni Ina na humiwalay na sa kanyang pagkakayap. "Susunod ako Ina. Maliligo lamang ako," sagot ko sa kanya. "O' siya sige. Bilisan mo lang ayokong mahuli tayo sa seremonyas." Nginitian ko na lang si Ina bago ko isinara ang pinto ng aking silid sa kanyang paglabas. Gaya ng sabi ko kay Ina ay mabilis na nagtungo ako sa banyo para makapaligo. Napakahalaga at espesyal ng araw na ito hindi lamang sa akin kung hindi pati na rin sa buong estudyanteng magtatapos ngayon. Ang araw na ito ang araw ng aming pagtatapos sa loob na walong taong pag-aaral. Hindi rin nagtagal ang aking paliligo at agad kong sinuot ang kulay pula kong bistida na siyang inahanda ni Ina para sa akin. Isa sa mga tradisyon ng bayan na sa araw ng pagtatapos ay kinakailangan ang pagsusuot ng pula na sumisimbilo umano sa panibagong yugto ng aming mga buhay. Huli kong sinuot ang bagong laba kong sapin sa paa na may kataasan na binili ko sa merkado no'ng nakaraang araw. Matapos kong masuklay ang aking mahabang buhok ay tinungo ko na ang daan pababa ng sala. Si Ina raw kasi ang mag-aayos sa akin ngayon. Gusto niyang maayos ako sa araw na ito. "Maupo ka na rito anak," aya ni Ina pagkatapos ay giniya na ako papaupo sa harap ng maliit na salamin. Hinayaan ko lamang si Ina na trintasin ang maliit na bahagi ng magkabila kong buhok pagkatapos ay pinagsama niya ito sa gitna. Nilagyan niya rin ako ng manipis na kolorete sa aking mukha na nagpaangat ng aking ganda. Pagkatapos ay nilagyan niya ako ng nakakalimuyak na amoy ng matamis na banilya sa aking leeg at damit. Napangiti na lang ako ng mapagmasdan ko ang kabuuan ko sa harap ng maliit na salamin sa aking harapan. "Mas maganda ka anak kapag nakangiti," puri ni Ina na mas ikinalaki ng aking ngiti. "Siyempre mana ako sa inyo ni Ama," sagot ko kay Ina na mahinang ikinatawa niya. Akmang tatayo na ako sa pagkakaupo ng pigilan ako ni Ina. "Saglit maupo ka, may kulang pa." Napakunot noo na lang ako sa tinuran ni Ina. Ano pang kulang? 'Di na naman namin kailangan ng gamit pang-eskwela ngayon kasi nga magtatapos na ako. Taka man ay hinayaan ko na lang si Ina na maglakad papunta sa kanilang silid ni Ama. Sinundan ko lang nang tingin si Ina ng lumabas siya sa pinto ng kanilang silid. "Anong kulang Ina? May nakalimutan ba ako?" Tanong ko sa kanya. Hindi sumagot si Ina sa akin at halos nanlaki ang aking mga mata nang mapagmasdan ko ang kwintas na gawa sa pilak na pinakita sa akin ni Ina. "I-ina. Para saan 'yan? Hindi ba't napakamahal ng ganyang alahas? Paano kayo nakakuha ng pilak pambili ng bagay na 'yan?" sunod-sunod na tanong ko kay Ina pero ni isa ay hindi niya ako nasagot at naramdaman ko na lang na nilalagay niya na ito sa akin. "Walong taon ko 'yang pinagipunan sa paglalabada anak. Gusto kong sa iyong pagtatapos ay suot-suot mo ang katas ng pagtatrabaho namin para sa iyo," nakangiting sagot ni Ina sa mga katanungan ko kanina. Parang hinamplos ang puso ko sa sinabi ni Ina at hindi na ako nagdalawang-isip pa at kaagad siyang sinungaban ng yakap. "Maraming salamat Ina.." punong-puno ng pagpapasalamat na sabi ko. Hindi ko mailagay ang kasiyahan at pagmamahal na aking nadarama. Nagkulang man kami sa pilak ay punong-puno kami ng pagmamahal. "Maligayang pagtatapos Alvera anak." Hindi ko na napigilan ang aking luha sa pagtulo sa sobra-sobrang pasasalamat at sayang nadarama ko. Napakaswerte ko sa aking mga magulang at wala na akong mahihiling pa na iba. Ito na masasabi ko ang pinakamasayang araw sa loob ng ikalabing-anim na taon kong nabubuhay. ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ "ANG nakatanggap ng pinakamataas na karangalan at ang kauna-unahang estudyante sa kasaysayan ng ating bayan na nakakuha ng purong uno sa kanyang grado. Tayo'y magsitayo at ating palakpakan, Alvera Catalina Saldivar mula sa pangkat Dagohoy!" Magkahalong kaba at saya ang aking nadarama nang tawagin ng aming punong guro ang aking pangalan papaakyat sa entablado. "Pagbati sa iyo, Alvera!" Nakangiting pagbati sa akin ng aming punong-guro bago niya sinabit sa akin ang kulay gintong sablay at nilagay sa aking kaliwang balikat ang gintong bato na may nakaukit na agila na sumisimbolo sa aming bayan. "Maraming salamat po," nakangiting tugon ko bago isa-isang inabot ang kamay ng mga guro na nakahilera sa entablado. Giniya nila ako sa harapan ng mikropono para aking simulan ang aking hinandang pananalita sa aking kapwa mag-aaral na magtatapos ngayon. Alanganing hinarap ko sila. Sobra-sobrang kaba ang aking nararamdaman. 'Di ako sanay na nasa akin ang atensyon ng lahat. Napag-abot ng aking tingin ang nakangiting sila Fira kaya napabuntong hininga na lang ako bago simulan ang aking pananalita. "Magandang umaga sa inyong lahat. Una sa lahat gusto kong kunin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa mga kaguruan na tumulong sa bawat estudyante na matuto. Sa mga magulang na walang sawang sumuporta at inahon ang ating pag-aaral, maraming salamat. Kung hindi dahil sa inyo ay wala kami sa kinatatayuan namin ngayon. Maraming salamat Ama at Ina kayo ang aking ilaw at haligi sa tuwing ako'y nadarapa at nahihirapan. Hindi man tayo pinanganak na maharlika at umaasa lang sa libreng eduksayon ng konseho ay 'di naging hadlang 'yon para tumigil tayo sa pagkamit ng ating mga pangarap na kahit kailanman ay hindi matutumbasan ng anumang pilak at kayamanan sa bayang ito. Ang paaralang ito ang nagmulat sa akin na hindi basehan ang yaman sa pagkamit ng mga pangarap. Gaya ng laging sinasabi ng ating mga guro, basta't may tiyaga may nilaga. Kita mo nga naman ngayon ang layo na ng ating narating. Isa lang ang masasabi ko bago ko tapusin ang aking pananalita. Never get tired of chasing your dream. If you can dream it, you can do it. Maligayang pagtatapos sa ating lahat!" Nakangiti ako nang magsimulang magpalakpakan ang mga tao sa sinabi ko. Masyado mang imposible ang mangarap ng mataas sa bayang ito lalo pa't sa estado ng aming buhay ay hinding-hindi ako mapapagod. Pamilya, kaibigan, pangarap at lakas ng loob ang bumubuhay sa akin sa bayang ito at kung mawawala ang isa ay para na rin aking pinatay nito. "Gradweyt na tayo!" Malakas na sigaw ni Eren na nagtatakbo sa aming puwesto. "Naiiyak ako. Sa wakas tapos na rin tayo," naiiyak na sabi ni Sirene na kaagad naming dinaluhan. "Hoy! Ba't ka naiiyak diyan. Dapat masaya tayo ngayon," saway sa kanya ni Fira. "Sobrang saya ko lang pasensya na," naluluhang sagot niya na ikinangiti ko lang. Maging ako ay masaya na sa wakas ay tapos na rin kami. "Group hug guys!" Sigaw ni Ari na bigla na lang akong hinila para masama sa yakapan. Napangiti na lang ako nang maramdaman ko ang mainit na yakap nila. "O paano ba 'yan saan na tayo kakain ngayon?" Tanong ko ng mahiwalay ako sa yakapan. Nagkatinginan kaming lima at alam kong iisa na kami ngayon ng naiisip. "Chibugan!" Napangiti na lang ako ng pare-parehas kami ng sabay na isinigaw. "Ano pang hinihintay niyo tara gutom na ang maganda," mahanging sabi ni Ari na tinawanan na lang namin. Sumunod na lang ako sa kanila habang pinag-uusapan namin ang mga hindi namin nakakalimutan sa aming walong taon sa pag-aaral. Hindi namin kasama ang aming magulang dahil kapwa sila may mga trabaho sa mga oras na ito. Ilang oras lang ang nahiram ni Ina na oras para lamang mapanood akong bigyang parangal at gano'n din sila. "Naalala niyo no'ng ikalawang taon pa lang natin. Iyong guro natin sa ingles na kamuntik na tayong mahuling nagkokopyahan," tatawa-tawang sabi ni Eren na ikinatawa na rin namin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Iyon ang kauna-unahang kong karanasan sa kopyahan. Buti talaga at hindi kami nahuli kung 'di napatalsik na kami hindi pa man namin naaabot ang ika-walong taon namin sa pag-aaral. "Kasalanan ni Ari 'yon may sitsit pa kasing nalalaman," paninisi ni Sirene na may ngisi sa labi. "Anong ako? Si Felicia kaya 'yon sinisipa kasi iyong likod ng upuan ko kaya sitsit ako nang sitsit para may masagot na kaagad," pagpapasa naman ni Ari kay Fira ng sisi. "Anong ako na naman? Si Vera kaya ang bagal niya magsagot 'di kaagad tayo makakopya," pang-sisi naman sa akin ni Fira na ikanasinghap ko. "Hoy! Ako pa talaga. Kayo na nga lang nangongopya nagrereklamo pa kayo," iiling-iling na sagot ko. Aba, pasalamat sila pinakopya ko sila eh. Sasabat pa sana si Eren nang matigilan kaming lima sa paglalakad ng may humarang sa aming tatlong lalaking may talukbong na itim sa mukha at tanging mata't bibig lang ang aming nakikita. "Kayo na ata 'yong tinutukoy ni boss," nakangising sabi ng lalaking nasa gitna Agad akong kinabahan sa takot sa sinabi ng lalaki. Sinong boss? Anong kailangan nila sa amin? Nagkatinginan kaming lima na kapwa hindi alam ang gagawin. Nahagip nang tingin ko ang pagsenyas ni Fira sa amin na tumakbo papabalik, pero bago pa man namin nagawa 'yon ay may dalawang panibagong mga nakatalukbong itim na ang humarang sa amin. Kahit pa ay kinakabahan ay pinili ko pa ring tinapangan ang sarili ko at hinarap ang lalaking unang humarang sa amin. "Sino kayo at anong kailangan niyo sa amin?" Seryosong tanong ko sa kanila. Agad napunta sa akin ang tingin nang lalaki na bumaba sa sablay na nakasabit sa akin. "Sayang ang talinong mo bata binangga mo ang isa sa anak ng mga konseho," sabi ng lalaki bago senyasan ang kanyang mga kasamahan. Anong sinasabi niya? Tinotoo ba ng babaeng maharlika ang kanyang banta sa akin? Naramdam ko ang malakas na paghila sa akin ng lalaki sa likod pero nagawa kong sipain siya sa kanyang ibabang parte na ikinabagsak niya. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at mabilis ko itong tinadyakan sa mukha nang tuluyan siyang matumba. Ngayon ako nagpapasalamat na nagpaturo ako sa aking ama patungkol sa mga bagay-bagay na maaaring makatulong sa akin sa oras ng mga ganito. "Bitawan niyo ako!" Malakas na sigaw ni Eren na ikinaagaw ng aking pansin at hindi ko na namalayan ang lalaking nagtakip ng panyo sa aking ilong na ikinawalan ko ng malay. Nagising na lang ako sa simoy ng dagat. Agad nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang mga kaibigan kong nakatali habang nasa harapan kami ng isang bangin. Paano kami napunta rito? Sino sila? Sigurado akong pakana ito ng maharlikang babae, pero bakit kailangang umabot sa ganito? Sana ako na lang. Bakit nadadamay ang mga kaibigan ko? Masamang pinukulan ko ng tingin ang nakabalot pa rin sa itim na tela na mga lalaki. "Pakawalan niyo sila! Ako na lang! Ako na lang ang parusahan ninyo! Wala silang ginawang kasalanan!" Malakas na sigaw ko habang isa-isang akong inilingan ng apat. "Pasensya na pero sumusunod lamang kami sa utos binibini," sagot ng parang kanilang pinuno at nakita ko na lang na dinala na nila si Sirene na nagpupumiglas. "Bitawan niyo siya! Anong balak niyong gawin sa kanya?" Punong ng galit na sabi ko at halos nagtindigan ang aking balahibo nang makita kong malapit na sila sa dulo ng bangin. "Bitawan niyo ang kaibigan ko! Mga lapastangan!" Galit na galit na sigaw ni Ari habang pilit na kinakalas ang pagkakatali ng kanyang mga mata. "Ako na lang! Parang awa niyo na ako na lang!" Pagwawala ni Fira. Kasabay ng pagpatak ng luha ni Fira ang malakas na pagbuhos ng ulan. Hindi ko na napigilan pa na bumuhos ang luha ko habang pinagmamasadan silang hatak si Sirene. Sa nanlalabo kong mga mata ay natanaw ko ang mapusyaw na kulay asul sa noo ni Fira. Sinubukan kong pumikit baka namamaliktmata lang ako pero hindi pa rin ito nawawala. Ano ang bagay na 'yon? Akmang itatapon na nila si Sirene sa bangin nang malakas na sumigaw si Si kasabay ng walang habas na pagbagsak ng mga puno sa malapit gawa ng malakas na paghangin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko sa 'di kalayuan ang malaking ipo-ipo na nagpapabagsak sa mga kakayuhan na madadaanan nito. Hindi nakaiwas sa aking tingin ang mapusyaw na kulay berde sa batok ni Sirene. Anong nangyayari? Pilit kong ipinagsawalang bahala ang aking mga nakita at narinig ko na lang ang mahinang pagmumura ng mga lalaking hawak kami. "Joder! Ngayon pa bumagyo? Madali! Isabay-sabay niyo na sila," utos ng kanilang pinuno at naramdam ko na lang ang paghila sa akin ng lalaking nakahawak sa akin papatayo. Pilit akong nagpupumiglas sa kanya pero hindi ko magawang makakalas dahil sa lakas niya. Mierda! Nasaan na ang mga natutunan mo kay ama Alvera?! Naramdam ko na hinihila niya ako papalapit sa bangin, pero bago pa man niya ako tuluyang malapit ay naramdaman namin ang malakas na paggalaw ng mga lupa kasabay ng pagbagal ng oras. Malakas na napasinghap ako nang matanaw ko ang mapusyaw na kulay dilaw sa palapulsuhan ni Eren. Bakit ako nakakita ng mga ganitong kulay? Para saan ito? Napadapa na lang ako habang walang tigil sa pagtambol ang aking dibdib sa naging pagbalik ng oras at pag-ugong ng mga lupa. Ni minsan ay hindi nakaranas ang bayan namin ng pag-uga ng lupa hanggang ngayon. Nagawa kong makatakas sa kamay ng lalaki pero bago pa man ako tuluyang makalayo sa kanya ay naramdaman ko na lang ang sarili ko na nawalan ng balanse na nagdahilan nang pagkahulog ko sa bangin. Parang bumagal ang oras habang walang tigil sa pagpatak ang ulan. Halos hindi na ako nakahinga nang makita ang mga kaibigan ko na kapwa bumubulusok pababa ng bangin. Bago pa man kami tuluyang bumagsak sa tubig ay nakita ko ang mapusyaw na kulay pula sa noo ni Ari kasabay ng pagkakarinig ko sa aking isipan ng boses niya. "Kung ito ang ating huling buhay ay gusto ko lang sabihin na mahal na mahal ko kayo." Napapikit na lamang ako nang maramdaman ko ang malakas kong pagbagsak sa tubig. Sa lakas ng aking pabagsak ay mabilis ang aking pagkakalubog pababa. Pinilit kong igalaw ang aking mga kamay at paa para lumangoy pataas pero nahihirapan ako dahil sa napakalakas na alon. Pilit ko mang lumangoy pero hindi ko magawa. Nauubusan na ako ng hangin at nagsusumigaw na ang aking katawan para huminga, pero alam kong sa oras na gawin ko 'yon ay tuluyan ng papasukin ng tubig ang aking katawan at wala na akong ibang magagawa kun 'di ang hayaan ang sarili kong katapusan. Parang inuupos ang aking baga sa sobrang pagpipigil ng hininga at wala na akong nagawa pa ng magsimula nang pumasok sa aking lalamunan ang tubig at nakita ko na lamang na maging ang mga kaibigan ko ay tinatangay na ng malakas na alon ng tubig. Bago ako tuluyang nawalan ng malay ay nakita ko ang pagsibol ng mapusyaw na kulay puti sa aking dibdib na bumalot sa aming lima. Ito na ba ang katapusan namin? ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD