Kabanata 1

2506 Words
Whispering Destiny Kabanata 1 | La Priego _____________________________________ Marahang sinuklay ko ang mahabang tsokolate kong buhok habang matamang pinagmamasdan ang aking repleksyon sa salamin. Hindi man bago ang unipormeng suot ko ay masasabi kong napakalinis kong tingnan. "Anak. Hindi ka pa ba papasok? Mahuhuli ka na sa iyong klase!" Rinig kong tawag sa akin ni Ina na nagpabalik sa akin sa wisyo. "Pababa na po ako!" Sagot ko bago ako nagsimulang maglakad pababa ng aming tahanan. "Magandang umaga Ina," pagbati ko sa kanya bago siya binigyan ng mabilis na yakap. "Magandang umaga rin sa aking napakagandang anak." Malawak na napangiti na lang ako sa tinuran ni Ina. Kahit kailan talaga ay hindi siya pumapalya na purihin ang aking kagandahan. "Pasensya ka na anak at ito lang ang kayang kong maibigay sa 'yo sa ngayon. Hayaan mo pagkauwi ng iyong Ama ay dodoblehin ko 'yan," sabi ni Ina habang inaabot sa akin ang limang piraso ng pilak. Agad akong napa-iling at binalik ang mga pilak na inabot sa akin ni Ina. "Hindi na Ina. Itabi niyo na lang 'yan para sa ating hapunan para mamaya. May natabi pa naman akong kakaunting pilak," nakangiting sabi ko kay Ina kahit pa ay tatatlong piraso ng pilak na lang ang natitira sa akin mula sa sunod-sunod na bayaran sa eskwelahan nitong mga nakaraang araw. "Sige na anak tanggapin mo na," pagpupumilit pa ni Ina pero bago pa man niya maabot sa akin ito ay mabilis na aking humalik sa kanyang pisngi bago mabilis na lumabas ng aming munting tahanan. Narinig ko pa ang pagtawag ni Ina pero kinawayan ko na lamang siya bago ako tuluyang makalayo. Alam kong maliit lang ang kinikita ni ama sa kanyang pagiging tagapagbantay sa mga Luerca at maging si Ina sa kanyang paglalabada, idagdag mo pa ang napakalaking utang na naiwan ng aming tiyo sa aking ama matapos siyang mamamatay ilang taon na rin ang nakakalipas. Kahit pa hindi ito utang ng pamilya namin ay walang ibang nagawa si Ama kung hindi ang paunti-unti itong bayaran bilang pagbibigay galang sa yumao kong tiyuhin. Nagpapasalamat na lamang ako na iisa lamang akong anak kung hindi ay mas lalo kaming maghihirap at wala akong ibang magagawa kung 'di ang huminto sa pag-aaral para makatulong sa mga gastuhin at bayarin namin sa araw-araw. Pero kahit pa mahirap kami ay masasabi kong mayaman kami sa pagmamahal. Ito na ang masasabi kong pinakamalaking yaman na mayroon ako. Hindi man kami nagbiyayaan ng marangyang buhay ay nagbigyan naman ako ng napakamapagmahal na mga magulang at wala na akong iba pang mahihiling. Hindi ko maiwasang mapangiti nang maramdaman ko ang malamyos na paghampas ng hangin sa aking mga balat. Napakaganda talaga ang umaga sa bayan, ibang-iba kapag sumasapit na ang dilim. "Alvera!" Mabilis na napalingon ako sa likod ko nang marinig ko ang malakas na pagtawag sa akin. Malayo pa man ay nakikilala ko na ang babaeng hinahampas ang itim na itim na buhok sa malakas na hangin. "Sirene!" Tawag ko sa kanya bago ko binagalan ang aking lakad para mahabol niya ako. "O bakit mag-isa ka? Nasaan sina Eren?" Takang tanong ko nang makita kong mag-isa siya. Madalas kasi ay magkakasama silang apat sa pagpasok dahil magkakalapit ang bahay nila at ako lamang ang nalalayo. "Inunahan ko na ang babagal maglakad eh. Ayon sila mga kakagising lang," sabi ni Sirene kaya agad naman akong napalingon sa kanyang tinuro at gaya ng sabi niya ay nakita ko nga ang tatlo ko pang mga kaibigan na kasalukuyang naglalakad. "Kanina niyo pa ako tinititigan dalawa. Nagagandahan na naman kayo sa akin 'no?" Napataas ako ng kilay sa walang habas na tinuran ni Ari. Kahit kailan talaga ay napakataas ng tingin niya sa kanyang sarili at kung anong pumasok sa kanyang isipan ay talagang sinasabi niya. "Please, Graciela 'wag. Ang aga-aga ayan ka na naman," nakahalukipkip na sagot ni Fira. "Sabing Ari nga ang pangalan ko. Hindi Graciela," iritang sabi ni Ari na ikinailing ko na lang. Ito na naman po at mag-uumpisa na naman sila. "Bakit Graciela naman pangalan mo ah? Graciela Airilyn Trevino," inosenteng pagtatanong ni Eren habang humihikab pa. "Tatlo sa mga kaklase ko ang may pangalang 'yan, ayoko niyan. Ganda ganda ko eh dapat naiiba ako. Ewan ko ba kay Ina bakit may Graciela pa ay puwede namang Airlyn na lang," sabi pa ni Ari bago kami nagsimulang maglakad habang ako ay matamang nakikinig lang sa kanila. "Nahiya naman si Fira sa 'yo. Halos kalahati ata ng bayan natin ang may pangalang Felicia," natatawang dagdag ni Sirene. "Bakit naman ako nadamay?" Kunot noong sabat ni Fira. Hindi ko na nahabol ang pinag-uusapan nila nang matanaw ko na sa 'di kalayuan ang aming munting paaralan. Ewan ko ba sa kanila. Lagi nilang pinagtatalunan ang mga pangalan nila. Lalo na sina Ari at Fira. Ang totoo kasing pangalan ni Fira ay Felicia Raina tapos si Airilyn may Graciela. Maganda naman ang mga pangalan nila sadyang gamit na gamit lang sa bayan namin kaya ayaw na ayaw nila. Nagpapasalamat na lang ako na kahit papaano ay maganda ang naipangalan sa akin ni Ina. Alvera Catalina Saldivar, pero kilala ako sa aming bayan bilang Vera. Masyado kasing mahaba 'di ba kung buong pangalan ko ang itatawag sa akin. Maliit lamang ang bayan namin na kung tawagin ay La Priego. Ang aming bayan na ang maituturing na pinakamaliit na bayan sa buong Huelva, pero 'di naman iyon naging dahilan para hindi namin maranasan ang mga nararanasan ng mga taga ibang bayan, tulad na lang ng pagkakaroon ng libreng edukasyon. "Nandito na pala tayo. Mauuna na kami sa inyo!" Kumakaway na paalam sa amin ni Sirene habang hila-hila na sa kamay si Fira. Magkaiba kasi kami ng seksyon at tanging silang dalawa lang ang sinuwerteng magkasama. "Mabuti pa nga. Magkita-kita na lamang tayo sa ilalim ng punong mangga pagkatapos ng klase," sabi ko na sinang-ayunan ng apat. "Kita-kits!" Pahabol pa na sabi ni Eren bago siya tumakbo sa kaliwang pasilyo. Tinanaw ko na lamang sila bago ko napagpasyahang magtungo na sa aming silid. Ito na ang ika-walo at huling taon ko na pag-aaral. Sa aming mga hindi pinalad sa buhay ay tanging walong taon lamang ang kayang suportahan ng mga konseho para kami'y libreng makapag-aral. Sa edad na walo ako nagsimulang mag-aral hanggang sa taong ito kung saan ako mag-iisa't pitong gulang na, edad na maituturing ng ganap sa bayang ito. Pagsapit kasi ng ika-pitong gulang mo ay maaari mo ng gawin ang anumang iyong gugustuhin gaya ng pagtatrabaho. Pero 'di gaya sa mga maharlika ay sa pagsapit nila ng ika-pitong gulang ay pinagpapatuloy pa nila ang kanilang limang taong pag-aaral sa isang eklusibong unibersidad kung saan hahasain ang kanilang angking galing sa iba't ibang larangan ng sining. Isang bagay na kahit kailanman ay hindi ko magagawa dahil sa estado ng aming pamumuhay na isang kahid isang tuka. Hindi ko na namalayan na mabilis nang natapos ang klase sa araw na ito kung saan itinuro sa amin ang madalas kong marinig na lenggwahe ng mga maharlika. Hindi man kami katulad nila ay binibigyan pa rin nila kami ng pagkakataong magkaroon ng kakaunting kaalaman patungkol dito na siyang malaking pinasasalamat ko. Bago pa man ako tuluyang makalabas sa aming silid ay tinawag ni Binibining Laura ang aking pangalan. "Bakit po Binibining Laura?" Magalang na tanong ko sa aming guro sa Ingles. "Gusto ko lamang ipaalala sa iyo ang nalalapit na pagsusulit ng unibersidad sa bayan," panimula niya na aking ikanahinto. Heto na naman siya tungkol sa unibersidad. "Nakikitain kita ng potensyal Alvera. Matataas ang iyong marka at ni minsan ay hindi pa bumaba sa uno ang iyong mga marka. Sinisigurado kong ikaw ang mangunguna sa magaganap na pagsusulit kung susubukan mo. Pag-isipan mong mabuti ang bagay na ito. Lubos na makakatulong ito hindi lamang sa iyo kung 'di maging sa iyong pamilya," huling sinabi ni Binibining Laura bago siya nawala sa aking paningin. Hindi niya naiintindihan ang aking sitwasyon. Mahirap ipanganak na mahirap. Ni ang unipormeng suot ko ngayon ay ilang linggong trinabaho ng aking mga magulang para lamang aking maisuot. Papaano pa ang pagpasok sa unibersidad na daang libo ang kakailanganin upang ikaw ay tuluyang makapagtapos? Daang taon ang gugulin ng mga magulang ko para lamang tustusan ako. Napailing na lang ako at malakas na nagbuntong hininga. Ayoko ng pahirapan pa sina Ina at Ama. Sapat na maranasan kong makapag-aral man lang. Gaya ng aming napagkasunduan ay mabilis na tinungo ko ang puno ng mangga na siyang aming pagkikitaan. Malayo pa man ay tanaw ko na ang nag-uusap na apat. "Alam niyo bang inalok ako ng aming guro na paunlakan ang magaganap na pagsusulit sa isang uniberasidad?" Napantig ang aking pandinig sa sinabi ni Ari. "Parehas tayo. Maging ako ay kinausap ng aming punong-guro," nakahalumbabang sambit ni Eren. "Kami rin ni Sirene ay kinausap kanina patungkol diyan. Hindi na lang kami nakasagot kasi napakaimposible ng inaalok nila," seryosong dagdag ni Fira na mariing nakatingin sa naglalagang dahon ng puno. Akala ko ay ako lang ang nakatanggap ng ganitong balita, kung hindi pati rin pala sila. "Ikaw ba Vera nakatanggap ka rin? Balita ko ikaw ang nangunguna sa buong paaralan na may pinakamatataas na grado na natala sa buong kasaysayan ng ating bayan," tanong sa akin ni Sirene nang mapansin ang presensya ko. "Alam naman nating lahat na kahit gaano pa tayo katalino kung wala tayong pilak ay wala rin," matabang na sabi ko bago ko isinandal ang aking likod sa puno ng mangga. Narinig ko ang mahinang pagbuntong hininga nila sa sinabi kong iyon. Ibang-iba kasi ang oportunidad na naibibigay sa mga nakapagtapos sa isang unibersidad. Matapos nilang makapagtapos ng limang taon ay may sigurado na kaagad silang mataas na trabaho sa bayan, 'di tulad naming nakapagtapos lamang sa libreng eduksayon na walang permanenteng trabaho at tanging mababang posisyon lamang ang maaaring maging trabaho. Ni hindi namin mararanasan ang makaapak sa ibang bayan dahil eklusibo lamang ito para sa mga nakapagtapos sa isang uniberasidad. Ngunit kahit gaano pa man kalupit ang sistema ng eduksayon sa aming bayan ay wala kaming magagawa kung hindi ang yakapin ito at sundin. Minsan napapaisip na lang ako na paano kaya kung pinanganak akong maharlika? Siguro ay wala akong pinoproblemang ganito ngayon, pero sa tuwing naaalala ko ang paghihirap ng aking mga magulang ko para lang mapag-aral ako ay agad akong nakokonsensya. "Halina kayo. 'Wag na kayong malungkot diyan. Mabuti pa ay magtungo na lang tayo sa baryo para makapag-aliw," puno ng buhay na sabi ni Sirene na ikinamulat ko ng aking mga mata. "Oo tama! Tara na. Kailangan nila ang kagandahan ko ro'n," punong ng kahanginang sabi ni Ari. "Ewan ko sa 'yo Ari. Kahit kailan ka talaga. Tara na't magpakasaya!" Sigaw ni Eren na kaagad naming ikinasaway sa kanya dahil baka makita kami ng taga bantay sa punong ito at paglinisin na naman kami ng buong eskwelahan. Hindi kasi kami makahindi sa kanya dahil na rin pinagbabantaan niya kaming isusumbong sa guro sa pagkakalat sa paligid na ni minsan ay hindi naman namin ginawa. Tawa lang ako nang tawa matapos nang naging pagsayaw ni Eren sa gitna ng mga tao. Kahit kailan talaga ay hindi siya nahihiya kung anuman ang itsura niya basta't napapasaya niya kami. "Anong klaseng sayaw 'yon Eren?" Tawang-tawang tanong ni Sirene. "Ewan nga rin eh," sagot ni Eren na mas ikanalakas ng tawanan namin. "Ako na gagawa ng tawag. Puwede na siguro ang tingting na pagsayaw," nakataas babang kilay na sambit ni Fira. "Hindi, mas maganda ang sayaw bulate. Para kasi siyang inasinan ng bulate kanina," gatong ni Ari na ikinasama ng timpla ni Eren at ikinatawa pa namin. "Hoy, hoy! Ang kapal mo! 'Di hamak na mas magaling akong sumayaw sa ating lima," sigaw ni Eren. Hindi naman ako tatanggi sa bagay na 'yan. Kahit pa ay loko-loko siya sa aming lima siya ang may nabiyayaan ng natatanging talento sa pagsayaw. "Oo na lang Eren," iiling-iling na sagot ko sa kanya. "Wala. Walang magaling-magaling para ka pa ring bulate sumayaw!" Sabat ni Ari na ikinapula ni Eren sa asar. Tatawa-tawa lang akong napailing sa kanila. Kahit kailan ay hindi nawala ang asaran sa aming lima lalo na sa kanilang dalawa. 'Di ata nabubuo ang araw namin ng walang nagaganap na diskusyon at asaran. Napahinto lamang kami sa pag-aasaran nang makitang may nakabangga si Sirene na nagdahilan ng pagtama ng kanyang kinakaing sorbetes dito. Marahang tinaas ko ang aking tingin mula sa babaeng nakabanggaan ni Sirene at halos nanigas ako sa aking kinatatayuan nang mapagtanto kung sino ito. Isang maharlika. "What the hell! Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ang unipormeng ito!" Asik ng babaeng may porselang kutis na namumula sa galit habang tinitingnan ang kanyang namantsayang uniporme na tanging mag-aaral lamang sa unibersidad ang may kakayahang magsuot. "Pasensya na po kayo. Hindi ko sinasadya. Paumanhin," nanginginig na paghingi ng tawad ni Sirene. Maging kaming tatlo ay hindi alam ang gagawin sa biglaang pangyayari. Kita ko rin ang pagka-agaw ng atensyon ng mga taong napapadaan sa gawi namin at maging ang mga tinderong malalapit. "Sa tingin mo ba ay maibabalik ng paumanhin mo ang nadumihan kong uniporme?!" Galit na sagot ng babaeng maharlika. Hindi nagawang makasagot ni Sirene sa sinabing iyon ng babae. "Kayong mga mahihirap talaga ay kahit kailan ay mga walang silbi at mga inutil!" Matapobreng sabi niya pa na ikinakuyom ko ng aking mga palad. Hindi ko na mapigilan pa ang sarili ko at nilagay sa likod ko ang nanginginig na si Sirene at hinarap ang matapobreng maharlika. "Hindi maganda ang tabas ng iyong dila binibini," may kadiinang sabi ko sa babae na ikinasama niya ng tingin sa akin. Ramdam ko ang paghawak ni Eren sa aking kaliwang kamay upang pigilan ako sa aking ginagawa pero mabilis ko lamang itong hinawi. "At sino ka para sabihan ako ng ganyan? Lapastangan! Isa ka lamang mababang uri! Hindi mo ba ako nakikila? Isa akong maharlika!" "Maaaring tama ka babaeng maharlika. Mababang uri kami ng bayan na ito pero 'di sapat na dahilan iyon para kutsain mo kami. Tandaan mo na wala kang kakainin na bigas, prutas, at gulay kung hindi dahil sa sinasabi mong mga walang silbing mahihirap. Wala kang magandang kasuotin kung hindi dahil sa walang permanenteng trabahong mga mananahi. Sa isang maharlika ay masasabi kong kulang ang iyong mga natutunan sa iyong paghubog sa pag-uugali," mahabang litanya ko na kahit puno ng pagkamuhi ay pinili kong sabihin ito ng may paggalang. Ramdam ko ang paghawak nila sa magkabilang kamay ko para patigilan na ako pero hindi nila ako mapipigilan. Hindi ko ititigil ang aking nasimulan. "Lapastangan ka! Hinding-hindi ko kakalimutan ang araw na ito! Pagbabayaran mo ang paglapastangan mo sa akin! Pagbabayaran mo!" Puno ng galit na turan ng babae bago niya kami tinalikuran. Wala siyang karapatan na sabihan kaming walang silbi at inutil dahil ni minsan ay hindi niya naranasan ang hirap na nararanasan namin sapagkat pinanganak siyang may pribilehiyo. Kahit kailan ay hinding-hindi ako magpapawalang kibo sa pamamaliit ng mga maharlika sa aming mahihirap. Hinding-hindi. ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆ ∆
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD