CHAPTER 1

1508 Words
CHAPTER 1 Eight years ago.   "Nay ano pong handa natin sa Pasko?" tanong ko kay Nanay habang naglalaba kami sa likuran ng mansyon ng amo niyang si Don Bernard Santillan. Hindi ko pa ito nakikita pero sabi ni Nanay 55 years old na raw ito at matangkad na lalaki. Biniro ko nga dati si Nanay at tinanong ko kung may anak na binata ba si Don Santillan na pwedeng ipakilala sa ‘kin para makapangasawa ako nang mayaman, pero sabi ni Nanay, wala raw itong asawa at wala ring anak.  "Katulad pa rin noong nakaraang taon, spaghetti, lumpiang shanghai, fruit salad at kaunting hamon. Bakit may iba ka pa bang gusto?"  "Fried chicken po."  "Naku, hindi ka na nagsawa sa manok."  "Sige na po. Paborito ko po eh."  "O siya sige. Isasama ko sa mga bibilhin natin bukas."  "Thank you Nanay!" Inihilig ko pa ang ulo ko sa may balikat niya. Magkatabi lang naman kami habang nakaharap sa isang malaking batsa na puno ng mga de color na damit. Mga damit ito ni Don Santillan. Ayaw raw kasi no'n na nilalabhan sa washing machine ang mga damit niya. Kaya heto kami ni Nanay nagtitiis na magkusot sa kamay. Pero ‘yung mga damit ng mga tauhan niya at iba pang katulong dito sa mansyon ay sa washing machine namin nilabhan ni Nanay kanina.  "Basang-basa na 'yang damit mo. Magpalit ka na ng damit. Nandoon sa kwarto ni Manang 'yung bag ko. Magpaalam ka muna bago pumasok sa kwarto niya ha?"  "Mamaya na po. Kapag nagpalit po ako agad eh 'di mababasa lang uli kasi hindi pa tayo tapos maglaba."  "Babanlawan na lang naman 'to at isasampay na. Sige na. Mauna na. Ako na ang bahalang tumapos nito. Magpalit ka na. Bumabakat na d'yan sa suot mo ang suot mong panloob. Baka may ibang makakita."  "Okay po." Tumayo ako at ipinunas ko sa suot kong palda ang basa kong mga kamay at naglakad ako papasok ng mansyon gamit ang pintuan sa likuran.  "Manang?" tawag ko habang naglalakad ako sa tahimik na kusina. Walang tao. Tanghaling tapat kasi at marahil ay nagsi-siesta si Manang at iba pang katulong. Alam ko naman kung saan ang kwarto ni Manang kaya doon na ako dumeretso bago pa may makakita sa ayos ko. Napadaan kasi ako sa isang malaking salamin na nasa may dining area at tulad nga ng sinabi ni Nanay kanina ay nakabakat na ang suot kong puting bra dahil sa pagkabasa ng puti kong t-shirt dahil sa pinaghalong pawis at tubig. Maalinsangan kasi ang panahon at napakainit. Malapit na ako sa kwarto ni Manang nang may humawak sa balikat ko.  "Sino ka?" Boses ng lalaki ang narinig ko. Nanigas ang katawan ko at dahan-dahan akong pumihit paharap sa lakaking nasa likuran ko.  "A-ako po si Leeanne. Anak po ako ni Dolor. 'Yung labandera po rito," sagot ko sa matandang lalaki na nasa harapan ko. Tingin ko ito si Don Santillan dahil sa dami ng suot niyang alahas na ginto. Halos manilaw na siya sa dami nito. Hindi naman siya katangkaran, matanda na siya at may puting buhok na. Hindi naman siya pangit pero hindi rin naman kagwapuhan, pero halata mong mayaman dahil sa maganda niyang kutis na maputi. "Tinulungan ko po 'yung nanay ko maglaba kasi wala po akong pasok," dugtong ko pa.  "Ah... Ikaw pala 'yung anak na dalaga ni Dolor. Minsan ka na niyang naikwento sa akin. Basang-basa ka." Hinubad niya ang suot niyang coat at itinakip sa katawan ko. "Hindi ka dapat naglalakad nang ganyan dito. Marami pa naman akong lalaking tauhan na pakalat-kalat dito. Ilang taon ka na ba?"  "Salamat po. Sixteen po. Kaka-birthday ko lang po noong December 18."  "Belated happy birthday sa 'yo. Sandali may ibibigay ako sa 'yo." May kinuha ito sa bulsa. Wallet pala niya. Kumuha siya nang tig-iisang libo at inabot sa ‘kin.  "Regalo ko sa 'yo at pamasko na rin."  "Naku po, ang laki po nito." Kahit hindi ko pa binibilang, sa tingin ko'y limang libo 'yung binigay niya sa ‘kin.  "Magagalit ako kapag tinangghihan mo 'to."  "S-sige po, tatanggapin ko na po. Salamat po," nahihiya pero masayang sabi ko sa kanya.  "Saan ka pala papunta, bago kita makita?"  "Sa kwarto po Manang. May kukunin lang po."  "Ah, o sige, puntahan mo na."  "Okay po. Thank you po uli rito." Tumango na lamang ito at saka umalis kaya naglakad na uli ako papunta sa kwarto ni Manang habang isinusuksok ko sa bulsa ng suot kong palda ang perang ibinigay sa akin ni Don Santillan.  "Manang?" sabi ko kasunod ng pagkatok ko sa pintuan. "Manang?" Bumukas ang pintuan at nakita ko si Manang na namumungay pa ang mga mata. Mukhang naistorbo ko ata ang pagtulog niya.  "Leeanne, pasok ka."  "Pasensya na po. Naistorbo ko po ba kayo? Siesta n'yo po ata," sabi ko habang naglalakad ako papasok sa kwarto niya.  Tumango siya. "Oo. Gan’tong oras nga ang binigay ng Don sa amin para magpahinga bago kami mag-umpisang magluto para sa hapunan. Napakarami pa naman niyang tauhan na kailangan pakainin."  "Talaga po? Bakit po?"  "Sa yaman ng Don, kailangan niya nang maraming bodyguard. 'Yung iba naman tauhan niya sa pabrika."  "Ano pong negosyo niya? Hindi ko alam hija. Teka, ano nga palang ipinunta mo rito?"  "Yung bag po ni Nanay kukunin ko 'tsaka makiki-CR na rin po ako para makapagpalit ng damit." Inabot ko sa kanya 'yung coat na pinahiram ni Don Santillan sa akin. "Pakibalik na lang po kay Don Santillan. Pinahiram niya po ito sa 'kin nang makita niyang basa 'yung damit ko.  "Ay oo nga. Basang-basa ka. Ayun sa ibabaw ng kama 'yung bag ni Dolor. Dito ka na sa kwarto ko magpalit ng damit. Lalabas na rin ako dahil nandito na pala ang Don. Baka gusto ng merienda. Ipaghahanda ko. 'Yung damit. Ilagay mo na lang d'yan sa ibabaw ng kama ko."  "Sige po. Salamat po."   "Ate ang swerte mo naman. Dapat pala sumama rin ako kay Nanay para nabigyan din ako ng pera," sabi ng bunso kong kapatid na si Jomar. Eight years old palang siya kaya walang gusto gawin kundi ang makipaglaro lagi sa mga kapitbahay namin na mga kaibigan niya.  "Puro kasi laro 'yang laman ng utak mo," sabi ko bago ko guluhin ang buhok sa ibabaw ng ulo niya. "Pero hindi lang naman sa ‘kin 'to. Sa atin 'to. Pandagdag panggastos dito sa bahay."  "Hindi mo man lang ako babalatuan Ate?"  "Bibigyan kitang one hundred kapag nabarya na 'to."  "Yey! Promise 'yan ah!"  "Promise!"  "Anong promise? Anong meron?" Dumating na pala si Kuya Dante galing sa school. Third year college na siya sa kursong nursing. Balak niya kasing mag-abroad sa oras na makatapos siya at makapasa sa licensure exam. Naupo siya sa tabi namin ni Jomar.  "Babalatuan ako ni Ate ng one hundred kasi binigyan siya ni Don Santillan ng five thousand."  "Ang laki naman ng binigay sa 'yo."  "Pa-birthday at pamasko raw sa ‘kin."  "Galante naman kasi talaga 'yon. Binigyan na rin ako ng pera noon dati 'di ba, nang malaman niyang anniversary namin ng tatay n'yo," sabi ni Nanay habang naghihiwa ng gulay sa lababo. Nasa kusina kasi kaming lahat.  "Ang Tatay po pala nakauwi na?"  "Nasa kwarto, nahihilo. Tumaas na naman ang BP. Pinainom ko na ng gamot at binilhan ko rin ng pineapple juice."  "Malamang kumain na naman 'yon ng bawal."  "Kuya, may supot ng chicharon sa bag ni Tatay. Nakita ko," singit ni Jomar sa usapan. "At bakit mo naman pinakialaman 'yung bag ni Tatay?" tanong ko.  "Kumuha lang naman ako ng barya pambili ng Stick-O."  "Mali 'yon Jomar ah. Dapat nagpapaalam ka," pangaral ni Nanay sa bunso namin.  "Opo Nanay. Sorry po." Nang matapos magluto ng hapunan si Nanay sabay-sabay na kaming naghapunan. Medyo umayos na rin ang pakiramdam ni Tatay kaya nakasabay siya sa pagkain sa amin. Masaya ang pamilya namin kahit na simple lang ang buhay namin. Napapag-aral kami nina Nanay at Tatay kahit sa public school lang. 'Yung kinikita ni Tatay sa pagtratrabaho sa construction at sa paglalabada ni Nanay ang pinagkakasya namin sa panggastos namin sa araw-araw. Suma-sideline naman ako bilang manikurista sa parlor ni Ate Mimi at 'yung kinikita ko pinangbabaon ko sa school. Medyo natuto na nga rin ako kung paano maggupit ng buhok sa panonood ko lang kina Tasha at Kakai na mga bakla na manggugupit ni Ate Mimi sa parlor. Ang una ko ngang pinag-practice-an si Nanay. Maayos naman 'yung gupit ko. Napuri pa nga siya ni Aling Nida na tindera sa palengke.  "Jomar, pati mukha mo kumakain," biro ko habang masaya kaming kumakain ng hapunan. May butil kasi ng kanin na nakadikit sa pisngi niya.  "May kanin? Saan?" tanong niya at wala siya sa sariling inihawak ang kamay sa pisngi kaya mas lalo pa siyang nalagyan ng kanin sa mukha dahil nakakamay siya habang kumakain. Ang daming kanin pa naman ang nakadikit sa kamay niya. Dahil sa ginawa niya tawa kami nang tawa.  Masaya kami at kuntento sa buhay kahit na hindi kami mayaman, ngunit isang madilim na gabi ang magpapabago sa masayang mundo kong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD