CHAPTER 2

1349 Words
CHAPTER 2 Naririnig kong kumakanta si Jose Mari Chan sa radyo. Puro kantang pamasko ang pinatutugtog sa paboritong estasyon ni Nanay. Bispiras na ng Pasko at malapit nang pumatak ang alas dose. Suot naming tatlong magkakapatid ang mga bagong damit na binili sa amin nina Nanay at Tatay. Sa palengke namin ito binili na tinawaran pa ni Nanay. Pulang bulaklaking dress ang suot ko na tinernohan ko ng puting sandals na tatlong taon na sa ‘kin. Maingat kasi ako sa gamit at isinusuot ko lamang ito tuwing magsisimba kami kapag linggo o 'di kaya ay tuwing may okasyon na pupuntahan. Si Kuya Dante suot ang kulay blue na t-shirt na may print na tigre sa harapan na tinernohan niya ng maong na pantalon habang si Jomar naman ay kulay grey na t-shirt na may print na Minion na tinerno naman niya sa maong niyang short. Ang mga magulang namin hindi bumili ng bago. Sapat na raw sa kanila na makita kaming masaya na magkakapatid at nabibigyan nila kami paminsan-minsan ng mga bagay tulad ng damit.  "Fifteen minutes na lang Pasko na! Picture muna tayo!" masayang sabi ni Kuya Dante.  "Tara! Tara! Nanay! Tatay!" tawag ko sa mga magulang ko na nasa sala.  "Doon tayo sa may mesa, para kita sa picture 'yung mga handa."  "Kakaunti lang naman, isasama pa," natatawang sabi ni Nanay kay Kuya Dante.  "Nanay remembrance po 'yan para makikita natin ang unti-unti nating pag-asenso. Kapag naka-graduate at nakapagtrabaho na ako, mas marami na d'yan ang handa natin. Ang hamon natin hindi na tingi. Isang buo na ang bibilhin natin," sabi ni Kuya Dante.  "Tatandaan ko 'yan. Isang buo ha?"  "Opo Tatay. Isang buo. Kung gusto n'yo po hindi lang isa, dalawa pa," sagot ni Kuya.  "O siya, sige. Ano mag-picture na tayo? Si Jomar nasaan?"  tanong ni Tatay. "Nasa taas po," sagot ko. "Teka, tawagin ko po." Malamang nakatulog 'yon. Nauna pang mag-Noche Buena sa amin. Busog na dahil panay ang dukot ng lumpia sa lamesa. Kapag busog pa naman 'yon ay inaantok. Pumanik na ako sa itaas kung nasaan ang nag-iisa naming kwarto kung saan kami sama-samang natutulog. May isang kama kung saan kami natutulog ni Nanay at Jomar. Habang sina Kuya at Tatay naman sa sahig natutulog. Naglalatag na lang sila ng banig at sapin na kumot.  "Jomar! Gising! Bangon! Mag-aalas-dose na. Kakain na tayo," sabi ko habang niyuyugyog siya sa balikat. Bumangon siya at naupo sa kama.  "Kailangan ba talagang salubungin? Pasko pa rin naman bukas," reklamo niya habang nagkakamot ng ulo. "Tingnan mo, nalukot na 'yang damit mo. Magpi-picture pa naman tayo."  "Picture?" Biglang lumiwanag ang mukha niya. Gustong-gusto kasi n'yan na nagpi-picture. 'Yung cellphone nga ni Kuya, puro mukha niya ang laman dahil sa tuwing nahahawakan nitong si Jomar ay walang ginawa kundi kuhanan ng picture ang sarili niya. Sa amin pa naman ay si Kuya lang ang may cellphone na may camera. Ako, si Tatay at Nanay 'yung maliit lang na mga lumang model na, nabili pa ng second hand. 'Yung kay Tatay nga sa sobrang luma, nilagyan na niya ng goma para hindi natatanggal 'yung takip sa may battery.  "Oo, magpi-picture tayo bago kumain kaya tayo na d'yan." Dali-dali siyang bumangon at inayos pa ang pagkaka-tuck in ng suot na t-shirt sa maong na shorts. Sinuklay ko naman gamit ang mga daliri ko ang nagulo niyang buhok bago kami sabay na lumabas ng kwarto at bumaba. "Heto na ang prinsipe. Ready na magpa-picture," sabi ko habang bumababa ng hagdan at nakasunod kay Jomar.  "Tara na bilis. Picture na! Malapit na mag-alas dose," sabi ni Kuya Dante kaya binilisan na namin ang pagbaba ng hagdan. Tabi-tabi kaming pumwesto sa tabi ng mesa at nasa harapan namin 'yung mga handa. Si Kuya ang may hawak ng cellphone na itinaas niya para makuhanan kaming lahat pati na ang mga handa sa mesa.  "Ready na? One... two... three!" Ngumiti ako na halos makita na ang lahat ng ngipin ko.  "Kuya, isa pa! Pumikit ata ako," sabi ni Jomar.  "Patingin. Patingin ng picture," sabi naman ni Nanay.  "Ang gaganda at ang popogi natin dito ah, maliban kay Jomar kasi nakapikit ka nga," natatawang sabi ni Kuya at ipinakita sa 'min 'yung picture.  "Ang pangit ko d'yan Kuya. Ipapakita ko pa naman sa mga classmate ko. Lalagay ko sa f******k ko."  "Isa pa. Picture ulit. Kailangan pati bunso ko gwapo," sabi ni Tatay kaya nag-picture kami uli at this time lahat kami maayos na ang kuha. Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa pader. "Three minutes na lang!" Ramdam na ramdam ko ang Pasko lalo na at kasama ko ang buong pamilya ko at naririnig ko rin 'yung nga kapitbahay namin na nagkakasiyahan sa labas. Kanya-kanyang patugtog ng Christmas songs at meron pa akong naririnig na nagvi-videoke. Sa loob ng bahay namin, may luma kaming Christmas tree na ka-edad pa ata ni Kuya Dante na maraming palamuti. Taon-taon ata nadadagdagan. Parang sumasayaw naman ang umaandap-andap na mga ilaw nito na iba't iba ang kulay. Pareho kaming nakatitig sa orasan ni Jomar at nang tumapat ang pinakamaliit na kamay nito sa number 12, "Merry Christmas!" sabay naming sigaw ni Jomar.  "Merry Christmas po Nanay, Tatay!" Humalik pa ako sa pisngi nila at yumakap. "Merry Christma Kuya! Merry Christmas Jomar!" Nagbatian kaming lahat at niyakap kaming tatlo ni Tatay. "Merry Christmas mga anak!"  "Anak lang? Hindi ako kasama?" pabirong tanong ni Nanay.  "Aba'y syempre kasama ka. Wala akong mga gwapo at magandang anak kung wala ka. Tara dito," sagot ni Tatay kaya lumapit si Nanay sa 'min at yumakap din.  Masaya kaming kumain habang nagkwekwentuhan. Nang matapos kaming mag-Noche Buena, tinulungan namin ni Jomar si Nanay na magligpit ng mga pinagkainan. Habang si Kuya at Tatay naman ay uniinom ng beer sa may sala. Tig-dalawang bote lang daw sila at pagkatapos ay magpapahinga na rin. Si Nanay pinapanik ko na sa itaas kasama si Jomar habang ako naman ay tinatapos ko ang paghuhugas ng mga pinggan. Nang matapos ako'y pinuntahan ko sina Tatay at Kuya para magsabi na papanik na ako para matulog.  "Hala Tatay, Kuya, akala ko po ba tig-dalawang beer lang, kayo bakit may gin na d'yan?"  "Minsan lang naman anak. Pasko naman," sagot ni Tatay.  "Hindi namin uubusin," sabi naman ni Kuya.  "Pasalamat kayo, ako ang nakakita, hindi si Nanay kung hindi, Paskong-pasko may sermon kayong dalawa."  "Promise. Hindi namin uubusin," sabi uli ni Kuya.  "Okay sige, panik na po ako."  Bago ko sila iwan napatingin ako sa labas ng bahay namin. Sa kabilang side ng kalsada sa tapat ng bahay namin may dalawang lalaking nakatayo at parang nakatingin sa bahay namin, pero biglang umiwas ng tingin nang makita na nakatingin ako. Hindi ako sigurado pero parang gano’n ang kutob ko. Nagkwentuhan sila habang hawak na ng isa 'yung cellphone niya. May kausap na ito sa phone. Pagkatapos nitong makipag-usap sa cellphone, may sinabi ito sa kasama at saka sila umalis. Siguro may kakatagpuin sila at tumambay lang sila doon sa may poste. Hindi naman siguro sila nagmamanman sa bahay namin dahil kung magnanakaw sila hindi itong bahay namin ang gugustuhin nilang pasukin dahil wala silang makukuha.  "Ano’ng tinitingnan mo d'yan Leeanne? Akala ko ba papanik ka na?" tanong ni Tatay.  "Wala po. May nakita lang po kasi ako na dalawang lalaki na nakatayo sa may poste d'yan sa may tapat. Akala ko po nakatingin dito sa bahay natin pero umalis na po."  "Naka-lock na naman ang pintuan at may rehas naman ang mga bintana natin. Huwag kang mag-alala, ligtas 'tong bahay natin 'tsaka nandito kami ng Kuya mo. Sige na, pumanik ka na at matulog."  "Sige po. Goodnight po," paalam ko sa kanilang dalawa. Nang nasa itaas na ako, sumilip ako sa bintana at tumingin sa pinuwestuhan ng dalawang lalaki kanina. Wala nang nakatayo doon maliban sa isang asong umiihi sa poste. Isinarado ko na 'yung jalousie at hinawi ang kurtina at saka ako naglakad papunta sa kama at nahiga sa tabi ni Nanay. Mahimbing na ang tulog nila ni Jomar.  Pagkahiga ko ipinikit ko na ang mga mata ko. Wala akong kamalay-kamalay sa nagbabadyang panganib na paparating. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD