CHAPTER 3

1597 Words
CHAPTER 3 Madilim pa nang magising ako dahil nakaramdam ako ng pag-ihi. Dahan-dahan akong bumaba sa kama para hindi magising si Nanay at Jomar. Habang naglalakad ako napatingin pa ako kay Tatay at nangiti ako dahil bigla na lang 'tong humilik nang pagkalakas-lakas. Mukhang ang himbing ng tulog niya. Mahina rin akong natawa nang makita ko si Kuya na nakanganga habang natutulog. Wala sanang mahulog na butiki sa bibig niya. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Medyo gumawa ito ng mahinang ingay dahil may kalumaan na rin itong bahay na inuupahan namin. Nilalagyan na lang ni Tatay ng langis itong pinto para mabawasan ang pagiging maganit at maingay nito. Humihikab pa akong bumaba ng hagdan. May nakabukas na mallit na lampshade naman sa sala kaya hindi na ako nagbukas ng ilaw. Sapat naman 'yung ilaw sa lampshade para makita ko ang banyo. Hindi naman kalakihan itong apartment namin. Ilang hakbang lang mula sa sala nasa kusina ka na. Konting hakbang lang ayan na agad ang banyo. Binuksan ko ang pintuan ng banyo at kinapa ko ang switch sa loob at saka ko ito pinindot. Habang umiihi ako parang may narinig akong kaluskos. Nagsasaya na naman siguro ang mga daga dito sa bahay namin. Noong nakaraang linggo nga lang may nahuling malaking daga si Kuya dahil naglagay siya ng trap na bakal sa mga sukok. Halos kasinglaki na ito ng kuting. Kinilabutan nga ako nang makita ko. Pagkataba-taba na kulay itim at ang haba pa ng buntot. Pagkatapos kong umihi naghugas na ako ng kamay at lumabas ng banyo. Papanik na sana uli ako nang mapansin kong nakaawang ang main door namin dahil may kaunting ilaw na pumapasok galing sa mga nakabukas na poste ng ilaw sa labas. Ang sabi ng Tatay kanina, naka-lock na raw ito at sigurado ako na kaninang pagbaba ko nakasarado ito. Nakaramdam ako ng kaba at takot. Kumapa ako sa pader para buksan ang switch ng ilaw pero bigla na lang may kamay na humawak sa bibig at kamay ko. "Huwag kang maingay. Subukan mong sumigaw at papatayin ko ang buong pamilya mo." Nanigas ang katawan ko at kahit gustohin ko mang sumigaw ay mukhang hindi ko magagawa dahil sa sobrang takot. Takot para sa kaligtasan ko at ng buo kong pamilya. Tumango ako para alam ng kung sino mang lalaking ito na hindi ako mag-iingay, huwag lang niyang saktan ang pamilya ko. May mga narinig akong kalabog sa itaas at impit na sigaw. Mukhang hindi lang isa ang nanloob sa amin at ang ilan sa kanila nasa itaas na. Tumulo na ang luha ko. Takot na takot talaga ako. Anong ginagawa nila sa pamilya ko? Nagpupumiglas na ako. Akala ko hindi sasaktan ang pamilya ko pero ano itong mga naririnig ko? "Tumigil ka. Papatayin kita," pabulong na sabi niya pero may diin. Hindi ako nakinig sa kanya. Nagpupumiglas pa rin ako. Isang malakas na kalabog sa sahig na para bang may bumagsak ang narinig ko kaya bigla akong napatigil at nanlaki ang mga mata. Pinilit kong magsalita kahit may takip ang bibig ko pero mas lalo pang hinigpitan ng lakaking kasama ko ang pagkakahawak niya sa ‘kin. Mayamaya, may dalawang lalaking bumaba ng hagdan na may suot na mga maskara na gawa sa tela na tumatakip sa buo nilang ulo kaya hindi ko kita ang mga mukha nila. "Ano'ng nangyayari sa taas?" tanong ng lalaking nakahawak sa ‘kin. "Nanlaban. Tinuluyan ko na. Doon din naman papunta," sagot ng isa sa mga bumaba. Ano'ng ibig niyang sabihin? Ano'ng nangyari sa taas? Ano'ng ginawa nila sa pamilya ko? Dahil sa narinig ko nagpupumiglas na naman ako. Nagawa kong ibuka ang bibig ko kaya kinagat ko ang kamay na nakatakip sa bibig ko. "Putangina," malutong na mura ng lalaki na nasa likuran ko. Hawak pa rin niya ang kamay ko pero nabitawan na niya ang bibig ko kaya nakasigaw ako. "Tulong!" sigaw ko pero mabilis niyang natakpan muli ang bibig ko. "Busalan n'yo 'to," sabi niya sa isa mga kasama niya, kaya naglabas ng panyo ang isa sa kanila at isinaksak ito sa loob ng bibig ko at saka nila nilagyan ng malaking tape ang ibabaw ng bibig ko. Kahit anong pilit ko'y impit na sigaw na lang ang maririnig mula sa ‘kin. Itinali rin nila ang mga kamay ko sa harapan ko na sa sobrang higpit ay halos bumaon na sa balat ko ang tali. "Lakad," utos ng isa sa kanila. Pinapanik nila ako ng hagdan habang ang isa sa kanila ay ginugulo ang mga gamit namin sa ibaba. Hindi ko alam kung ano'ng hinahanap nila. Wala naman kaming malaking pera, mga alahas o mamahaling gamit. Sa bawat hakbang ko papanik ng hagdan ramdam ko ang panginginig ng mga tuhod ko. "Ang kupad mo." Hindi ko alam kung sino sa kanila ang tumulak sa akin. Buti na lamang at napahawak ako sa bakal na harang ng hagdan, kung hindi sumubsob na siguro ako. Habang papanik ako mas naririnig ko ang mga impit na iyak ng pamilya ko sa kwarto. Parang si Nanay at Jomar 'yon. Si Kuya at Tatay kaya, ano’ng nangyari sa kanila? Nang nasa tapat na ako ng nakabukas na pintuan ng kwarto namin para akong naestatwa sa kinatatayuan ko. Mula sa pwesto ko kita ko ang nakahandusay na katawan ni Tatay at Kuya Dante. Pareho silang nakadapa at naliligo sa sarili nilang mga dugo. Nanginginig ang buong katawan ko habang dahan-dahan akong naglalakad palapit sa kanila. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Akma kong tatanggalin ang tape sa bibig ko nang pagbantaan nila ako. "Subukan mo lang tanggalin 'yan. Isusunod ko ang natitira pang miyembro ng pamilya mo. Napatingin ako sa kaliwa ko at nakita ko si Nanay at Jomar na nakasiksik sa sulok habang may dalawang lalaking nakabantay sa kanila. Limang lalaki pala ang nanloob sa amin. At tulad ng mga lalaki na nakita ko sa ibaba, nakasuot din ang mga ito ng maskara sa ulo. Lahat din sila'y naka-longsleeves at may suot na gwantes. Mukhang sanay sila sa mga ganitong gawain. Ganito ang mga suot nila para wala silang maiiwan na bakas o ebidensya. Napansin kong magulo rin ang kwarto namin. Mukhang pati rito ay naghalungkat sila. Ano ba talaga ang pakay nila? Tumakbo ako palapit kina Nanay. Mga nakatali rin ang mga kamay nila at may mga busal din sa bibig. Nagiiyakan na kaming tatlo. Gusto ko nang matapos ito. "Tapusin na natin 'to. Gusto ko nang unuwi sa misis ko," sabi ng isa sa kanila. "Sandali lang. May gagawin pa 'ko." Bigla na lang akong hinablot sa buhok ng lalaking nagsalita. Ito 'yung lalaking may hawak sa akin kanina. Panay ang iyak at iling ni Nanay habang nakatingin sa akin na kinakaladkad ng lalaki. Itinulak niya ako sa kama. "Gago. Gusto mong malagot?" sabi ng isa sa kanila. "Bakit? Hindi namana malalaman. Sixteen na 'to. Pupusta 'ko. Hindi na 'to virgin kaya ayos lang." Mukhang balak niya akong pagsamantalahan kaya dali-dali akong lumayo sa kanya at nagsumiksik sa gilid ng kama kahit na alam kong wala naman 'yong magagawa para makatakas ako sa kanya. Papalapit na siya sa 'kin nang bigla na lang siyang kabigin ni Nanay. Natumba si Nanay at napaluhod sa sahig habang hindi man lang natinag 'yung lalaki. "Gago ka. Istorbo," galit na sabi niya kay Nanay bago niya ito sinabunutan. Tatakbo sana ako palapit kay Nanay pero pinigilan ako ng mga lalaki na naroon din sa kwarto. Mula sa bulsa nakita kong naglabas ng patalim ang lalaking nakahawak kay Nanay. Nagpupumiglas ako at sumigaw hanggang sa pinakamalakas na kaya ko kahit na alam kong wala namang makakarinig sa akin dahil may kutob na ako kung ano'ng sunod na mangyayari. Natulala na lang ako nang gilitan niya si Nanay sa leeg. Binitawan niya ang buhok ni Nanay at pasubsob itong bumagsak sa sahig. Ginawa niyang hayop ang Nanay ko! Hindi niya itinuring na tao! Hayop siya! Hayop silang lahat! Napatingin ako kay Jomar. Ang bilis ng paghinga niya at mukhang hirap na hirap siya. Inaatake siya ng hika niya! Kailangan niya ng gamot! "Kahit wala tayong gawin dito sa maliit, kusa nang mamamatay. May hika ba 'yang kapatid mo?" tanong sa 'kin ng lalaking pumatay kay Nanay. Mabilis akong tumango. Baka sakaling maaawa sila. "Nasaan 'yung gamot niya?" Itinuro ko 'yung drawer gamit ang mga nakatali kong kamay dahil sa balikat lang ako hawak ng mga lalaking pumigil sa akin kanina. Lumapit ang lalaki sa drawer na itinuro ko. Inilabas niya mula roon ang inhaler ni Jomar. "Ito ba?" tanong nito sa akin. Tumango ako. "Okay." Akala ko'y ibibigay niya kay Jomar ang inhaler pero ibinagsak niya ito sa sahig at saka niya tinapak-tapakan. Nagtawanan ang mga kasama niya sa ginawa niya, dahil dito nawala ang higpit ng pagkakahawak nila sa akin. Mabilis akong umalis sa kama at sinugod ang lalaki. Nahablot ko ang suot niyang t-shirt at napunit ko ito kaya nakita kong may tattoo siya nang malaking ahas sa dibdib. Malakas niya akong sinampal, kaya napasubsob ako sa sahig sa tapat ni Jomar. Itinukod ko ang kamay ko sa sahig para maiangat ang sarili ko. Tumingala ako para tingnan si Jomar at nakita ko ang bunso kong kapatid na hindi na humihinga at nakatingin na sa kawalan. Hindi! Hindi 'to nangyayari! Panaginip lang lahat ng 'to! Gusto kong sampalin ang sarili ko para magising ako sa masamang panaginip na 'to. Hindi pa patay ang pamilya ko! Hindi pwedeng mangyari sa 'min 'to! Para na 'kong masisiraan ng bait. Lumulutang na ang isip ko. Bigla na lang nagdilim ang paningin ko at hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD