MALAKAS NA TAWANAN ang naririnig ni Rosallia mula sa sala ng mansiyon. Nasa kusina siya at naghahanda ng maiinom ng mga panauhin. May pagtitipon ang mga Del Valle sa hindi niya malamang dahilan. Marami ang tao at natatakot siya. Hindi siya maaaring matakot dahil hindi naman siya kakainin ng mga ito kaya napabuga na lamang siya ng hangin sa bibig at nagpatiunan na paalis. Hawak-hawak niya ang isang tray na naglalaman ng walong baso at may babalikan pa siya. Sa totoo lang ay nahihirapan siya sa ginagawa niya ngayon pero kailangan niyang gawin para hindi siya mapahiya kay Don Arturo. Pinasok niya ang pagiging kasambahay at kailangan niya iyong panindigan.
"Papá, paano kung namatay ka, kanino mo ipapamana itong Valle Hacienda?" tanong ng isang medyo may katandaang lalaki.
"Are you crazy, Nathan? Huwag mo ngang tanungin niyan si Papá. Hindi pa siya mamamatay dahil malakas pa siya..." medyo pagalit na ani naman ng babaeng nasa tabi nito na katulad din nitong medyo matanda— mukhang mag-asawa.
"Kayo talagang dalawa!" Si Don Arturo, tumawa. "Ipapamana ko ang Valle Hacienda kay... ika nga ni Julietta, malakas pa ako kaya hindi ko na muna sasabihin. Hayaan niyo't kapag namatay ako, malalaman niyo rin, mga anak," sabi nito.
Hindi mapigilang mapangiwi ni Rosallia. Bakit ganito ang mga anak ni Don Arturo? Parang walang awa rito at mukhang gusto nang nakuha ang kayaman nito. Pero sa sinabi nito na kung kanino ipapamana, parang alam na niya. May nabalitaan kasi siya na lima ang anak ni Don Arturo tapos namatay ang dalawa. Iyong tatlo ay buhay pa, isang lalaki at dalawang babae. Ang anak nitong lalaki ay may asawa pero dahil baog, walang anak— walang apo kay Don Arturo kaya malamang ay hindi rito mapupunta ang yamam. Sa dalawang babae naman, ang isa ay nasa America raw at doon naninirahan habang ang isa naman ay nandito— ito yata iyong nagsalita na kinompronta ang lalaki. Hindi niya talaga mapigilan ang mainis dahil sa mga tinuran nila. Kung siya iyon, baka hiyang-hiya na siya.
"Rosallia, what are you doing there? Ilapag mo na ang mga inumin namin dito at kumuha ka pa. Sabihin mo rin kay Ebet na dalian ang paggawa ng aming makakain," anang isang boses. Si Don Arturo.
Bumalik siya sa huwisyo at saka lamang niya napagtanto na nakatingin na sa kaniya ang lahat. Lahat sila, nasa kaniya ang mga mata. Sunod-sunod siyang napalunok saka mabilis na tinungo ang center table at doon ipinatong ang tray kapagkuwan ay humarap kay Don Arturo.
"Masusunod po," nakangiti niyang sabi saka yumukod pa upang magbigay galang dito at parang cheetah na nilisan ang sala.
"Bakit namumula ka, Rosallia? May nagpakilig ba sa iyo?" kaagad na tanong ni Ebet sa kaniya habang abala sa paggawa ng sandwich.
Umiling siya. "W-wala ito. Nga pala, bilisan mo na raw at baka gutom na ang mga iyon. May gagawin pa tayo para sa pananghalian nila," gagad niyang sabi saka muling naglagay ng juice sa tray at walang paalam sa kaibigan na lumabas ng kusina.
Kahit na kinakabahan, lakas-loob niyang binalikan ang sala at abala na ang lahat sa pagkukuwentuhan. Kung susumahin niya ang mga tao rito, lagpas na sa bilang ng mga daliri niya. Iyong iba'y hindi niya kilala at iyong iba ay kilala niya dahil nakakasama niya sa mansiyon. Mga kamag-anak ni Don Arturo yata dahil medyo may pagkakahawig silang lahat. Tahimik niyang inilagay ang mga inumin at mabilis na lumisan dahil baka mangyari na naman iyong kanina. Habang naglalakad, nakasalubong niya si Ebet na dala ang mga sandwich. Sunod-sunod na lang siyang napailing saka magpatuloy sa paglalakad.
Nang makarating sa kusina, bumuga siya nang malalim na hininga mula sa bibig. Kanina pa silang walang tigil sa pagtatrabaho. Parang nagsisisi pa siyang pumasok siya bilang kasamabahay dahil hindi pala madali iyon... hirap na hirap at pagod na pagod na siya bawat segundo sa pagtatrabaho lang sa Mansión del Valle.
"What the heck! You messed me!" galit na sigaw ng kung sino at alam na niya kung saan nagmumula iyon— sa sala.
Napapikit na lamang si Rosallia. Lumabas siya ng kusina para tingnan kung ano ang nangyari. Pagkarating niya sa sala, nakita niya si Ebet na nakatayo habang sapo-sapo ang mukha. Anong nangyari rito? Naguguluhan niyang tanong sa sarili saka tinungo ang puwesto ng kaibigan.
"A-anong nangyari sa iyo?" nagtataka niyang tanong.
"Pagsabihan mo siya! Bulag ba siya? She didn't see me? Oh, God! Kung hindi kayo magtatrabaho nang maayos, umalis na lang kayo sa mansiyon ni Kuya Arturo!" nanggagalaiting wika ng isang matandang babae saka nagpupuyos na tumalikod.
At doon ay napasin niyang basa ang matanda at may lati pa sa sahig. Hindi na niya iyon binigyan pa nang pansin bagkus ay binalingan na lang niya si Ebet na mahinang umiiyak.
"Umalis na muna kayo rito, Rosallia at Ebet! Mahiya kayo sa mga kamag-anak ko," saad ni Don Arturo.
"Pasensya na po, Don Arturo," aniya saka hinila ang kaibigan palayo sa mga ito. "Ano bang nangyari, huh? Bakit ganoon na lang ang galit sa iyo ng matandang babae?" mayamaya pa'y tanong niya nang makalabas sila— sa swimming pool area.
Nag-angat ng mukha si Ebet at mula sa pisngi nito, nakita niya ang kulay pulang marka roon. "H-hindi ko naman kasi sinasadya, Rosallia. Umatras lang ako para sana umalis pero hindi ko napansin iyong matanda kaya ayon, natapon iyong juice niya. Rosallia, nagmamakaawa ako, tulungan mo ako, tulungan mo akong hindi mapaalis dito. Alam mo namang parehas nating kailangan ng trabaho," anito saka unti-unting nanulas ang luha sa mga mata nito.
"Hindi ka mapapaalis dito dahil mabait si Don Arturo. At kung oo, sige, tutulungan kitang hindi mapaalis sa mansiyon. Basta't huwag na huwag mo nang gagawin iyong ginawa mo kanina. Huwag kang umatras, humarap ka na agad kung aalis ka. Huwag ka nang umi—" putol niyang wika dahil may biglang nagsalita.
Sabay silang napatingin ni Ebet sa pinanggagalingan ng boses at mula sa hindi kalayuan, nandoon ang isang matandang babae. Nakangisi ito sa kanila at kitang-kita sa mga mata nito ang masamang tingin sa kanilang dalawa.
"At anong ginagawa niyo riyan? Hindi ba't dapat nasa kusina kayo?" tanong nito saka naglakad patungo sa kanilang dalawa.
Parehas silang natuod sa kanilang kinatatayuan. Iba ang awra ng matanda, mukhang mataray— hindi, mataray na talaga. Isama pa ang nakataas na sulok ng labi at pangmalakasan nitong pamaypay. Mukhang sasaktan sila nito kaya naghanda siya. Hinawakan niya ang braso ng kaibigan at kung mangyari man ang iniisip niya, makakaatras sila kaagad.
"Pupunta na po kami sa kusina," bulalas niya sa matanda. "Aalis na p—"
"Pinayagan ko na ba kayong umalis?" mataray na tanong nito saka itinirik ang mga mata. "Just stay there, gusto ko lang kayong tanungin," sabi nito saka itinikom ang pamaypay.
"A-ano po iyon?" kinakabahan niyang tanong.
"Sino ba kayo para pumasok sa mansiyon ng Kuya Arturo ko?" nakatiim-bagang tanong nito kalaunan. "Hindi ba kayo nahihiya? Oh, I forgot, kami dapat ang mahiya. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ng Kuya ko para kumuha ng mga katulong na galing sa burak. Ang dudumi niyo at hindi kayo bagay sa mansiyong ito. At kung ako sa inyo, aalis na ako bago ko pa kayo masaktan. You don't know us, hindi mo kilala ang mga Del Valle." Pagkatapos nitong magsalita, hinampas sila nito ng pamaypay sa kanilang mga ulo. "Lumayas kayo sa harap ko, ang babaho niyo. Bukas na bukas din ay ayaw ko nang makita ang mga pagmumukha niyo! Layas!" galit na sigaw nito na kaagad nilang sinunod.
"Madudumi ba tayo, Rosallia?" mayamaya pa'y tanong ni Ebet habang naglalakad sila papasok sa loob.
Huminga siya ng hangin sa bibig. "Huwag mo nang pansin ang sinabi ng matandang iyon. Oo nga't hindi natin sila kilala pero kilala naman natin si Don Arturo. Huwag mo na lang pakinggan iyon dahil alam kong hindi tayo mapapalayas. Tatagan lang natin ang loob natin lalo pa't may mga hindi magaganda ang loob na nakapaligid sa atin," sagot niya sa kaibigan.
Hindi na siya sinagot nito, nagpatuloy na lang sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa kusina at doon ay namataan nila ang tatlo pa nilang mga kasama na abala sa pagluluto.
NANG DUMATING ANG kinagabihan, umalis na ang mga bisita at nakatayo lamang si Rosallia sa pinto upang hintayin si Don Arturo na makapasok sa loob.
"Kuya, mag-hire ka ng mga maid na galing sa agency at hindi iyong napulot mo lang sa burak," ani matandang babae— iyong babae kanina sa may pool.
Sumosobra na siya pero pinipigilan lang niya ang sarili niya dahil sa lahat ng ayaw niya ay gulo at eskandalo. Oo nga't naririnig niya iyon, pero inilalabas din niya ang mga sinasabi nito sa kabila pa niyang tainga dahil alam naman niyang wala naman iyong kuwenta.
"Madett, huwag mo na silang pansinin. Umuwi ka na at baka hinihintay ka na ng pamilya mo," malumanay na sabi ni Don Arturo sa matandang babae na tinawag nitong Madett.
"Gusto ko sanang manatili rito pero tama ka, naghihintay pa ang pamilya ko. Pero mas pipiliin kong manatili rito para bantayan iyang mga kasambahay mong madudumi. Baka mamaya ay nakawin ng mga iyan ang mga mamahaling mga bagay dito sa mansiyon. Mahirap na. By the way, aalis na ako. Babalik ako next week."
Masakit para sa kaniya. Porke ba mahirap, madumi na? Porke ba mahirap, magnanakaw na? Ang sakit! Sobrang sakit noon at parang gusto na niyang sagutin ito pero hindi niya kaya. Wala sa isip niya ang gumawa ng eskandalo lalo pa't loyal siya kay Don Arturo dahil sa kabaitan nitong taglay.
———