"ROSALLIA!" ISANG MALAKAS na tili ang nagpagising sa dalagang si Rosallia na mahimbing na natutulog sa munti niyang papag. Nakakunot-noo niyang iminulat ang mga mata at umupo sa kinahihigaan.
"Sino iyan?" tanong niya kapagkuwan.
"Halika rito sa labas, Rosallia at nandito si Don Arturo," anang isang pamilyar na boses— ang inay niya.
Nakakunot pa rin ang noo niya ng mga oras na iyon. Tumayo siya at umunat saka lumabas ng kanilang bahay at mula sa harapan niya, isang kumpol ng mga tao ang nakatayo at sa harap nila ay nakatayo ang isang matandang lalaki na may saklay— si Don Arturo Del Valle, ang may-ari ng Valle Hacienda kung saan ay libre silang naninirahan.
"Alam kong nahihirapan kayong lahat dito. Alam kong mahirap ang magsaka ng mga palay kaya gusto kong kumuha ng limang babae rito upang maging kasambahay sa aking mansiyon. Ang mga mapipili ko'y ngayon na rin magtatrabaho kaya't nais kong magtanong kung sino ang gustong maging kasambahay sa aking mansiyon..." saad ni Don Arturo.
Kaagad na nagtaasan ng mga kamay ang mga kababaihan doon maski ang inay niya ay nagtaas. Kasambahay? Mamimili ito ng limang babae upang maging kasambahay ng mansiyon niya? Noon pa man ay gusto na niyang pumasok doon kaya tinaas na rin niya ang kaniyang kamay. Iyon talaga ang pangarap niyo noon pa man, ang makapasok sa napakalaking bahay ng mga Del Valle.
"Ako po, Don Arturo. Kaya ko pong gawin ang lahat!" sigaw ng isang babae.
"Ako rin po, kaya ko pong gawin agad-agad ang mga ipapagawa niyo. Maaasahan po ako, Don Arturo!" sigaw pa ng isang babae.
"Kaya ko pong gawin ang lahat, Don Arturo at kahit pasayahin kayo'y kayang-kaya ko!" singhal naman ng isang halata namang nilalandi ang matanda.
"Sige, mamimili na ako..." ani Don Arturo saka nagsimula nang mamili.
Kabang-kaba si Rosallia dahil baka hindi siya mapili nito. Ayaw niyang maging bula na lang ang pangarap niyang matagal na niyang minimithi. Gusto talaga niyang makapasok sa mansiyon ng mga Del Valle at kung mangyari man iyon, siya na yata ang pinakamasayang babae sa buong planeta.
"Anak, kapag napili ako, mag-iingat ka rito, ha," mayamaya pa'y sabi ng inay niya.
Nakamulagat niya itong binalingan. "Inay, hindi ka mapipili dahil ako ang mapipili riyan, panigurado iyan kaya po kayo ang mag-ingat dito," wika niya.
Kaagad na umarko ang mga kilay nito. "Ako po, Don Arturo!" sigaw nito kapagkuwan.
Napailing na lang siyang tumingin sa matanda na abala sa pagpili. Nang sabihin nitong isa na lang ang pipiliin, doon ay para lalong kinabahan siya na akala mo'y anumang oras ay lalabas sa katawan niya ang puso niya. Diyos ko, sana'y mapili siya.
"Ikaw, hija," nakangiting sabi nito saka tinuro siya.
Nanlaki ang mga mata niya dahil doon. Tumingin siya sa likuran niya para klaruhing siya nga pero wala namang tao sa likod niya. Siya nga yata ang tinuturo nito.
"A-Ako po?" naguguluhan niyang turan saka turo sa sarili.
Tumango si Don Arturo. "Oo, ikaw ang huling napili ko," nakangiti pa ring sabi nito. "Halina't sumama na kayo sa akin dahil ngayon niyo na sisimulan ang pagtatrabaho bilang kasambahay." Matapos nitong magsalita, tumalikod na ito at inalalayan ng dalawang lalaki.
Hindi magkamayaw ang puso niya ng mga oras na iyon kaya wala sa sariling tumalon siya at sunod-sunod na nagpasalamat sa Panginoon. Kalaunan ay binalingan niya ang inay niya pero hindo niya nakitang masaya ang mukha nito, malungkot ito na animo'y natalo sa lotto.
"Inay, ako ang napili kaya sana ay maging masaya ka. Isa pa'y magkakaroon na ako ng trabaho at pinapangako kong hindi ka na magtatanim pa ng palay," ngiting-ngiting sabi niya.
"Nakakainis ka, Rosallia. Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil ikaw ang napili. Mag-ingat ka roon, ha," nakangusong sabi nito saka mahigpit siyang niyakap.
Kung makaakto naman ang inay niya'y akala mo'y magtutungo siya sa ibang bansa. Dito lang din naman siya sa Valle Hacienda, e at hindi siya lalayo. Matapos ang madrama nilang pagpapaalam sa isa't-isa. Umalis na silang lima lulan ng van. At saka lamang niya napagtanto na kasama ang kaibigan niyang si Ebet.
"Bakit kaya ang hilig ni Don Arturo sa mga bata?" mayamaya pa'y tanong ng kaibigan niya— si Ebet.
"Ayon nga rin ang iniisip ko kanina pa. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko dahil baka hindi lang kasambahay ang maging trabaho natin doon," anang isang katabi ni Ebet na sinang-ayunan ng dalawa pang hindi naman niya kilala.
"E, ikaw, Rosallia, anong masasabi mo?" tanong ni Ebet sa kaniya.
Bumuga siya ng hangin sa bibig saka sinagot ang kaibigan. "Huwag nga kayong mag-isip ng ganiyan. Kilala naman natin si Don Arturo at napakabait niya sa ating lahat. Tingnan mo, lahat tayong nakatira rito ay binigyan ng lupa para sakahan. Libre rin tayong pinatira rito kaya huwag kayong mag-isip ng masasama. Ang isipin na lang natin ay kung ilang araw natin malilinis ang mansiyon niya. At saka kilala si Don Arturo kaya kapag gumawa siya ng mali— na ikakasira niya, maaari siyang bumagsak," lintaya niya sa mga ito.
Hindi na siya sinagot ng mga ito. Para yatang pumasok sa mga utak ng mga ito ang sinabi niya. Dapat lang dahil hindi naman ganoon si Don Arturo. Mabait ang matandang iyon noon pa man.
Halos kalahating-oras ang byinahe nila nang makarating sila sa Mansión del Valle, ang mansiyon ng mga Del Valle. Nasa gate pa lamang sila pero nalulula na kaagad si Rosallia dahil sa angking laki at taas nito. Isama pa ang gate na sobrang taas. Iba talaga ang mga Del Valle, mayayaman at talagang kilala. Dati, sumisilip lang siya pero ngayon ay makakapasok na siya. Sobrang saya niya. Mayamaya pa ay kusang bumukas ang malaking gate na nagpabilib sa kanilang lahat. Kalaunan ay inaya na sila ng isang lalaki papasok sa loob na ginawa naman nila. Bawat hakbang ng mga paa nila, bumibilib sila sa aking taglay ng kapaligiran. Ang laki ng garden at may fountain pa sa gitna nito. Kulang na lang ay maging puso ang mga mata ni Rosallia dahil sa mga nakikita. At ilang minuto pa ang lumipas, bumukas ang pinto— ng kusa na katulad lamang ng gate kanina. Pumasok na sila na nagpaamang sa kaniyang bibig. Ang laki ng loob at sobrang tayog. Ang daming mamahaling gamit na mukhang noon pa naka-display. Isama pa ang malaking chandelier na nasa itaas.
"Ang ganda," manghang sabi niya.
———